Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagkaliyo sa Biyahe Ako po’y sampung taóng gulang at ibig ko kayong pasalamatan dahil sa tudling na “Pagkaliyo sa Biyahe” sa “Pagmamasid sa Daigdig.” (Enero 22, 1996) Sinubukan ko ang mga mungkahi sa artikulo, at naging mabisa ang mga ito! Pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang paglalathala ng gayong mga artikulo.
J. C. S., Brazil
Pagkabingit sa Kamatayan Sumulat ako may kinalaman sa artikulong “Natuto ang mga Doktor sa Pagkabingit Ko sa Kamatayan.” (Disyembre 22, 1995) Hindi ba’t ang erythropoietin ay may halong kaunting albumin, isang protina ng dugo?
R. P., Estados Unidos
Sa ilang kalagayan, oo, at ang bawat Kristiyano ay dapat na personal na magpasiya kung tatanggap ba o hindi ng mga gamot na nagtataglay ng kaunting albumin. Para sa detalyadong pagtalakay, pakisuyong tingnan ang “Mga Tanong Mula sa Mambabasa” sa labas ng Oktubre 1, 1994, at Hunyo 1, 1990, ng “Ang Bantayan.”—ED.
Lindol Nabasa ko ang artikulong “Biglaang Sakuna sa Hapón—Kung Paano Hinarap ng mga Tao.” (Agosto 22, 1995) Naisip ko lamang, bakit ninyo itinakda ang mga tulong sa mga Saksi lamang? Maaaring isipin ng isa na maaari sanang ipinaabot ng mga Saksi ang pag-ibig kapuwa sa mga Saksi at di-Saksi.
V. C. E., Nigeria
Ang totoo, maraming di-Saksi ang natulungan. Kalimitan, ang pagpapadaan ng tulong sa pamamagitan ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay napatunayang siyang pinakamabilis na paraan upang makaabot ang mga tulong sa mga nangangailangan. Sa isang kalagayan dalawang van na punung-puno ng pagkain ang ipinadala sa lokal na sentro para sa mga nagsilikas. Maraming gayong halimbawa ang mababanggit. Natural lamang, nagbibigay ng priyoridad ang mga Saksi sa mga miyembro ng kongregasyon, yamang sa Bibliya tayo’y pinayuhan ng ganito: “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10)—ED.
Kompetisyon sa Isport Nakalilito para sa akin ang inyong artikulong “Masama Ba ang Kompetisyon sa Isport?” (Disyembre 8, 1995), anupat ginamit dito ang Galacia 5:26. Ano ang kinalaman ng aklat ng Galacia sa isport at mga laro? Ang sinasabi ni Pablo ay tungkol sa espiritu laban sa laman at kalayaan laban sa pagkaalipin. Ganito ang sabi ng King James Version: “Huwag nating hangarin ang walang kabuluhang kaluwalhatian, na gumagalit sa isa’t isa.”
P. O., Estados Unidos
Totoong hindi espesipikong nasaisip ng apostol ang atletikong kompetisyon nang isulat niya ang mga pananalitang iyon. Gayunman, maliwanag ang mga Kristiyano ay gumagawa ng di-makatarungang paghahambing sa isa’t isa. Ito’y umakay sa ‘makalamang’ mga saloobing gaya ng ‘awayan, alitan, paninibugho, mga pagtatalo at pagkakabaha-bahagi.’ (Galacia 5:20, 21; 6:3, 4) Kaya si Pablo ay nagbabala sa mga Kristiyano na huwag ‘magsulsulan ng pagpapaligsahan sa isa’t isa.’ Ayon sa “The New Thayer’s Greek-English Lexicon,” ang salitang Griego na isinaling “kompetisyon” ay nangangahulugang “upang hamunin sa labanan o paligsahan ang isa.” Ang simulaing ito ay tiyak na kapit sa mga isport o sa anumang gawain na magpapangyari sa mga Kristiyano na makipagpaligsahan sa isa’t isa sa isang hindi mabuting paraan.—ED.
Kawalan ng Interes sa Pagbasa Nabasa ko ang artikulong “Mag-ingat Laban sa Kawalan ng Interes sa Pagbasa” (Enero 22, 1996) at nasiyahan ako nang lubusan dito anupat naudyukan akong sumulat upang magpasalamat sa nakapagtuturong babasahin na inyong inilaan. Ang pagbabasa ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na makilala ang Maylalang ng sansinukob sa pamamagitan ng kaniyang mahalagang Salita, ang Bibliya. Kaya may kaugnayan sa pagitan ng kahinaan sa espirituwalidad at kawalang interes sa pagbasa.
R. R., Estados Unidos
Bagaman ako’y bautisadong Kristiyano sa loob ng 28 taon na at isang regular na mambabasa ng mga publikasyon ng Samahan, ako’y nagpapabukas-bukas at nadarama ko na ako’y nawawalan ng pagnanais na bumasa. Espesipikong binanggit ng inyong artikulo ang aking suliranin! Ang inyong pangangatuwiran sa paksang ito ay gumanyak sa akin na magbasa upang ako mismo’y makinabang.
A. O., Canada