Ang Walang-Katapusang Pagkasarisari sa Lupa—Paano Ito Umiral?
SA MAHIGIT na 1.5 milyong uri ng mga hayop na napanganlan na ng mga siyentipiko hanggang sa ngayon, halos isang milyon ang mga insekto. Mangangailangan ng 6,000 pahina ng ensayklopidiya upang itala ang lahat ng kilalang insekto! Paano umiral ang mga kinapal na ito? Bakit walang-katapusan ang pagkasarisari? Ito ba’y nagkataon lamang, na naging “masuwerte” ng ilang milyong ulit ang kalikasan? O ito ba’y dinisenyo?
Una muna, sandali nating banggitin ang ilan sa iba pang pagkasarisari ng nabubuhay na bagay na nasa ating planeta.
Kahanga-hangang mga Ibon
Kumusta naman ang mahigit na 9,000 iba’t ibang uri ng ibon na kamangha-mangha ang pagkakadisenyo? Ang ilang ibong hummingbird ay kasinliit ng malalaking bubuyog, gayunman ang mga ito’y lumilipad na may higit na kahusayan at kagandahan kaysa pinakamakabagong helikopter. Ang ibang ibon ay nandarayuhan ng libu-libong kilometro taun-taon, gaya ng arctic tern, na lumilipad ng layong 35,000 kilometro sa bawat paroo’t paritong paglalakbay. Wala itong computer, walang mga gamit sa nabigasyon, subalit ito’y walang pagkakamaling dumarating sa patutunguhan nito. Ang katutubong kakayahan bang ito ay nagkataon lamang o dinisenyo?
Nakahahalinang Pagkasarisari ng Halaman
Bukod pa riyan, nariyan ang napakaraming pagkasarisari at kagandahan ng buhay halaman—mahigit na 350,000 uri ng mga halaman. Humigit-kumulang 250,000 sa mga ito ay namumulaklak! Ang pinakamalaking nabubuhay na bagay sa lupa—ang dambuhalang mga puno ng sequoia—ay mga halaman.
Ilang iba’t ibang bulaklak ang tumutubo sa inyong hardin o sa inyong lugar? Ang kagandahan, simetriya, at kadalasan ang halimuyak ng mga bulaklak na ito—mula sa pinakamaliit na bulaklak sa disyerto, daisy, o buttercup hanggang sa mga orkidya na may masalimuot na pagkasarisari—ay nagpapamangha sa isa. Minsan pa, ang tanong namin ay: Paano umiral ang mga ito? Nagkataon lamang o dinisenyo?
Namumutiktik sa Buhay ang mga Karagatan
At kumusta naman ang mga anyo ng buhay na masusumpungan sa mga ilog, lawa, at mga karagatan ng daigdig? Sinasabi ng mga siyentipiko na mayroong halos 8,400 kilalang mga uri ng isda sa tubig-tabang at halos 13,300 ng isdang tumitira sa karagatan. Ang pinakamaliit dito ay ang goby na masusumpungan sa Indian Ocean. Ito’y mga isang centimetro lamang ang haba. Ang pinakamalaki ay ang balyenang pating, na maaaring sumukat ng hanggang 18 metro ang haba. Hindi pa kabilang sa mga uring ito ang mga imbertebrado (walang gulugod) o mga uring tutuklasin pa!
Ang Kahanga-hangang Utak
Higit sa lahat, ang utak ng tao—na naglalaman ng hindi kukulanging sampung bilyong neuron, na ang bawat isa’y malamang na may mahigit na 1,000 synapse, o mga koneksiyon sa ibang selula ng nerbiyo—ay kahanga-hanga. Ganito ang sabi ng neurologong si Dr. Richard Restak: “Ang kabuuang bilang ng mga koneksiyon sa loob ng napakalaking network ng sistema ng neuron sa utak ay talagang napakarami.” (The Brain) Sabi pa niya: “Maaaring may sampung trilyon hanggang sandaang trilyong synapse sa utak.” Saka siya nagtanong ng isang nauugnay na tanong: “Paano ngang ang isang sangkap na gaya ng utak, na naglalaman sa pagitan ng sampung bilyon at sandaang bilyong selula, ay maaaring magmula sa iisang selula, ang itlog?” Ang utak ba’y bunga ng aksidente o tsamba lamang ng kalikasan? O mayroon bang nagdisenyo sa lahat ng ito?
Oo, paano umiral ang tila ba walang katapusang iba’t ibang uri ng buhay at disenyong ito? Ikaw ba ay naturuan na ito ay basta nagkataon lamang, o pasubuk-subok hanggang magtagumpay, ala-tsamba ng bulag na loterya ng ebolusyon? Kung gayon ay ipagpatuloy mo ang pagbabasa upang makita ang buong katapatang itinatanong ng ilang siyentipiko tungkol sa teoriya ng ebolusyon, na tinatawag na saligan ng lahat ng siyensiya tungkol sa biyolohiya.
[Dayagram sa pahina 4]
Kung ang simpleng kamera ay nangangailangan ng isang disenyador, kumusta naman ang tungkol sa mas masalimuot na mata ng tao?
Dako ng Lente
(Pinalaki)
Aqueous humor
Pupil
Cornea
Iris
Ciliary body
Lente
Buong Mata
Vitreous humor
Optic nerve
Retina
Choroid
Sclera