Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 10/8 p. 9-11
  • Sa Wakas—Isang Pamahalaang Lulutas sa Krimen

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sa Wakas—Isang Pamahalaang Lulutas sa Krimen
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Isang Pandaigdig na Trahedya”
  • Ang Pamahalaan na Lulutas sa Krimen
  • Isang Daigdig na Walang Krimen
  • Nang Wala Pang Krimen
    Gumising!—1998
  • Bakit Napakaraming Krimen?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Nagsisikap na Lutasin ang Krimen
    Gumising!—1996
  • Bigong Pakikibaka Laban sa Krimen
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 10/8 p. 9-11

Sa Wakas​—Isang Pamahalaang Lulutas sa Krimen

INIHULA ng Bibliya na sa ating kaarawan ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan.” (2 Timoteo 3:2, 3) Ang gayong uri ng mga tao ang gumagawa ng mga krimen.

Yamang ang mga tao ang gumagawa ng mga krimen, kung sila’y magbabago sa ikabubuti, mababawasan ang krimen. Subalit hindi kailanman madali para sa mga tao na magbago sa ikabubuti. Mas mahirap ngayon higit kailanman, sapagkat mula noong 1914, isang petsang pinatunayan ng kronolohiya ng Bibliya, tayo’y nabubuhay na sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay. Gaya ng inihula ng Bibliya, ang panahong ito ay kakikitaan ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Ang mapanganib na mga panahong ito ay pinangyari ni Satanas na Diyablo, ang pinakaimbing kriminal sa lahat, na “may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.”​—2 Timoteo 3:1; Apocalipsis 12:12.

Ipinaliliwanag niyan ang pagdami ngayon ng krimen. Nalalaman ni Satanas na siya at ang kaniyang sistema ay malapit nang puksain. Sa maikling panahong natitira, hinahanap niya ang lahat ng posibleng paraan upang pagyamanin sa mga tao ang masasamang katangiang binabanggit sa 2 Timoteo kabanatang 3. Kaya nga, upang lutasin ng isang pamahalaan ang krimen, dapat nitong alisin ang impluwensiya ni Satanas at tulungan din ang mga tao na magbago upang hindi na sila kumilos sa paraan na inilarawan sa itaas. Subalit kaya ba ng anumang pamahalaan ang nakahihigit sa tao na atas na ito?

Walang pamahalaan ng tao ang makagagawa nito. Iminungkahi ni J. Vaskovich, isang guro sa batas sa Ukraine, ang pangangailangan para sa “isang may kakayahang lupon, na mapagkakaisa at mapag-uugnay ang mga pagsisikap ng lahat ng mga organisasyon ng estado at ng bayan.” At ganito ang sinabi ni Pangulong Fidel Ramos ng Pilipinas sa isang pandaigdig na komperensiya tungkol sa krimen: “Dahil sa wari bang pinaliit ng modernisasyon ang ating daigdig, ang krimen ay nakatawid sa pambansang mga hangganan at naging isang problemang transnasyonal o internasyonal. Samakatuwid ang mga solusyon ay dapat na transnasyonal din.”

“Isang Pandaigdig na Trahedya”

Ang United Nations ay isang transnasyonal (internasyonal) na lupon. Mula nang itatag ito, sinikap na nitong sugpuin ang krimen. Subalit wala na itong lunas na gaya ng pambansang mga pamahalaan. Ganito ang sabi ng aklat na The United Nations and Crime Prevention: “Nahigitan ng krimen sa loob ng bansa ang kontrol ng karamihan ng indibiduwal na mga bansa at mabilis na dumami ang transnasyonal na krimen na hindi kayang abutin ng internasyonal na pamayanan. . . . Ang krimen na ginagawa ng organisadong kriminal na mga grupo ay lumawak sa nakatatakot na kasukat, taglay ang totoong malubhang mga resulta na gaya ng pisikal na karahasan, pananakot at katiwalian ng mga opisyal ng bayan. Ang terorismo ay kumitil ng sampu-sampung libong walang-malay na mga biktima. Ang nakapipinsalang ilegal na kalakalan ng nakasusugapang mga narkotiko ay naging pambuong-daigdig na trahedya.”

Si James Madison, ikaapat na pangulo ng Estados Unidos, ay minsang nagsabi: “Sa pagtatatag ng isang pamahalaan na doo’y pamamahalaan ng mga tao ang mga tao, narito ang malaking problema: dapat munang makayang supilin ng pamahalaan ang pinamamahalaan; at pagkatapos ay obligahin itong supilin ang kaniyang sarili mismo.” (Ihambing ang Eclesiastes 8:9.) Kaya ang ulirang solusyon ay palitan ang mga pamahalaan na ‘pinamamahalaan ng mga tao ang mga tao’ ng isang sistema kung saan ang Diyos ang mamamahala. Ngunit makatotohanan ba ang solusyong iyan?

Ang Pamahalaan na Lulutas sa Krimen

Ang mga tunay na Kristiyano ay naniniwala sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos.a Ito’y isang tunay na pamahalaan. Bagaman ang Kaharian ay hindi nakikita sapagkat ito’y nasa langit, ang mga nagawa nito sa lupa ay nakikita. (Mateo 6:9, 10) Ito’y binubuo ni Kristo Jesus at ng 144,000 na mga tao na kinuha “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa . . . upang mamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” Pamamahalaan ng makapangyarihang pamahalaang ito ang “isang malaking pulutong” ng mga sakop na, gaya ng inihuhula ng Bibliya, ay manggagaling din “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apocalipsis 5:9, 10; 7:9) Kaya, kapuwa ang mga mamamahala at ang mga sakop ay mula sa lahat ng mga bansa, isang tunay na nagkakaisang bayan mula sa lahat ng mga bansa, na may pagsang-ayon ng Diyos.

Palibhasa’y tinatanggap ang pamamahala ng Diyos, lubhang napagtagumpayan ng mga Saksi ni Jehova ang problema ng krimen sa loob mismo ng kanilang grupo. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa karunungan ng mga simulain ng Bibliya, sa pagkakapit nito sa kanilang buhay, at sa pagpapahintulot sa kanilang sarili na maudyukan ng pinakamakapangyarihang puwersa sa sansinukob, ang espiritu ng Diyos, at ang bunga nito​—ang pag-ibig. Ganito ang sabi ng Salita ng Diyos: “Damtan ninyo ang inyong mga sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Sa mahigit na 230 bansa, isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang pag-ibig at pagkakaisang ito, ipinakikita kung paanong ang Kaharian ng Diyos ay gumagawa na ng mga hakbang upang lutasin ang krimen.

Ito’y makikita sa mga resulta ng surbey noong 1994 kung saan 145,958 mga Saksi ni Jehova sa Alemanya ang nakibahagi. Inamin ng marami sa kanila na kailangan nilang pagtagumpayan ang malulubhang kasalanan upang maging mga Saksi. Sila’y naudyukan na gawin iyon sa pamamagitan ng kanilang pag-aaral ng Bibliya. Halimbawa, napagtagumpayan ng 30,060 ang pagkasugapa sa sigarilyo o droga; inihinto ng 1,437 ang pagsusugal; itinuwid ng 4,362 ang marahas o masamang ugali; napagtagumpayan ng 11,149 ang mga ugaling gaya ng paninibugho o poot; at naibalik ng 12,820 ang katahimikan ng pamilya sa magulong buhay pampamilya.

Bagaman ang mga resultang ito ay nagsasangkot sa mga Saksi ni Jehova sa isa lamang bansa, karaniwan ito sa mga Saksi sa buong daigdig. Kunin halimbawa, ang kabataang taga-Ukraine na nagngangalang Yuri. Nang magsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, siya ay isang mandurukot. Nakapaglakbay pa nga siya sa Moscow kung saan alam niya na ang maraming tao roon ay magpapadali sa kaniyang “trabaho.”

Noong 1993, si Yuri ay nasa Moscow muli, kasama ng maraming tao. Subalit wala sa mahigit na 23,000 katao na naroroon sa Locomotive Stadium noong Biyernes, Hulyo 23, ang kailangang matakot sa kaniya, sapagkat siya ngayon ay isa na sa mga Saksi ni Jehova. Oo, si Yuri ay nasa entablado na nakikibahagi sa isang programang iniharap sa mga tagapakinig mula sa buong mundo. Palibhasa’y nagbago na sa ikabubuti, sinusunod niya ang payo ng Bibliya: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa.”​—Efeso 4:28.

Tinalikdan ng maraming iba pa na gaya ni Yuri ang masamang buhay upang maging karapat-dapat sa buhay sa bagong sanlibutan ng katuwiran ng Diyos. Idiniriin nito ang katotohanan ng sinabi ni Sir Peter Imbert, isang dating opisyal ng pulisya sa Britanya: “Ang krimen ay masasawata sa magdamag kung ang lahat ay handang gumawa ng pagsisikap.” Ang programa sa edukasyon ng Bibliya na iniaalok ng pamahalaan ng Diyos ay naglalaan sa tapat-pusong mga tao ng pangganyak na kailangan nilang “gumawa ng pagsisikap.”

Isang Daigdig na Walang Krimen

Ang krimen sa anumang anyo nito ay nagpapakita ng kakulangan ng pag-ibig sa iba. Sinusunod ng mga Kristiyano ang halimbawa ni Jesus, na nagsabi: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.” At, “Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”​—Mateo 22:37-39.

Ang tanging pamahalaan na nakatalagang lumutas ng krimen sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao na sundin ang dalawang utos na ito ay ang Kaharian ng Diyos. Ngayon, mahigit na limang milyon ng mga Saksi ni Jehova ang nakikinabang mula sa pagtuturong ito. Determinado silang huwag mag-ugat sa kanilang mga puso ang masamang mga hilig, handang gumawa ng anumang personal na pagsisikap na kinakailangan upang makatulong sa isang daigdig na walang krimen. Ang nagawa ng Diyos sa kanilang mga buhay ay isa lamang patikim ng kung ano ang gagawin niya sa kaniyang bagong sanlibutan sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang makalangit na pamahalaan. Isip-isipin ang isang daigdig na hindi na nangangailangan ng mga pulis, hukom, abogado, o mga bilangguan!

Ang paggawa nito sa buong daigdig na lawak ay magsasangkot ng pinakamalaking pagbabago sa kasaysayan ng pamahalaan, na gagawin mismo ng Diyos. Ang Daniel 2:44 ay nagsasabi: “At sa mga kaarawan ng mga haring yaon [na umiiral ngayon] ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang [makalangit na] kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” Dudurugin din ng Diyos si Satanas, wawakasan ang kaniyang masamang impluwensiya.​—Roma 16:20.

Minsang mapalitan na ang mga pamahalaan ng tao ng makalangit na pamahalaan ng Diyos, ang mga tao ay hindi na kailanman muling mamamahala sa isa’t isa. Ang makalangit na mga hari​—mga haring mas mataas kaysa sa mga anghel​—ang magtuturo sa sangkatauhan sa mga daan ng katuwiran. Sa panahong iyon, wala nang mga pataksil na pagpatay, mga pagsalakay na gamit ang nakalalasong gas, o mga bomba ng terorista! Wala nang mga kawalan ng katarungan sa lipunan na nagiging dahilan ng krimen! Wala nang mga maykaya at walang kaya!

Ganito ang sabi ni Propesor S. A. Aluko, ng Obafemi Awolowo University sa Nigeria: “Ang mga dukha ay hindi makatulog sa gabi dahil sa gutom; ang mga mayaman naman ay hindi makatulog dahil sa gising ang mga dukha.” Subalit hindi na magtatagal ang lahat ay mahimbing na makatutulog sa pagkaalam na sa wakas ay nalutas na ng pamahalaan​—ng pamahalaan ng Diyos​—ang krimen!

[Talababa]

a Para sa detalyadong paliwanag sa kung ano ang Kaharian ng Diyos at kung paano makikinabang dito ang sumasampalatayang sangkatauhan, pakisuyong basahin ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 10]

Isang dating magnanakaw at ang kaniyang biktima, ngayo’y nagkakaisa bilang magkapatid na Kristiyano

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share