Kilalanin at Kumilos Kasuwato ng mga Sintomas
KUNG mangyari ang mga sintomas ng atake sa puso, mahalagang sumugod agad sa doktor, yamang napakalaki ng panganib ng pagkamatay sa loob ng unang oras pagkatapos ng atake. Ang mabilis na paggamot ay makapagliligtas sa kalamnan ng puso mula sa di-maaayos na pinsala. Kung mas maraming kalamnan ng puso ang hindi mapipinsala, mas mabisang bobombang muli ang puso pagkatapos ng atake.
Gayunman, ang ilang atake sa puso ay tahimik, walang panlabas na mga sintomas. Sa mga kasong ito ang tao ay maaaring walang kabatiran na siya ay may sakit sa puso o coronary artery disease (CAD). Nakalulungkot nga, para sa ilan ang isang malubhang atake ay maaaring siyang unang pahiwatig ng sakit sa puso. Kapag nangyari ang cardiac arrest (ang puso ay humihinto sa pagbomba), napakaliit ng tsansang mabuhay malibang tumawag kaagad ng isang pangkat na tagasagip at isang miron ang gumawa agad ng cardiopulmonary resuscitation (CPR).
Ang Harvard Health Letter ay nag-uulat, na ipinagpapaliban ng halos kalahati ng karamihan ng mga may sintomas ng CAD ang agad na pagpapatingin sa doktor. Bakit? “Karaniwan na sapagkat hindi nila nalalaman kung ano ang kahulugan ng kanilang mga sintomas o hindi nila ito itinuturing na seryoso.”
Si John,a isang biktima ng atake sa puso at isa sa mga Saksi ni Jehova, ay nakikiusap: “Kapag napansin ninyong hindi mabuti ang inyong pakiramdam, huwag iantala ang pagpapatingin sa doktor sa takot na magtinging madrama. Muntik na akong mamatay dahil sa hindi ako kumilos kaagad.”
Ang Nangyari
Ganito ang sabi ni John: “Isang taon at kalahati bago ang aking atake sa puso, ako’y binabalaan ng doktor tungkol sa aking mataas na kolesterol, isang malaking panganib sa CAD. Subalit iniwasan ko ang isyung ito, sapagkat inaakala kong bata pa ako—wala pa akong 40—at nasa mabuting kalusugan. Pinagsisisihan ko nang labis na hindi ako gumawa ng paraan noon pa. Nagkaroon ako ng iba pang nagbababalang mga palatandaan—pangangapos ng hininga kapag kumikilos, mga kirot na akala ko’y dahil sa hindi natunawan, at sa loob ng ilang buwan bago ang atake, labis na pagkapagod. Ang karamihan dito ay isinisi ko sa kakaunting tulog at labis na kaigtingan sa trabaho. Tatlong araw bago ang aking atake sa puso, nagkaroon ako ng akala ko’y paninigas ng kalamnan sa aking dibdib. Ito ay isang mahinang atake bago ang malubhang atake pagkalipas ng tatlong araw.”
Ang kirot o paninikip ng dibdib, na tinatawag na angina, ay nagbababala sa halos kalahati ng mga inaatake sa puso. Nararanasan ng ilan ang pangangapos ng hininga o pagkahapo at panghihina bilang mga sintomas, na nagpapahiwatig na ang puso ay hindi nakakakuha ng sapat ng oksiheno dahil sa isang bara sa puso. Ang nagbababalang mga palatandaang ito ay dapat na magpakilos sa isa na magtungo sa doktor para sa isang pagsusuri sa puso. Ganito ang sabi ni Dr. Peter Cohn: “Minsang magamot ang angina, walang garantiya na mahahadlangan ang isang atake sa puso, subalit sa paano man ay nababawasan ang tsansa ng nalalapit na atake.”
Ang Atake
Si John ay nagpapatuloy: “Nang araw na iyon kami ay maglalaro ng softball. Habang isinusubo ko ang isang hamburger at pritong patatas para sa tanghalian, hindi ko gaanong pinansin ang hirap, pagkaalibadbad, at paninigas ng itaas na bahagi ng katawan ko. Subalit nang makarating na kami sa palaruan at naglaro, masama na ang pakiramdam ko. Kinahapunan, lalong lumala ang pakiramdam ko.
“Ilang beses akong nahiga sa bangko ng mga manlalaro, nakatihaya, at sinisikap kong banatin ang mga kalamnan ko sa dibdib, subalit lalo lamang nagsisikip. Samantalang ako’y naglalaro, naisip ko, ‘Marahil ay may trangkaso ako,’ sapagkat ako kung minsa’y nanlalamig at nanghihina. Nang tumakbo ako, kinakapos ako ng hininga. Muli akong nahiga sa bangko. Pag-upo ko, walang alinlangan na masama ang aking nararamdaman. Ako’y sumigaw sa anak kong si James: ‘Dalhin ninyo ako sa ospital NGAYON!’ Pakiwari ko ba’y bumagsak ang dibdib ko. Napakatindi ng sakit anupat hindi ako makabangon. Naisip ko, ‘Atake kaya ito sa puso? Ako’y 38 lamang!’ ”
Ganito ang kuwento ng anak ni John, na 15 anyos noon: “Ilang minuto lamang ang lumipas at nawalan na ng lakas ang aking itay, anupat kinailangan siyang buhatin patungo sa kotse. Ang kaibigan ko ang nagmaneho ng kotse samantalang tinatanong ko si Itay upang alamin ang kaniyang kalagayan. Sa wakas, hindi na sumagot si Itay. ‘John!’ ang sigaw ng kaibigan ko. Ngunit hindi pa rin sumasagot ang tatay ko. Pagkatapos si Itay ay biglang kumilos sa kaniyang upuan, nangingisay at nagsusuka. Paulit-ulit akong sumigaw: ‘Itay! Mahal kita! Huwag ninyo akong iwan!’ Pagkaraan niyang mangisay, ang kaniyang buong katawan ay nanlambot sa upuan. Akala ko’y namatay na siya.”
Sa Ospital
“Tumakbo kami sa loob ng ospital upang humingi ng tulong. Dalawa o tatlong minuto ang nakalipas mula nang akala ko’y patay na si Itay, subalit umasa akong maisasauli pa ang kaniyang buhay. Sa pagtataka ko, halos 20 kapuwa Saksi ni Jehova na nasa palaruan ang nasa hintayang silid. Inaliw nila ako at pinagpakitaan ng pag-ibig, na malaking tulong sa gayong malungkot na panahon. Pagkalipas ng halos 15 minuto, isang doktor ang dumating at nagpaliwanag: ‘Naisauli namin ang buhay ng iyong itay, subalit nagkaroon siya ng grabeng atake sa puso. Hindi namin tiyak kung mabubuhay pa siya.’
“Pinahintulutan niya akong makitang sandali si Itay. Ako’y nalipos ng mga kapahayagan ng pag-ibig ni Itay para sa aming pamilya. Sa matinding kirot, ang sabi niya: ‘Anak, mahal kita. Lagi mong tandaan na si Jehova ang pinakamahalagang persona sa ating buhay. Huwag kang huminto sa paglilingkod sa kaniya, tulungan mo ang iyong inay at ang mga kapatid mo na huwag kailanman huminto sa paglilingkod sa kaniya. Mayroon tayong matibay na pag-asa sa pagkabuhay-muli, at kung sakaling mamatay ako, nais kong makita kayong lahat pagbalik ko.’ Kapuwa kami lumuluha ng mga luha ng pag-ibig, takot, at pag-asa.”
Ang asawa ni John, si Mary, ay dumating pagkalipas ng isang oras. “Pagpasok ko sa emergency room, ang sabi ng doktor: ‘Ang asawa ninyo ay nagkaroon ng grabeng atake sa puso.’ Natulala ako. Ipinaliwanag niya na ang puso ni John ay walong ulit nang sumailalim ng defibrillation. Ang paraang ito na ginagamit sa biglang pangangailangan ay nagsasangkot ng paggamit ng elektrikal na boltahe upang pahintuin ang matinding pagkibot ng puso at isauli ang normal na tibok ng puso. Karagdagan pa sa CPR, paglalagay ng oksiheno, at pagtuturok ng gamot sa ugat, ang defibrillation ay isang modernong paraan ng pagliligtas-buhay.
“Nang makita ko si John, halos madurog ang puso ko. Napakaputla niya, at maraming tubo at mga kawad na nakakabit sa kaniyang katawan tungo sa mga monitor. Tahimik, ako’y nanalangin kay Jehova na bigyan ako ng lakas upang mabata ko ang pagsubok na ito alang-alang sa aming tatlong anak na lalaki, at nanalangin ako para sa patnubay upang gumawa ng matalinong mga pasiya tungkol sa maaaring mangyari. Habang papalapit ako sa kama ni John, naisip ko, ‘Ano ba ang sinasabi mo sa iyong mahal sa panahon na gaya nito? Talaga bang handa kami para sa gayong agaw-buhay na kalagayan?’
“‘Honey,’ sabi ni John, ‘alam mong baka hindi ko maligtasan ito. Ngunit mahalaga na kayo ng mga bata ay manatiling tapat kay Jehova sapagkat malapit nang magwakas ang sistemang ito at mawawala na ang sakit at kamatayan. Nais kong magising sa bagong sistema at makita ka at ang mga bata na naroroon.’ Tumulo ang mga luha sa aming mukha.”
Nagpaliwanag ang Doktor
“Nang maglaon ay tinawag ako ng doktor at ipinaliwanag na ipinakikita ng pagsusuri na ang atake sa puso ni John ay dahil sa 100-porsiyentong bara sa kaliwang arterya. May bara rin siya sa iba pang arterya. Sinabi sa akin ng doktor na dapat akong magpasiya tungkol sa paggamot kay John. Ang dalawa sa mapagpipilian ay mga gamot at angioplasty. Inaakala niyang ang huling banggit ay mas mabuti, kaya pinili namin ang angioplasty. Subalit hindi nangako ang mga doktor yamang ang karamihan ay hindi nakaliligtas sa ganitong uri ng atake sa puso.”
Ang angioplasty ay isang paraan ng pag-opera na doon isang catheter na may lobo sa dulo ang ipinapasok sa arterya patungo sa puso at saka hinihipan upang buksan ang bara. Ang paraang ito ay matagumpay sa pagsasauli sa pagdaloy ng dugo. Kapag ilang arterya ang lubhang nabarahan, karaniwang inirerekomenda ang operasyong bypass.
Nakatatakot na Paghula
Pagkatapos ng angioplasty, ang buhay ni John ay patuloy na nanganib sa sumunod na 72 oras. Sa wakas, ang kaniyang puso ay nakabawi mula sa trauma. Subalit ang puso ni John ay kalahati lamang ang kakayahang bumomba kaysa dati at malaking bahagi nito ang naging himaymay na pilat, anupat halos hindi maiiwasan na siya’y malumpo.
Sa paggunita, si John ay nagpapayo: “Utang natin sa ating Maylikha, sa ating mga pamilya, sa ating espirituwal na mga kapatid, at sa ating sarili na sundin ang mga babala at pangalagaan ang ating kalusugan—lalo na kung tayo ay nanganganib. Sa malaking bahagi, tayo ay maaaring maging sanhi ng kaligayahan o dalamhati. Nasa atin iyon.”
Ang kaso ni John ay grabe at nangailangan ng kagyat na pansin. Subalit hindi lahat ng nakadarama ng kirot sa dibdib ay kailangang sumugod sa isang doktor. Gayunman, ang karanasan niya ay isang babala, at yaong nakadaramang sila’y may mga sintomas ay dapat magpatingin.
Ano ang magagawa upang mabawasan ang panganib ng atake sa puso? Tatalakayin ito ng susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang mga pangalan sa mga artikulong ito ay binago.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Sintomas ng Isang Atake sa Puso
• Pagkadama ng mabigat, parang pinipiga, o kirot sa dibdib na tumatagal ng mahigit sa ilang minuto. Ito’y maaaring ipagkamali sa matinding sakit sa sikmura
• Kirot na maaaring kumalat sa—o naroon lamang sa—panga, batok, balikat, braso, siko, o kaliwang kamay
• Matagal na kirot sa sikmura
• Pangangapos ng hininga, pagkahilo, pagkawala ng malay, pamamawis, o panlalamig
• Pagkahapo—maaaring maranasan mga ilang linggo bago ang atake
• Pagkaalibadbad o pagsusuka
• Madalas na pag-atake ng angina hindi dahil sa pagod
Ang mga sintomas ay maaaring iba-iba mula sa bahagya hanggang sa matindi at hindi lahat ay nangyayari sa bawat atake sa puso. Subalit kung alinmang kombinasyon nito ang mangyari, humingi agad ng tulong. Gayunman, sa ilang kaso ay walang mga sintomas; ang mga ito’y tinutukoy bilang tahimik na mga atake sa puso.
[Kahon sa pahina 7]
Mga Gagawin Para sa Kaligtasan
Kung ikaw o isa na nakikilala mo ay nagpapakita ng mga sintomas ng atake sa puso:
• Kilalanin ang mga sintomas.
• Ihinto ang anumang ginagawa mo at maupo o mahiga.
• Kung ang mga sintomas ay tumagal ng ilang minuto, tumawag sa telepono ng lokal na emergency o lugar para sa biglang pangangailangan. Sabihin sa dispatcher na ikaw ay naghihinala ng atake sa puso, at ibigay mo sa kaniya ang kinakailangang impormasyon upang malaman ang kinaroroonan mo.
• Kung madadala mo ang biktima sa emergency room ng isang ospital nang mas mabilis sa pamamagitan ng pagmamaneho mismo, gawin mo. Kung inaakala mong ikaw ay inaatake sa puso, hilingin mo sa iba na ipagmaneho ka patungo roon.
Kung naghihintay ka para sa emergency medical crew:
• Luwagan ang mahigpit na pananamit, pati na ang sinturon o kurbata. Tulungan ang biktima na maging maginhawa, lagyan siya ng mga unan kung kinakailangan.
• Manatiling mahinahon, ikaw man ang biktima o ang tumutulong. Ang pagkagulat ay malamang na maging sanhi ng nagsasapanganib-buhay na arrhythmia. Ang panalangin ay maaaring maging nakapagpapalakas na tulong upang manatiling mahinahon.
Kung ang biktima ay tila huminto sa paghinga:
• Sa malakas na tinig ay itanong, “Naririnig mo ba ako?” Kung walang sagot, kung walang pulso, at kung ang biktima ay hindi humihinga, simulan ang cardiopulmonary resuscitation (CPR).
• Tandaan ang tatlong saligang hakbang ng CPR:
1. Angatin ang baba ng biktima, upang buksan ang daanan ng hangin.
2. Yamang bukas ang daanan ng hangin, habang pinipisil upang magsara ang mga butas ng ilong ng biktima, marahang hipan nang makalawa sa bibig hanggang sa umangat ang dibdib.
3. Diinan ng 10 hanggang 15 beses ang gitna ng dibdib sa pagitan ng mga utong upang itulak ang dugo palabas ng puso at ng dibdib. Tuwing 15 segundo, ulitin ang dalawang paghinga sa bibig na sinusundan ng 15 pagdiin hanggang sa magsauli ang pulso at paghinga o hanggang dumating ang pangkat ng emergency o biglang pangangailangan.
Ang CPR ay dapat na isagawa ng isang sinanay na gawin ito. Subalit kung walang isa na sinanay, “ang anumang CPR ay mas mabuti kaysa wala,” sabi ni Dr. R. Cummins, direktor ng emergency cardiac care. Malibang may magpasimula ng mga hakbang na ito, napakaliit ng mga tsansang makaligtas. Ang CPR ay nagpapanatili sa tao na buhay hanggang sa dumating ang tulong.
[Larawan sa pahina 5]
Ang agad na pagpapagamot pagkatapos maatake sa puso ay maaaring magligtas ng buhay at mabawasan ang pinsala sa puso