Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Magiging Kaibigan ng Diyos?
“KATAPATAN.” “Personal na debosyon.” Ang mga terminong ito ay kalimitang ginagamit ng mga tao upang ilarawan ang kanilang malapit na kaugnayan sa kanilang matatalik na kaibigan. Alam mo ba na ang mga terminong ito ay makapaglalarawan din sa malapit na kaugnayan sa Dakilang Maylikha ng kamangha-manghang sansinukob na ito—na ang Diyos mismo ay maaaring maging personal mong kaibigan? Oo, binabanggit ng Bibliya ang pagkakaroon ng maka-Diyos na debosyon, at hindi lamang kalakip sa pariralang iyan ang pagsunod kundi rin naman ang isang personal na malapit na kaugnayan sa Diyos, ang pagkakalapit na nagmumula sa isang mapagpahalagang puso.
Ang nakaraang mga artikulo ng seryeng ito ay nagpakita na ang gayong malapit na kaugnayan ay kapuwa posible at kapaki-pakinabang.a Subalit paano mo nga ba matatamo ang personal na pakikipagkaibigan na ito sa Diyos? Hindi ito isang bagay na taglay mo na sa iyong pagsilang o kusang namamana mula sa maka-Diyos na mga magulang. Sa halip, ito’y isang bagay na natatamo lamang sa pamamagitan ng tunay na pagsisikap. Sinabi ni apostol Pablo sa binatang si Timoteo na ‘sanayin ang kaniyang sarili taglay ang maka-Diyos na debosyon bilang kaniyang tunguhin.’ Oo, kailangan niyang pagsikapan ito gaya ng pagsisikap na ginagawa ng isang manlalaro sa kaniyang pagsasanay! (1 Timoteo 4:7, 8, 10) Gayundin ang dapat mong gawin kung ibig mong maging kaibigan ang Diyos. Subalit paano mo pasisimulan ang pagsasanay sa bagay na ito?
Personal na Kaalaman Tungkol sa Diyos
Yamang ang maka-Diyos na debosyon ay nagmumula sa puso, kailangan mong punuin ang iyong puso ng kaalaman ng Diyos. Nakalulungkot sabihin, nang tanungin ang mahigit na 500 kabataan ng “Gaano mo kadalas nababasa ang Bibliya nang mag-isa?” 87 porsiyento ang nagsabing alinman sa “paminsan-minsan,” “bihirang-bihira,” o “hindi kailanman.” Maliwanag na itinuturing ng karamihan ng kabataan na nakababagot at nakayayamot ang pagbabasa ng Bibliya. Subalit hindi kailangang maging gayon ito! Isip-isipin mo: Bakit naisasaulo ng mga kabataan ang lahat ng uri ng estadistika sa isport o natututunan ang mga liriko ng kanilang paboritong mga awitin? Sapagkat sila’y interesado sa mga bagay na ito. Gayundin naman, ang pag-aaral ng Bibliya ay nagiging kawili-wili kung ibubuhos mo ang iyong isip dito. (1 Timoteo 4:15) Ganito ang paghimok ni apostol Pedro: “Magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita.” (1 Pedro 2:2) Oo, dapat kang magkaroon, o magpasulong, ng gayong interes sa Kasulatan. Ito’y nangangailangan ng pagsisikap, subalit sulit naman ang mga pakinabang.b
Una sa lahat, isisiwalat ng pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos at ng mga publikasyong nakasalig sa Bibliya ang “kaayaayang bagay kay Jehova.” (Awit 27:4) Ginawang tunguhin ng isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Amber na basahin ang buong Bibliya. Ito’y tumagal nang isang taon. “Ewan ko kung may gayong karaming bagay sa aking buhay na nangangailangan ng napakalaking panahon at pagsisikap subalit nagdudulot naman ng gayong karaming mga pakinabang,” ang sabi ni Amber. “Kapag binabasa ko ito, ang pakiramdam ko’y para bang nakakandong ako kay Jehova na gaya ng isang ama at tinuturuan ako. Napakarami kong natutuhan tungkol kay Jehova—mga bagay na higit na nagpalapit sa akin sa kaniya at nagpangyaring matakot ako sa kaniya sa buong buhay ko.”
Kapag binabasa mo ang Bibliya, malalaman mo ang maraming pagkakataon na ang Diyos ay matapat na tumulong sa kaniyang mga kaibigan. (Awit 18:25; 27:10) Matutuklasan mo na ang kaniyang mga pamantayan ay laging pinakamabuti at para sa ating walang-hanggang kabutihan. (Isaias 48:17) Ang pagbabasa tungkol sa walang-kaparis na mga katangian ng Diyos, gaya ng kaniyang pag-ibig at karunungan, ay nag-uudyok sa iyo na tularan siya. (Efeso 5:1) Subalit upang ang gayong impormasyon ay makaantig sa iyong puso, kailangan mo ring magbulay-bulay. Habang nagbabasa ka, tanungin mo ang iyong sarili: ‘Ano ang sinasabi nito sa akin tungkol kay Jehova? Paano ko ito maikakapit sa aking paraan ng pag-iisip at pagkilos? Paano nito ipinakikita na ang Diyos ay maaaring maging pinakamatalik na kaibigan ko?’
Ang kaalaman na iyong matatamo tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng personal at pangkongregasyong pag-aaral ay makatutulong sa iyo na maging higit na malapit sa kaniya sa iba pang paraan. Isang Pranses na kawikaan ang nagsasabi ng ganito: “Sila’y tunay na magkaibigan kung kaya iisa ang kanilang pag-iisip.” Subalit paano mo ‘makakaisa ang pag-iisip ng Diyos? Ganito ang sabi ng kabataang si Denise: “Mientras higit kang nag-aaral at nagsasaliksik, higit mong natututuhan ang pangmalas ni Jehova tungkol doon. Nakatutulong kapag alam mo kung ano ang kaniyang nadarama tungkol sa isang bagay.”
Mahalaga ang Matuwid na Paggawi
Pinipili ng Diyos na maging kaniyang mga kaibigan yaon lamang mga taong gumagalang sa kaniyang mga pamantayan sa moral. “Siya’y may matalik na kaugnayan sa mga matuwid,” sabi ng Kawikaan 3:32. Ang isang kabataang nagsisikap na maging matuwid ay ‘mag-iingat sa paglakad sa kautusan ni Jehova.’ (2 Hari 10:31) Gaano mapalalapit ng gayong pagkamasunurin ang isang tao sa Diyos? Sabi ni Jesu-Kristo: “Iibigin siya ng aking Ama, at kami ay paroroon sa kaniya at maninirahan sa kaniya.” (Juan 14:21-24) Anong nakagagalak-pusong paglalarawan nga iyan! Isip-isipin mo, ang dalawang pinakadakilang persona sa sansinukob ay patuloy na umaalaala at nangangalaga sa isang tao! Mangyayari iyan sa iyo kung iingatan mo ang iyong paglakad sa kautusan ni Jehova.
Ang pagiging matuwid ba ay nangangahulugan na kailangan mong maging sakdal? Hindi naman! Ang pagkakamali dahil sa kahinaan ay hindi naman nangangahulugang tinalikdan mo na ‘ang mga landas ng utos ng Diyos.’ (Awit 119:35) Isaalang-alang ang sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol kay Haring David. Sa kabila ng pagiging tapat na kaibigan ng Diyos, siya’y nakagawa ng malulubhang pagkakasala dahil sa kahinaan. Magkagayon man, sinabi ni Jehova na siya’y lumakad “taglay ang integridad ng puso at taglay ang pagkamatapat.” (1 Hari 9:4) Laging nagpapakita si Haring David ng taos-pusong pagsisisi sa mga pagkakamaling kaniyang nagawa at nagsisikap nang husto na gawin kung ano ang nakalulugod sa Diyos.—Awit 51:1-4.
Bagaman mahal ni David ang Diyos, batid niya kung gaano kahirap na gawin kung minsan ang tama. Iyan ang dahilan kung bakit nagmakaawa siya sa Diyos: “Palakarin mo ako sa iyong katotohanan.” Oo, siya’y nagkaroon ng taimtim na pangingilabot, o pagkatakot, na magkasala sa Diyos. Kaya naman masasabi ni David: “Ang pakikipagkaibigan ni Jehova ay nasa mga natatakot sa kaniya.” (Awit 25:5, 14) Hindi ito ang masamang pagkatakot kundi pagkatakot na may taimtim na pagpipitagan sa Maylikha at mabuting pagkatakot na hindi siya mapalugdan. Ang maka-Diyos na pagkatakot na ito ang saligan ng wastong paggawi. Bilang paglalarawan, isaalang-alang ang halimbawa ng isang Kristiyanong kabataan na nagngangalang Joshua.
Nakatanggap si Joshua ng isang sulat mula sa isang kaeskuwelang babae na nagsasabing may gusto sa kaniya ang babae at ibig na “makipagrelasyon” sa kaniya. Natanto ni Joshua, bagaman may gusto rin sa kaniya, na ang pakikisama sa isang di-kapananampalataya ay maaaring umakay sa kaniya sa imoralidad at maaaring sumira sa kaniyang pakikipagkaibigan kay Jehova. Kaya nilinaw niya sa babae na hindi siya interesado! Nang sa dakong huli ay sabihin niya sa kaniyang nanay kung paano niya hinarap ang mga bagay-bagay, basta na lamang sinabi ng kaniyang ina: “O, Joshua, malamang na nasaktan mo ang kaniyang damdamin!” Ang sagot ni Joshua: “Pero, Inay. Mas mabuti na siya na lang ang masaktan kaysa si Jehova ang masaktan.” Pinakilos siya ng kaniyang maka-Diyos na pagkatakot, ng pangingilabot niya na di-mapaluguran ang kaniyang makalangit na Kaibigan, na mapanatili ang matuwid na paggawi.
Hanapin ang Mabubuting Kasama
Gayunman, isang kabataang nagngangalang Lynn ang patuloy na nalalagay sa gulo. Ang problema? Siya’y nakikisama sa masasamang kaibigan. (Exodo 23:2; 1 Corinto 15:33) Ang solusyon? Maghanap ng bagong mga kaibigan! “Kung may kasama kang mga kaibigan na nagmamahal kay Jehova,” ang pagtatapos ni Lynn, “tutulungan ka nitong mapanatili ang isang sensitibong budhi at malalayo ka sa gulo. Kapag sila’y nagpapahayag ng pagkasuklam sa maling gawa, gayon na rin ang madarama mo.”
Ang totoo, ang maling pagpili mo ng mga kaibigan ang maaaring pinakamalaking hadlang sa pakikipagkaibigan sa Diyos. Inamin ng labing-walong taong gulang na si Ann: “Malaki ang impluwensiya sa iyo ng iyong mga kasama. Hindi magtatagal at magiging gaya ka na rin nila. Huhubugin ka nila sa kanilang paraan ng pag-iisip. Karamihan sa pinag-uusapan ay tungkol sa sekso. Gagawin ka nitong maging mausisa. Iniisip-isip mo kung ano nga ba iyon.” Naging masaklap ang karanasan ni Ann sa bagay na ito. Aniya: “Alam kong totoo ito. Nahulog ako sa imoralidad at nagdalang-tao ako sa edad na 15.”
Sa wakas ay napahalagahan ni Ann ang pagiging totoo ng sinabi ng Bibliya: “Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ibinibilang ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4) Oo, ginusto ni Ann na maging—ipinasiya na maging—isang kaibigan ng sanlibutan. Subalit ito’y humantong lamang sa sunud-sunod na sakit ng damdamin. Mabuti na lamang, natauhan si Ann. Nagsisi siya nang husto sa kaniyang ginawa at humingi ng tulong sa kaniyang mga magulang at sa matatanda sa kanilang kongregasyon. Nagkaroon din siya ng bagong mga kaibigan. (Awit 111:1) Taglay ang higit na pagsisikap sa kaniyang bahagi, si Ann ay naging kaibigan muli ng Diyos. Ngayon, pagkalipas ng ilang taon, ganito ang kaniyang sabi: “Mas malapit ang aking kaugnayan kay Jehova.”
Sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Bibliya, pagbubulay-bulay, matuwid na paggawi, at mabubuting kasama, maaari mo ring malinang ang isang malapit na pakikipagkaibigan sa Diyos. Gayunman, ang pangangalaga sa pakikipagkaibigang iyan ay ibang bagay naman. Paano ito posibleng magagawa sa kabila ng kahirapan at personal na mga kahinaan? Ang susunod na artikulo sa seryeng ito ang tatalakay sa bagay na ito.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Gumising! sa mga labas ng Hulyo 22 at Nobyembre 22, 1995.
b Tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Dapat Basahin ang Bibliya?” sa aming labas ng Enero 8, 1986.
[Larawan sa pahina 13]
Tutulungan ba ako ng aking mga kasama na maging kaibigan ng Diyos?