Pangangalaga sa Tagapag-aruga—Kung Paano Makatutulong ang Iba
“KAMI ni Lawrie ay kasal na sa loob ng 55 taon—isang mahabang panahon—at anong ligaya ng mga taóng iyon! Kung magagawa ko lang na panatilihin siya sa bahay, ginawa ko na sana iyon. Ngunit nanghina ang aking kalusugan. Sa wakas, isinaayos ko na siya’y dalhin sa isang nursing home. Ang sakit ng damdamin na nauugnay rito ay halos hindi ko mabata. Mahal ko siya at taimtim na iginagalang at madalas ko siyang dinadalaw. Sa pisikal na paraan, wala na akong magagawa pa.”—Anna, isang 78-anyos na babaing nag-aruga sa kaniyang asawa na may sakit na Alzheimer’s disease sa loob ng 10 taon at nag-aruga rin sa loob ng 40 taon sa kaniyang anak na babae na may sakit na Down’s syndrome.a
Ang kaso ni Anna ay pangkaraniwan. Isinisiwalat ng isang surbey sa British Isles na “sa ilang pangkat ng edad (ang mga edad 40 at 50) na kasindami ng isa sa bawat dalawang babae ay tagapag-aruga.” Gaya ng natalakay kanina, ang emosyonal na kaligaligan at mga problema na nakakaharap ng mga tagapag-aruga kung minsan ay mahirap tiisin.
“Sa palagay ko hindi kukulanging 50% ng mga tagapag-aruga ang nanlulumo sa unang taon ng pag-aaruga,” sabi ni Dr. Fredrick Sherman, ng American Geriatrics Society. Para sa mga may edad nang tao na gaya ni Anna, ang kanila mismong humihinang kalakasan at kalusugan ay maaaring lalo pang magpahirap na pakitunguhan ang kalagayan.
Upang tulungang matagumpay na maharap ng mga tagapag-aruga ang kanilang mga pananagutan, kailangang mabatid natin ang kanilang mga pangangailangan. Anu-ano ba ang mga pangangailangang iyon, at paano natin matutugunan ang mga ito?
Kailangang Magsalita ang mga Tagapag-aruga
“Kailangan kong bawasan ang dala-dala kong pasan,” sabi ng isang babaing tumulong sa pag-aaruga ng kaniyang kaibigang may taning na ang buhay. Gaya ng ipinakita sa naunang artikulo, mas madaling harapin at pakitunguhan ang mga problema kapag ang mga ito ay maipakikipag-usap sa isang maunawaing kaibigan. Nasusumpungan ng maraming tagapag-aruga na parang nasilo sa kanilang mga kalagayan na ang pakikipag-usap tungkol sa kanilang kalagayan ay nakatulong sa kanila na maliwanagan ang kanilang mga damdamin at naibsan ang nakuyom na mga damdamin.
“Pinahahalagahan ko kapag natatalos ng mga kaibigan na kami kapuwa ay nangangailangan ng moral na alalay,” ang nagugunita ni Jeanny tungkol sa mga panahong siya’y nag-aaruga sa kaniyang asawa. Ipinaliliwanag niya na ang mga nangangalaga ay nangangailangan ng pampatibay-loob at, sa pana-panahon, isang taong makikinig at makikiramay. Si Hjalmar, na nag-alaga sa kaniyang maysakit na bayaw, ay sumasang-ayon: “Kailangan ko ang isa na makikinig sa aking mga pangamba at mga problema at uunawa sa aking nadarama.” Tungkol sa isang matalik na kaibigan, ganito pa ang sabi ni Hjalmar: “Nakabubuting dumalaw sa kaniya, kahit na sa loob lamang ng kalahating oras. Pinakikinggan niya ako. Talagang nagmamalasakit siya. Nagiginhawahan ako pagkatapos niyan.”
Ang mga tagapag-aruga ay makakakuha ng malaking pampatibay-loob mula sa isang maunawaing tagapakinig. “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita,” ang matalinong payo ng Bibliya. (Santiago 1:19) Isinisiwalat ng isang report sa The Journals of Gerontology na “ang basta pagkaalam na may makukuhang tulong ay kadalasang sapat na upang magbigay ng malaking ginhawa.”
Subalit, bukod pa sa isang nakikinig na tainga at moral na alalay, ano pa ang kailangan ng mga tagapag-aruga?
Pagbibigay ng Praktikal na Tulong
“Ang pasyente at pamilya ay nakikinabang mula sa anumang paraan ng pagpapahayag ng pag-ibig at pampatibay-loob,” sabi ni Dr. Ernest Rosenbaum. Sa isang bagay, ang gayong “pag-ibig at pampatibay-loob” ay maipahahayag sa panahon ng personal na pagdalaw, sa isang tawag sa telepono, o sa isang maikling sulat (marahil ay may kasamang mga bulaklak o iba pang regalo).
“Nakaaaliw kapag ang aming mga kaibigan ay saglit na dumadalaw,” gunita ni Sue tungkol sa tulong na tinanggap ng kaniyang pamilya nang ang kaniyang tatay ay may taning na ang buhay dahil sa Hodgkin’s disease. “Isa sa mga kaibigan ko,” sabi pa niya, “ang sumagot sa telepono at tumulong sa paglalaba at pamamalantsa para sa aming lahat.”
Ang tulong para sa mga tagapag-aruga ay maaari, at dapat, na lakipan ng espesipiko at nakikitang tulong. Ganito ang nagugunita ni Elsa: “Nasumpungan kong nakatutulong kapag ang mga kaibigan ay nag-aalok ng praktikal na tulong. Hindi nila basta sinabing: ‘Kung may maitutulong akong anumang bagay, sabihin mo lang.’ Bagkus, sinabi nila: ‘Mamimili ako. Ano ang madadala ko para sa iyo?’ ‘Maaari ko bang alagaan ang iyong hardin?’ ‘Puwede akong magbantay sa pasyente at basahan siya.’ Nasumpungan pa naming praktikal na isaayos para sa mga bisita na mag-iwan ng nasusulat na mga mensahe sa isang notebook kapag ang aking maysakit na kaibigan ay pagod o natutulog. Iyan ay nagdulot sa aming lahat ng malaking kaluguran.”
Maaaring kabilang sa espesipikong mga alok ng tulong ang anuman sa maraming gawain sa bahay. Ganito ang paliwanag ni Rose: “Pinahahalagahan ko ang tulong sa pag-aayos ng mga kama, paggawa ng mga sulat para sa pasyente, pag-istima sa mga bisita ng pasyente, pagbili ng gamot, pagpaligo at pag-aayos ng buhok, paghuhugas ng mga pinggan.” Makatutulong din ang pamilya at mga kaibigan sa tagapag-aruga sa pamamagitan ng paghahali-halili sa paglalaan ng mga pagkain.
Kung nararapat, maaaring praktikal din na tumulong sa pangunahing mga aspekto ng pangangalaga. Halimbawa, ang tagapag-aruga ay maaaring nangangailangan ng tulong sa pagpapakain o pagpapaligo sa pasyente.
Ang nagmamalasakit na mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ay maaaring mag-alok ng praktikal na tulong sa simula ng karamdaman, ngunit kumusta naman kung ang sakit ay pangmatagalan? Palibhasa’y okupado tayo sa ating sariling abalang iskedyul, madali nating nakaliligtaan kung ano ang kasalukuyang nangyayari—at posible pa nga na tumitindi—na panggigipit na nakakaharap ng mga tagapag-aruga. Anong lungkot nga kung ang kailangang-kailangang suporta ay magsimulang maglaho!
Kung mangyari iyan, makabubuti para sa tagapag-aruga na tipunin ang pamilya upang pag-usapan ang pag-aaruga sa pasyente. Kadalasang maaaring makalap ang tulong ng mga kaibigan at mga kamag-anak na nagpahiwatig ng pagkukusang tumulong. Iyan ang ginawa ni Sue at ng kaniyang pamilya. “Nang bumangon ang pangangailangan,” aniya, “naalaala namin yaong mga nag-alok na tutulong at tinawagan namin sila sa telepono. Inaakala naming mahihingan namin sila ng tulong.”
Bigyan Sila ng Pahinga
“Talagang mahalaga ito,” sabi ng aklat na The 36-Hour Day, “kapuwa para sa iyo [ang tagapag-aruga] at para sa [iyong pasyente]—na magkaroon ng regular na panahon na ‘umalis’ mula sa beinte-kuwatro-oras na pag-aaruga sa taong may malubhang karamdaman. . . . Ang pagpapahinga, mula sa pangangalaga sa [pasyente], ay isa sa pinakamahalagang bagay na magagawa mo upang ikaw ay makapagpatuloy sa pag-aaruga sa isa.” Sumasang-ayon ba ang mga tagapag-aruga?
“Tiyak na oo,” ang sagot ni Maria, na tumulong sa pag-aaruga sa isang matalik na kaibigan na may taning na ang buhay dahil sa kanser. “Sa pana-panahon, kailangan kong ‘makapagpahinga’ at may humalili naman sa akin sa pag-aaruga pansamantala.” Gayundin ang palagay ni Joan, na nag-aaruga sa kaniyang asawang may sakit na Alzheimer’s disease. “Ang isa sa aming pinakamalaking pangangailangan,” aniya, “ay magkaroon ng pahinga paminsan-minsan.”
Gayunman, paano sila makapagpapahinga mula sa panggigipit ng kanilang mga pananagutan? Ipinahihiwatig ni Jennifer, na tumulong sa pag-aaruga sa kaniyang may edad nang mga magulang, kung paano siya nakakahinga nang maluwag: “Isang kaibigan ng pamilya kung minsan ang nag-aalaga kay nanay sa isang araw upang kami ay makapagpahinga.”
Maaari mong bigyan ng pahinga ang tagapag-aruga sa pamamagitan ng pag-aalok na ipasyal ang pasyente sumandali, kung ito’y praktikal na gawin. Ganito ang sabi ni Joan: “Nakagiginhawa kung may maglalabas sa aking asawa upang mapag-isa naman ako paminsan-minsan.” Sa kabilang dako naman, maaari kang gumugol ng panahon na kasama ng pasyente sa kaniyang tahanan. Alin man dito, gawin mong posible na magkaroon ng lubhang kinakailangang pagpapahinga ang isa na nag-aaruga.
Subalit, tandaan na hindi laging madali para sa mga tagapag-aruga na magpahinga. Maaari silang makonsiyensiya dahil sa naiwan ang kanilang mahal sa buhay. “Mahirap na umalpas mula sa kalagayan at maglibang o magpahinga,” sabi ni Hjalmar. “Para bang gusto kong naroroon ako sa lahat ng panahon.” Subalit mas payapa ang kaniyang isip kung siya’y nagpapahinga kapag ang kaniyang bayaw ay hindi gaanong nangangailangan ng pansin. Isinaayos naman ng iba na ang kanilang mahal sa buhay ay alagaan sa isang day-care center para sa mga nasa hustong gulang sa loob ng ilang oras.
Ang Wakas ng Lahat ng Karamdaman
Tiyak, ang pag-aaruga sa isang mahal sa buhay na may malubhang karamdaman ay isang napakalaking pananagutan. Gayunman, ang pag-aaruga sa isang mahal sa buhay ay maaaring maging kalugud-lugod at kasiya-siya. Binabanggit ng mga mananaliksik gayundin ng mga tagapag-aruga ang napatibay na mga kaugnayan sa pamilya at mga kaibigan. Walang-sala, ang mga tagapag-aruga ay natututo ng bagong mga katangian at mga kakayahan. Marami ang nakararanas din ng espirituwal na mga pakinabang.
Higit na mahalaga, ipinakikita ng Bibliya na si Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang pinakamadamaying mga tagapag-aruga. Tinitiyak sa atin ng hula sa Bibliya na malapit na ang wakas ng lahat ng karamdaman, paghihirap, at kamatayan. Sandali na lamang, gagantimpalaan ng nagmamalasakit na Maylikha ng tao ang matuwid na mga maninirahan sa lupa ng buhay na walang-hanggan sa isang ganap na malusog na bagong sanlibutan—isa na doo’y “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’ ”—Isaias 33:24; Apocalipsis 21:4.
[Talababa]
a Ang ilang pangalan sa artikulong ito ay binago.
[Blurb sa Pahina 11]
Ang mabuting kalusugan ng taong maysakit ay tuwirang depende sa iyong kalusugan
[Blurb sa pahina 12]
Ang suporta ng mabubuting kaibigan ay malaki ang magagawa upang makayanan mo ang pinakamahirap na mga sandali
[Kahon sa pahina 12]
Maaaring Maging Kapaki-pakinabang ang Pag-aaruga
‘KAPAKI-PAKINABANG?’ maitatanong ng iba. ‘Paano maaaring magkagayon?’ Pakisuyong pansinin ang sinabi ng sumusunod na mga tagapag-aruga sa Gumising!:
“Ang pagsasakripisyo ng iyong sariling mga libangan at pagnanais ay hindi nangangahulugan na nababawasan ang iyong kaligayahan. ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.’ (Gawa 20:35) Maaaring maging kasiya-siya na alagaan ang isa na iyong minamahal.”—Joan.
“Ako’y nagpapasalamat na makatulong sa aking kapatid at bayaw sa panahon ng tunay na pangangailangan—nang hindi naghihintay na kanilang gantihan ako. Lalo kaming pinaglapit nito. Inaasahan ko na balang araw ay magagamit ko ang naranasan ko upang tulungan ang isa na nasa gayunding kalagayan.”—Hjalmar.
“Gaya ng madalas kong sabihin sa aking maysakit na kaibigang si Betty, mas marami akong natatanggap kaysa naibibigay. Natuto ako ng empatiya at pagtitiis. Natutuhan kong maaaring panatilihin ang positibong saloobin sa ilalim ng pinakamahirap na mga kalagayan.”—Elsa.
“Ako’y naging mas malakas sa espirituwal. Nalaman ko nang higit kung ano ang ibig sabihin ng pananalig sa Diyos na Jehova araw-araw at sapatan ang aking mga pangangailangan.”—Jeanny.
[Kahon sa pahina 13]
Kapag Dumadalaw sa Isang Tagapag-aruga
• Makinig taglay ang empatiya
• Magbigay ng taos-pusong papuri
• Mag-alok ng espesipikong tulong
[Mga larawan sa pahina 10]
Tulungan ang mga tagapag-aruga sa pamamagitan ng pamimili at pagluluto para sa kanila, o sa pagtulong sa kanila sa pag-aalaga sa pasyente