Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 12/8 p. 11-13
  • Ang Daan Tungo sa Paggaling

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Daan Tungo sa Paggaling
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paggaling
  • Walang mga Pusong Nalulumbay
  • Kailangan ng mga Pamilya ang Alalay
  • Kilalanin at Kumilos Kasuwato ng mga Sintomas
    Gumising!—1996
  • Pagtatagumpay Laban sa Panlulumo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Matatagpuan Mo ang Kagalakan sa Sanlibutang Sanhi ng Panlulumo!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Napasasalamat sa Laging Pag-alalay ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 12/8 p. 11-13

Ang Daan Tungo sa Paggaling

PAGKATAPOS ng isang atake sa puso, normal lamang para sa isang tao na mangamba at mabahala. Makaranas pa kaya ako ng isa pang atake? Ako kaya ay maging baldado o matakdaan ang kilos dahil sa kirot at kawalan ng lakas at sigla?

Si John, na nabanggit sa ating ikalawang artikulo, ay umaasang sa paglipas ng panahon, maiibsan din ang araw-araw na hirap at kirot sa dibdib. Subalit pagkalipas ng ilang buwan, aniya: “Sa paano man ang mga ito ay hindi naibsan. Iyan, pati na ang madaling pagkapagod at ang pagkibot ng aking puso, ay palaging nagpapangyaring tanungin ko ang aking sarili, ‘Ako ba’y nasa bingit na naman ng isa pang atake?’”

Si Jane, mula sa Estados Unidos, isang may kabataang biyuda noong siya’y atakihin sa puso, ay nagsabi: “Akala ko’y hindi na ako mabubuhay o na ako’y aatakihing muli at mamamatay. Nataranta ako, yamang mayroon akong tatlong anak na pangangalagaan.”

Ganito naman ang kuwento ni Hiroshi, ng Hapon: “Nabigla ako nang ako’y sabihan na ang aking puso ay hindi na makakakilos na gaya ng dati; ang bilis ng pagbomba ng aking puso ay bumaba ng 50 porsiyento. Halos natitiyak ko na kakailanganin kong bawasan ang ilan sa aking mga gawain bilang isang ministro ng mga Saksi ni Jehova, sapagkat ang magagawa ko’y wala pa sa kalahati ng aking nagagawa.”

Kapag nakakaharap ng isa ang limitadong lakas, maaaring makaranas siya ng panlulumo at mga damdamin ng kawalang-silbi. Si Marie, isang 83-anyos na taga-Australia na itinalaga ang kaniyang sarili sa buong-panahon sa gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova, ay nanangis: “Ang aking kawalang-kakayahan na maging aktibo na gaya ng dati ay nagpalungkot sa akin. Sa halip na tulungan ang iba, ako ngayon ang nangangailangan ng tulong.” Sa Timog Aprika, ganito ang komento ni Harold: “Hindi ako nakapagtrabaho sa loob ng tatlong buwan. Ang nagagawa ko lamang noon ay basta lumakad sa palibot ng hardin. Nakasisiphayo iyon!”

Ang bypass na operasyon ay kinailangan pagkatapos na si Thomas, ng Australia, ay makaranas ng kaniyang ikalawang atake sa puso. Sabi niya: “Hindi ko matiis ang kirot, at ang magpaopera ay halos napakahirap isipin.” Si Jorge, ng Brazil, ay nagkomento tungkol sa resulta ng operasyon sa puso: “Dahil sa ako’y mahirap, ikinatakot ko na aking iiwan ang aking asawa na nag-iisa at walang tulong. Akala ko’y hindi na ako magtatagal pa.”

Paggaling

Ano ang nakatulong sa marami na gumaling at maging matatag na muli ang loob? Ganito ang sabi ni Jane: “Kapag ako’y ninenerbiyos, lagi akong mananalangin kay Jehova at ihahagis ang aking mga pasan sa kaniya at iiwan ang mga ito doon.” (Awit 55:22) Ang panalangin ay nakatutulong sa isang tao na magkaroon ng lakas at ng kapayapaan ng isip na mahalaga kung nakakaharap niya ang mga kabalisahan.​—Filipos 4:6, 7.

Sina John at Hiroshi ay nakibahagi sa mga programang panrehabilitasyon. Ang mabuting pagkain at ehersisyo ay nagpalakas sa kanilang puso, anupat sila kapuwa ay nagtrabahong muli. At kinilala nila na ang kanilang mental at emosyonal na paggaling ay dahil sa sumusustineng kapangyarihan ng espiritu ng Diyos.

Sa pamamagitan ng alalay mula sa kaniyang Kristiyanong mga kapatid, nagkaroon si Thomas ng tibay ng loob na harapin ang kaniyang operasyon. Sabi niya: “Bago ang operasyon, dinalaw ako ng isang tagapangasiwa at siya’y nanalanging kasama ko. Sa isang masidhing pagsamo, hiniling niya kay Jehova na palakasin ako. Nang gabing iyon ay pinag-isipan ko ang kaniyang panalangin at nadama kong ako’y totoong pinagpala na magkaroon ng matatanda na gaya niya na ang empatiya noong mga panahong maigting sa ganang sarili’y bahagi ng proseso ng paggaling.”

Napagtagumpayan ni Anna, mula sa Italya, ang panlulumo sa ganitong paraan: “Kapag ako’y nasisiraan ng loob, iniisip ko ang mga pagpapala na natanggap ko na bilang isa sa mga lingkod ng Diyos at ang mga pagpapalang darating sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Nakatulong ito sa akin na magkaroon muli ng katahimikan.”

Si Marie ay nagpapasalamat sa tulong ni Jehova. Ang kaniyang pamilya ay umalalay sa kaniya, at aniya: “Ang aking espirituwal na mga kapatid, bawat isa’y may kani-kaniyang pasang dinadala, ay naglaan ng panahon upang dumalaw sa akin, tumawag sa akin sa telepono, o magpadala ng mga kard. Paano ako malulungkot taglay ang lahat ng pag-ibig na ito na ipinakikita sa akin?”

Walang mga Pusong Nalulumbay

Sinasabing ang nagpapagaling na puso ay hindi dapat na maging isang pusong nalulumbay. Ang alalay ng pamilya at mga kaibigan ay gumaganap ng isang malaki at positibong bahagi sa pagbuti niyaong ang mga puso’y literal at makasagisag na dapat pagalingin.

Ganito ang komento ni Michael, ng Timog Aprika: “Mahirap ipaliwanag sa iba kung ano ang katulad ng maging walang pag-asa. Subalit pagpasok ko sa Kingdom Hall, ang pag-aasikaso na ipinakita ng mga kapatid ay lubhang nakatataba ng puso at nakapagpapasigla sa akin.” Si Henry, ng Australia, ay napatibay rin sa pamamagitan ng matinding pag-ibig at pang-unawa na ipinahayag ng kaniyang kongregasyon. Aniya: “Talagang kailangan ko ang magiliw na mga salita ng pampatibay-loob.”

Pinahalagahan ni Jorge ang taimtim na pagkabahala na ipinakita ng iba sa pamamagitan ng pagtulong sa kaniyang pamilya sa pinansiyal na paraan hanggang sa siya’y makapagtrabaho. Si Olga, ng Sweden, ay nagpahalaga rin sa praktikal na tulong na ibinigay sa kaniya at sa kaniyang pamilya ng maraming espirituwal na mga kapatid. Ang ilan ang namili para sa kaniya, samantalang ang iba naman ay naglinis ng kaniyang bahay.

Kadalasan, kailangang takdaan ng mga pasyenteng may sakit sa puso ang kanilang pakikibahagi sa mga gawain na dating kinagigiliwan nila. Ganito ang sabi ni Sven, ng Sweden: “Kung minsan kailangang hindi ako makibahagi sa ministeryo kapag ang panahon ay masyadong mahangin o malamig, yamang ito’y nagpapangyari ng paninigas ng mga ugat. Pinahahalagahan ko ang pang-unawa na ipinakikita ng marami sa aking mga kapuwa Saksi sa bagay na ito.” At kapag naratay sa higaan, napapakinggan ni Sven ang mga pulong sapagkat maibiging inirerekord ng mga kapatid ang mga ito sa tape. “Ang mga ito’y nagpapangyari na malaman ko kung ano ang nangyayari sa kongregasyon, at ipinadarama nito sa akin na ako’y nakikibahagi.”

Si Marie, na naratay sa higaan, ay nakadaramang siya’y pinagpala sapagkat yaong mga inaaralan niya sa Bibliya ang pumupunta sa kaniya. Sa ganitong paraan ay patuloy na maipakikipag-usap niya ang kahanga-hangang kinabukasan na inaasam-asam niya. Si Thomas ay nagpapasalamat sa pagmamalasakit na ipinakikita sa kaniya: “Napakamakonsiderasyon ng matatanda at binawasan nila ang dami ng mga atas na ibinibigay nila sa akin.”

Kailangan ng mga Pamilya ang Alalay

Ang kalagayan ay maaaring maging mahirap para sa mga miyembro ng pamilya kung paanong ito’y mahirap din para sa biktima. Sila’y dumaranas ng maraming kaigtingan at takot. Tungkol sa pagkabalisa ng kaniyang asawa, ganito ang sabi ni Alfred, ng Timog Aprika: “Pag-uwi ko ng bahay mula sa ospital, ginigising ako ng aking asawa nang maraming ulit sa gabi upang alamin kung ayos naman ba ako, at igigiit niyang ako’y dumalaw sa doktor tuwing ikatlong buwan para sa isang pagsusuri.”

Ang Kawikaan 12:25 ay nagsasabi na ‘ang kabalisahan sa puso ay nagpapahukot.’ Sinabi ni Carlo, ng Italya, na mula noong atakihin siya sa puso, ang kaniyang maibigin at umaalalay na asawa “ay nanlumo.” Si Lawrence, mula sa Australia, ay nagsabi: “Ang isa sa mga bagay na dapat bantayan ay na ang iyong kabiyak ay inaasikaso. Ang hirap na dinaranas ng kabiyak ay maaaring napakatindi.” Kaya nga, dapat nating isaisip ang mga pangangailangan ng lahat sa pamilya, pati na sa mga bata. Ang kalagayan ay maaaring makaapekto sa kanila sa emosyonal at sa pisikal na paraan.

Si James, na nabanggit sa ating ikalawang artikulo, ay naging mapag-isa pagkatapos maatake sa puso ang kaniyang ama. Sabi niya: “Nadama kong hindi ako maaaring sumama sa mga katuwaan sapagkat inisip ko na sa sandaling gawin ko iyon, may mangyayaring masama.” Ang pagsasabi ng kaniyang pangamba sa kaniyang ama at ang pagsisikap na magkaroon ng mabuting pakikipag-usap sa iba ay nakatulong upang mawala ang kaniyang pagkabahala. Nang panahong iyan ay may ibang ginawa si James na nagkaroon ng malaking epekto sa kaniyang buhay. Aniya: “Dinagdagan ko ang aking personal na pag-aaral ng Bibliya at paghahanda para sa ating mga pulong Kristiyano.” Pagkaraan ng tatlong buwan ay inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova at sinagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. “Mula noon,” sabi niya, “nagkaroon ako ng napakalapit na kaugnayan kay Jehova. Talagang marami akong ipagpapasalamat sa kaniya.”

Pagkatapos ng isang atake sa puso, ang isa ay may panahon upang muling-suriin ang buhay. Halimbawa, nagbago ang pangmalas ni John. Sabi niya: “Nakikita mo ang kawalang-saysay ng makasanlibutang mga hangarin at natatanto mo kung gaano kahalaga ang pag-ibig ng pamilya at mga kaibigan at kung gaano tayo kahalaga kay Jehova. Ang aking kaugnayan kay Jehova, sa aking pamilya, at sa aking espirituwal na mga kapatid ay lalong naging pangunahin sa akin ngayon.” Ginugunita ang trauma na kaniyang naranasan, sinabi pa niya: “Hindi ko maisip kung paano ko mababata ito kung wala ang ating pag-asa sa isang panahon kapag ang mga bagay na ito ay lulutasin. Kapag ako’y nanlulumo, pinag-iisipan ko ang hinaharap, at ang nangyayari ngayon ay nagiging hindi gaanong mahalaga.”

Habang nararanasan nila ang mga tagumpay at kabiguan ng daan tungo sa paggaling, ang mga nakaligtas na ito sa atake sa puso ay matatag na inilagak ang kanilang pag-asa sa Kaharian na itinuro sa atin ni Jesu-Kristo na idalangin. (Mateo 6:9, 10) Ang Kaharian ng Diyos ang magdadala sa mga tao ng buhay na walang-hanggan sa kasakdalan sa isang paraisong lupa. Sa panahong iyon ang sakit sa puso at ang lahat ng iba pang kapansanan ay aalisin magpakailanman. Ang bagong sanlibutan ay nasa unahan lamang. Tunay, ang pinakamainam na buhay ay darating pa!​—Job 33:25; Isaias 35:5, 6; Apocalipsis 21:3-5.

[Larawan sa pahina 13]

Ang alalay ng pamilya at mga kaibigan ay gumaganap ng positibong bahagi sa paggaling

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share