Barkadahan ng mga Babae—Isang Nakatatakot na Kausuhan
“MALUPIT, nagwawala sa galit at brutal” ang mga salitang ginamit ng pahayagang The Globe and Mail upang ilarawan ang barkadahan o mga gang ng babae na matatagpuan sa mga paaralan sa haiskul sa Canada. Dahil sa pagal na sa pagiging bahagi ng barkadahan ng kalalakihan, iginigiit ng dumaraming bilang ng mga batang babae ang kanilang kalayaan. Sinabi ng isang detektib na pulis sa Toronto, na dalubhasa sa barkadahan ng kabataan, na “ipinaggigiitan [ng mga kabataang babae] ang kanila mismong mga sarili sa napakarahas na paraan.” Sila’y handang “gumamit ng mga armas at ‘matitinding’ puwersa” at “malimit na malupit at mabalasik kaysa katapat nilang mga lalaki,” sabi ni Dr. Fred Mathews sa Globe. Bakit? Ang bantog na kaisipan sa gitna ng tampalasang mga kabataan, ayon sa isang kustableng pulis, ay na ang mga babae ay “mas malamang na mabilanggo nang mas maikling panahon kung sila’y mahuli.” Sinabi ng isang tagapagsalita ng pulisya sa Globe na “ang mga batang babae na kasimbata ng 11 ay nasasangkot sa maliliit na krimen at pagbebenta ng droga at mga armas sa mga paaralan sa haiskul.”
Nagsagawa ng panayam si Dr. Mathews, isang sikologo at may awtoridad sa gayong karahasan, sa mga miyembro ng barkadahan ng kababaihan sa loob ng sampung taon at natuklasan niyang sila’y “galit at nagrerebelde, pangunahin nang dahil sa isang mapang-abuso o magulong pamilya.” Ano ang umaakit sa gayong mga kabataan sa mga barkadahan? Ang mga barkada ay nagdudulot ng “isang diwa ng pamayanan at katiwasayan,” sabi ng dating miyembro. Gayunman, nang kapanayamin ng pahayagan, inamin niya na dalawang beses siyang nagtangkang magpatiwakal upang makatakas sa barkada at ganito pa ang sabi niya: “Ang napakaraming sinasabing mga aksidenteng pagkamatay at mga pagpapatiwakal sa mga lugar malapit sa siyudad ay patayan ng magkakabarkada. Iniingatan ninyo ang isa’t isa kapag kasama mo ang barkada. Ang problema ay hindi ninyo maingatan ang isa’t isa kapag kayo-kayo na lamang.”
Ganito ang sabi ng isang nababahalang guro sa haiskul: “Ang mararahas na mga batang babae na pinakikitunguhan namin ay talagang hindi mo mataros ang loob. Kapag sila’y galit hindi mo alam kung paano ito isasagawa. At kung ikaw ay isang guro, talagang nakatatakot iyan.” Tungkol sa “mga huling araw,” inihula ng Bibliya na ang mga panahon ay magiging “mahirap pakitunguhan” sapagkat ang mga tao, kalakip na ang mga kabataan, ay magiging “walang pagpipigil-sa-sarili, mabangis.”—2 Timoteo 3:1-5.