Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 1/22 p. 23-27
  • “Kapag Ako ay Mahina, sa Gayon ay Makapangyarihan Ako”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Kapag Ako ay Mahina, sa Gayon ay Makapangyarihan Ako”
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Palaisip sa Aming Espirituwal na Pangangailangan
  • Pagpapatotoo sa Pamamagitan ng Telepono
  • Isang Makalupang Paraiso sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ni Jehova
  • Mas Malalâ sa AIDS
    Gumising!—1989
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
  • Hindi Na Isang Bato o Isang Pulo
    Gumising!—1994
  • Ibinalik ng Katotohanan ang Aking Buhay
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 1/22 p. 23-27

“Kapag Ako ay Mahina, sa Gayon ay Makapangyarihan Ako”

LUMAKI ako sa maliit na bayan sa hilaga ng San Francisco, California, na tinatawag na Petaluma. Ang aking ina ay may pagkarelihiyosa, subalit si itay ay hindi relihiyoso. Ako’y naniniwala sa isang maylikha sa tuwina​—hindi ko lang alam kung sino siya.

Nang ako’y lumalaki, ako’y isang masayahing bata. Anong giliw na nagugunita ko pa na tinatamasa ang maliligayang araw na iyon! Wala akong kamalay-malay na may mga nangyayari sa loob ng aking katawan na mag-aalis ng karamihan sa aking kalayaan. Taon ng 1960 noon, ang huling taon ko sa haiskul, na natatandaan kong sinabi ko sa aking matalik na kaibigan ang tungkol sa kirot na nararamdaman ko sa ilang daliri.

Di-nagtagal ang aking mga paa ay sumasakit nang husto anupat ako’y dinala ni inay sa isang ospital sa San Francisco, kung saan ako’y nanatili ng halos anim na araw. Ako’y 18 noon, at isiniwalat ng mga resulta ng pagsusuri na ako’y may rheumatoid arthritis. Nagpainiksiyon ako ng gold sodium thiosulfate, pagkatapos ng prednisone, at saka isa pang uri ng cortisone. Lahat-lahat, ginamit ko ang mga gamot na iyon sa loob ng 18 taon, at sa bawat kaso ay nabawasan nito ang kirot sa loob ng ilang taon subalit unti-unting nawalan ng bisa, at ako’y gumamit ng susunod na gamot. Ang walang-tigil na kirot ay hindi maaaring waling-bahala, at ako’y naging desperado sa aking paghahanap ng iba’t ibang uri ng kagamutan. Nakasumpong ako ng ilang alternatibong paggamot na sa paano man ay nakatulong. Mabuti na lamang, hindi na ako dumaranas ng matinding kirot na gaya noon nang ang aking sakit ay mabilis na lumalala at kumakalat sa aking katawan.

Isang araw noong 1975, di-sinasadyang natagpuan ng aking anak na lalaki ang isang aklat talaan ko noong ako’y sanggol pa na itinago ng nanay ko. Natuklasan ko na nang ako’y anim na buwang gulang, isang doktor ang gumamot sa akin sa pamamagitan ng X-ray dahil sa isang lumaking thymus. May palagay ako na ang mga paggamot sa akin sa pamamagitan ng radyasyon noong ako’y sanggol pa ang dahilan ng kalagayan ko ngayon. Kung gayon nga, anong laking pagkakamali nga niyaon!

Ako’y nag-asawa noong 1962. Noong 1968, sa maagang yugto ng sakit, kami ng asawa ko, si Lynn, ay nagtatrabahong magkasama sa isang panaderya na pag-aari namin. Gigising kami ng mga alas-4:00 n.u., at ang asawa ko ang gagawa ng masa at saka kung minsa’y maiidlip sa mga sako ng arina samantalang ang tinapay ay nasa hurno. Hihiwain namin ito at babalutin, at saka ito ihahatid ni Lynn. Noong minsan isang ahente ng seguro ang dumalaw sa panaderya at nagsabi sa amin tungkol sa ipinangakong Kaharian ng Diyos. Naibigan namin ang aming narinig, subalit kami’y totoong abala. Ang rutang pinaghahatiran namin ng tinapay ay lumalawak, at kami’y napabigatan ng higit pang sekular na trabaho. Sa aming kasiyahan, binili ng isa pang panaderya ang aming negosyo! Si Lynn ay nagtrabaho sa kanila, at ako’y nagtrabaho sa isang beauty shop. Subalit, habang lumalala ang artritis, ako’y nakapagtatrabaho ng tatlong araw na lamang sa isang linggo at sa wakas ako’y huminto nang tuluyan.

Nang panahong iyan, isa sa mga Saksi ni Jehova ang regular na dumadalaw sa bahay at inalok ako ng mga magasing Bantayan at Gumising! Lagi akong nagbibigay sa kaniya ng kontribusyon at kinukuha ang mga magasin, inaakala kong ginagawan ko siya ng pabor. Pagkaalis niya, ilalagay ko ito sa ibabaw ng istante nang hindi ito binubuksan sa loob ng ilang araw, at pagkatapos ay itatapon ito ng isa sa amin. Talagang nakapanghihinayang, sapagkat ngayon ay pinahahalagahan namin ang espirituwal na kahalagahan nito. Gayunman, noong panahong iyon ang mga bagay na may kaugnayan sa relihiyon ay waring hindi gaanong mahalaga.

Palaisip sa Aming Espirituwal na Pangangailangan

Isang gabi ay pinag-uusapan naming mag-asawa na tiyak na may higit pa sa buhay kaysa sa pagkain at pagtulog at pagpapagal. Sinimulan naming hanapin ang espirituwalidad na wala sa aming buhay. Ibinaling namin ang aming pansin sa isang maliit na simbahan sa dulo ng kalye, subalit hindi namin nasumpungan ang espirituwal na kasiglahang inaasahan namin. Madalas na pag-usapan ng mga miyembro ng simbahan ang tungkol sa kanilang lokal na mga problema.

Ang Saksing nagdadala ng mga magasin ay dumadalaw sa loob halos ng isang taon, subalit ang aking rutin ay hindi nagbago hanggang sa wakas ay binasa ko ang Oktubre 8, 1968, na labas ng Awake!, na pinamagatang “Is It Later Than You Think?” Nagustuhan ko ang nabasa ko, at nakatutuwa naman, nagustuhan din ito ng aking asawa. Nagsimula kaming mag-aral at mabilis naming tinanggap ang katotohanan na parang mga espongha. Buong pananabik na tinanggap namin ang lahat ng kamangha-manghang mga bagay na aming natututuhan. Kami’y nabautismuhan noong 1969.

Paglipas ng panahon, naging mahirap para sa akin na tumayo at maupo at lalong mahirap na lumakad. Kailangang pilitin ko ang aking mga tuhod na bumaluktot upang makapasok at makalabas ng kotse. Natutuhan kong mabuhay na may mga limitasyon at kirot anupat ako’y madalas umiyak. Pagkatapos ay aayusin ko ang aking makeup, at kami’y aalis patungo sa mga pulong o lalabas sa paglilingkod sa larangan. Ako’y lumalakad sa bahay-bahay hangga’t makakaya ko. Sinisikap kong lumabas sa larangan minsan o makalawa sa bawat linggo, hanggang sa ang paninigas at kirot sa aking mga tuhod at paa ay hindi na nagpapahintulot na gawin ko ito. Madalas akong mag-alala na ako’y matumba at hindi na makabangon. Nakatutulong kapag ako’y nakikipag-usap kay Jehova. Kung minsan ay iyak na lamang ako nang iyak.

Subalit, ang pag-iyak ay hindi laging posible. Ang isang taong may rheumatoid arthritis ay maaari ring matuyo ang mata. May mga panahong naranasan ko ang matinding pagkatuyo anupat napakahirap bumasa. Kapag nangyari iyon, nakikinig ako sa mga tape ng Bibliya. Madalas akong maglakad nang nakapikit sapagkat ang pagkilos ng aking mga talukap ng mata ay gagalos sa aking mga mata. Mabuti pang ako’y naging bulag. Kung minsan, kailangan kong maglagay ng artipisyal na mga luha sa aking mga mata tuwing limang minuto. Masahol pa riyan, kailangan kong maglagay ng pampahid sa aking mga mata at bendahan ito sa loob ng lima o anim na araw hanggang sa ang mga ito ay gumaling. Ang pananatiling mapagpasalamat ay hindi madali kapag ang isa ay nakikipagpunyagi sa isang pangmatagalang karamdaman na hindi mo maaasahang gumaling sa sistemang ito.

Noong 1978, kailangan kong bumaling sa isang silyang de gulong. Ang pagpapasiyang iyan ay mahirap. Inantala ko ito hangga’t magagawa ko, subalit wala na akong mapagpipilian. Alam kong darating ang araw na kakailanganin ko ang isang silyang de gulong, subalit ang aking pag-asa ay na mauunang darating ang bagong sanlibutan ng Diyos. Si Lynn ay bumili ng isang mataas na silyang umiikot na may malapad na limang-gulong na paa. Sa pamamagitan nito, naitutulak ko ang aking sarili sa palibot ng bahay.

Ako’y nasisiphayo kapag inaabot ko ang isang bagay, yamang hindi makaabot nang malayu-layo ang aking mga kamay at hindi makahawak nang husto ang aking baluktot at pilipit na mga daliri. Kaya, ginagamit ko ang aking “pansunggab” na patpat. Sa pamamagitan nito, nadarampot ko ang mga bagay mula sa sahig, nabubuksan ko ang paminggalan at nakukuha ko ang isang pinggan, o nakukuha ko ang isang bagay mula sa repridyeretor. Habang nalilinang ko ang bagong mga kasanayan sa pamamagitan ng aking “pansunggab” na patpat, nagagawa kong pangalagaan ang ilang gawain sa bahay. Ako’y nakapagluluto, nakapaghuhugas ng pinggan, nakapagpaplantsa at nakapagtitiklop ng mga damit, at nakapaglalampaso. Nakadarama ako ng kaunting pagmamalaki habang sumusulong ang aking mga kakayahan, at ako’y naliligayahan na nakatutulong pa rin ako sa ilang pangangailangan sa sambahayan. Gayunman, ang dating nagagawa ko sa loob ng ilang minuto ay ginagawa ko ngayon sa loob ng ilang oras.

Pagpapatotoo sa Pamamagitan ng Telepono

Nangailangan ng ilang panahon, subalit sa wakas ay naglakas-loob ako na magpatotoo sa pamamagitan ng telepono. Hindi ko akalaing magagawa ko iyon, subalit ngayon talagang nasisiyahan akong gawin ito at nagkaroon ako ng ilang mabubuting tagumpay. Sa laki ng ikinagulat ko, katulad din ito ng pagbabahay-bahay, sa diwa na nakakausap ko ang mga tao tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin.

Ang isa sa mga presentasyong ginagamit ko ay nagsisimula nang ganito: “Hello, ito po ba si Mr.—​—? Ako po si Mrs. Maass. Ako po’y nakikipag-usap nang sumandali sa mga tao, at kung may ilang minuto kayo, maaari po bang makipag-usap sa inyo? (Ang karaniwang tugon ay: “Tungkol sa ano?”) Nakatatakot na makita ang nangyayari sa daigdig sa ngayon, di po ba? (Hinahayaan ko silang magkomento.) Nais ko pong ibahagi ang kaisipang ito buhat sa Bibliya na nagbibigay sa atin ng isang tunay na pag-asa sa hinaharap.” Saka ko binabasa ang Panalangin ng Panginoon at marahil ang 2 Pedro 3:13. Nagbigay rin ako ng ilang pagdalaw na muli sa ibang Kristiyanong mga kapatid na babae o kay Lynn upang balikan para sa akin.

Sa loob ng ilang taon, nagkaroon ako ng mahuhusay na pakikipag-usap at ako’y nakapagpadala ng mga brosyur, magasin, at mga aklat sa mga nagpakita ng interes. Ang ilan ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa pamamagitan ng telepono. Isang babaing nakausap ko ang nagsabi na sapat na ang pag-aaral sa ganang sarili niya. Subalit pagkaraan ng ilang pag-uusap, siya’y sumang-ayon na pumaroon sa aming bahay para sa isang pag-aaral sa Bibliya, yamang sinabi ko sa kaniya ang tungkol sa aking kalagayan.

Noong minsan nang ako’y tumatawag, isang rekording sa answering machine ang nagbigay ng isang bagong numero. Bagaman lagi akong tumatawag sa lokal lamang at ang bagong numerong ito ay hindi sa lokal na sakop, naudyukan pa rin akong tawagan ang numerong iyon. Pagkatapos makipag-usap sa akin, ang babaing sumagot sa telepono ay nagsabi na silang mag-asawa ay nagnanais makipagkita sa mga taong tunay na Kristiyano. Kaya kami ni Lynn ay nagpunta sa kanilang tahanan, na halos isang oras ang layo, upang makipag-aral sa kanila.

Nakasusumpong pa rin ako ng kagalakan at kaligayahan sa pakikipag-usap sa iba tungkol kay Jehova at sa kaniyang pangakong bagong mga langit at isang bagong lupa, na doo’y tumatahan ang katuwiran. Kamakailan, isang babaing nakausap ko sa loob ng ilang buwan ang nagsabi sa akin: “Kailanma’t kausap kita, nalalaman kong ako’y kumukuha ng higit na kaalaman.” Batid ko na ang kaalamang ibinabahagi ko sa iba ay umaakay sa buhay na walang-hanggan at nagdudulot ng kagalakan kahit na sa isang lumpo na katulad ko. Kung minsan ako’y nakagagawa ng higit sa paglilingkod kaysa ibang panahon, subalit sana’y higit pa ang magawa ko sa lahat ng panahon! Batid kong nalalaman ni Jehova ang kalagayan ng bawat isa at na pinahahalagahan niya ang nagagawa natin, gaano man ito kaliit. Madalas kong naiisip ang Kawikaan 27:11: “Magpakadunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin,” at ibig kong mapabilang doon sa magpapatunay kay Satanas na isang sinungaling.

Ang pagiging nasa mga pulong ay laging nakapagpapatibay-loob, kahit na mahirap para sa akin na magtungo roon. Si Jehova ay gumawa ng napakaraming kamangha-manghang paglalaan para sa atin upang mabusog nang husto sa espirituwal anupat nais kong lubusang samantalahin ang mga ito. Anong ligaya namin na dinibdib ng aming dalawang anak ang katotohanan! Ang aming anak na babae, si Terri, ay napangasawa ng isang mahusay na brother, at sila’y may apat na anak na mahal na mahal ko. Tunay ngang nagpapasaya sa aming puso na makita ang aming mga apo na umiibig din kay Jehova! Ang aming anak, si James, at ang kaniyang asawa, si Tuesday, ay nagpasiyang maglingkod kay Jehova sa Brooklyn Bethel, ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, sa New York.

Isang Makalupang Paraiso sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ni Jehova

Sinikap kong panatilihin sa isipan ang kamangha-manghang pangako ni Jehova na isang paraisong lupa. Kahit na sa ngayon, nariyan ang saganang paglalang niya na doo’y makasusumpong tayo ng kaluguran. Nasisiyahan ako sa isang magandang paglubog ng araw. Nasisiyahan ako sa iba’t ibang bulaklak at sa kanilang halimuyak. Gustung-gusto ko ang mga rosas! Hindi ako madalas na nakalalabas ng bahay, subalit kapag ako’y nakalalabas ng bahay, lubusan akong nasisiyahan sa mainit na sikat ng araw. Ipinipikit ko ang aking mga mata at inilalarawan sa isipan ang isang magandang tanawin sa kabundukan, kasama ng aking pamilya na nasisiyahan sa isang parang na puno ng mga ligaw na bulaklak. Naroon ang lumalagaslas na sapa at maraming makatas at matamis na pakwan para sa lahat! Kailanma’t magagawa ko, nagpipinta ako ng mga larawan ng mga bagay na tumutulong sa akin na isipin ang ipinangakong makalupang Paraiso na darating. Samantalang nagpipinta, inilalarawan ko ang aking sarili na naroon. Alam kong magagawang totoo ni Jehova ang mahalagang mga larawan sa isipan na akin ngayong pinakamamahal.

Nais kong ingatan sa isipan ang kasulatan sa Santiago 1:12. Sabi nito: “Maligaya ang tao na patuloy na nagbabata ng pagsubok, sapagkat sa pagiging sinang-ayunan ay tatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako ni Jehova doon sa mga patuloy na umiibig sa kaniya.” Inihambing ni Pablo ang karamdamang tinaglay niya sa isang ‘anghel ni Satanas na patuloy na sumasampal sa kaniya.’ Siya’y nanalangin kay Jehova na alisin ang kaniyang kapansanan, subalit siya’y sinabihan na ang kapangyarihan ng Diyos ay pinasasakdal sa kaniyang kahinaan. Kaya ang tagumpay ni Pablo sa kabila ng kaniyang kahinaan ay katibayan ng kapangyarihan ng Diyos sa kaniya. Sabi ni Pablo: “Sapagkat kapag ako ay mahina, sa gayon ay makapangyarihan ako.” (2 Corinto 12:7-10) Nadarama ko na gaano man kaliit ang nagagawa ko sa paglilingkuran sa ngayon sa kabila ng aking mga limitasyon ay nagagawa ko sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng Diyos na sumasaakin.

Itinala ni Juan ang isang pangyayari na talagang nagpapatibay-loob sa akin. Ito’y tungkol sa isang lalaki na naratay sa higaan sa loob ng 38 taon. Siya, kasama ang iba pang maysakit, ay puno ng pag-asang nahihiga sa tabi ng isang lawa ng tubig, na gustung-gustong mapanariwa ang sarili dito. Hindi niya maabot ang tubig, na iniisip niyang makagagaling sa kaniya. Isang araw ay nakita siya ni Jesus at siya’y tinanong: “Nais mo bang gumaling?” Taglay ang mga luha ng kagalakan ay sasagutin ko ang katanungang iyan! “Sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Tumayo ka, buhatin mo ang iyong teheras at lumakad ka.’ ” (Juan 5:2-9) Marami sa atin ngayon ang sabik na sabik na naghihintay na marinig ang panawagang iyon!​—Gaya ng inilahad ni Luretta Maass.

[Larawan sa pahina 24]

Naiisip ko ang isang bata na mapagmahal sa tao, at heto siya, masayang tumatawid sa parang

[Larawan sa pahina 25]

Kapag masaya ang aking pakiramdam, naguguni-guni ko ang isang abenturerong batang lalaki na nasa tiyakad, habang nasa paanan niya ang kaniyang aso

[Mga larawan sa pahina 26]

Pinagsasama-sama ko ang mga numero ng telepono sa paglilingkod sa larangan

Pag-“dial” sa telepono

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share