Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 4/22 p. 12-15
  • Matibay na Pag-asa sa Kabila ng Lagim sa Chernobyl

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Matibay na Pag-asa sa Kabila ng Lagim sa Chernobyl
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Araw ng Sakuna
  • Ang Resulta
  • Mga Epekto sa Kalusugan ng Radyasyon
  • Pagbabalik sa Kahapon
  • Pagtitiwala sa Kabila ng Laganap na Takot
  • Maghapong Paglilibot sa Chernobyl
    Gumising!—2006
  • Ang Bantang Nuklear—Tapos na ba sa Wakas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Pagbagsak ng Radyaktibong Materya—Isang Bagay na Dapat Ikabahala
    Gumising!—2001
  • Radyaktibidad—Paano Ka Isinasapanganib Nito?
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 4/22 p. 12-15

Matibay na Pag-asa sa Kabila ng Lagim sa Chernobyl

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Ukraine

NOONG Abril 26, 1986, ang pinakamasamang aksidente sa nuclear power plant na nangyari sa kasaysayan ay naganap sa Chernobyl, Ukraine. Pagkalipas ng taóng iyon sinabi ni Mikhail Gorbachev, dating pangulo ng Sobyet, na ang trahedya ay isang malupit na tagapagpaalaala na “hindi pa nakokontrol ng sangkatauhan ang gahiganteng mga puwersa na kanilang natuklasan.”

Bilang pagdiriin sa laki ng kasakunaan sa Chernobyl, ang Alemang edisyon ng Psychology Today ng Pebrero 1987, ay nag-ulat: “Ang sakuna sa reactor sa Chernobyl . . . ay isang malaking pangyayari sa kasaysayan ng makabagong sibilisasyon. At ito’y isang malaking kapahamakan na labis na makaaapekto sa atin sa loob ng mga dantaon.” Sinabi ng The New York Times na “kasindami ng pangmatagalang radyasyon [na sumabog] sa himpapawid, lupa at tubig sa daigdig ang lahat ng sinubukang nuklear at bombang pinasabog kailanman.”

Hinuhulaan ng pahayagang Aleman na Hannoversche Allgemeine na “sa susunod na 50 taon tinatayang 60,000 katao sa buong mundo ang mamamatay dahil sa kanser bunga ng pagkatunaw ng reactor ng Sobyet . . . Ang karagdagan pang 5,000 ay makararanas ng malubhang pinsala sa henetiko at hanggang sa 1,000 ang pahihirapan ng mga depekto sa kalusugan mula sa pagsilang.”

Ang trahedya ng Chernobyl ay lumikha ng nakasisiphayong pagkatakot, kabalisahan, at kawalang-katiyakan na nagpadilim sa buhay ng daan-daang libong tao. Subalit, ang ilan nama’y nagtatamasa ng matibay na pag-asa sa kabila ng madilim na lagim. Kuning halimbawa ang pamilyang Rudnik, na binubuo nina Victor at Anna at ng kanilang dalawang anak na babae na sina Elena at Anja. Noong Abril 1986 ang pamilyang Rudnik ay nakatira sa Pripet, wala pang tatlong kilometro ang layo sa reactor ng Chernobyl.

Ang Araw ng Sakuna

Sa kahambal-hambal na umaga ng Sabadong iyon, nahadlangan ng magiting na ginawa ng mga bumbero sa nasirang reactor ang mas malala pang ibinunga nito. Sa loob ng mga oras ang mga bumbero ay tinamaan ng sakit na sanhi ng radyasyon, at marami-rami ang namatay. Sinabi ni Grigori Medwedew, ang kinatawang punong inhinyero sa Chernobyl noong mga taon ng 1970, sa kaniyang aklat na Burned Souls: “Ang tulad ulap na radyasyon ay tinangay ng hangin sa maliit na taniman ng punong pino na naghihiwalay sa lugar ng reactor mula sa bayan, na sinasaklaw ang isang maliit na kagubatan na may radyaktibong ulan ng abo.” Ang maraming tonelada ng sumingaw na radyaktibong materyal ay iniulat na kumalat sa atmospera!

Kapansin-pansin naman, ang buhay sa Pripet, isang lunsod na mahigit na 40,000 ang nakatira, ay waring normal naman ang takbo nang Sabadong iyon. Ang mga bata ay naglalaro sa lansangan, at naghahanda ang mga tao sa pagdiriwang ng pista opisyal ng Mayo 1 sa Sobyet. Walang ipinatalastas tungkol sa aksidente at walang babala tungkol sa panganib. Si Anna Rudnik ay namamasyal kasama ng kaniyang tatlong-taóng-gulang na anak na babae, si Elena, nang masalubong nila ang ama-amahan ni Anna. Nabalitaan niya ang aksidente. Dahil sa nababahala tungkol sa panganib ng radyasyon, dinala niya sila agad sa kaniyang tahanan na halos sampung milya ang layo.

Ang tulad ulap na radyasyon ay pumailanlang sa atmospera at tinangay sa kasinlayo ng daan-daang kilometro sa ibayo ng Ukraine, Belorussia (ngayo’y Belarus), Russia, at Poland, gayundin ang Alemanya, Austria, at Switzerland. Nang sumunod na Lunes, ang mga siyentipiko sa Sweden at Denmark ay nabalisa nang kanilang itala ang matataas na antas ng radyaktibo.

Ang Resulta

Ang mga sundalo, bumbero, mga eksperto sa konstruksiyon at iba pa sa Sobyet ay ipinadala sa Chernobyl. Ang grupong ito​—na humigit-kumulang 600,000​—ay naging kilala bilang ang mga “tagalikida.” Nahadlangan nila ang mas malalang sakuna sa Europa sa pamamagitan ng pagtatakip sa nasirang reactor ng bakal at semento na tila kabaong ang anyo na may sampung palapag ang taas at dalawang metro ang kapal.

Ang paglikas sa kalapit na mga lugar ay nagsimula sa loob ng ilang araw. “Kailangan naming iwan ang aming mga tahanan, iwanan ang lahat ng bagay​—mga damit, salapi, dokumento, pagkain​—lahat ng aming ari-arian,” ang paliwanag ni Victor. “Labis kaming nababahala, yamang ipinagbubuntis ni Anna ang aming pangalawang anak.”

Halos 135,000 katao ang lumikas​—iniwan ang lahat ng tirahan na halos 30 kilometro ang layo sa reactor. Ang pamilyang Rudnik ay nakitira sa mga kamag-anak. Gayunman, ang mga kamag-anak na ito ay natakot na baka kumalat sa kanila ang radyasyon ng mga Rudnik. “Nag-alala sila,” ang sabi ni Anna, “at sa wakas ay pinaalis kami.” Ang iba pang nagsilikas ay may gayunding masaklap na mga karanasan. Sa wakas, noong Setyembre 1986 ang pamilyang Rudnik ay tumira sa Kaluga, halos 170 kilometro ang layo sa gawing timog-kanluran ng Moscow, Russia.

“Sa wakas ay naintindihan namin na hindi na kami makababalik pa,” ang sabi ni Anna. “Napalayo na kami sa aming mahal na tinubuang bayan, kung saan kami’y isinilang at lumaki. Napakagandang lugar niyaon na nalalatagan ng mga bulaklak at damo, na may mga waterlili sa sapa. Mayabong ang kagubatan na may mga berry at kabute.”

Hindi lamang nasira ang kagandahan ng Ukraine kundi naapektuhan din ang ginagampanang bahagi nito bilang bigasan ng Unyong Sobyet. Ang karamihan ng ani ng bansa nang taglagas na iyon ay naapektuhan ng radyasyon. Gayundin naman, sa Scandinavia, 70 porsiyento ng mga karne ng reindeer ay sinabing hindi maaaring kainin sapagkat ang mga hayop ay nanginain ng mga lumot na may radyasyon. At sa mga lugar sa Alemanya, ang mga gulay ay pinabayaang mabulok sa mga bukid dahil sa takot na ito’y may radyasyon.

Mga Epekto sa Kalusugan ng Radyasyon

Sinabi ng inilabas na opisyal na bilang limang taon pagkalipas ng aksidente na 576,000 katao ang nahantad sa radyasyon. Ang paglitaw ng mga sakit na kanserus at di-kanserus ay iniulat na naging mas marami sa gayong mga tao. Lalo nang naapektuhan ang mga kabataan. Iniulat ng magasing New Scientist ng Disyembre 2, 1995, na ipinalalagay ng isa sa dalubhasa sa thyroid sa Europa na “kasindami ng 40 porsiyento ng mga bata na nahantad sa pinakamataas na antas ng radyaktibo mula sa Chernobyl nang sila’y wala pang isang taóng gulang ay maaaring magkaroon ng kanser sa thyroid sa kanilang paglaki.”

Dahil si Anna ay nahantad sa radyasyon noong siya’y nagdadalang-tao, iginiit ng mga doktor na siya’y magpalaglag. Nang tumanggi sina Victor at Anna, kinailangan nilang lumagda sa isang deklarasyon na nangangakong sila ang mangangalaga sa bata kahit na ito’y isilang na may depekto. Bagaman si Anja ay walang diperensiya sa pisikal, subalit siya’y may myopia, may problema sa palahingahan, at may sakit sa puso. Bukod pa riyan, ang kalusugan ng ibang miyembro ng pamilya ng Rudnik ay humina sapol nang mangyari ang kasakunaan. Sina Victor at Elena ay nagkaroon ng sakit sa puso, at si Anna ang isa sa maraming naitalang inutil sa Chernobyl.

Kabilang sa pinakanaapektuhan ng radyasyon ay ang mga tagalikida na nagtakip sa nasirang reactor. Ang libu-libo na tumulong sa paglilinis diumano’y namatay nang maaga. Ang ilang nakaligtas ay nagkaroon ng neurolohikal at saykosomatikong mga problema. Ang panlulumo ay laganap, at naging karaniwan ang pagpapatiwakal.

Si Angela ay isa sa maraming nakaligtas na nagsimulang magkaroon ng malulubhang sakit. Nang panahon ng sakuna, siya’y nakatira sa Kiev, ang kabisera ng Ukraine, mahigit na 80 kilometro mula sa Chernobyl. Subalit pagkatapos nito, gumugol siya ng panahon sa pagdadala ng mga suplay sa mga tagalikida sa lugar ng reactor. Si Svetlana, isa pang nakaligtas, na nakatira sa Irpin, malapit sa Kiev, ay nagkaroon ng kanser at naoperahan.

Pagbabalik sa Kahapon

Noong Abril 1996, sampung taon pagkatapos ng malaking kapahamakan, inamin ni Mikhail Gorbachev: “Hindi tayo naging handa sa ganiyang kalagayan.” Gayundin naman, sinabi ni Pangulong Yeltsin ng Russia ang ganito: “Hindi pa kailanman naranasan ng sangkatauhan ang isang kasakunaan na ganito kalaki, na may malulubhang kinalabasan at napakahirap pawiin.”

Kapansin-pansin din naman, inihambing ng Alemang edisyon ng Scientific American ang resulta ng kasakunaan sa Chernobyl sa maaaring naibunga ng isang malaki-laking digmaang nuklear. Tinataya ng ilan na ang bilang ng namatay dahil sa trahedya ay halos 30,000.

Ayon sa isang balita noong nakaraang taon, sa ikasampung anibersaryo ng aksidente, mayroon pa ring isang sona na 29 na kilometro ang layo sa paligid ng planta na hindi maaaring tirahan ng tao. Gayunman, sinabi ng ulat na “647 determinadong residente ang pumasok nang palihim, nagsuhol o lantarang nagbalik sa sona.” Ganito ang sabi nito: “Talagang walang sinuman ang nakatira sa loob ng 10 kilometrong palibot ng planta. May isa pang 20 kilometro ang lawak na lugar na nakapalibot doon ang binalikan ng ilang daan tao.”

Pagtitiwala sa Kabila ng Laganap na Takot

Para sa maraming libu-libo na minsa’y tumira malapit sa Chernobyl, ang buhay ay gayon pa rin at nananatiling mahirap. Isiniwalat ng isang pagsusuri sa mga lumikas na 80 porsiyento ay hindi maligaya sa kanilang bagong mga tahanan. Nakadarama sila ng kalungkutan, pagkahapo, kabalisahan, pagkayamot, at kapanglawan. Ang Chernobyl ay hindi lamang isang nuklear na aksidente​—ito’y isang panlipunan at sikolohikal na krisis na pagkalawak-lawak ng saklaw. Hindi kataka-taka, tinagurian ng marami ang mga pangyayari na alin sa bago-Chernobyl o pagkatapos-ng-Chernobyl.

Kabaligtaran sa napakaraming iba pa, may kahusayang naharap ng pamilyang Rudnik ang kalagayang ito. Nakipag-aral sila ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at, bilang resulta, nagkaroon sila ng matibay na pananampalataya sa mga pangako na masusumpungan sa Salita ng Diyos may kinalaman sa bagong sanlibutan ng katuwiran. (Isaias 65:17-25; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Pagkatapos, noong 1995, sinagisagan nina Victor at Anna ang kanilang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Nang maglaon ang kanilang anak na babae na si Elena ay nagpabautismo rin.

Ganito ang paliwanag ni Victor: “Ang pag-aaral sa Bibliya ay nagpangyari sa amin na makilala ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, at malaman ang kaniyang mga layunin para sa sangkatauhan sa lupa. Hindi na kami nanlulumo, yamang batid namin na kapag dumating na ang Kaharian ng Diyos, ang gayong kalunus-lunos na mga aksidente ay hindi na kailanman mangyayari pa. Inaasam-asam namin ang panahon kapag ang lalawigan sa palibot ng aming mahal na tinubuang bayan malapit sa Chernobyl ay makababawi mula sa sirang kalagayan nito at magiging bahagi ng magandang paraiso.”

Sina Angela at Svetlana, na nagtitiwala rin sa mga pangako ng Diyos na bagong sanlibutan ng katuwiran, ay mayroon ding magandang pananaw sa kabila ng kanilang mga karamdaman na sanhi ng radyasyon. “Kung walang kaalaman tungkol sa Maylalang at sa kaniyang mga layunin,” ang sabi ni Angela, “magiging napakahirap ng buhay. Subalit ang pagkakaroon ng malapit na kaugnayan kay Jehova ay nakatutulong sa amin na manatiling positibo. Ang aking pagnanais ay patuloy siyang paglingkuran bilang isang pambuong-panahong mangangaral ng Bibliya.” Ganito pa ang sinabi ni Svetlana: “Ang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae ay malaking tulong sa akin.”

Isiniwalat ng pag-aaral ng Bibliya sa gayong mga tao na ang mga aksidente na sanhi ng “panahon at di-inaasahang pangyayari” ay makaaapekto sa mga tao saanman sila nakatira at maging sino man sila. (Eclesiastes 9:11) Subalit natutuhan din ng mga estudyante ng Bibliya na gaano man katindi ang kanilang mga suliranin, walang pinsala ang hindi kayang ayusin ng Diyos na Jehova, walang sugat na hindi niya kayang pagalingin, at walang kawalan ang hindi niya kayang punan.

Paano ka rin maaaring magkaroon ng pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos at sa gayo’y magtamasa ng isang nagniningning na pag-asa? Sumasagot ang manunulat ng aklat ng Kawikaan sa Bibliya: “Upang ang iyong tiwala ay malagak kay Jehova mismo aking ipinakikilala sa iyo ang kaalamang ito ngayon.” (Kawikaan 22:19) Oo, kailangan mong kumuha ng kaalaman sa pamamagitan ng isang regular na pag-aaral ng Bibliya. Ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar ay maligayang tutulong sa inyo na gawin ito. Sila’y nag-aalok ng isang libreng programa ng pag-aaral ng Bibliya na magagawa sa isang panahon at lugar na kombinyente para sa inyo.

[Blurb sa pahina 14]

“Hindi pa kailanman naranasan ng sangkatauhan ang isang kasakunaan na ganito kalaki, na may malulubhang kinalabasan at napakahirap pawiin.”​—Pangulong Yeltsin ng Russia

[Blurb sa pahina 15]

Ang Chernobyl ay hindi lamang isang nuklear na aksidente​—ito’y isang panlipunan at sikolohikal na krisis na pagkalawak-lawak ng saklaw

[Picture Credit Line sa pahina 12]

Tass/Sipa Press

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share