Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 4/8 p. 21-23
  • Alta Presyon—Paghadlang at Pagkontrol

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Alta Presyon—Paghadlang at Pagkontrol
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Salik na Hindi Mo Kontrolado
  • Mga Salik na Kaya Mong Kontrolin
  • Malusog na Istilo ng Pamumuhay
  • Ang Pagsasalita ay Nagpapataas sa Presyon ng Dugo
    Gumising!—1988
  • Dugo—Mahalaga sa Buhay
    Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
  • Pagliligtas sa Buhay sa Pamamagitan ng Dugo—Papaano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Pahalagahan Nang Wasto ang Kaloob sa Iyo na Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 4/8 p. 21-23

Alta Presyon​—Paghadlang at Pagkontrol

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL

SI Marian ay nag-aalala! Walang anu-ano, ang kaniyang ilong ay nagpasimulang dumugo nang halos walang tigil. “Akala ko’y mamamatay na ako,” ang nagunita niya. Isang doktora ang nagsabi kay Marian na ang pagdurugo ng kaniyang ilong ay dahil sa alta presyon (arterial hypertension). “Subalit pakiramdam ko’y malusog naman ako,” ang sagot ni Marian. “Maraming tao ang hindi nakaaalam na sila’y may alta presyon sapagkat wala silang sintomas,” ang tugon niya.

Kumusta naman ang presyon ng iyong dugo? Ang iyo bang kasalukuyang istilo ng pamumuhay ay magiging sanhi ng alta presyon sa hinaharap? Ano ang magagawa mo upang mapanatiling kontrolado ang presyon ng iyong dugo?a

Ang presyon ng dugo ay ang puwersa ng dugo na nagtutulak sa dingding ng mga ugat na dinadaluyan ng dugo. Ito ay masusukat sa pamamagitan ng paggamit ng napalolobong bigkis na goma, na ibinibigkis sa palibot ng itaas na bahagi ng bisig at nakakonekta sa isang aparato na nagtatala ng presyon. Dalawang klase ng tala ang matatamo. Halimbawa: 120/80. Ang unang numero ay tinatawag na systolic blood pressure sapagkat ito ay nagpapakita ng presyon ng dugo sa panahon ng pagtibok ng puso (systole), at ang ikalawang numero naman ay tinatawag na diastolic blood pressure sapagkat ito ay nagpapakita ng presyon ng dugo samantalang nakarelaks ang puso (diastole). Ang presyon ng dugo ay sinusukat sa milimetro ng asoge, at itinuturing ng mga manggagamot na may alta presyon ang mga pasyente kapag ang presyon ng kanilang dugo ay mataas pa sa 140/90.

Ano ang nagpapataas sa presyon ng dugo? Gunigunihing nagdidilig ka ng iyong hardin. Sa pamamagitan ng pagbubukas ng gripo o pagpapakipot sa kalibre, o diyametro, ng iyong pampuslit ng tubig, pinalalakas mo ang presyon ng tubig. Ganiyan din ang nangyayari sa presyon ng dugo: Ang pagbilis ng daloy ng dugo o pagkipot ng ugat na dinadaluyan ng dugo ay nagpapataas sa presyon ng dugo. Paano nangyayari ang alta presyon? Maraming salik ang nasasangkot.

Mga Salik na Hindi Mo Kontrolado

Natuklasan ng mga mananaliksik na kung ang isang tao ay may mga kamag-anak na may alta presyon, mas malaki ang posibilidad na daranas siya ng sakit na ito. Ang estadistika ay nagpapakita na mas mataas ang insidente ng alta presyon sa kambal na magkamukha kaysa sa kambal na hindi magkamukha. Ang isang pag-aaral ay tumutukoy sa “paghahanap sa mga gene na responsable sa arterial hypertension,” na pawang magpapatunay sa pag-iral ng namamanang sangkap na nagiging sanhi ng alta presyon. Ang panganib na masyadong tumaas ang alta presyon ay kinikilala rin na lumalaki sa pagtanda at higit ang panganib nito sa mga lalaking maitim ang balat.

Mga Salik na Kaya Mong Kontrolin

Bantayan ang iyong pagkain! Ang asin (sodyum) ay maaaring magpataas sa alta presyon ng ilang tao, lalo na sa mga taong may diyabetis, yaong mga malubha ang alta presyon, mga matatanda, at ilang tao na maitim ang balat. Ang sobrang taba sa daluyan ng dugo ay maaaring lumikha ng mga deposito ng kolesterol sa panloob na dingding ng mga ugat na dinadaluyan ng dugo (atherosclerosis), anupat pinakikipot ang diyametro ng mga ito at pinatataas ang presyon ng dugo. Ang mga tao na sobra ng 30 porsiyento sa angkop na timbang ng kanilang katawan ay malamang na magkaroon ng mataas na presyon ng dugo. Ang mga pag-aaral ay nagsasabi na ang pagkain ng mas maraming potasyum at kalsyum ay maaaring magpababa sa presyon ng dugo.

Ang paninigarilyo ay kaugnay sa mas malaking panganib ng atherosclerosis, diyabetis, atake sa puso, at istrok. Dahilan dito, ang paninigarilyo at alta presyon ay mapanganib na kombinasyon at maaaring humantong sa mga sakit sa puso. Bagaman ang mga katibayan ay nagkakasalungatan, ang caffeine​—na nasa kape, tsa, at mga inuming may kola​—at ang emosyonal at pisikal na kaigtingan ay maaari ring magpalubha sa alta presyon. Karagdagan pa, nalalaman ng mga siyentipiko na ang labis o madalas na pag-inom ng mga inuming de-alkohol at ang kakulangan ng pisikal na gawain ay maaaring magpataas ng presyon ng dugo.

Malusog na Istilo ng Pamumuhay

Magiging kamalian na hintayin munang magkaroon ng alta presyon bago gumawa ng positibong mga hakbangin. Dapat na ikabahala ang isang malusog na istilo ng pamumuhay buhat pa sa murang edad. Ang pag-iingat ngayon ay magdudulot ng isang mas mabuting uri ng buhay sa hinaharap.

Ipinakita ng Third Brazilian Consensus on Arterial Hypertension ang mga pagbabago sa istilo ng pamumuhay na magpapababa sa presyon ng dugo sa ugat. Ang mga ito ay nakatutulong na giya para sa mga tao na may mataas o normal na presyon ng dugo.

Para sa masyadong matataba, inirerekomenda ng mga mananaliksik ang pagkakaroon ng isang timbang na diyeta na may mababang kalori, iwasan ang mabilis at “milagrosong” mga diyeta, habang pinananatili ang isang programa ng katamtamang pisikal na ehersisyo. Kung tungkol sa asin, iminungkahi nila ang pagkain nang hindi hihigit sa anim na gramo o isang kutsarita bawat araw.b Sa aktuwal, ito ay nangangahulugan ng paggamit ng kaunti lamang asin sa pagluluto ng pagkain, pati na ang pagbabawas ng de-latang pagkain, hiniwang halu-halong karne (salami, ham, longganisa, at iba pa), at mga tinapa. Ang pagkain ng asin ay maaari ring mabawasan sa pamamagitan ng hindi paglalagay ng ekstrang asin sa panahon ng pagkain at sa pamamagitan ng pagtingin sa kahon ng prosesong mga pagkain upang makita kung gaano karaming asin ang taglay nito.

Iminungkahi rin ng Brazilian Consensus ang pagdaragdag ng kinakaing potasyum sapagkat ito ay maaaring may “antihypertensive effect.” Dahil dito, ang isang malusog na diyeta ay dapat na nagtataglay ng “mga pagkaing mababa sa sodyum at sagana sa potasyum,” tulad ng beans, matitingkad na berdeng gulay, saging, melon, karot, beet, kamatis, at dalandan. Mahalaga rin na panatilihin sa katamtamang antas ang pag-inom ng inuming de-alkohol. Ipinakikita ng ilang mananaliksik na ang mga lalaking may alta presyon ay hindi dapat uminom ng alkohol na hihigit sa 30 mililitro bawat araw; at hindi hihigit sa 15 mililitro para sa mga babae o yaong mga katawang kulang sa timbang.c

Sinabi ng Brazilian Consensus bilang katapusan na ang regular na pisikal na ehersisyo ay nagpapababa sa presyon ng dugo anupat pinaliliit ang panganib na magkaroon ng arterial hypertension. Ang katamtamang aerobic na ehersisyo, gaya ng paglalakad, pagbibisikleta, at paglangoy, sa loob ng 30 hanggang 45 minuto, tatlo hanggang limang beses sa isang linggo ay kapaki-pakinabang.d Ang iba pang mga salik na iniuugnay sa isang mas malusog na istilo ng pamumuhay ay naglalakip ng pagtigil sa paninigarilyo, pagkontrol sa taba sa dugo (kolesterol at triglycerides) at diyabetis, pagkain ng sapat na dami ng kalsyum at magnesyum, at pagkontrol sa pisikal at emosyonal na kaigtingan. Ang ilang droga ay maaaring magpataas sa presyon ng dugo, gaya ng pantanggal ng bara sa ilong, antacid na mataas sa sodyum, mga pangkontrol ng gana sa pagkain, at may caffeine na mga pamatay-kirot sa migraine.

Tunay nga, kung mayroon kang arterial hypertension, ang iyong doktor ang nasa pinakamabuting kalagayan na bigyan ka ng payo hinggil sa iyong diyeta at mga kaugalian, ayon sa iyong personal na mga pangangailangan. Gayunman, anuman ang iyong kalagayan, ang pagkakaroon ng isang malusog na istilo ng pamumuhay mula sa murang edad ay laging kapaki-pakinabang, hindi lamang para sa mga taong may alta presyon kundi para sa lahat ng miyembro ng pamilya. Si Marian, na binanggit sa pasimula ng artikulong ito, ay kinailangang gumawa ng mga pagbabago sa kaniyang istilo ng pamumuhay. Sa kasalukuyan, siya ay umiinom ng gamot at namumuhay nang normal sa kabila ng kaniyang suliranin sa kalusugan. Kumusta ka naman? Habang hinihintay mo ang panahon na ang lahat ng tao ay magkakaroon ng malusog na buhay at “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit,’ ” panatilihing kontrolado ang presyon ng dugo mo!​—Isaias 33:24.

[Mga talababa]

a Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na anyo ng panggagamot, na kinikilalang ang bagay na ito ay personal na desisyon.

b Kumonsulta sa iyong manggagamot hinggil sa iyong mga pangangailangan sa sodyum at potasyum araw-araw kung mayroon kang arterial hypertension o sakit sa puso, atay, o bato at umiinom ng gamot.

c Ang 30 mililitro ng alkohol ay katumbas ng 60 mililitro ng dinalisay na inumin (wiski, vodka, at iba pa), 240 mililitro ng alak, o 720 mililitro ng serbesa.

d Ipakipag-usap sa iyong doktor ang pangangailangan para sa isang programa ng personal na ehersisyo.

[Kahon sa pahina 22]

PAGLABAN SA ALTA PRESYON

1. Mga Hakbangin na Maaaring Makatulong sa Pagkontrol ng Alta Presyon

• Bawasan ang timbang ng katawan

• Bawasan ang pagkain ng asin

• Dagdagan ang pagkain ng mga pagkaing sagana sa potasyum

• Bawasan ang pag-inom ng mga inuming de-alkohol

• Mag-ehersisyo nang regular

2. Iba Pang mga Paraang Makatutulong sa Pagkontrol sa Presyon ng Dugo

• Mga suplemento ng kalsyum at magnesyum

• Pagkain ng gulay na maraming hibla

• Therapy laban sa kaigtingan

3. Iba Pang mga Paraan

• Tumigil sa paninigarilyo

• Kontrolin ang antas ng kolesterol

• Kontrolin ang diyabetis

• Umiwas sa mga droga na nagpapataas sa presyon ng dugo

[Credit Line]

Hinalaw mula sa Third Brazilian Consensus on Arterial Hypertension​—Revista Brasileira de Clínica & Terapêutica.

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang regular na ehersisyo at isang malusog na diyeta ay nakatutulong sa paghadlang at pagkontrol ng alta presyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share