Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 2/22 p. 24-27
  • Idinaos ang Kombensiyon sa Romania sa Kabila ng Pagsalansang

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Idinaos ang Kombensiyon sa Romania sa Kabila ng Pagsalansang
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sino ba ang Nasa Likod ng Pagsalansang?
  • Kung Paano Naapektuhan ang mga Saloobin
  • Katibayan ng Suporta ng Diyos
  • Espirituwal na Pagkagutom sa Romania
    Gumising!—1997
  • Bucharest—Lunsod na May Dalawang Mukha
    Gumising!—2009
  • Mga Kombensiyon—Katunayan ng Ating Pagkakapatiran
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 2/22 p. 24-27

Idinaos ang Kombensiyon sa Romania sa Kabila ng Pagsalansang

ANG “Mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan” na Internasyonal na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay itinakdang idaos sa Bucharest, Romania, mula Hulyo 19 hanggang 21, 1996. Mga 40,000 delegado, kasali na ang libu-libo pa mula sa iba’t ibang bansa, ang nagplanong pumunta sa magandang kabiserang ito sa Europa na may dalawang milyong mamamayan. Ang National Stadium, na may kapasidad na makapag-upo ng 60,000, ay naireserba na para sa okasyon. Ngunit noong Hunyo 24, dahil sa maling impormasyon ay tinanggihan ng mga opisyal na taga-Romania ang pagpapahintulot na magdaos ng kombensiyon.

Sinikap ng mga Saksi ni Jehova na mapawalang-bisa ang utos na kanselahin ang kanilang kombensiyon, ngunit walang nangyari. Dahil dito, kinailangang baguhin ang mga kaayusan upang ang ilang libong dayuhang delegado na inanyayahan mula sa ilang bansa sa Europa, Hilagang Amerika, at Hapon ay makadalo sa kombensiyon sa Budapest, Hungary, mula Hulyo 12 hanggang 14. Ang huling-minutong mga pagbabago ay nagbunga ng malaking gastos, abala, at pagkabigo sa marami.

Ngunit ano naman kaya ang maaaring isaayos para sa mga lokal na delegadong taga-Romania? Kinontak ang mga opisyal sa mga lunsod ng Cluj-Napoca at Brasov, at sa wakas ay naging posible na makapagdaos ng mga kombensiyon doon, mula Hulyo 19 hanggang 21. Gayunman, maraming taga-Romania ang hindi nakarating sa Cluj-Napoca o Brasov. Kaya naman, dalawa pang kombensiyon ang idinaos noong Setyembre 13 hanggang 15, isa sa Baia-Mare at isa sa Bucharest.

Bakit kaya kinansela ang orihinal na kombensiyon sa Bucharest? At ano ang nag-udyok sa ilang opisyal para baguhin sa dakong huli ang kanilang pangmalas, anupat naidaos ang mga kombensiyon sa Romania, kasali na ang isa sa Bucharest?

Sino ba ang Nasa Likod ng Pagsalansang?

Sa panahon ng internasyonal na kombensiyon sa Budapest, ganito ang sinabi ng peryodikong Hungarya na Színes Vasárnap tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Ang unang plano nila ay idaos ang kanilang taunang internasyonal na pagpupulong sa Bucharest, ngunit dahil sa pagsalansang ng mga Kristiyanong Ortodokso, hindi pinahintulutan ng mga opisyal na taga-Romania ang mga Saksi ni Jehova na makapagdaos doon.” Marami ang nakaalam na ang simbahan ang nasa likod ng pagsalansang. Halimbawa, iniulat ng Times Union, isang peryodiko sa Albany, New York, E.U.A.: “Nagbabala ang Ortodoksong Patriyarkang si Teoctist sa mga Ortodoksong mananampalataya na mag-ingat sa tinatawag niyang ‘ereheng’ paniniwala ng mga Saksi ni Jehova.”

Totoo kaya ang mga ulat hinggil sa pagsalansang ng klero sa kombensiyon? Buweno, noong Hunyo, sa buong lunsod​—sa loob ng pag-aari ng simbahan, sa mga pader at gilid ng mga gusali, at sa mga subwey​—nagsimulang mapuna ng mga nakatira sa Bucharest ang mga paskil na umaalipusta sa mga Saksi ni Jehova. Ang isa na may pamagat na “SA LAHAT NG MGA TAGA-ROMANIA!” ay nagtatanong: “Kailangan ba ng mga taga-Romania ngayon ang isang internasyonal na kombensiyon ng mga Jehova . . . sa Hulyo 19-21? Mga Kristiyano​—salansangin natin ang satanikong kombensiyong ito!”

Ang isa pa, na may pamagat na “Mag-ingat sa MAPANGANIB NA MGA JEHOVA!” ay nagpapahayag: “Ang mga Saksi ni Jehova ay kalaban ng Kristiyanismo . . . Nais nilang pagwatak-watakin ang ating bayan at magdulot ng pag-aaway sa relihiyon. . . . KAYONG LAHAT NA MGA TAGA-ROMANIA, labanan ang kombensiyong ito!”

“PANAWAGANG KUMILOS” ang titulo ng isa pang paskil. “Nananawagan ang Ortodoksong Pangkapatiran ng Romania . . . sa lahat ng Ortodoksong mananampalataya para sa isang pulong-protesta, na gaganapin sa Linggo, Hunyo 30.” Ganito ang konklusyong nasa paskil: “Hihilingin natin sa mga awtoridad na kanselahin ang kombensiyong ito. PUMARITO KAYO UPANG MAIPAGTANGGOL NATIN ANG PANANAMPALATAYA NG ATING MGA NINUNO. Tulungan nawa tayo ng Diyos!”

Naglathala pa nga ang mga klero at namahagi ng mga tract na nagsasabing ang mga Saksi ni Jehova ay “isang makapulitikang organisasyon ng pangkat ng komunista.” Ngunit ito’y isa na namang maliwanag na kasinungalingan, at marahil ay alam ito ng karamihan sa mga taga-Romania. Alam nila na inusig ang mga Saksi ni Jehova at kadalasa’y ibinilanggo ng mga Komunista nitong nakaraang mga taon.

Kung Paano Naapektuhan ang mga Saloobin

Ang mga tinig mula sa loob at labas ng Romania ay mabilis na pumailanglang upang tutulan ang udyok-ng-simbahang mga pag-atake, at nakita ng mga opisyal ng pamahalaan na ang pagbibigay sa mga Saksi ng mga pribilehiyo na ibinibigay sa iba ay nararapat lamang. Ang Flagrant, isang peryodiko sa Bucharest, ay humula: “Magkakaroon ng balintunang epekto ang kalakarang ito ng panggigipit, poot, at galit laban sa unang internasyonal na kombensiyong ito. Sa halip na mailayo ang mga tao sa mga Saksi, ang ikinilos na ito’y pupukaw sa kanilang interes, malasakit, pagkaawa, at simpatiya.”

Nagkatotoo nga ang hulang ito! Maraming miyembro ng Simbahang Ortodokso ang sumulat o tumawag sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Bucharest at nagpahayag ng galit sa ginawa ng kanilang mga klero. Alam ng may-kabatirang mga tao na ang mga Saksi ni Jehova ay tiyak na hindi gaya ng pagkakalarawan ng Simbahang Ortodokso sa Romania.

Si Marius Milla, sumusulat sa peryodikong Romania na Timishoara, ng Hulyo 6, 1996, ay nagsabi: “Kumbinsido ako na 99 na porsiyento niyaong mararahas na umaakusa sa mga Jehova ang walang sapat na interes na makipag-usap sa kanila o dumalo sa isa sa kanilang mga pulong.” Idinagdag pa niya: “Mas makapagpapatibay kung tayo, mga mananampalatayang Ortodokso, ay higit na mababahala sa tahilan na nasa ating sariling mata at ipaubaya na lamang sa Diyos ang paghatol sa dayami na nasa mata ng ating kapatid.”​—Mateo 7:3-5.

Pagkatapos ay sinipi ni Ginoong Milla ang talumpating binigkas ni Gamaliel sa harap ng mga relihiyosong lider na sumasalansang sa mga tagasunod ni Jesus: “Huwag ninyong panghimasukan ang mga taong ito, kundi pabayaan ninyo sila; (sapagkat, kung ang pakanang ito o ang gawang ito ay mula sa mga tao, ay maibabagsak ito; ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak;) kung hindi, baka masumpungan pa kayong sa katunayan ay mga nakikipag-away laban sa Diyos.” (Gawa 5:38, 39) Sa pagtatapos, ganito ang isinulat ni Milla: “Ang ating ikinikilos ay antidemokratiko, antibiblikal, at antisosyal.”

Di-nagtagal, ang pagpuna sa pagkansela ng kombensiyon ay nagsimulang manggaling sa ibang bahagi ng Europa at mula sa Estados Unidos. Nagpalabas sa pahayagan ang Romanian Helsinki Committee na kumokondena sa “hayagang mga sinabi ni Patriarch Teoctist, kinatawan ng Simbahang Ortodokso sa Romania, laban sa mga ‘Saksi ni Jehova.’”

Nagkataon naman na si Hillary Clinton, asawa ng presidente ng Estados Unidos, ay dumadalaw sa Romania noon. Ipinaliwanag ng embahador ng Estados Unidos sa Romania, si Alfred Moses, kung bakit hindi ito pumasok sa ika-18-siglong Simbahang Kretzulescu na gaya ng kaniyang plano: “Ang kalayaan sa relihiyon ay isang simulaing pinagtitibay ng Konstitusyon ng Estados Unidos ng Amerika, gayundin ng Konstitusyon ng Romania. Ang pagkanaroroon ng mga paskil sa loob ng pag-aari ng simbahan na nagpapakilala ng kawalan ng pagpapaubaya sa relihiyon ay hindi kasuwato ng diwa ng demokratikong pluralismo at sa mga layunin ng pagdalaw ni Ginang Clinton sa Romania.”

Katibayan ng Suporta ng Diyos

Nakapagdaos na noon ang mga Saksi ni Jehova ng mga kombensiyon sa lunsod ng Cluj-Napoca, at muli silang tinanggap ng mga opisyal doon nang sila’y tanggihan sa paggamit ng National Stadium sa Bucharest. Ngunit iisang linggo na lamang bago ang iskedyul ng pagpapasimula ng kombensiyon nang lagdaan ang kontrata ng paggamit ng istadyum sa Cluj-Napoca. “Paano kaya maoorganisa ang gayong kalaking kombensiyon sa loob ng napakaikling panahon?” ibig itong malaman ng isang reporter.

“Kami’y isang nagkakaisang organisasyon,” sabi sa kaniya. “Sanay na sanay na kami sa pagdaraos ng kombensiyon. Ngunit higit sa lahat, kami’y sinusuportahan ng aming Diyos na si Jehova.”

Totoo naman, iyon ay dahil sa tulong at pagtangkilik ni Jehova kung kaya napakalaki ang nagawa kahit sa loob lamang ng gayong kaikling panahon. Gunigunihin ang mahigit na 20,000 katao na nagkakatipong sama-sama sa loob ng tatlong araw sa ganitong kaikling pasabi! Ang pinakamaraming bilang ng dumalo ay 22,004, at 799 ang nabautismuhan. Ang peryodikong Adevărul de Cluj ay nag-ulat pagkatapos ng kombensiyon: “Ang impresyong ibinigay ng mga taong ito ay na sila’y palaging nakangiti at na sila’y buong-kaluluwa sa lahat ng kanilang ginagawa. Kahanga-hanga ang kanilang pagkakaisa . . . Nagpamalas sila ng huwarang disiplina sa paraan ng kanilang paggawi at sa kanilang pambihirang kalinisan.”

Ang naganap sa Brasov ay lalo nang kahanga-hanga, yamang ang pagpapahintulot na magdaos ng kombensiyon ay ibinigay dalawang araw lamang bago ang iskedyul ng pagpapasimula ng kombensiyon! Gayunman, nakakuha pa rin ng 7,500 tuluyan sa mga pribadong bahay. Nang makipag-usap ang isang Saksi sa kaniyang mga kapitbahay, nagpatuloy sila ng 30 delegado. At ang isang kongregasyon ng mga Saksi sa Brasov ay nagpatuloy ng 500 delegado. Ang ilang delegado ay pinatuloy sa mga tolda malapit sa pinagdarausan ng kombensiyon; at kapag umuulan, ang mapagpatuloy na mga tao sa malalapit na apartment ay bumababa at inaanyayahan silang tumuloy sa kani-kanilang sariling apartment.​—Ihambing ang Gawa 28:2.

Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay hinigpitan sa pinangingibabawan ng Ortodoksong Bulgaria, na ang hangganan ay Romania sa gawing timog. Nang patungo sa Bucharest ang mga bus na puno ng mga Saksing taga-Bulgaria, malamang na alam na ng ilang opisyal ng adwana ang tungkol sa pagbabago ng mga lugar ng kombensiyon. Sa Brasov isang kabuuang bilang na 1,056 na mga taga-Bulgaria ang nasiyahan sa buong programa sa kanilang sariling wika. Lahat-lahat, 12,862 ang dumalo sa kombensiyon sa Brasov, at 832​—66 ay taga-Bulgaria​—ang nabautismuhan.

Noong Setyembre ay naging posible na makapag-organisa ng mas maliliit na kombensiyon sa Baia-Mare at Bucharest para sa mga hindi nakarating sa Cluj-Napoca at Brasov. Nagkaroon ng pinagsamang bilang ng dumalo na 5,340 sa dalawang karagdagang kombensiyong ito, at 48 ang nabautismuhan. Kaya nga sa nakaraang tag-araw na “Mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan” na kombensiyon sa Romania, isang kabuuang bilang na 40,206 ang dumalo at 1,679 ang nabautismuhan. Tiyak nga, na ang pagpapala ni Jehova ay nasa mga nagsisikap na makapaglingkod sa kaniya sa Romania!

Isang kinatawan ng mga Saksi ni Jehova sa Bucharest ang nagsabi: “Sa loob ng tatlong linggo, nagkaroon kami ng publisidad na katumbas ng mga taon ng pagpapatotoo sa buong bansa. Ang inaakala ng Simbahang Ortodokso sa Romania na hahadlang sa amin ay sa halip naging para sa ikasusulong ng mabuting balita.”

[Larawan sa pahina 24]

Ang Bucharest ay isang maganda, modernong lunsod

[Mga larawan sa pahina 25]

Mga paskil na umaalipusta sa mga Saksi ni Jehova

[Larawan sa pahina 26]

Mga kandidato sa bautismo sa Bucharest

[Larawan sa pahina 26]

Sa Brasov, kung saan ang pahintulot na magdaos ng kombensiyon ay ibinigay dalawang araw na lamang bago nito

[Larawan sa pahina 26]

Isang pinakamataas na bilang ng dumalo na 22,004 sa kombensiyon sa Cluj-Napoca

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share