Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 2/22 p. 20-23
  • Isang Kapana-panabik na Sorpresa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Kapana-panabik na Sorpresa
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-ibig at Kolehiyo
  • Interes sa Relihiyon
  • Isang Nakaliligalig na Panahon
  • Ang Pagsupil sa Aking Buhay
  • Ang Aking Kaugnayan kay Itay
  • Kung Paano Ko Nasumpungan ang Aking Tunay na Ina
  • Ang Tawag sa Telepono at ang Sorpresa
  • Isang Di-malilimot na Muling Pagkikita
  • Isang Pambihirang Pamanang Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Buháy na Patotoo—Unang Bahagi
    Gumising!—2009
  • Ang Malaon Ko Nang Pakikipagbaka Upang Masumpungan ang Tunay na Pananampalataya
    Gumising!—1995
  • Ibinalik ng Katotohanan ang Aking Buhay
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 2/22 p. 20-23

Isang Kapana-panabik na Sorpresa

Si Dana Folz ay walong taóng gulang nang kaniyang mapag-alaman na siya’y inampon. Pagkalipas ng mga taon, siya’y nagsimulang mag-isip-isip, ‘Sino kaya ang aking ina? Ano kaya ang kaniyang hitsura? Bakit niya ako ipinaampon? May mga kapatid kaya ako?’ Basahin ang salaysay ni Dana kung paano sa wakas ay nasumpungan niya ang kaniyang tunay na ina at ang sumunod na makabagbag-damdaming sorpresa.

AKO’Y isinilang noong Agosto 1, 1966, sa Ketchikan, Alaska, E.U.A. Ang aking kapatid na babae na si Pam ay mas matanda sa akin ng dalawang taon. Ang aming ama ay isang social worker sa Bureau of Indian Affairs, at malimit siyang inililipat. Palipat-lipat kami ng lugar sa Alaska. Pagkatapos, kami’y napatira sa Iowa, Oklahoma, Arizona, at Oregon.

Samantalang dinadalaw namin ang aming mga kamag-anak sa Wisconsin noong tag-araw ng 1975, pinagwikaan nang masakit ng ilang pinsan ko ang isa kong pinsan. “Siya’y ampon,” anila, “at hindi siya tunay na Folz.” Pag-uwi namin, tinanong ko si Inay tungkol dito at nabadya sa kaniyang mukha ang laking pagkagulat. Ipinaliwanag niya kung ano ang pag-aampon. Nang gabing iyon, habang tumutulo ang mga luha sa kaniyang mga mata, sinabi niyang ako’y ampon gayundin ang aking kapatid na babae.

Noo’y walang gaanong kahulugan ang pag-ampon sa akin, at sa loob ng ilang panahon ay hindi ko ito gaanong pinapansin. Kasama ko sina inay at itay, at waring ang buhay ay normal naman. Ipinasiya ng aking mga magulang na huminto na sa paglipat at pumirmi na ang pamilya sa isang lugar. Nang ako’y siyam na taon na, kami’y nanirahan sa Vancouver, Washington. Kami ni Itay ay napakalapit, samantalang kami ni Inay ay hindi gaano. Ako’y independiyente at rebelde kung minsan, at ang pagkasiphayo nitong dulot ang dahilan kung bakit waring nagkakalayo kami ni Inay.

Pag-ibig at Kolehiyo

Nang ako’y nasa haiskul, nakilala ko si Trina, at agad kaming nagkasundo. Pagkatapos ng gradwasyon tinanggap ko ang akademikong iskolarsyip sa Oregon State University, sa Corvallis, Oregon. Ginugol ko ang aking libreng panahon sa pagpaparoo’t parito sa Vancouver upang makasama si Trina, na may isang taon pa sa haiskul. Hindi ako gaanong nakapag-aaral subalit inisip ko na makakaya ko naman ang kolehiyo. Nakagugulat ang unang report card ko​—ito ang pinakamasamang natanggap ko kailanman! Napahiya ako. Subalit hindi ako huminto sa pagdalaw kay Trina; dinadala ko na lamang ang aking mga aklat upang ako’y makapag-aral sa panahon ng aking pagbisita.

Pagkatapos, isang araw, habang nakasakay ako sa motorsiklo pabalik sa paaralan galing sa Vancouver, ako’y naaksidente nang malubha. Hindi pa natatagalan pagkatapos niyan ay lalong malubha ang aking naging pinsala nang ako’y masagasaan ng isang kotse habang ako’y tumatawid sa isang tawiran. Nagtrabaho na ako at nawalan na ako ng ganang bumalik sa kolehiyo.

Interes sa Relihiyon

Nang maglaon, nagsama kami ni Trina. Kami’y naniniwala sa Diyos at ibig naming makaalam ng tungkol sa kaniya. Gayunman, nadama namin na ang mga simbahan ay mapagpaimbabaw. Kaya sinubukan naming basahin ang Bibliya sa ganang sarili namin, pero hindi namin ito maintindihan.

Isang araw, sa aking trabaho sa Portland, Oregon, tinutukso ng aking mga katrabaho ang isang lalaki na para sa akin ay isa sa pinakamabuting tao na aking nakilala. May kahinahunang pinagtiisan ni Randy ang pang-iinis. Nang dakong hapon ng araw na iyon ay tinanong ko siya: “Ano itong nababalitaan ko na ikaw raw ay isang ministro?”

“Totoo, ako nga’y isang ministro,” aniya.

“Anong grupo?” ang tanong ko.

“Ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova.”

“Sino ang mga Saksi ni Jehova?”

“Talaga bang hindi mo alam?” ang tanong niya na may malaking pagtataka.

“Oo,” ang sabi ko. “Sino ba ang mga Saksi ni Jehova? Dapat ko bang malaman?”

“Oo,” ang sabi niya na nakangiti, “dapat mong malaman. Anong gagawin mo mamayang tanghalian?”

Iyan ang naging simula ng maraming talakayan sa Bibliya kung tanghalian. Isang gabi ay ikinuwento ko ang mga ito kay Trina. “Huwag kang makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova!” ang sabi niya. “Kakatwa ang mga iyan! Ni hindi Kristiyano ang mga iyan. Hindi sila nagdiriwang ng Pasko.” At patuloy niyang sinabi sa akin ang iba pang bagay na narinig niya tungkol sa mga Saksi ni Jehova.

“Maraming bagay ang sinabi sa iyo na hindi naman totoo,” ang sabi ko. Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, nakumbinsi ko siya na hindi pa niya naririnig ang buong katotohanan. Pagkatapos niyan, pinakiusapan niya ako na magtanong kay Randy, at isa-isa kong inihahatid ang maliwanag na kasagutan mula sa Kasulatan. Sa wakas, sinabi ni Trina: “Hindi ko kailanman nalaman na nasa Bibliya pala ang lahat ng ito, pero ang tingin ko’y kakatwa pa rin sila. Kung gusto mo pa ring makipag-usap sa kaniya tungkol sa Bibliya, bahala ka; pero huwag mong ipagpipilitan ito sa akin pag-uwi mo ng bahay.”

Isang Nakaliligalig na Panahon

Pinaniwalaan ko ang natututuhan ko sa Bibliya, pero inakala ko na hindi ko ito masusunod. Waring naging mas madalas ang pag-aaway namin ni Trina. Kaya kami ng aking kaibigan ay nagpasiya na iwan ang aming kinakasama at nagpasimula kami ng bagong buhay sa Oklahoma. Nagbakasyon ako sa trabaho. Hindi nagtagal, kami ng aking kaibigan ay nanirahan sa isang apartment sa isang maliit na bayan malapit sa hangganan ng Texas. Hindi nagtagal at nadama ko na hinahanap-hanap ko si Trina, pero ipinasiya kong libangin ang aking sarili.

Napag-alaman ko na ang edad para makainom ng alak sa Texas ay 19, kaya nang umalis ang kaibigan ko upang maglakbay, tumawid ako sa hangganan isang gabi upang maglibang sa isang kilalang rock-’n’-roll bar. Nalasing ako nang husto, nawasak ang kotse ko at ibinilanggo ako. Nang maglaon, nakausap ko si itay, at piniyansahan niya ako. Isa pa, ako’y muling tinanggap ni Trina, na siyang ipinagpasalamant ko! Nagbalik ako sa aking dating trabaho at ipinagpatuloy ko ang pakikipagtalakayan kay Randy hinggil sa Bibliya.

Ang Pagsupil sa Aking Buhay

Halos dalawang taon na sapol nang una kong narinig ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova, at ipinasiya ko na higit na magtuon ng pansin sa aking pag-aaral ng Bibliya. Ako ngayo’y 20 taong gulang na, at ang katanungan ko tungkol sa pag-aampon sa akin na binanggit ko sa pasimula ng artikulong ito ay nagsimulang bumagabag sa akin. Kaya sinimulan kong hanaping mabuti ang aking tunay na ina.

Tinawagan ko ang ospital sa Alaska kung saan ako ipinanganak at nagtanong ako kung ano ang gagawin ko. Pagkatapos kong malaman kung ano ang aking gagawin, kumuha ako ng isang kopya ng orihinal na sertipiko ng aking kapanganakan at natuklasan ko na ang pangalan ng aking ina ay Sandra Lee Hirsch; subalit walang nakatalang pangalan ng aking ama. Si Sandra ay 19 lamang nang ako’y isilang, kaya ipinalagay ko na maaaring siya’y isang takot, walang asawang babae na nasa gipit na kalagayan at kinailangang gumawa ng napakahirap na pasiya. Walang gaanong impormasyon sa aking sertipiko ng kapanganakan para matagpuan ko ang aking ina.

Samantala, bilang bunga ng aking pakikipag-aral kay Randy, nakumbinsi ako na natagpuan ko na ang tunay na relihiyon. Subalit paulit-ulit akong nabibigo na ihinto ang nakapagpaparuming paggamit ng tabako. (2 Corinto 7:1) Pakiramdam ko’y sumuko na sa akin si Jehova. Pagkatapos, isang Saksi sa Kingdom Hall ang may sinabi na nakatulong sa akin. Sinabi niya na si Satanas ang may gusto na tayo’y mabigo at nakalulungkot na makita na ang ilan ay nawawala sa daan ng buhay na walang-hanggan dahil sa pagsuko. “Kailangan nating ihagis ang ating mga pasan kay Jehova,” aniya, “at lubusang magtiwala sa kaniya upang tulungan tayo sa ating gipit na mga kalagayan.”​—Awit 55:22.

Iyan ang kailangang-kailangan kong marinig! Sinimulan kong ikapit ang kaniyang sinabi, na malimit na nananalangin kay Jehova upang humingi ng tulong. Hindi nagtagal, inihinto ko na ang paggamit ng tabako, nagpakasal kami ni Trina, at naging regular ang pag-aaral ko ng Bibliya. Nang maglaon, si Trina ay nag-aral na rin. Sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig noong Hunyo 9, 1991. Wala pang dalawang linggo pagkaraan, ang aming panganay na babae, si Breanna Jean, ay isinilang.

Ang Aking Kaugnayan kay Itay

Kami ni itay ay totoong malapit. Napakabait niyang tao na laging nasa tabi ko upang magpatibay-loob kapag ako’y nasisiphayo. Subalit, siya’y matatag kapag kailangan ko ng disiplina. Kaya, napakasakit nang aking malaman maaga noong 1991 na si Itay ay may nakamamatay na kanser sa baga. Noong panahong iyan sina Inay at Itay ay lumipat na sa Hamilton, Montana. Malimit kaming naglalakbay roon upang siya’y makita at upang patibayin ang loob ni Inay.

Nabigyan namin si Itay ng aklat na Ganito na Lamang ba ang Buhay? Ipinangako niyang babasahin ito at sinabi na siya’y nag-aalala sa kapakanan ng kaniyang pamilya. Noong huling pagdalaw ko, sinabi niya sa akin kung gaano niya ipinagmamalaki ang pagkakaroon ng anak na lalaking gaya ko at kung gaano niya ako kamahal. Pagkatapos, habang dumadaloy ang luha, ipinaling niya ang kaniyang ulo sa bintana. Ilang ulit kaming nagyakapan bago ako umalis. Halos nabasa ni Itay ang ikatlong bahagi ng aklat bago siya namatay, noong Nobyembre 21, 1991.

Pagkamatay ni Itay at kasunod ng aming paglipat sa Moses Lake, Washington, lalo pa akong nagnais na malaman ang aking nakaraan. Subalit sa kabila ng lahat ng panahon na ginugol ko sa paghahanap, hindi namin pinabayaan ang espirituwal na interes. Nabautismuhan si Trina noong Hunyo 5, 1993, at pagkalipas ng anim na buwan ay kaniyang isinilang ang aming ikalawang anak na babae, si Sierra Lynn.

Kung Paano Ko Nasumpungan ang Aking Tunay na Ina

Patuloy akong kumukuha ng impormasyon sa legal na sistema ng Alaska, sulat ako nang sulat sa iba’t ibang ahensiya at naghahanap mismo sa pamamagitan ng computer. Naging walang kabuluhan ang lahat ng ito. Pagkatapos, noong dakong huli ng 1995, nagpatingin ako sa doktor at natuklasang hindi normal ang aking puso. Noo’y 29 lamang ako, at ibig malaman ng doktor ang aking medikal na kasaysayan.

Sumulat ang doktor ng isang kumpleto, tiyak na kahilingan, na idiniriin na ang impormasyon sa mga ulat ng pag-aampon sa akin ay mahalaga sa aking pisikal na kapakanan. Nang maglaon, nakatanggap kami ng sagot. Taglay nito ang pasiya ng hukom na nagsasaad na sa kaniyang palagay ay hindi gayong kaseryoso ang pangangailangan para sa aking kalusugan upang halughugin pa ang mga ulat. Talagang nasiraan ako ng loob. Subalit pagkalipas ng ilang linggo, isang sulat ang dumating mula sa ikalawang hukom. Isang utos sa korte ang nagkaloob sa akin na makakuha ng ulat hinggil sa pag-aampon sa akin!

Ang aktuwal na ulat sa pag-aampon sa akin ay dumating maaga noong Enero 1996. Ibinigay nila ang sinilangang bayan at pinagmulang pamilya ng aking ina. Agad-agad, hinanap ko ang pangalan ni Sandra sa computer kasama ng pangalan ng kaniyang sinilangang bayan at lumabas ang anim na nakatalang numero ng telepono. Ipinasiya namin ni Trina na makabubuti kung si Trina ang tatawag sa telepono. Sa ikatlong tawag, sinabi ng isang babae na si Sandra ay kaniyang pamangkin at ibinigay ang telepono nito.

Ang Tawag sa Telepono at ang Sorpresa

Nang tawagan ni Trina ang numero, tumangging ipakilala ng babae ang kaniyang sarili. Sa wakas, tahasang sinabi ni Trina: “Ang aking asawa ay isinilang sa Ketchikan, Alaska, noong Agosto 1, 1966, at kailangan kong malaman kung kayo ang taong hinahanap ko.” Nagkaroon ng mahabang katahimikan, pagkatapos, sa nangangatal na tinig, hiningi ng babae ang pangalan at numero ng telepono ni Trina at nagsabing tatawag siyang muli. Hindi ko na inisip na tatawag siya agad, kaya ipinasiya kong mamili ng mga bagay na kailangan namin sa tindahan.

Nang ako’y magbalik, si Trina ay nasa telepono at luhaan ang mga mata. Ibinigay niya ang telepono sa akin. Habang kami’y nagbabatian ni Inay at nagkukumustahan, agad na ibinulong sa akin ni Trina, “Ayaw ka sana niyang ipaampon.” Nahabag ako kay Inay habang isinasalaysay niya ang tungkol sa kaniyang sarili. “Ibig ko kayong pasalamatan sa buhay na ibinigay ninyo sa akin,” ang sabi ko. “Maayos naman po ang buhay ko at mayroon ako ng lahat ng bagay na kailangan ko. Nagkaroon po ako ng mabubuting magulang at saganang pag-ibig at may mabuting asawa ako ngayon at dalawang magagandang anak na babae. Masayang-masaya po ako.”

Siya’y nagsimulang umiyak. Habang patuloy kaming nag-uusap, sinabi niya ang tungkol sa panghahalay sa kaniya, ang kaniyang pagdadalang-tao, at panggigipit na ipaampon ako; pagkatapos ay sinabi niya na siya’y nag-asawa pagkaraan at nang maglaon, habang siya’y nasa ospital at nagpapagaling mula sa operasyon, ang kaniyang sanggol na anak na babae at ang kaniyang ina ay nasawi sa isang sunog. Sinabi niya na nang maganap ito ay ipinalagay niyang kinuha ng Diyos ang kaniyang mga mahal sa buhay bilang kabayaran ng kaniyang pagpapaampon sa kaniyang anak na lalaki. “Hindi,” ang agad na sagot ko, “hindi ganiyan ang ginagawa ng Diyos!” Sinabi niya na alam na niya iyan ngayon, sapagkat pagkatapos ng trahedya, sinimulan niyang “saliksikin ang katotohanan ng Bibliya” at ngayon ay naging “isang estudyante ng Bibliya.”

Nag-isip ako, ‘Hindi ito totoo,’ kaya itinanong ko: “Sino ang nakipag-aral sa inyo?” May napakahabang katahimikan. Pagkatapos ay sinabi niya: “Ang mga Saksi ni Jehova.” Nabagbag ang aking damdamin anupat hindi ako makapagsalita. Bagaman ako’y umiiyak, pinilit kong sabihin na “Ako rin po ay isang Saksi.” Nang ulit-ulitin ko ito nang mas maliwanag, nag-umapaw ang kaniyang kagalakan. Napakasaya niyaon!

Si Inay ay naging isang Saksi noong 1975, ilang panahon pagkamatay ng kaniyang anak na babae. Nang sumulong ang kaniyang asawa sa espirituwalidad, sinabi niya ang tungkol sa akin. Inaliw siya nito at sinabi na hahanapin nila ako. Subalit hindi pa natatagalan, namatay ito sa isang aksidente sa kotse, anupat iniwanan siya kasama ng tatlong maliliit na palalakihing anak. Pagkatapos niyaon ay ilang oras kaming nag-usap sa loob ng ilang gabi. Sa wakas, ipinasiya naming magtagpo sa Phoenix, Arizona, sa ikalawang linggo ng Pebrero 1996. Naiplano na ni Inay na dumalaw roon kasama ng isa pang Kristiyanong kapatid na babae.

Isang Di-malilimot na Muling Pagkikita

Sa paglalakbay na ito ay iniwan namin ni Trina ang aming mga anak. Habang pababa ako sa eroplano, nakita ko ang aking inay at sa wakas ay nayakap ko rin siya. Nang kami’y magkayakap, sinabi niya na 29 na taon siyang naghintay upang ako’y mayapos, at niyakap niya ako nang matagal. Napakasaya ng aming pagdalaw at nagpalitan kami ng mga larawan at mga kuwento. Gayunman, ang pinakamahalagang bahagi ay ang makatabi si Inay sa Kingdom Hall sa Phoenix! Magkasama kaming nakinig sa pulong at magkatabi kami habang umaawit ng mga awiting pang-Kaharian. Napakaganda ng pakiramdam na iyon na aking aalalahanin magpakailanman.

Noong Abril 1996, ang aking kapatid na babae na si Laura ay dumating mula sa kanilang lugar sa Iowa upang dumalaw sa amin. Anong saya na makasama siya sa isang mainit na Kristiyanong samahan! Nakausap ko rin sa telepono ang nakilalang dalawa ko pang kapatid sa ina. Napakasayang makasamang muli ang aking pamilya, subalit ang magkaisa sa pag-ibig sa loob ng organisasyon ni Jehova ay isang regalo na ang ating dakilang Diyos lamang, si Jehova, ang makapagbibigay.​—Gaya ng inilahad ni Dana Folz.

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ng aking tunay na ina

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share