Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 1/22 p. 10-12
  • Dapat Ko Bang Ipagtapat ang Aking Kasalanan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dapat Ko Bang Ipagtapat ang Aking Kasalanan?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Walang Naitatago”
  • Pagbasag sa Katahimikan
  • Ang Pagsasabi sa Iyong mga Magulang
  • Paghingi ng Tulong sa mga Matatanda
  • ‘Takot Akong Matiwalag’
  • Dapat Ko Bang Sabihin sa Aking mga Magulang?
    Gumising!—1986
  • Palaging Tanggapin ang Disiplina ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Hinihiling ba ng Diyos na Ipagtapat Mo ang Iyong mga Kasalanan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Paano Kung Nakagawa Ka ng Malubhang Kasalanan?
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 1/22 p. 10-12

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Dapat Ko Bang Ipagtapat ang Aking Kasalanan?

“Hiyang-hiya ako, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Gusto kong lumapit sa aking mga magulang, pero nahihiya ako.”​—Lisa.a

GAYON ang sulat ng isang naguguluhang kabataang babae. Siya’y umibig nang husto sa isang hindi kapananampalataya sa loob ng ilang taon nang isang araw, sa ilalim ng impluwensiya ng alak, siya’y nakipagtalik sa lalaki.

Nakalulungkot sabihin, ang gayong bagay ay nangyayari sa pana-panahon, maging sa gitna ng mga Kristiyanong kabataan. Mientras tayo’y mas bata at higit na walang karanasan, malamang na mas maraming pagkakamali ang magawa natin. Subalit bagaman isang bagay ang makagawa ng maliit na pagkakamali, tiyak na ibang bagay naman ang masangkot sa malubhang pagkakasala, gaya ng seksuwal na imoralidad. (1 Corinto 6:9, 10) Kapag nangyari iyan, kailangan ng isang kabataan ang tulong. Ang problema ay na hindi madaling ipagtapat ang mga pagkakasala ng isang tao.

Isang Kristiyanong kabataang babae ang nakipagtalik bago ang kasal. Ipinasiya niyang magtapat sa mga elder sa kaniyang kongregasyon, itinakda pa nga niya ang petsa ng paggawa niya niyaon. Subalit ipinagpaliban niya ang petsa. Pagkatapos, ipinagpaliban na naman niya ang petsa. Hindi nagtagal, isang taon na ang lumipas!

“Walang Naitatago”

Kung ikaw ay nakagawa ng mabigat na pagkakasala, kailangan mong matanto na ang pananahimik ay isang masamang kaisipan. Unang-una, ang katotohanan ay karaniwang nabubunyag sa paano man. Noong siya’y bata pa, nakabasag si Mark ng isang seramikong palamuti sa dingding. “Sinikap kong pagdikit-dikitin ang mga ito nang buong ingat,” ang gunita niya, “subalit hindi pa natatagalan ay napansin ng aking mga magulang ang mga lamat.” Totoo, hindi ka na isang bata. Subalit karaniwan nang napapakiramdaman ng karamihan ng mga magulang kung may maling ginagawa ang kanilang mga anak.

“Sinikap kong itago ang aking mga problema sa pamamagitan ng pagsisinungaling,” ang pag-amin ng 15-taóng-gulang na si Ann, “subalit humantong ako sa mas malubha pang mga bagay.” Malimit, ang mga kasinungalingan ay nabubunyag. At kapag natuklasan ng iyong mga magulang na ikaw ay nagsinungaling, malamang na sila’y magalit​—higit pa ngang magagalit kaysa kung ipinagtapat mo sana ito sa pasimula pa.

Ang mas mahalaga pa, ganito ang sabi ng Bibliya: “Walang bagay na nakatago na hindi magiging hayag, ni anumang bagay na maingat na nakakubli na hindi kailanman malalaman at hindi kailanman mahahantad.” (Lucas 8:17) Batid ni Jehova kung ano ang ating ginawa at kung ano ang ating ginagawa. Hindi ka maaaring makapagtago sa kaniya kung paanong hindi nakapagtago si Adan. (Genesis 3:8-11) Balang araw, ang iyong mga kasalanan ay maihahayag din sa iba.​—1 Timoteo 5:24.

Ang pananahimik ay makapipinsala sa iyo sa ibang paraan din naman. Ganito ang sulat ng salmistang si David: “Nang ako’y tumahimik ay nanlumo ang aking mga buto dahil sa aking pag-angal sa buong araw. Sapagkat araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay.” (Awit 32:3, 4) Oo, ang hirap ng patuloy na pananahimik ay maaaring makapagpabigat nang husto sa iyong emosyon. Ang kabalisahan at sumbat ng sariling budhi, gayundin ang takot na mabunyag, ay maaaring makasira ng iyong loob. Maaaring pasimulan mong ilayo ang iyong sarili sa mga kaibigan at pamilya. Baka madama mo pa nga na napahiwalay ka na sa Diyos mismo! “Pinahihirapan ako ng isang nababagabag na budhi dahil sa napalungkot ko si Jehova,” ang sulat ng isang kabataang nagngangalang Andrew. “Patuloy na binabagabag ako nito.”

Pagbasag sa Katahimikan

Mayroon bang anumang paraan upang guminhawa mula sa emosyonal na kaligaligang ito? Oo, mayroon! Ganito ang sabi ng salmista: “Aking kinilala ang aking kasalanan sa iyo, at ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli. . . . At iyong ipatatawad ang kasamaan ng aking kasalanan.” (Awit 32:5; ihambing ang 1 Juan 1:9.) Kaya naman si Andrew ay nakasumpong ng totoong kaluwagan ng dibdib sa pagtatapat ng kaniyang kasalanan. Ganito ang kaniyang nagugunita: “Lumapit ako kay Jehova at taimtim na nanalangin para sa kaniyang kapatawaran.”

Maaari mo ring gawin ang gayon. Manalangin ka kay Jehova. Alam niya kung ano ang iyong nagawa, subalit may kapakumbabaang aminin ito sa kaniya sa panalangin. Humingi ng tawad, huwag mag-atubili dahil sa nadarama mong napakasama mo na upang tulungan pa. Namatay si Jesus upang matamasa natin ang isang mabuting katayuan sa Diyos sa kabila ng ating di-kasakdalan. (1 Juan 2:1, 2) Maaari ka ring humingi ng lakas upang makagawa ng kinakailangang mga pagbabago. Ang pagbabasa ng Awit 51 ay napatunayang lalong makatutulong sa iyo sa paglapit na ito sa Diyos.

Ang Pagsasabi sa Iyong mga Magulang

Gayunman, higit pa ang kailangan kaysa basta pagtatapat sa Diyos. Ikaw ay obligado ring magsabi sa iyong mga magulang. Sila’y pinag-utusan ng Diyos na palakihin ka “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Magagawa lamang nila ito kung alam nila ang iyong mga problema. Minsan pa, ang pagsasabi sa iyong mga magulang ay maaaring hindi gayong kadali o kaiga-igaya. Subalit pagkatapos ng kanilang galit sa una, malamang na masusupil na nila ang kanilang mga damdamin. Sila’y maaari pa ngang malugod na pinagtiwalaan mo sila upang ihayag ang iyong problema sa kanila. Ang talinghaga ni Jesus tungkol sa alibughang anak ay nagsasabi tungkol sa isang binata na gumawa ng seksuwal na imoralidad. Subalit nang siya’y sa wakas nakapagtapat, tinanggap siya ng kaniyang ama nang dalawang kamay! (Lucas 15:11-24) Walang alinlangan ang iyong mga magulang ay malamang na tumulong sa iyo. Tutal, mahal ka pa rin naman nila.

Totoo naman, maaaring natatakot kang masaktan ang iyong mga magulang. Subalit hindi ang pagtatapat ng kasalanan ang nakasasakit sa iyong mga magulang; ang paggawa ng kasalanan ang nakasasakit! Ang pagtatapat ang unang hakbang upang maibsan ang sakit ng loob na iyon. Si Ann, na binanggit sa umpisa, ay nagtapat sa kaniyang mga magulang at pagkatapos ay lumuwag nang husto ang kaniyang dibdib.b

Subalit ang isa pang hadlang sa pagtatapat ay ang kahihiyan at pagkapahiya. Ang tapat na eskribang si Ezra ay hindi siya mismong nakagawa ng pagkakasala, subalit nang ipagtapat niya ang mga kasalanan ng kaniyang kapuwa Judio, sinabi niya: “Ako’y napahiya at namula na itaas ang aking mukha sa iyo, O aking Diyos.” (Ezra 9:6) Totoo naman, likas lamang na mahiya kapag nakagawa ka ng pagkakamali. Ipinahihiwatig nito na ang iyong budhi ay kumikilos pa rin. At sa kalaunan ay mawawala rin ang gayong pagkahiya. Ganito ang sabi ni Andrew: “Talagang napakahirap at nakahihiya na magtapat. Pero ang malaman na magpapatawad si Jehova nang sagana ay isang kaluwagan sa aking dibdib.”

Paghingi ng Tulong sa mga Matatanda

Kung ikaw ay isang Kristiyano, ang mga bagay-bagay ay hindi nagtatapos sa pagtatapat sa iyong mga magulang. Ganito ang sabi ni Andrew: “Alam kong dapat kong ipaalam ang aking problema sa matatanda sa kongregasyon. Anong laking ginhawa na sila’y naroroon upang tumulong sa akin!” Oo, ang mga kabataan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay maaari at dapat na humingi ng tulong at pampatibay-loob sa matatanda sa kongregasyon. Subalit bakit hindi ka na lamang manalangin kay Jehova at hayaan na lamang iyon? Sapagkat ipinagkatiwala ni Jehova sa matatanda ang pananagutan ng ‘pagbabantay sa inyong mga kaluluwa.’ (Hebreo 13:17) Sila’y makatutulong upang maiwasan mong magkasala muli.​—Ihambing ang Santiago 5:14-16.

Huwag mong dayain ang iyong sarili sa pamamagitan ng pangangatuwiran na matutulungan mo ang iyong sarili. Kung talagang malakas ka upang gawin iyan, mahuhulog ka kaya sa pagkakasala sa una pa? Maliwanag, kailangan mo ang tulong ng iba. May lakas ng loob na ginawa iyan ni Andrew. Ang payo niya? “Hinihimok ko ang sinuman na nakagawa ng malubhang pagkakasala, o nasasangkot sa mabigat na pagkakasala, na buksan ang kaniyang dibdib kay Jehova at sa isa sa kaniyang mga pastol.”

Subalit paano ka lalapit sa isang matanda? Pumili ka ng isa na palagay ang iyong loob. Maaari mong pasimulang sabihin na: “Kailangan ko pong ipakipag-usap ang isang bagay sa inyo” o “Mayroon po akong problema” o maging “May problema po ako at kailangan ko ang tulong ninyo.” Ang pagiging tapat mo at totoo ay tunay na magpapakita ng iyong pagsisisi at pagnanais na magbago.

‘Takot Akong Matiwalag’

Kumusta naman ang posibilidad na iyan? Totoo naman na ang paggawa ng malubhang pagkakasala ay magpapangyaring maaaring matiwalag ang isa, subalit hindi naman kaagad-agad. Ang pagtitiwalag ay para sa mga taong tumatangging magsisi​—may katigasan ng ulo na tumatangging magbago. Ganito ang sabi ng Kawikaan 28:13: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit ang nagtatapat niyaon at umaalis doon ay kahahabagan.” Ang bagay na ikaw ay lumapit sa mga matanda upang humingi ng tulong ay isang katibayan ng iyong pagnanais na magbago. Ang mga matanda ang pangunahing tagapagpagaling, hindi mga tagapagparusa. Sila’y may pananagutan na pakitunguhan ang bayan ng Diyos nang may kabaitan at dignidad. Ibig nilang makatulong sa iyo na gawing ‘tuwid ang landas para sa iyong mga paa.’​—Hebreo 12:13.

Sabihin pa, kapag nasangkot ang panlilinlang o nakaugalian nang paggawa ng malubhang pagkakasala, maaaring magkulang sa paggawa ng “mga gawang naaangkop sa pagsisisi.” (Gawa 26:20) Kung minsan ito’y nagbubunga ng pagtitiwalag. At kahit pa nagsisisi ang nagkasala, ang mga matanda ay napipilitang magpataw ng ilang anyo ng disiplina. Dapat ka bang magalit o maghinanakit sa kanilang pasiya? Sa Hebreo 12:5, 6, ganito ang paghimok ni Pablo: “Anak ko, huwag mong maliitin ang disiplina mula kay Jehova, ni manghina man kapag itinutuwid ka niya; sapagkat ang iniibig ni Jehova ay kaniyang dinidisiplina; sa katunayan, hinahagupit niya ang bawat isa na kaniyang tinatanggap bilang anak.” Anumang disiplina ang iyong tanggapin, malasin mo ito bilang katibayan na mahal ka ng Diyos. Tandaan, ang tunay na pagsisisi ay magpapanumbalik sa iyo sa isang wastong kaugnayan sa ating maawaing Ama, ang Diyos na Jehova.

Nangangailangan ng tibay ng loob na harapin ang iyong mga pagkakamali. Subalit sa paggawa ng gayon, maaari mong maituwid ang mga bagay-bagay hindi lamang sa iyong mga magulang kundi sa Diyos na Jehova mismo. Huwag mong pahintulutang ang takot, pagmamapuri, o pagkapahiya ang humadlang sa iyo sa pagkuha ng tulong. Tandaan: si Jehova ay “nagpapatawad ng sagana.”​—Isaias 55:7.

[Mga talababa]

a Ang ilan sa mga pangalan ay pinalitan.

b Para sa impormasyon tungkol sa paglapit sa iyong mga magulang, tingnan ang kabanata 2 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Blurb sa pahina 12]

‘Hinihimok ko ang lahat ng nagkasala na buksan ang kanilang dibdib kay Jehova.’​—Andrew

[Larawan sa pahina 11]

Ang pagtatapat sa iyong mga magulang ay maaaring humantong sa panunumbalik ng sigla sa espirituwalidad

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share