Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 3/8 p. 19-21
  • Popocatepetl—Ang Maringal, Mapanganib na Bulkan ng Mexico

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Popocatepetl—Ang Maringal, Mapanganib na Bulkan ng Mexico
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kasaysayan ng Bulkan
  • Nagising ang Bulkan
  • Pagdalaw sa “Bundok ng Apoy”
    Gumising!—2005
  • Mga Bulkan—Nanganganib Ka Ba?
    Gumising!—1996
  • Kung Paano Kami Nakatakas sa Nakatatakot na Agos ng Lava!
    Gumising!—2002
  • Mga Paunten ng Apoy ng Hawaii
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 3/8 p. 19-21

Popocatepetl​—Ang Maringal, Mapanganib na Bulkan ng Mexico

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA MEXICO

IBIG mo bang manirahan sa tabi ng maganda subalit mapanganib na bulkan? Baka magdalawang-isip ka sa bagay na iyan. Gayunman, ito ang totoong kalagayan ng libu-libong tao na nakatira sa mga bayan sa palibot ng maringal na bulkang Popocatepetl, sa Mexico.

Ang Kasaysayan ng Bulkan

Ang pangalan nito sa Nahuatl ay nangangahulugang “Bundok” o “Burol na Umuusok.” Ito’y may taas na 5,452 metro at matatagpuan sa kabundukan ng Sierra Nevada, sa estado ng Puebla, malapit sa mga hangganan ng estado ng Mexico at Morelos. Ito’y may maganda at maringal na balisungsong na hugis na may niyebe sa taluktok sa buong taon. Sa paglipas ng mga taon, ang kahanga-hangang bulkan na ito ang gumulo sa buhay ng mga nakatira sa lalawigan sa sona dahil sa pagsabog nang halos 16 na ulit sa pagitan ng mga taóng 1347 at 1927. Gayunman, wala sa mga pagsabog na ito ang naging malakas.

Ang bulkan ay matatagpuan sa pagitan ng dalawang malalaking lunsod: sa lunsod ng Puebla, na matatagpuan mga 44 na kilometro sa gawing silangan at sa lunsod ng Mexico, na mga 70 kilometro sa gawing hilagang-kanluran. Isa pa, sa estado ng Puebla, may 307 bayan, na may kabuuang populasyon na 400,000, na malapit sa bulkan. Bagaman totoo na hindi naman lahat ng mga taong ito ay nasa mapanganib na mga dako, ang epekto sa kabuhayan at sa lipunan na idudulot ng malakas na pagputok ng Popocatepetl ay talagang magiging napakalubha para sa lugar na iyan.

Sa pagtatapos ng 1994, nagkaroon ng napakaraming pagyanig ang bulkan​—hanggang sa punto na itinaas ang alarma at agad na nagsilikas ang mga tao. Noong Disyembre 21, 1994, di-kukulangin sa tatlong butas ang lumitaw sa ilalim ng bunganga ng bulkan, kung saan ang gas at singaw ay lumabas. Ang ashfall, na umabot sa buong lunsod ng Puebla, ay tumimbang ng halos 5,000 tonelada. Sa gayo’y nagpalabas ang pamahalaan ng isang programa na ilikas ang halos 50,000 katao, anupat 30,000 sa mga ito ang binigyan ng kanlungan.

Kumilos din ang mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng paglalaan ng matitirhan para sa mga nangangailangan. (Ihambing ang Gawa 4:32-35.) Ang ulat mula sa komite ng relief ng mga Saksi ay nagsabi: “Sa kabila ng oras at ng gipit na kalagayan, naging kahanga-hanga ang pagtugon ng mga kapatid sa lunsod ng Puebla at sa nakapaligid na mga lugar nito. Gumawa ng mga kaayusan upang mabigyang-lugar ang mahigit na 600 katao. Isang istasyon ng telebisyon ang nagkomento: ‘Mabilis na kumilos ang mga Saksi ni Jehova. Agad nilang inilikas ang kanilang mga kapatid mula sa mapanganib na lugar.’ ”

Nagising ang Bulkan

Ayon sa opisyal na impormasyon, noong Martes, Marso 5, 1996, alas 3:50 n.u., napansin ang biglang pagdami ng seismikong pagyanig ng bulkan, marahil ay may kaugnayan sa paglantad ng malalaking lagusan na nabuksan ng gas at singaw dahil sa pagyanig noong Disyembre 21, 1994. Tiniyak ng mga larawan at impormasyong nakuha na ang mga lagusang ito ay nabarahan ng abo, na nagpatindi sa presyon sa loob ng bulkan. Kaya, ang presyon na ito ang sa wakas ay nagbukas-muli sa mga lagusan.

Ang pahayagang El Universal, noong Martes, Abril 9, 1996, ay nagkomento: “Umapaw ang lava sa bunganga ng Popocatepetl, kaya ang mga siyentipiko at mga awtoridad mula sa Civil Protection Agency ay naging alisto, kung sakaling lumakas ang pagyanig ng bulkan.” Sinabi ng ulat na ang mga pagbabago “ay nakabuo ng hugis ng isang ‘simburyo,’ na magpapangyaring mapuno ang ‘mga lagusan’ ng Popocatepetl sa paglipas ng mga buwan, na maaaring maging sanhi ng labis na pag-apaw sa labas.”

Noong Huwebes, Mayo 2, 1996, sa isang pagpupulong sa lunsod ng Puebla, pinag-usapan ang kilos ng bulkang Popocatepetl sa bagong siklo nito. Si Dr. Servando de la Cruz Reyna, isang miyembro ng Institute of Geophysics of the National Autonomous University of Mexico, ay nagkomento: “Natural lamang, ito’y lilikha ng malubhang pagkabahala . . . Laging may posibilidad na ang bulkan ay sumulong sa mas malakas na antas ng pagsabog. Maaari itong mangyari, at hindi namin ito ipinagkakaila.”

Ipinahayag ang pagbatikos na bagaman sinasabi ng pamahalaan ang tungkol sa mga programa sa pabahay at paglikas at pagkakaroon ng pulung-pulong upang mabigyan ng direksiyon ang taong-bayan, ang totoo ay ipinalalagay ng mga taong nakatira sa pook na hindi nila natanggap ang maliwanag na direksiyon kung paano ang gagawin kung sakaling sumabog ang bulkan. Halimbawa, sa nabanggit na pulung-pulong, iba’t ibang kinatawan mula sa mga bayan na malapit sa bulkan ang nagreklamo dahil sa hindi nila alam kung aling silungan o mga kanlungan ang pupuntahan sa panahon ng kasakunaan.

Dapat na mabuting bigyang-pansin ang mga babalang inihahatid ng bulkan. Tiyak na gagawin ng maiingat na tao ang anumang posibleng bagay upang mailigtas ang kanilang buhay, kahit isakripisyo pa nga ang kanilang materyal na mga ari-arian. Ang mga Saksi ni Jehova na nakatira sa sonang iyon ay nakahandang lumikas sa pook kung kinakailangan. Inatasan ang isang komite sa relief upang dumalaw sa mga Saksi nang palagian sa sonang iyon, anupat ginagabayan sila kung ano ang gagawin sakaling dumating ang sakuna. Ang ilang nakatira sa mas malapit sa mapanganib na sona ay hinimok na iwan ang lugar na iyon samantalang may panahon pa, yamang malinaw na nagbabala ang mga dalubhasa sa bulkan na ang bulkan ay totoong mapanganib. Maliwanag, ang pagpapasiyang iyan ay nasa bawat pamilya na.

Sa ngayon, ang mga taong nakatira malapit sa bulkan ay namumuhay nang normal. Gayunman, ang pagkamakatuwiran ang magsasabi sa mga tao na manatiling alisto sa anumang babala mula sa bulkan o mula sa mga awtoridad na maaaring magpahiwatig ng gipit na kalagayan. Hindi isang katalinuhang manatili na ipinagwawalang-bahala ang mga babala ng maringal subalit mapanganib na bulkang Popocatepetl.

[Kahon sa pahina 20]

Mga Mungkahi sa Panahon ng Kasakunaan

Naglaan ang National Center for the Prevention of Disasters ng talaan ng mga hakbang na dapat gawin bago dumating ang sakuna:

• Alamin ang lugar na inyong matatakbuhan. (Humanap ng matataas na lugar, hindi sa mabababang lugar kung saan ang lava, tubig, o putik ay maaaring umagos)

• Ihanda ang maleta na may personal na mga dokumento, gamot, tubig, o pamalit na damit (mas mainam ang makapal na damit na makababalot sa buong katawan), isang sombrero, isang panyo upang itakip sa ilong at bibig, de bateryang ilawan, isang radyo, mga baterya, at isang kumot

• Gumawa ng kaayusan sa mga kamag-anak na makapaglalaan ng matutuluyan upang sa gayo’y maiwasang makisilong sa pampublikong mga kanlungan

• Dalhin ang mahahalagang bagay lamang. Huwag dalhin ang mga alagang hayop

• Alamin kung paano makasusumpong ng pampublikong mga kanlungan

• Isara ang kuryente, gas, at tubig

• Manatiling kalmado

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share