Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 1/8 p. 4-5
  • Kasakiman—Ano ang Ginagawa Nito sa Atin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kasakiman—Ano ang Ginagawa Nito sa Atin?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Nagugutom at Naghihingalo
  • Ang Inalipin
  • Ang Lumalaking Agwat sa Pagitan ng Mayaman at Dukha
  • Magtagumpay ng Pag-iwas sa Silo ng Kasakiman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • “Ang Panahon ng Kasakiman”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Patuloy na Iwasan ang Silo ng Kasakiman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kung Minsan ba’y Nadadaig Ka ng Kasakiman?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 1/8 p. 4-5

Kasakiman​—Ano ang Ginagawa Nito sa Atin?

SINISIRA ng kasakiman ang buhay ng milyun-milyon. Pinasasama nito ang sakim at nagdudulot ng kirot at dalamhati sa kanilang mga biktima. Maaaring nadarama mo ang mga epekto ng kasakiman sa iyong buhay. Kahit na ang karaniwang pang-uumit sa tindahan ay nagpapataas sa mga presyo ng iyong binibili. Kung mababa ang suweldo mo at hindi mo kaya ang halaga ng araw-araw na mga pangangailangan, malamang na ikaw ay isang biktima ng kasakiman ng iba.

Ang Nagugutom at Naghihingalo

Ang sakim na pambansang pansariling-interes ay humahadlang sa mga pagsisikap ng mga pamahalaan na mabisang matulungan ang mahihirap. Noon pa mang 1952, ang siyentipiko at dalubhasa sa nutrisyon na si Sir John Boyd Orr ay nagsabi: “Handang pagkaisahin ng mga pamahalaan ang mga lalaki at mga yaman para sa isang digmaang pandaigdig subalit ang Malalaking Kapangyarihan ay hindi handang magkaisa upang pawiin ang gutom at karukhaan sa daigdig.”​—Food Poverty & Power, ni Anne Buchanan.

Mangyari pa, nailalaan naman ang kaunting tulong. Subalit ano ba ang totoong buhay para sa dukha, pinabayaang karamihan ng populasyon ng daigdig? Binabanggit ng isang ulat kamakailan na sa kabila ng dumaming produksiyon ng pagkain sa ilang lugar, “ang gutom at malnutrisyon ay unti-unting lumalaganap sa karamihan ng mga dukha sa daigdig . . . Sang-kalima [mahigit na isang bilyon] ng mga tao sa daigdig ang nagugutom araw-araw.” Sinasabi pa ng ulat na ito: “Karagdagan pa, 2 bilyon katao ang pinahihirapan ng ‘natatagong gutom’ dahil sa . . . kakulangan sa [pagkain] na maaaring humantong sa malubhang mga karamdaman.” (Developed to Death​—Rethinking Third World Development) Ang mga bilang na ito ay dapat na mapalagay sa mga ulong balita!

Ang Inalipin

Ang mga pinuno ng krimen ay nagpapayaman sa kanilang mga sarili sa ikapipinsala ng kanilang mga biktima at ng publiko sa pangkalahatan. Ang droga, karahasan, prostitusyon, at pagsasamantala sa kabuhayan ay umaalipin sa milyun-milyon. Gayundin, sinasabi ni Gordon Thomas sa kaniyang aklat na Enslaved: “Ayon sa Anti-Slavery Society, tinatayang may 200 milyong alipin sa buong daigdig. Mga 100 milyon sa kanila ay mga bata.” Ano ang pangunahing dahilan? Ang ulat ay nagpapaliwanag: “Ang simbuyo na umalipin ay nananatiling ang pinakapangit na bahagi ng kalikasan ng tao . . . Ang [pang-aalipin ay] bunga ng katakawan, kasakiman at ng pag-ibig sa kapangyarihan.”

Inaalisan ng mga makapangyarihang tao ang mahihina at walang kaya at pinapatay ang marami. “Sa dalawang milyong Indian na nakatira sa Brazil nang unang dumating ang mga taong puti, marahil ay dalawang daang libo ngayon ang natitira.” (The Naked Savage) Bakit? Ang pangunahing dahilan ay kasakiman.

Ang Lumalaking Agwat sa Pagitan ng Mayaman at Dukha

Ang The New York Times ay nag-ulat na si James Gustave Speth, isang administrador sa United Nations Development Program, ay nagsabi na “isang lumilitaw na pangglobong mga piling tao . . . ang nagkakamal ng maraming kayamanan at kapangyarihan, samantalang mahigit na kalahati ng sangkatauhan ay dukha.” Ang mapanganib na agwat na ito sa pagitan ng mayaman at dukha ay lalo pang pinatunayan ng kaniyang mga salita: “Mayroon pa tayong mahigit na kalahati ng mga tao sa planeta na ang kinikita ay wala pang $2 isang araw​—mahigit na 3 bilyong tao.” Isinusog pa niya: “Para sa mga taong dukha sa daigdig ng mayaman at dukha, ito ang kalagayan na pinagmumulan ng kawalang-pag-asa, galit, at kabiguan.”

Ang kawalang-pag-asa na ito ay nadaragdagan pa ng bagay na marami sa mayayaman ang waring walang budhi ni may anumang pakikiramay man sa kalagayan ng mga dukha at maraming taong nagugutom.

Ang mga biktima ng kasakiman ay nasa lahat ng dako. Tingnan, halimbawa, ang nagugulumihanang tingin sa mga mata ng mga nagsilikas na nakulong sa gitna ng mga labanan para sa kapangyarihan sa Bosnia, Rwanda, at Liberia. Tingnan ang ibinabadya ng hindi na makaangal na mga mukha niyaong nagugutom sa gitna ng saganang daigdig. Ano ang nasa likuran ng lahat ng ito? Kasakiman​—sa lahat ng anyo nito!

Paano ka makaliligtas kung ika’y napaliligiran ng sakim na mga maninila sa gayong kasamang kapaligiran? Isasaalang-alang ng susunod na dalawang artikulo ang tanong na ito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share