Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 1/8 p. 9-10
  • Isang Daigdig na Walang Kasakiman

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Daigdig na Walang Kasakiman
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Problema sa Edukasyon?
  • Pakikialam ng Diyos
  • “Pagkasira sa mga Sumisira sa Lupa”
  • May Isa ba na Talagang Makapagpapabago sa Daigdig?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Talagang may Nagmamalasakit
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Kasakiman—Ano ang Ginagawa Nito sa Atin?
    Gumising!—1997
  • Nagbabago Ba ng Isip ang Diyos?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 1/8 p. 9-10

Isang Daigdig na Walang Kasakiman

“KUNG walang pangkalahatang pagbabago sa kaisipan ng tao, walang pagbabagong magaganap para sa ikabubuti ng tao, at ang kapahamakan na pinatutunguhan ng ating daigdig . . . ay hindi maiiwasan.”​—Václav Havel, presidente ng Czech Republic.

Kinikilala ng maraming tao na ang kasalukuyang kaayusan sa daigdig ay hindi makaliligtas. Nakikita ng ilan, gaya ni Václav Havel, na ang tanging lunas ay ang pangglobong pagbabago sa pag-iisip at kilos ng mga tao. Halimbawa, isang tagamasid sa kasalukuyang tanawin sa daigdig ang nagsasabi: “Para sa daan-daang milyong totoong dukha, ang pangmalas para sa pagkain at sa iba pang mga pangangailangan sa buhay ay hindi bubuti . . . malibang ang mga bansa sa daigdig ay kumilos nang may katiyakan upang baguhin ang kasalukuyang mga takbo ng mga bagay-bagay.”​—Food Poverty & Power.

Gayunman, makatotohanan bang maglagak ng ating pag-asa sa kaligtasan sa ilang mahalagang pagbabago sa kalikasan ng tao? Makapagtitiwala ba tayo na ang mga pamahalaan ay “kumilos nang may katiyakan upang baguhin ang kasalukuyang takbo ng mga bagay-bagay”? Gayon ang akala ng ilan. ‘Tayo’y binigyan ng Diyos ng kalayaang pumili, at nasa atin na ang pananagutan upang baguhin ang mga bagay-bagay,’ sabi nila. Subalit ang malupit na mga katotohanan sa kasaysayan ay nagbabangon ng seryosong mga katanungan tungkol sa pagnanais at kakayahan ng tao na gawin ang kinakailangang mga pagbabago. Ang pangmalas na ito ay hindi pesimistiko, kundi, ito’y makatotohanan. Ilalagay mo ba ang iyong buhay sa kamay ng isang siruhano kung nalalaman mong ang lahat ng kaniyang mga pasyente noon ay nangamatay?

Isang Problema sa Edukasyon?

“Ang problema ay pang-edukasyon,” sabi ni Ted Trainer, sa Developed to Death​—Rethinking Third World Development. Sinabi niyang malibang ang mga tao ay maturuan upang makita na kailangan ang mahalagang pagbabago, “hindi tayo makaaasa ng pagbabago tungo sa isang may kakayahang kaayusang pandaigdig.” Walang alinlangang may pangangailangan upang turuan ang mga tao sa kahalagahan ng isang pagbabago sa mga saloobin at mga kilos upang makaligtas ang daigdig. Sa katunayan, ito’y kailangang-kailangan, at binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa gayong programa sa pagtuturo. Sinasabi nitong ang lupa ay “mapupuno ng kaalaman ni Jehova.” Pagkatapos, wala nang “gagawa ng anumang pinsala o magpapangyari ng anumang pagkasira” saanman sa lupa.​—Isaias 11:9.

Subalit gaano man karaming edukasyon, kahit na ang programa sa edukasyon ng Diyos, ay hindi mag-aalis sa lupa ng sakim na mga tao na gumagawa ng malaking pinsala at nagiging sanhi ng malawakang pagkapahamak. Ang edukasyon ay gagawa lamang ng pagbabago sa mga tao na nagnanais magbago, mga taong nais sumunod sa mga pamantayan ng Diyos. Ayon kay Jesu-Kristo, sila ay isang minorya. (Mateo 7:13, 14) Kaya hindi ibinabatay ng Bibliya ang pangako nito ng pagbabago sa ilang guniguning pag-asa na balang araw ang lahat ng sangkatauhan ay matatauhan sa laki ng problema at magbabago ng kanilang mga landas. Sinasabi nito na ang Diyos ay tuwirang kikilos upang alisin sa lupa ang mga taong sakim.

Pakikialam ng Diyos

Itinuturing ng marami ang ideyang ito ng tuwirang pagkilos ng Diyos na isang panaginip o guniguni. “Ang intelektuwal na mga pagsulong noong ikalabingwalong siglo ay pumipilit sa atin na talikdan ang nakaaaliw na ideya ng isang Diyos na makikialam na siyang mag-aayos sa sangkatauhan,” sabi ng World Hunger: Twelve Myths. Subalit dapat ba nating ilagak ang ating pananampalataya sa intelektuwal na mga argumento at mga pilosopiya niyaong mga nawalan ng pananampalataya sa “isang Diyos na makikialam”? Hindi ba guniguni lamang ang kanilang mga lunas?

Mas makabubuting ilagak ang ating pag-asa para sa kaligtasan sa hindi nagkakamaling mga hulang masusumpungan sa Bibliya na bumabanggit sa pakikialam ng Diyos. Hindi lamang ito isang “nakaaaliw na ideya” na maniwala sa mga pangako ng Diyos​—ito lamang ang pinakamakatotohanang pag-asa para sa kaligtasan na mayroon tayo!

“Pagkasira sa mga Sumisira sa Lupa”

Ano bang talaga ang ipinangangako ng Diyos? Buweno, una, siya’y nangangakong aalisin sa lupa yaong mga nagpaparumi at sumisira sa kapaligiran. Ang Apocalipsis 11:18 ay nagsasabi na mayroon siyang isang “itinakdang panahon” upang “dalhin sa pagkasira ang mga sumisira sa lupa.” Ano ang magiging kahulugan niyan? Ito’y mangangahulugan ng wakas niyaong lahat ng kasalukuyang umaapi sa mga dukha at mahihina. ‘Hahatulan [ng Diyos] ang mga dukha sa bayan, ililigtas ang mga anak ng mga mahihirap, at dudurugin ang mapang-api.’ Aalisin niya ang mga sakim at hahayaan niyang sumagana ang kanilang walang-malay na mga biktima. “Kaniyang ililigtas ang mahihirap na humihingi ng tulong . . . Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa pang-aapi at mula sa karahasan.”​—Awit 72:4, 12-14.

Anong laking pagbabago ang dadalhin niyan! Ayon kay apostol Pedro, ang pagbabagong ito ay totoong sakop-ang-lahat anupat ito’y magbubunga ng “mga bagong langit at isang bagong lupa.” (2 Pedro 3:13) Sa “bagong lupa” na ito, ang lahat ay magtatamasa ng sapat na dami mula sa bunga ng lupa. (Mikas 4:4) Kahit sa ngayon, may saganang pagkain para sa lahat. Ang di-pantay na pamamahagi ang problema. “Tinatayang tayo’y makapag-aani nang sapat sa maaaring sakahing dako ng globo upang tustusan ang 38-48 bilyong tao,” sabi ni Anne Buchanan, sa kaniyang aklat na Food Poverty & Power.

Ang planetang ito’y makaliligtas. Ang Maylikha nito ay “hindi nilikha ito para sa walang kabuluhan [kundi] kaniyang ginawa ito upang tahanan.” (Isaias 45:18) Ang pagkilos ng Diyos laban sa mga taong sakim ay mangangahulugan ng maikling panahon ng “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21) Ang mga makaliligtas sa kapighatiang iyon ay magtatamasa ng isang paraisong lupa, na tatahanan ng mga taong lubusang malaya sa kasakiman. (Awit 37:10, 11; 104:5) Ito ay magiging gaya ng ipinangangako ng Bibliya: “Tunay na papahirin ni Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.”​—Isaias 25:8.

Ikaw man ay maaaring maging isa sa maliligayang makikinabang sa pagkilos ng Diyos na linisin sa lupa ang kasakiman. Kung talagang gusto mong gawin ang kalooban ng Diyos, samantalahin ang lahat ng tulong na inilalaan upang tulungan kang makaligtas ngayon sa isang sakim na daigdig. Kumilos upang makaligtas sa “malaking kapighatian.” Ang mga Saksi ni Jehova ay handang tumulong sa iyo na matutuhan kung ano ang kailangan mong malaman. Malayang makipagkita sa kanila sa Kingdom Hall sa inyong lugar o sumulat sa pinakamalapit na direksiyon na nakatala sa pahina 5.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share