Kung Paano Pakikitunguhan ang mga Damdamin
IKAW ba’y kasalukuyang nag-aaruga ng isang mahal sa buhay na may malubhang karamdaman? Kung gayon, maaaring ikaw ay nalilito at natatakot. Ano ang magagawa mo? Isaalang-alang ang mga damdamin na pinaglalabanan ng ilang tagapag-aruga at ang praktikal na mga mungkahing nakatulong sa kanila na maharap ito.
Pagkapahiya. Paminsan-minsan, ang paggawi ng isang taong maysakit ay maaaring ikahiya mo sa harap ng iba. Subalit sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa mga kaibigan at mga kapitbahay tungkol sa karamdaman ng mahal sa buhay ay makatutulong sa kanila na maunawaan at mapakilos din sila na magpakita ng “damdaming pakikipagkapuwa” at pagtitiis. (1 Pedro 3:8) Hangga’t maaari, makipag-usap sa ibang pamilya na ang kalagayan ay katulad ng sa iyo. Maaaring hindi ka gaanong mapahiya habang nakikipagpalitan ka ng mga karanasan. Si Sue ay nagpapaliwanag kung ano ang nakatulong sa kaniya: “Awang-awa ako sa aking tatay—natabunan nito ang anumang mga damdamin ng pagkapahiya. At nakatulong din ang kaniyang pagkamapagpatawa.” Oo, ang pagkamapagpatawa—sa bahagi ng pasyente at niyaong nag-aaruga sa kaniya—ay isang napakahusay na paraan upang maibsan ang kaigtingang nadarama.—Ihambing ang Eclesiastes 3:4.
Takot. Ang kawalang-alam tungkol sa karamdaman ay maaaring maging totoong nakatatakot. Hangga’t maaari, humingi ng propesyonal na payo sa kung ano ang aasahan habang lumalala ang karamdaman. Alamin kung paano mangangalaga sa ilalim ng gayong mga kalagayan. Para kay Elsa, ang isa sa pinakamahalagang salik upang madaig ang kaniyang takot ay ang pakikipag-usap sa ibang tagapag-aruga at sa mga nars sa hospisyo tungkol sa kung ano ang aasahan habang lumalala ang kalagayan ng pasyente. Ganito ang payo ni Jeanny: “Harapin at sugpuin ang iyong mga takot. Ang takot sa kung ano ang maaaring mangyari ay kadalasang mas masahol pa sa katotohanan.” Inirerekomenda ni Dr. Ernest Rosenbaum na anuman ang dahilan nito, ang iyong takot ay dapat na “pag-usapan habang ito ay bumabangon.”—Ihambing ang Kawikaan 15:22.
Pamimighati. Hindi madaling pakitunguhan ang pamimighati, lalo na sa kalagayan ng pag-aaruga. Maaaring magdalamhati ka sa pagkawala ng pagsasamahan lalo na kung ang maysakit na minamahal ay hindi na makapagsalita, makaunawa nang malinaw, o makakilala sa iyo. Ang gayong mga damdamin ay maaaring hindi agad maunawaan ng iba. Ang pakikipag-usap tungkol sa iyong pagdadalamhati sa isang maunawaing kaibigan na matiyaga at may simpatiyang makikinig sa iyo ay makapagdudulot ng lubhang kinakailangang ginhawa.—Kawikaan 17:17.
Galit at Pagkabigo. Ang mga ito’y normal na mga tugon sa pag-aaruga sa isang taong may malubhang karamdaman na ang paggawi ay maaaring mahirap unawain kung minsan. (Ihambing ang Efeso 4:26.) Alamin na kadalasang ang karamdaman, hindi ang pasyente, ang siyang may pananagutan sa nakapipighating paggawi. Ganito ang nagugunita ni Lucy: “Kapag ako’y talagang nagagalit, naiiyak ako. Pagkatapos ay ipinaaalaala ko sa aking sarili ang kalagayan at ang karamdaman ng pasyente. Batid kong kailangan ng pasyente ang tulong ko. Iyan ang tutulong sa akin na magpatuloy.” Ang gayong matalinong unawa ay makatutulong na ‘magpabagal sa iyong galit.’—Kawikaan 14:29; 19:11.
Pagkadama ng Kasalanan. Ang mga damdamin ng pagkakasala ay karaniwan sa mga tagapag-aruga. Subalit, tiyak naman na ikaw ay gumagawa ng isang mahalaga ngunit napakahirap na gawain. Tanggapin mo ang katotohanan na hindi ka laging makakakilos nang may kasakdalan sa salita o sa gawa man. Ang Bibliya ay nagpapaalaala sa atin: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahan na rendahan din ang kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2; Roma 3:23) Huwag mong hayaang ang mga damdamin ng pagkakasala ay humadlang sa iyo sa paggawa ng positibong pagkilos ngayon. Kung ikaw ay balisa tungkol sa isang bagay na iyong nasabi o nagawa, malamang na masumpungan mong ang pagsasabi ng “Ikinalulungkot ko” ay makabubuti sa iyo at sa iyong pasyente. Ganito ang payo ng isang lalaking nag-aruga sa isang maysakit na kamag-anak: “Gawin mo ang pinakamabuti sa ilalim ng gayong kalagayan.”
Panlulumo. Ang panlulumo ay napakakaraniwan—at mauunawaan—sa mga pamilyang may pinakikitunguhang malubhang karamdaman. (Ihambing ang 1 Tesalonica 5:14.) Isang tagapag-aruga na dumaranas ng panlulumo ang nagpapaliwanag kung ano ang nakatulong sa kaniya: “Marami ang magpapasalamat sa amin dahil sa pag-aaruga. Ang ilang salita lamang ng pampatibay-loob ay maaaring magbigay sa iyo ng pampasigla na magpatuloy kapag ikaw ay pagod na pagod o nanlulumo.” Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapayuko roon, ngunit ang mabuting salita ay nagpapagalak roon.” (Kawikaan 12:25) Maaaring hindi laging mapagwari ng iba ang iyong pangangailangan ng pampatibay-loob. Kaya, kung minsan, maaari mong ipahayag muna ang “pagkabalisa” sa iyong puso upang tumanggap ng “mabuting salita” na pampatibay-loob buhat sa iba. Gayunman, kung magpatuloy ang mga damdamin ng panlulumo o ito’y lumala, makabubuting magpatingin sa isang doktor.
Kawalang-kaya. Maaaring madama mo na ikaw ay walang-kaya sa harap ng isang nakapanghihinang karamdaman. Tanggapin ang katotohanan ng iyong kalagayan. Kilalanin ang iyong mga limitasyon—ang kalusugan ng pasyente ay hindi mo hawak, subalit makapaglalaan ka ng madamaying pangangalaga. Huwag kang umasa ng kasakdalan sa iyong sarili, sa iyong pasyente, o sa mga umaalalay sa iyo. Hindi lamang nababawasan ng timbang na pamamaraan ang mga damdamin ng kawalang-kaya kundi pinagagaan din nito ang pasanin. May katalinuhan nga, maraming nag-aruga ng isang minamahal ang nagpapayo: Matutong harapin ang bawat araw.—Mateo 6:34.
[Blurb sa pahina 8]
“Harapin at sugpuin ang iyong mga takot. Ang takot sa kung ano ang maaaring mangyari ay kadalasang mas masahol pa sa katotohanan”
[Kahon sa pahina 7]
Mga Salitang Nakapagpapatibay-loob Mula Sa Mga Tagapag-aruga
“HUWAG kang manlumo dahil sa negatibong mga kaisipan tungkol sa iyong sarili. Ito’y normal sa ilalim ng gayong mga kalagayan. Tiyak na hindi mo dapat kuyumin ang iyong mga damdamin. Ipagtapat sa isa ang iyong nadarama, at kung magagawa mo, magbakasyon—lumayo ka sandali—upang magbalik ang iyong lakas.”—Lucy, na ang trabaho sa klinika ay nagsasangkot ng pagtulong sa ilang tagapag-aruga gayundin sa mga pasyente.
“Kung may mga miyembro ng pamilya o mga kaibigan na maaari at handang tumulong, patulungin sila. Mahalagang ibahagi mo rin sa iba ang pasan.”—Sue, na nag-alaga sa kaniyang ama bago ito namatay dahil sa Hodgkin’s disease.
“Matutong linangin ang pagkamapagpatawa.”—Maria, na tumulong sa pag-aaruga ng isang mahal na kaibigan na namatay dahil sa kanser.
“Manatiling malakas sa espirituwal. Lumapit kay Jehova, at manalangin nang walang-patid. (1 Tesalonica 5:17; Santiago 4:8) Naglalaan siya ng tulong at kaaliwan sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, ng kaniyang Salita, ng kaniyang makalupang mga lingkod, at ng kaniyang mga pangako. Sikaping maging organisado hangga’t maaari. Halimbawa, makatutulong na gumawa ng mga iskedyul para sa mga gamot at talaan para sa mga katulong.”—Hjalmar, na nag-aruga sa kaniyang bayaw na may taning na ang buhay.
“Alamin ang lahat ng dapat mong malaman tungkol sa uri ng karamdaman ng pasyente. Iyan naman ang tutulong sa iyo na malaman kung ano ang maaasahan mo sa pasyente at sa iyong sarili at kung paano pangangalagaan ang iyong pasyente.”—Joan, na ang asawa ay may Alzheimer’s disease.
“Tantuin na nakaharap na ito ng iba na una sa iyo at na si Jehova ay makatutulong sa iyo upang matagumpay na maharap ang anumang mangyari.”—Jeanny, na nag-aruga sa kaniyang asawa bago ito namatay.
[Larawan sa pahina 8]
Upang pakalmahin ang iyong mga takot, alamin mo ang lahat ng maaari mong alamin tungkol sa karamdaman
[Larawan sa pahina 9]
Ang pakikipag-usap sa isang maunawaing kaibigan ay maaaring magdulot ng malaking ginhawa