Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 12/8 p. 8-10
  • Paano Mababawasan ang Panganib?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Mababawasan ang Panganib?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Edad, Kasarian, at Pagmamana
  • Ang Salik na Kolesterol
  • Palaging Nakaupo na Istilo ng Buhay
  • Alta Presyon, Sobrang Taba, at Diyabetis
  • Paninigarilyo
  • Kaigtingan
  • Ang Iyong Pagkain—Mapapatay Ka ba Nito?
    Gumising!—1997
  • Mabuting Kalusugan—Ano ang Magagawa Mo Rito?
    Gumising!—1989
  • Sakit sa Puso—Isang Banta sa Buhay
    Gumising!—1996
  • Alta Presyon—Paghadlang at Pagkontrol
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 12/8 p. 8-10

Paano Mababawasan ang Panganib?

ANG coronary artery disease (CAD) ay nauugnay sa maraming salik na henetiko, pangkapaligiran, at istilo ng buhay. Ang CAD at ang atake sa puso ay maaari ring bunga ng mga taon, kung hindi man mga dekada, ng mga panganib na nauugnay sa isa o mahigit pa sa mga salik na ito.

Edad, Kasarian, at Pagmamana

Habang tumatanda ay dumarami ang panganib ng atake sa puso. Halos 55 porsiyento ng mga atake sa puso ay nangyayari sa taong mahigit na 65. Mga 80 porsiyento ng mga namatay dahil sa mga atake sa puso ay 65 o mas matanda pa.

Ang mga lalaking wala pang 50 ay mas nanganganib kaysa sa mga babae na kasinggulang nila. Pagkatapos ng menopos, dumarami ang panganib ng babae dahil sa lubhang pag-unti ng pananggalang na hormone na estrogen. Ayon sa ilang tantiya, maaaring bawasan ng estrogen replacement therapy ang panganib ng sakit sa puso sa mga babae ng 40 porsiyento o higit pa, bagaman maaari namang magkaroon ng higit na panganib sa ilang kanser.

Ang pagmamana ay maaari ring gumanap ng malaking bahagi. Yaong ang mga magulang ay inatake bago ang edad na 50 ay may higit na panganib na maatake. Kahit na kung ang mga magulang ay inatake pagkaraan ng edad na 50, nariyan pa rin ang higit na panganib. Kung may kasaysayan ng sakit sa puso sa pamilya, ang mga anak ay malamang na magkaroon ng katulad na mga problema.

Ang Salik na Kolesterol

Ang kolesterol, isang uri ng sustansiyang lipid, ay mahalaga sa buhay. Ginagawa ito ng atay, at dinadala ito ng dugo sa mga selula, sa mga molekula na tinatawag na mga lipoprotein. Ang dalawang uri ng lipoprotein ay ang low-density lipoprotein (LDL na kolesterol) at ang high-density lipoprotein (HDL na kolesterol). Ang kolesterol ay nagiging isang salik sa panganib para sa CAD kapag sobra ang LDL na kolesterol sa dugo.

Ang HDL ay inaakalang gumaganap ng pananggalang na papel sa pag-aalis ng kolesterol sa mga himaymay at pagdadala ritong pabalik sa atay kung saan ito ay binabago at inilalabas mula sa katawan. Kung sa mga pagsusuri ay mataas ang LDL at mababa naman ang HDL, ang panganib sa sakit sa puso ay mataas. Ang pagpapababa sa antas ng LDL ay maaaring magbunga ng isang mahalagang pagbawas sa panganib. Ang mga paraan sa pagkain ay mahalaga sa paggamot, at maaaring makatulong ang ehersisyo. Maaari ring magdulot ng mga resulta ang iba’t ibang gamot, subalit ang ilan ay may hindi kaayaayang masamang mga epekto.a

Ang pagkaing mababa sa kolesterol at mga saturated fat ay inirerekomenda. Ang pagpapalit sa mga pagkaing mataas sa mga saturated fat, gaya ng mantikilya, ng mga pagkaing mas mababa ang saturated fat, gaya ng langis ng kanela o langis ng olibo, ay makapagpapababa sa LDL at makapagpapanatili sa HDL. Sa kabilang dako naman, binabanggit ng American Journal of Public Health na ang mga langis ng gulay na may halong hidroheno o bahagyang may halo ng hidroheno na masusumpungan sa karamihan ng mga margarina at mga mantikang galing sa gulay ay makapagpapataas sa LDL at makapagpapababa sa HDL. Ang pagbabawas sa pagkain ng matatabang karne at pagpapalit dito ng mga karne ng manok o pabo na mababa sa taba ay inirerekomenda rin.

Ipinakikita ng mga pagsusuri na ang bitamina E, beta-carotene, at bitamina C ay nakapagpapabagal sa sakit sa puso na atherosclerosis sa mga hayop. Isang pagsusuri ay naghinuha na maaari ring bawasan ng mga ito ang pagkakaroon ng atake sa puso sa mga tao. Ang araw-araw na pagkain ng mga gulay at mga prutas na mayaman sa beta-carotene at iba pang mga carotenoid at bitamina C, gaya ng kamatis, luntiang dahong gulay, malaking sili, carrot, kamote, at melon, ay maaaring magbigay ng ilang proteksiyon mula sa CAD.

Sinasabi ring nakatutulong ang bitamina B6 at magnesium. Ang mga buong butil na gaya ng sebada at oats gayundin ng mga balatong, lentehas, at ilang buto at nuwes ay maaaring makatulong. Bukod pa riyan, inaakalang maaaring bawasan ng pagkain ng mga isda na gaya ng salmon, hasa-hasa, tunsoy, o tuna ng di-kukulanging makalawa sa isang linggo ang panganib ng CAD, yamang ang mga ito ay mayaman sa omega-3 polyunsaturated fatty acids.

Palaging Nakaupo na Istilo ng Buhay

Ang mga taong palaging nakaupo ay mas nanganganib sa atake sa puso. Ginugugol nila ang karamihan ng araw na walang ginagawa at hindi regular na nag-eehersisyo. Ang mga atake sa puso ay kadalasang nangyayari sa mga taong ito pagkatapos ng mabibigat na gawain, gaya ng nakapapagod ng paghahalaman, pagjo-jogging, pagbubuhat ng barbel, o pagpapala ng niyebe. Subalit ang panganib ay nababawasan sa mga taong regular na nag-eehersisyo.

Ang mabilis na paglakad ng 20 hanggang 30 minuto tatlo o apat na beses isang linggo ay makababawas sa panganib ng isang atake. Ang regular na ehersisyo ay nagpapabuti sa kakayahan ng puso na magbomba, nakatutulong upang pumayat, at maaaring bawasan ang mga antas ng kolesterol at nagpapababa sa presyon ng dugo.

Alta Presyon, Sobrang Taba, at Diyabetis

Ang mataas na presyon ng dugo (alta presyon) ay makapipinsala sa mga sapin ng arterya at nagpapangyari sa LDL na kolesterol na pumasok sa sapin ng arterya at mag-ipon ng taba. Habang dumarami ang mga deposito ng taba, lalong nahahadlangan ang daloy ng dugo at tumataas ang presyon ng dugo.

Ang presyon ng dugo ay dapat na patingnan nang regular, yamang maaaring walang anumang panlabas na palatandaan ng sakit. Sa bawat isang-puntos na pagbawas sa diastolic pressure (ang ibabang numero), ang panganib ng atake sa puso ay mababawasan ng 2 hanggang 3 porsiyento. Maaaring maging mabisa ang pag-inom ng gamot upang mapababa ang presyon ng dugo. Ang pagdidiyeta, at sa ilang kaso ang hindi pagkain ng asin, kasama ng regular na ehersisyo para sa pagbabawas ng timbang ay makatutulong na kontrolin ang mataas na presyon ng dugo.

Ang sobrang taba ay pinagmumulan ng mataas na presyon ng dugo at mga abnormalidad ng lipid. Ang pag-iwas o paggamot sa sobrang katabaan ang pangunahing paraan upang maiwasan ang diyabetis. Pinabibilis ng diyabetis ang pagkakaroon ng CAD at dinaragdagan ang panganib ng atake sa puso.

Paninigarilyo

Ang paninigarilyo ay isang matibay na salik sa pagkakaroon ng CAD. Sa Estados Unidos, ito ang tuwirang may pananagutan sa halos 20 porsiyento ng lahat ng kamatayan dahil sa sakit sa puso at halos 50 porsiyento ng mga atake sa puso sa mga babae na wala pang 55 taóng gulang. Pinatataas ng paninigarilyo ang presyon ng dugo at nagdadala ng nakalalasong mga kemikal, gaya ng nikotina at carbon monoxide, sa daloy ng dugo. Ang mga kemikal naman na ito ay pumipinsala sa mga arterya.

Isinasapanganib din ng mga maninigarilyo ang mga nahahantad sa kanilang usok. Isinisiwalat ng mga pagsusuri na ang mga hindi naninigarilyo na namumuhay na kasama ng mga naninigarilyo ay nagkaroon ng higit na panganib sa atake sa puso. Kaya nga, sa pamamagitan ng paghinto sa paninigarilyo, mababawasan ng isang tao ang kaniya mismong panganib at maaari pa nga niyang iligtas ang mga buhay ng hindi naninigarilyong mga minamahal.

Kaigtingan

Kapag dumaranas ng matinding emosyonal o mental na kaigtingan, mas nanganganib na maatake sa puso at biglang mamatay dahil sa atake sa puso ang mga taong may CAD kaysa mga taong may malulusog na arterya. Ayon sa isang pagsusuri, maaaring pangyarihin ng kaigtingan ang mga arterya na puno ng taba na kumipot, at binabawasan nito ang daloy ng dugo ng hanggang 27 porsiyento. Ang lubhang pagkipot ay napansin kahit sa bahagyang may sakit na mga arterya. Binanggit ng isa pang pagsusuri na ang matinding kaigtingan ay makalilikha ng kalagayan para sa taba sa mga sapin ng arterya na pumutok, na pinagmumulan ng isang atake sa puso.

Ang Consumer Reports on Health ay nagsasabi: “Ang ilang tao ay tila ba namumuhay na may masamang saloobin. Sila’y mapang-uyam, magagalitin, at madaling mapukaw sa galit. Samantalang hindi pinapansin ng karamihang tao ang maliliit na bagay na nakayayamot, ang masusungit na tao naman ay labis na nagagalit.” Ang sukdulang galit at pakikipag-alit ay nagpapataas sa presyon ng dugo, nagpapabilis sa tibok ng puso, at nagpapasigla sa atay na magtambak ng kolesterol sa daloy ng dugo. Sinisira nito ang arterya sa puso at pinagmumulan ng CAD. Ipinalalagay na dinodoble ng galit ang panganib ng atake sa puso, at ito’y nananatiling isang kagyat na panganib sa di-kukulanging dalawang oras. Ano ang makatutulong?

Ayon sa The New York Times, si Dr. Murray Mittleman ay nagsabi na maaaring bawasan ng mga taong nagsikap na manatiling mahinahon sa emosyonal na mga alitan ang kanilang panganib ng atake sa puso. Kahawig ito ng pananalitang iniulat sa Bibliya mga dantaon na ang nakalipas: “Ang mahinahong puso ay buhay ng katawan.”​—Kawikaan 14:30.

Alam ni apostol Pablo kung ano ang katulad ng sumailalim sa kaigtingan. Binanggit niya ang tungkol sa mga kabalisahan na nararanasan niya araw-araw. (2 Corinto 11:24-28) Subalit siya’y nakaranas ng tulong mula sa Diyos at sumulat: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”​—Filipos 4:6, 7.

Bagaman may iba pang mga salik na nauugnay sa mga sakit sa puso, ang mga tinalakay dito ay makatutulong na makilala ang panganib upang ang isang tao ay makakuha ng nararapat na pagkilos. Subalit, ang ilan ay nagtatanong kung ano ba ang nararanasan niyaong mga nabuhay pagkatapos ng isang atake sa puso. Gaano kalaki ang posibilidad ng paggaling?

[Talababa]

a Ang Gumising! ay hindi nag-iindorso ng mga paggamot sa pamamagitan ng mga gamot, ehersisyo, o pagkain kundi inihaharap lamang ang impormasyon na sinaliksik na mainam. Ang bawat tao ay dapat na magpasiya kung ano ang gagawin niya mismo.

[Mga larawan sa pahina 9]

Ang paninigarilyo, pagiging madaling magalit, pagkain ng matatabang pagkain, at pamumuhay ng isang buhay na palaging nakaupo ay nakadaragdag sa panganib ng atake sa puso

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share