Sakit sa Puso—Isang Banta sa Buhay
SA BAWAT taon milyun-milyong lalaki at babae sa buong daigdig ang inaatake sa puso. Marami ang nakaliligtas na may masasamang epekto bunga nito. Ang iba ay hindi nakaliligtas. Ang iba naman ay lubhang napinsala ang puso anupat “walang katiyakan kung makababalik pa sa kapaki-pakinabang na mga gawain,” sabi ng espesyalista sa puso na si Peter Cohn, at sinabi pa nito: “Kaya nga, mahalaga na hangga’t maaari ay gawan ng paraan ang mga atake sa puso habang maaga pa.”
Ang puso ay isang kalamnan na nagbobomba ng dugo sa buong katawan. Sa isang atake sa puso (myocardial infarction), ang bahagi ng kalamnan ng puso ay namamatay kapag napagkaitan ng dugo. Upang manatiling malusog, kailangan ng puso ang oksiheno at iba pang nutriyente na dinadala ng dugo. Nakukuha nito ang mga ito sa pamamagitan ng mga arterya sa puso, na nakabalot sa labas ng puso.
Maaaring maapektuhan ng mga sakit ang anumang bahagi ng puso. Subalit, ang pinakakaraniwan ay ang traidor na sakit sa mga arterya ng puso na tinatawag na atherosclerosis. Kapag nangyari ito, nagkakaroon ng plaque, o mga deposito ng taba, sa pinakasapin ng arterya. Sa paglipas ng panahon, ang taba ay maaaring dumami, tumigas at pakiputin ang mga arterya, at barahan ang pagdaloy ng dugo sa puso. Ang natatagong coronary artery disease (CAD) na ito ang siyang humahantong sa karamihan ng mga atake sa puso.
Ang pagbabara sa isa o mahigit pang arterya ang pinagmumulan ng atake kapag ang pangangailangan ng puso para sa oksiheno ay nasobrahan ng panustos na oksiheno. Kahit na sa mga arterya na hindi gaanong kumipot, ang deposito ng taba ay maaaring pumutok at humantong sa pamumuo ng dugo (thrombus). Ang may karamdamang mga arterya ay mas malamang din na manigas. Maaari ring magkaroon ng pamumuo ng dugo sa lugar ng ugat na nanigas, na naglalabas ng isang kemikal na lalo pang nagpapakipot sa pinakasapin ng arterya, na pinagmumulan ng isang atake.
Kapag ang kalamnan ng puso ay napagkaitan ng oksiheno nang matagal, ang kalapit na himaymay ay maaaring mapinsala. Di-gaya ng ilang himaymay, ang kalamnan ng puso ay hindi napalalakas-muli. Mientras mas matagal ang atake, mas malaki ang pinsala sa puso at mas malamang na mamatay. Kapag napinsala ang elektrikal na sistema ng puso, ang normal na ritmo ng puso ay maaaring magulo at ang puso ay maaaring kumibot nang husto (mabilis at di-regular na pagkibot ng mga himaymay ng kalamnan ng puso). Sa gayong sakit sa puso na arrhythmia, ang kakayahan ng puso na mabisang magbomba ng dugo sa utak ay humihinto. Sa loob ng sampung minuto ang utak ay namamatay at nangyayari ang kamatayan.
Kaya nga, ang maagap na pagkilos ng sinanay na medikal na tauhan ay mahalaga. Maililigtas nito ang puso mula sa nangyayaring pinsala, mahadlangan o magamot ang arrhythmia, at mailigtas pa nga ang buhay ng isang tao.