Ang Everglades ng Florida—Isang Balisang Panawagan Mula sa Ilang
HALOS isang milyong bisita ang dumaragsa sa kahanga-hangang tropikal na paraisong ito taun-taon upang magmasid sa kamangha-manghang mga kababalaghan ng mga gawa ng Dakilang Maylikha. Dito, walang gamilya ang lalim na mga bangin o sintaas ng langit na mga dalisdis na nagpapangyari sa isa na tumayo nang may pagkasindak, walang malakas na mga talon ng tubig na kukunan ng litrato, walang gumagalang hayop na moose o naglalakad na mga osong grizzly upang hangaan mula sa malayo. Sa halip, ang Everglades National Park ang kauna-unahang pambansang parke sa daigdig na itinayo dahil sa saganang hayop at halaman nito sa halip na dahil sa makapigil-hiningang tanawin nito.
Dahil sa ang ilang bahagi nito ay damuhan, ang ibang bahagi naman nito ay tropikal na latian, ito ay tinatawag na “ilog ng damo.” Ang buhay para sa mga naninirahan dito ay nagpapatuloy na gaya ng dati sa loob ng mga dantaon. Ang mga buwayang sampung talampakan ang haba ay nagbibilad sa araw at sa init ng singaw, na pinananatiling bukas ang isang mata para sa kanilang susunod na malaking huli. Sa gabi ang latian ay umaalingawngaw sa kanilang mga ungol at ang lupa ay nayayanig habang isinasagawa nila ang kanilang mga ritwal sa pagpaparami. Ang mga pagong na sinlaki ng batya ay gumagaygay sa damuhan sa paghahanap ng pagkain. Ang humahagibis, mapaglarong mga river otter ay dito rin nakatira. Ang sariwang bakas ng mga Florida panther na gumagala-gala ay makikita sa malambot na putik. Ang mga usang puti ang buntot ay kailangang laging alisto, sapagkat sila’y kakanin ng mga sumusubaybay na mga panther sa bawat pagkakataon. Ang raccoon, na kadalasang inilalarawan na hinuhugasan ang kanilang pagkain sa kalapit na mga sapa, ay palagay na palagay sa Everglades, sagana sila sa pagkain sa Everglades.
Sagana rin ang buhay na halos di-nakikita ng mga dumadalaw sa Everglades. Maraming klaseng palaka ang hindi halatang nakaupo sa mga dahon sa ibabaw ng lupa, sa mga lumulutang na dahon ng water lily, at sa magagandang hyacinth sa tubig sa mga gawang-taong kanal. Gumagapang nang napakabagal sa gitna ng mga halaman sa tubig ang mga susong apple snail—sinlaki ng bola ng golf na mga mollusk, na nasasangkapan ng mga hasang at isang simpleng-klase ng bagà, na nagpapangyari sa mga ito na huminga kapuwa sa ilalim ng tubig at sa ibabaw ng tubig. Ang mababaw na tubig ay namumutiktik sa ulang, alimasag, at maraming klaseng isda. Napakaraming ahas at mga insekto at gumagapang na mga bagay—pawang naghihintay upang kumain o makain.
Sa gitna naman ng mga nilikhang may balahibo ay makikita ang magagandang ibong roseate spoonbill, ang puting ibis, at ang maputing mga tagak na umaali-aligid sa itaas samantalang iniiwan naman ng kanilang mga kabiyak ang paglipad upang limliman ang mga itlog na naglalaman ng kanilang inaasahang mga inakay. Ang tanawin ng napakagandang malaking asul na heron sa himpapawid, na lumilipad nang napakabilis upang mabilang, ay hindi malilimutan. Ang mga sea gull, pelikano, at lilang gallinule ay makikita sa himpapawid na kasama ng maringal na bald eagle, ang pambansang sagisag ng Amerika.
Nariyan din ang mahabang-leeg na ibong cormorant at ang anhinga, o ibong-ahas, tinatawag na gayon dahil sa ito’y mas mukhang reptilya kaysa sa ibon kapag inilabas nito ang mahaba’t hugis-S na leeg nito sa ibabaw ng tubig. Ang dalawang uri ng ibong ito, na likas na maganang kumain, ay nag-aagawan sa pagkain sa mababaw na mga tubig ng Everglades. Kapag ang mga ito’y basa, inilaladlad kapuwa ng mga ito ang kanilang mga pakpak at ibinubuka ang kanilang mga balahibo sa buntot, na lumilikha ng marangyang pagtatanghal na para bang nagpapalitrato. Tanging kapag lubusang natuyo na ang kanilang mga balahibo saka pa lamang makalilipad ang mga ibon.
Upang mapansin, gugulatin ng tulad-grua na limpkin ang mga bisita sa pamamagitan ng tili nito. Ang malaki, kulay-kayumangging ibon na ito na may mga batik na puti ay tinawag na ibong umiiyak sapagkat ang tunog nito ay parang isang taong nagdadalamhati na tumatangis sa kabiguan. Ang pambihira at nanganganib malipol na Everglades kite, sinlaki ng uwak na ibong maninila—na ang pananatiling buhay mismo nito ay depende sa makukuhang susong apple snail—ay isang di-malilimot na tanawin para sa mga nagmamasid ng ibon. Tumititig paitaas, ang mga bisita ay mamamangha sa pagkalaki-laking kawan ng mga ibon na humahapon sa matatayog na buháy na mga punong encina na punô ng makikintab na luntiang mga dahon at nagagayakan ng animo’y palarang mga hibla ng Spanish moss. Bumabagay sa mga kulay ng ibon ang berde at pulang mga bulaklak na nakabitin sa magagandang baging na nakapaligid sa mga punungkahoy. Dito ay malilimutan ng mga bisita kung saang bansa sila naroroon at kung aling kontinente sila naroroon. Ah, narito ang isang daigdig na sa ganang kaniya, isang tunay na paraiso, likas at maganda.
Sa wakas, may mababaw na tubig at tinutubuan ng ginintuang damong saw grass—ang di-mapagkakamaliang tampok ng Everglades. Makikita hanggang sa maabot ng tanaw itong kumikinang at kumikislap na tahimik na ilog ng damo, na patag na patag na mistulang ibabaw ng mesa, na humahapay patimog ng wala pang apat na centimetro sa bawat kilometro. Hindi mapapansin, walang nakikitang agos, ang tubig ay marahang umaagos patungo sa dagat. Ito ang buhay mismo ng Everglades; kung wala ito, mamamatay ang Everglades.
Sa mga unang taon ng siglong ito, bago pa lubhang pininsala at sinira ng tao ang dagat na ito ng damo ay sumusukat ng hanggang 80 kilometro mula sa silangan tungo sa kanluran at umaabot ng 500 kilometro mula sa Ilog Kissimmee tungo sa Florida Bay. Ang isang taong katamtaman ang laki ay maaaring lumakad nang painut-inot sa tubig hanggang sa malayo nang hindi nababasa ang kaniyang mga balikat. Ang mga airboat ay mabilis na dumaraan sa ibabaw ng mababaw na mga tubig sa mataas, ginintuang damong saw grass na ubod ng bilis, na nagbibigay sa mga turista ng di-malilimot at kapana-panabik na karanasan. Ang mga mamimingwit ay nagpupunta upang mamingwit ng isdang bass at ng iba pang isda sa tubig-tabang at tubig-alat, gaya ng ginagawa nila sa loob ng mahabang panahon.
Isang Balisang Paghingi ng Saklolo
Sa pasimula ng siglong ito, itinuring ng mga pulitiko at mga negosyante ng Florida ang Everglades na isang latian ng di-kanais-nais na mga bagay na dapat alisin upang magbigay-daan para sa pagtataguyod ng real estate, paglawak ng lunsod, at pag-unlad ng agrikultura. “Prinsahan ito, gawan ito ng dike, alisan ito ng tubig, ilihis ito” ang kanilang sawikain. Noong 1905, bago siya mahalal bilang gobernador ng Florida, si N. B. Broward ay nangakong pipigain ang huling patak ng tubig mula sa “punô ng pesteng latian” na iyon.
Hindi ito walang-saysay na mga pangako. Ang dambuhalang mga makinang naglilipat ng lupa at mga kagamitan sa pagdadraga ay dinala. Sa ilalim ng direksiyon at pangangasiwa ng U.S. Army Corps of Engineers, 90 kilometro ng mga kanal ang hinukay na 9 na metro ang lalim, sa gayo’y sinisira ang mahigit na isang milyong metro kudrado ng mga latian sa paggawa nito. Pagkalaki-laking mga pantalan, dike, at mga pumping station ang itinayo, at marami pang kanal at mga daan ang nagsangandaan sa Everglades. Ang mahalaga, nagbibigay-buhay na mga tubig ay inilihis mula sa malawak na lupang ito na punô ng buhay upang suportahan ang malaki, bagong gawang mga sakahan. Ang mga lunsod sa tabing-dagat ay pinalawak din pakanluran, anupat kinukuha ang higit pang lupa ng Everglades para sa malalaking pabahay na mga pamayanan, mga haywey, mga sentrong pamilihan, at mga palaruan ng golf.
Bagaman ang bahagi ng Everglades ay idineklarang isang pambansang parke noong 1947, ang pag-aalis at paglihis ng tubig ay nagpatuloy sa kapaha-pahamak na bilis. Ang mga dalubhasa sa kapaligiran ay sumasang-ayon na ang pag-aalis ng tubig sa Everglades—at ang paggugol ng milyun-milyong dolyar sa paggawa nito—ay isang pagkalaki-laking katiwalian. Iilan ang nakauunawa na ang pagsira sa daloy ng tubig ay magkakaroon ng kapaha-pahamak na epekto sa buhay sa Everglades. Lumipas ang mga dekada bago nakita ang pinsala.
Gayunman, nagbabala na ang mga dalubhasa sa kapaligiran at mga biyologo noong kalagitnaan ng mga taong 1980, na ang Everglades ay namamatay. Para bang ang lahat ng nabubuhay na bagay roon ay nagrereklamo, sumisigaw at humihingi ng saklolo. Ang mga sapa-sapaan kung saan nakatira ang mga buwaya ay natuyo noong tagtuyot. Nang umulan at bumaha ang mga pook na iyon, ang kanilang mga pugad at mga itlog ay natangay. Ngayon ang kanilang bilang ay lubhang umunti. May mga ulat na nagsasabing kinakain ng mga buwaya ang kanilang mga anak. Ang magagandang ibong naglalakad nang painut-inot sa tubig na dati’y mahigit na isang milyon sa pook na iyon ay umunti tungo sa libu-libo—bumaba ng 90 porsiyento. Ang magagandang ibong roseate spoonbill na dating nagpapadilim sa kalangitan kapag nagbabalik sa kanilang mga pugad ay umunti nang husto kung ihahambing. Mula noong mga taon ng 1960, bumaba ang bilang ng ibong wood stork mula sa 6,000 nangingitlog na mga ibon tungo sa 500 na lamang, anupat nanganganib na malipol ang uring ito. Nanganganib din ang saganang pabinhian para sa mga laman-dagat na industriya ng estado sa Florida Bay. Ang populasyon ng lahat ng iba pang vertebrata, mula sa usa hanggang sa mga pagong, ay umunti ng 75 porsiyento hanggang 95 porsiyento, ulat ng isang biyologo.
Bukod pa sa patuloy na panghihimasok ng agrikultura at ng iba pang gawain ng tao ay nariyan din ang mga pamparumi mula sa mga abono at mga pestisidyo na unti-unting nagpaparumi sa lupa at sa tubig. Ang mataas na antas ng asoge ay nakita sa lahat ng antas ng kawing ng pagkain, mula sa isda sa mga latian hanggang sa raccoon at mga buwaya at mga pagong. Ang mga mangingisda ay pinapayuhan na huwag kumain ng isdang bass at hito na nahuli sa tubig doon na may asoge na nakuha sa lupa. Ang mga panther ay naging biktima rin ng panghihimasok ng tao, na napatay hindi lamang ng pagkalason sa asoge kundi rin naman ng ilegal na mga mangangaso. Ang hayop na ito’y lubhang nanganganib malipol anupat ang bilang nito ay inaakalang wala pang 30 sa buong estado at 10 sa parke. Ang ilang katutubong halaman sa Everglades ay nanganganib ding malipol.
Naniniwala ang ilang nagmamasid at mga dalubhasa sa kapaligiran na ang Everglades ay maaaring hindi na makabawi. Subalit, naniniwala ang mga opisyal ng pamahalaan at ng parke at ng maraming dalubhasa sa kapaligiran na sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo at ng mabilis na pagkilos sa bahagi ng mga ahensiya ng estado at ng pederal na pamahalaan, ang Everglades ay maililigtas. “Talagang walang nakaaalam kung kailan ang isang bagay na kasinlaki at kasinsalimuot na gaya nito ay umabot sa punto na hindi na makabawi,” sabi ng isang opisyal. “Baka nga nangyari na ito.” Ang biyologong si John Ogden ay umaamin na ang posibilidad ng pagsasauli ng Everglades sa mabuting kalagayan ay hindi maaasahan, ngunit siya’y optimistiko. “Kailangan kong maging optimistiko,” aniya. “Ang alternatibo ay isang biyolohikal na disyerto, na ang nalabi sa parke ay ilang buwaya rito, ilang pugad ng ibon doon at isang magandang museo na sa gitna nito ay may panther na pinalamanan ng bulak bilang dekorasyon.”
Ang protesta ng mga opisyal sa Florida, mga biyologo, at ng mga dalubhasa sa kapaligiran sa buong bansa ay dininig ng pederal na mga opisyal at ng mga pulitiko sa Washington, pati na ng presidente at bise-presidente ng Estados Unidos. Ngayon ay ibinalik ito sa plano ng U.S. Army Corps of Engineers, na sinira naman ng sinundan nito ang trabaho na ginawa nila mga taon na ang nakalipas. Ang kanilang bagong pangitain ay iligtas ang Everglades at ang buhay na naririto, sa halip na alisan ito ng tubig, prinsahan ito, at ilihis ito.
Maliwanag, ang isyu ay ang tubig. “Ang saligan para sa tagumpay ay mas malinis na tubig—at marami nito,” sulat ng U.S.News & World Report, at “iyan ay mangyayari lamang kung babawasan ang tubig na itinutustos sa mga dako ng agrikultura o sa mga lunsod. Ang mga tubuhan at taniman ng gulay sa Timog ng Florida ang malamang na mga puntirya.” “Mahirap bahaginin ang tubig, subalit nagbigay na kami ng sapat na tubig, at wala na kaming maibibigay pa,” sabi ng tagapamahala sa Everglades Park na si Robert Chandler. “Kailangang magkaroon ng maingat na konserbasyon ang iba,” aniya. Nangangamba ang mga nagtataguyod sa pagsasauli sa Everglades na ang kanilang pinakamalaking pakikipagbaka laban sa proyekto ay darating mula sa mga may-ari at mga magsasaka ng tubuhan sa Florida na may malaking inaaring lupa sa Everglades. Sa ikapipinsala ng buhay sa Everglades, maraming tubig ang hinihigop upang tustusan ang kanilang mga pangangailangan.
Ang pagsasauli at pagliligtas sa Everglades ay magiging ang pinakamapanghamon at pinakamagastos na proyekto ng pagsasauli sa kasaysayan. “Kasangkot dito ang maraming salapi, kasangkot dito ang malawak na lupa, at kasangkot dito ang pagsasauli ng ecosystem sa lawak na hindi pa kailanman nakita saanman sa daigdig,” sabi ng opisyal na namamahala sa proyekto ng Everglades sa World Wildlife Fund. “Sa susunod na 15 hanggang 20 taon, sa halagang humigit-kumulang $2 bilyon,” paliwanag ng magasing Science, “pinaplano ng Corps at ng estado at ng iba pang pederal na ahensiya na baguhin ang daloy ng tubig sa buong ecosystem ng Florida Everglades, pati na ang 14,000 kilometro kudrado [5,400 milya kudrado] ng mga latian at daanan ng tubig.”
Bukod pa riyan, ang plano ay humihiling ng pagbili ng halos 40,000 ektaryang bukirin malapit sa Lake Okeechobee at gawin itong latian na sasala sa mga pamparumi sa pag-aalis ng tubig sa natitirang bukirin. Ang mga may-ari ng tubuhan ay galit na galit sa iminumungkahing bawas sa tulong ng pederal na gobyerno sa industriya na isang sentimo sa bawat libra upang madagdagan ang salapi para linisin ang Everglades. “Ang pagsasauli ay dapat na bayaran niyaong mga nakikinabang nang husto sa pagsira nito: Ang mga may-ari ng tubuhan sa Florida at ang mga nagpoproseso nito,” ayon sa editoryal ng pahayagang USA Today. Tinatayang ang isang-porsiyento-bawat-libra na pagtasa sa asukal ng Florida ay makagagawa ng $35 milyon sa isang taon.
Inaasahan na ang labanan—mga magsasaka at mga may-ari ng tubuhan laban sa mga biyologo, mga dalubhasa sa kapaligiran, at mga mahilig sa kalikasan—ay magpapatuloy kung paanong ito’y nagpapatuloy sa ibang bahagi ng Estados Unidos kung saan ang katulad na mga pangkat ay naglalaban sa isa’t isa. Ang Pangalawang Pangulo na si Gore ay nanawagan para sa pakikipagtulungan. “Sa paggawang magkakasama,” sabi niya, “malulunasan natin ang pagkakabahaging ito at makatitiyak tayo ng isang malusog na kapaligiran at isang masiglang ekonomiya. Subalit ngayon na ang panahon para kumilos. Wala nang iba pang Everglades sa daigdig.”
[Larawan sa pahina 13]
Buwaya
[Credit Line]
USDA Forest Service
[Larawan sap pahina 14]
Bald eagle
[Larawan sa pahina 15]
Puting ibis
[Larawan sa pahina 15]
Isang pares ng namumugad na Anhinga, o mga ibong-ahas
[Larawan sa pahina 16]
Tatlong raccoon na nagtatampisaw
[Larawan sa pahina 16]
Tagak
[Larawan sa mga pahina 16, 17]
Malaking asul na heron
[Larawan sa pahina 17]
Limpkin, tinatawag ding umiiyak na ibon
[Larawan sa pahina 17]
Mga sisiw na cormorant