Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 3/22 p. 24-27
  • Ang Kamangha-manghang Sistema ng Sirkulasyon ng Dugo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kamangha-manghang Sistema ng Sirkulasyon ng Dugo
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Pangunahing Bahagi ng Sistema
  • Isang Paglalakbay sa Sistemang Cardiovascular
  • Elastikong mga Artery
  • Ang Pulang mga Selula sa Iisang Hanay
  • Mula sa mga Venule Tungo sa mga Vein Tungo sa Puso
  • Ang Sistemang Lymphatic
  • Kagila-gilalas ang Pagkakagawa Upang Manatiling Buháy
    Gumising!—1988
  • Sakit sa Puso—Isang Banta sa Buhay
    Gumising!—1996
  • Ang Kagilagilalas na Sangkap—Ating Puso!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Ano ang Pinakamahalagang Likido sa Lahat?
    Gumising!—2006
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 3/22 p. 24-27

Ang Kamangha-manghang Sistema ng Sirkulasyon ng Dugo

GUNIGUNIHIN ang isang tahanan na may sistema ng mga tubo na napakasalimuot anupat ang likidong dumaraan dito ay ligtas na nakapagdadala ng pagkain, tubig, oksiheno, at mga dumi. Karagdagan pa, ang mga tubong ito ay may kakayahang kumpunihin ang sarili nito at lumaki ayon sa pagbabago ng mga pangangailangan ng tahanan. Tunay na isang namumukod-tanging disenyo!

Gayunman, higit pa ang nagagawa ng “sistema ng mga tubo” ng iyong katawan. Bukod pa sa pagtulong na makontrol ang temperatura ng iyong katawan, nakapagdadala ito ng nakalilitong dami ng iba’t ibang uri ng hormon, o mga kemikal na mensahero, at mabibisang pandepensa laban sa mga sakit. Ang buong sistema ay malambot at naibabaluktot din, anupat nagpapahintulot dito na makayanan ang mga pagbunggo at umayon sa mga bahagi ng iyong katawan. Walang taong inhinyero ang makapagdidisenyo ng gayong sistema, gayunman iyan ang ginawa ng Maylalang nang kaniyang likhain ang mga vein, artery, at capillary ng katawan ng tao.

Ang mga Pangunahing Bahagi ng Sistema

Sa katunayan, ang sistema ng sirkulasyon ng dugo ng tao ay dalawang sistema na gumagawang magkasama. Ang isa ay ang sistemang cardiovascular, na sumasaklaw sa puso, dugo, at lahat ng daluyan ng dugo. Ang isa naman ay ang sistemang lymphatic​—isang kawing ng mga daluyan ng dugo na nagdadala ng sobrang likido, na tinatawag na lymph, mula sa mga himaymay ng katawan pabalik sa dugo. Kung ang mga daluyan ng dugo ng isa lamang adulto ay pagdurugtung-dugtungin, ang mga ito ay aabot ng mga 100,000 kilometro at maaaring maikot nito ang lupa nang dalawa at kalahating beses! Ang malawak na sistemang ito ay nagdadala ng nagbibigay-buhay na dugo, na bumubuo ng mga 8 porsiyento ng timbang ng katawan, sa bilyun-bilyong selula.

Siyempre pa, ang pinagmumulan ng lakas ng sistemang cardiovascular ay ang puso. Humigit-kumulang na kasinlaki ng iyong kamao, nagbobomba ito ng di-kukulangin sa 9,500 litro ng dugo sa iyong buong katawan araw-araw​—humigit-kumulang na katumbas ng pagbubuhat ng isang pabigat na may timbang na isang tonelada sa taas na 10 metro bawat 24 na oras!

Isang Paglalakbay sa Sistemang Cardiovascular

Anong landas ang tinatahak ng dugo? Magsimula tayo sa dugo na wala nang oksiheno na nagtutungo sa puso sa pamamagitan ng dalawang malalaking vein​—ang superior (itaas) at inferior (ibaba) na mga vena cava. (Tingnan ang ilustrasyon.) Ang mga vein na ito ay patungo sa unang sisidlan ng puso, ang kanang atrium. Pagkatapos ay inilalabas ng kanang atrium ang dugo patungo sa higit na mas malamán na sisidlan, ang kanang ventricle. Mula rito, ang dugo ay nagtutungo sa mga baga sa pamamagitan ng puno ng palahingahan at sa dalawang artery ng palahingahan​—ang tanging mga artery na nagdadala ng dugong wala nang oksiheno. Karaniwan nang ginagawa ito ng mga vein.

Samantalang nasa mga baga, inilalabas ng dugo ang carbon dioxide at kumukuha ng oksiheno. Pagkatapos ay dumadaloy ito pababa sa kaliwang atrium ng puso sa apat na vein ng palahingahan​—ang tanging mga vein na nagdadala ng dugong mayaman sa oksiheno. Inilalabas ng kaliwang atrium ang laman nito patungo sa pinakamalakas na sisidlan ng puso, ang kaliwang ventricle, na nagbobomba ng dugong may oksiheno palabas sa aorta at patungo sa katawan. Ang dalawang atrium ay magkasabay na lumiliit at sinusundan ng dalawang ventricle, anupat ang dalawang magkasunod na pangyayaring ito ang bumubuo sa isang tibok ng puso. Apat na panloob na balbula ang tumitiyak na ang daloy ng dugo ay isang direksiyon lamang patungo sa puso.

Dahil dapat nitong bombahin ang dugo hanggang sa mga kadulu-duluhang bahagi ng katawan, ang mas malamán na kaliwang ventricle ay halos anim na beses na mas malakas kaysa sa kanang ventricle. Kung hindi dahil sa isang mahusay na mekanismo para sa mga biglaang pagtaas ng presyon, ang resultang presyon ay madaling maging sanhi ng mga aneurysm (mga umbok o pamamaga sa mga dingding ng artery) o kahit nakamamatay na mga istrok sa utak.

Elastikong mga Artery

Ang pinakamalaking artery ng iyong katawan, ang aorta, at ang pangunahing mga sanga nito ay bumubuo sa “elastikong mga artery.” Malalaki ang mga lumen nito, o puwang sa loob ng artery, na nagpapahintulot sa madaling pagdaloy ng dugo. May makakapal at malalamáng dingding din ang mga ito na may pumapagitnang mga suson ng elastin, isang tulad-gomang protina. Kapag ang kaliwang ventricle ay nagbobomba ng dugo sa mga artery na ito, lumalaki o namamaga ang mga ito, anupat tinatanggap ang mataas na presyon at itinutulak ang dugo tungo sa kasunod na grupo ng mga artery, ang malamán o sanga-sangang mga artery, na may elastin din sa mga dingding nito. Dahil sa kagila-gilalas na disenyo nito, di-nagbabago ang presyon ng dugo pagdating nito sa maseselan na capillary.a

Ang sanga-sangang mga artery ay may nagkakaiba-ibang diyametrong nagmumula sa humigit-kumulang isang sentimetro hanggang sa 0.3 milimetro. Sa pamamagitan ng paglaki o pagliit nito na idinidikta ng pantanging mga nerve fiber, ang mga daluyang ito ng dugo ay tumutulong sa pagkontrol ng daloy ng dugo, na nagpapangyari na maging napakaaktibo ng sistema ng sirkulasyon. Halimbawa, kapag may napinsala o alarma, ang mga pandamdam ng presyon na nakasapin sa mga artery ay naghuhudyat sa utak, at ito naman ang naghuhudyat sa angkop na mga artery na pigilan ang daloy ng dugo sa di-gaanong importanteng mga lugar tulad ng sa balat at itinutuon ito sa mahahalagang sangkap ng katawan. Sinabi ng magasing New Scientist: “Kayang ‘pakiramdaman’ ng mga artery mo ang daloy ng dugo, at tumugon dito.” Nakapagtataka pa ba kung bakit ang mga artery ay inilarawan bilang “matatalinong tubo”?

Kapag lumisan ang dugo mula sa pinakamaliliit na mga artery​—ang mga arteriole​—ang presyon nito ay nakapirmi sa mga 35 milimetro ng asoge. Mahalaga ang nakapirmi at mababang presyon dito dahil ang mga arteriole ay nagsasama-sama sa pinakamaliliit na daluyan ng dugo sa lahat, ang mga capillary.

Ang Pulang mga Selula sa Iisang Hanay

Walo hanggang sampung mikrometro (ikaisang milyon ng isang metro) sa diyametro, napakakitid ng mga capillary anupat ang pulang mga selula ay dumaraan dito sa iisang hanay. Bagaman ang mga dingding ng capillary ay isa lamang makapal na suson ng mga selula, dinadala ng mga ito ang mga sustansiya (na tangay ng plasma, o ng likidong bahagi ng dugo) at oksiheno (na dinadala ng pulang mga selula ng dugo) sa katabing mga himaymay. Kasabay nito, lumalabas mula sa mga himaymay ang carbon dioxide at iba pang dumi at dumadaloy pabalik sa mga capillary para sa pagtatapon. Sa pamamagitan ng isang maliit at tila nakabuhol na laman na tinatawag na sphincter, nakokontrol din ng mga capillary ang dugo na dumadaloy sa mga ito ayon sa mga pangangailangan ng nakapalibot na himaymay.

Mula sa mga Venule Tungo sa mga Vein Tungo sa Puso

Kapag nilisan na ng dugo ang mga capillary, pumapasok ito sa maliliit na vein na tinatawag na mga venule. May diyametrong nasa pagitan ng 8 at 100 mikrometro, nagsasama-sama ang mga venule upang bumuo ng mga vein na nagdadala ng dugo pabalik sa puso. Kapag nakarating na ang dugo sa mga vein, halos nawala na ang lahat ng presyon nito, kaya mas makikitid ang mga dingding ng mga vein kaysa sa mga dingding ng mga artery. Mas kaunti rin ang elastin ng mga ito. Gayunman, mas malaki ang lumen ng mga ito, kung kaya ang mga vein ang nagtataglay ng 65 porsiyento ng dugo sa iyong katawan.

Upang matugunan ang mababang presyon ng dugo ng mga ito, may mahusay na paraan ang mga vein sa pagdadala ng dugo pabalik sa puso. Una, ang mga ito ay nasasangkapan ng pantanging tulad-tasang mga balbula na humahadlang sa grabidad upang huwag umagos ang dugo palabas sa puso. Ikalawa, ginagamit ng mga ito ang mga kalamnan ng iyong buto. Sa paanong paraan? Kapag binabaluktot mo ang iyong mga kalamnan, ipagpalagay nang ang kalamnan na nasa mga binti mo habang ikaw ay naglalakad, pinakikitid nito ang malalapit na vein. Pinupuwersa naman nito ang dugo sa mga balbulang isahan lamang ang direksiyon patungo sa puso. Sa wakas, ang mga presyon sa puson at dibdib, na nag-iiba-iba sa paghinga, ay tumutulong sa mga vein na ilabas ang mga nilalaman nito patungo sa kanang atrium ng puso.

Napakahusay ng sistemang cardiovascular anupat kahit walang anumang ginagawa ang isang tao, ibinabalik nito ang mga 5 litro ng dugo sa puso bawat minuto! Pinararami ito ng paglalakad hanggang sa mga 8 litro, at ang isang malusog na mananakbo sa marathon ay maaaring may 37 litro ng dugo na dumadaloy sa kaniyang puso bawat minuto​—pitong beses na kahigitan kung ihahambing sa dami ng dugo kapag ang isa ay walang anumang ginagawa!

Sa ibang mga pagkakataon, ang mga balbula ng mga vein ay maaaring tumagas dahil sa salik na namamana o dahil sa lumabis ang katabaan ng indibiduwal, nagdalang-tao, o nakatayo nang matagal. Kapag ang mga balbulang ito ay hindi gumana, namumuo ang mga dugo sa ibaba ng mga ito, anupat ang mga vein ay namamaga at nagiging tinatawag na mga varicose vein. Gayundin, ang pagpupuwersa, tulad ng sa panganganak o sa pag-iri sa pagdumi, ay nagpapataas sa presyon sa puson, na siyang pumipigil sa pagbalik ng dugo mula sa mga vein ng puwitan at sa malaking bituka. Kapag ganito ang nangyari, maaaring magdulot ito ng mga varicose vein na tinatawag na mga almoranas.

Ang Sistemang Lymphatic

Kapag dinadala ng mga capillary ang mga sustansiya sa mga himaymay at kinukuha ang mga dumi, mas kaunting likido ang nakukuha ng mga capillary kaysa sa nadadala ng mga ito. Ang mahahalagang protina ng dugo ay tumatagas patungo sa mga himaymay. Kaya kailangan ng katawan ang sistemang lymphatic. Tinitipon nito ang lahat ng sobrang likido, na tinatawag na lymph, at ibinabalik ito sa dugo sa pamamagitan ng pagpapadaan nito sa isang malaking vein sa pinakapuno ng leeg at sa isa pa sa dibdib.

Tulad ng mga artery at mga vein, may ilang uri ng daluyan ng lymph. Ang pinakamaliit, ang mga lymph capillary, ay lumilitaw sa mga suson ng mga capillary ng dugo. Yamang madaling tagusan, sinisipsip ng maliliit na daluyan na ito ang sobrang likido at inihahatid ito sa mas malalaking daluyan na nagdadala ng lymph sa mga pinakapuno ng lymph. Nagsasama-sama ang mga ito upang bumuo ng mga tubo ng lymph, na nagtutungo naman sa mga vein.

Iisa lamang ang direksiyon ng daloy ng lymph​—patungo sa puso. Samakatuwid, ang mga daluyan ng lymph ay hindi bumubuo ng isang ruta na tulad ng sa sistemang cardiovascular. Ang mahinang pagkilos ng kalamnan sa mga daluyan ng lymph, na tinutulungan ng pagpintig ng malalapit na artery at pagkilos ng mga binti, ay tumutulong sa pagdaloy ng likidong lymph sa sistema. Ang anumang bara sa mga daluyan ng lymph ay nagiging sanhi ng pamumuo ng likido sa apektadong lugar, na lumilikha ng pamamaga na tinatawag na edema.

Ang mga daluyan ng lymph ay nagiging daanan din ng mga organismong nagdudulot ng sakit. Kaya, sinangkapan ng ating Maylalang ang sistemang lymphatic ng mabibisang pandepensa, ang mga sangkap ng lymph: ang mga lymph node​—na nakakalat sa mga daluyang nangongolekta ng lymph​—ang palî (spleen), ang thymus, ang mga tonsil, ang apendiks, at ang mga lymphoid follicle (mga Peyer’s patch) na nasa maliit na bituka. Ang mga sangkap na ito ay tumutulong sa paggawa at pag-imbak ng mga lymphocyte, ang mga pangunahing selula ng sistemang imyunidad. Kung gayon, ang isang malusog na sistemang lymphatic ay nakatutulong sa pagiging malusog ng katawan.

Dito natatapos ang ating paglalakbay sa sistema ng sirkulasyon ng dugo. Gayunman, maging ang maikling paglalakbay na ito ay nagsiwalat ng isang kagila-gilalas na disenyo na may kamangha-manghang kasalimuutan at kahusayan. Bukod dito, patuloy itong nagtatrabaho nang tahimik, nang hindi mo napapansin​—maliban na lamang kung ito’y magkasakit. Kaya alagaan mo ang iyong sistema ng sirkulasyon ng dugo, at aalagaan ka rin naman nito.

[Talababa]

a Sinusukat ang presyon ng dugo sa pamamagitan ng pagtaas nito, sa milimetro, sa isang instrumentong panukat ng presyon na may asoge. Ang itaas at ibabang presyon na sanhi ng pagtibok at pagpapahingalay ng puso ay tinatawag na mga presyon na systolic at diastolic. Nagkakaiba-iba ang mga ito sa mga indibiduwal dulot ng kanilang edad, kasarian, mental at pisikal na kaigtingan, at pagkapagod. Karaniwan nang mas mababa ang presyon ng dugo sa mga babae kaysa sa lalaki, mas mababa sa mga bata, at mas mataas naman sa mga may-edad na. Bagaman maaaring bahagyang magkakaiba ang mga opinyon, ang isang malusog na kabataan ay maaaring may presyon ng dugo na 100 hanggang 140 milimetro ng asogeng systolic, at 60 hanggang 90 milimetrong diastolic.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]

Alagaan Mo ang Iyong mga Artery!

Ang arteriosclerosis, o “paninigas ng mga artery,” ay isang pangunahing sanhi ng kamatayan sa maraming lupain. Ang pinakakaraniwang anyo ay ang atherosclerosis, na bunga ng pamumuo ng mga deposito ng taba na para bang oatmeal (mga atheroma) sa loob ng mga artery. Pinakikipot ng mga depositong ito ang lumen, o puwang sa loob ng artery, anupat pinangyayari ang artery na madaling mabarahan nang lubusan kapag umabot sa mapanganib na antas ang plaque at pumutok ito. Maaaring ang dahilan din ng lubusang pagbabara ay ang dumaraang mga namuong dugo o ang biglang pagliit ng kalamnan ng dingding ng artery.

Ang lalo nang mapanganib na kalagayan ay ang pamumuo ng plaque sa mga dingding ng coronary artery, na nagsisilbing sariling kalamnan ng puso. Bunga nito, ang mismong kalamnan ng puso ay hindi nakakakuha ng sapat na dugo, isang sintomas nito ay ang angina​—isang di-gaanong mapuwersang pananakit ng dibdib na kalimitang resulta ng pagkapagod. Kapag ang isang coronary artery ay lubusang nabarahan, maaari itong mauwi sa atake sa puso at pinsala sa kalamnan ng puso. Isang malubhang atake ang maaaring magpangyari sa puso na tuluyang huminto sa pagtibok.

Kalakip sa mga sanhi ng panganib para sa atherosclerosis ang paninigarilyo, emosyonal na kaigtingan, diyabetis, katabaan, kakulangan sa ehersisyo, mataas na presyon ng dugo, pagkain ng maraming taba, at mga salik na namamana.

[Mga larawan]

Malusog

Kalagitnaang yugto ng pamumuo

Malala nang pagbara

[Dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Coronary artery

[Dayagram sa pahina 24, 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang Sistemang Cardiovascular

BAGA

PUSO

Kaliwang ventricle

MGA ARTERY

MGA ARTERIOLE

MGA CAPILLARY

MGA VENULE

MGA VEIN

PUSO

Kanang ventricle

Dugong mayaman sa oksiheno

Dugong wala nang oksiheno

Mula sa katawan

SUPERIOR VENA CAVA

KANANG ATRIUM

INFERIOR VENA CAVA

Mula sa katawan

KANANG VENTRICLE

mga balbula

Patungo sa baga

ARTERY NG PALAHINGAHAN

Mula sa baga

KALIWANG ATRIUM

mga balbula

KALIWANG VENTRICLE

AORTA

Patungo sa katawan

[Dayagram sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Kung Paano Tumitibok ang Puso

1. Pagpapahingalay

2. Pagliit ng mga atrium

3. Pagliit ng mga ventricle

[Larawan sa pahina 25]

Ang mga selula ng dugo ay naglalakbay sa 100,000 kilometro na daluyan ng dugo

[Larawan sa pahina 26]

Litrato ng mga capillary na may pulang mga selula ng dugo na nasa iisang hanay

[Credit Line]

Lennart Nilsson

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share