Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 5/8 p. 13-17
  • Ang Diyos—Mapagsapalaran o Maylalang?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Diyos—Mapagsapalaran o Maylalang?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Paliwanag sa “Palaisipan”
  • “Dambuhalang Magkakasunod na mga Aksidente”
  • Ang Sagot ng Bibliya
  • Maaari Ba Nating Malaman Kung Mayroon Ngang Diyos?
    Gumising!—1986
  • Ang Walang-Katapusang Pagkasarisari sa Lupa—Paano Ito Umiral?
    Gumising!—1997
  • Pandaraya sa Siyensiya—Ang Pinakamalaking Pandaraya sa Lahat
    Gumising!—1990
  • Makabagong Pag-aalinlangan—Dapat Bang Ituloy ang Paghahanap?
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 5/8 p. 13-17

Ang Diyos​—Mapagsapalaran o Maylalang?

“WALANG alinlangang maraming siyentipiko ang matinding tumututol sa anumang anyo ng sobrenatural, ano pa kaya sa mistikong mga argumento. Hinahamak nila ang paniniwala na maaaring umiiral ang isang Diyos, o kahit na ang isang mapanlikhang pinagmulan na di-persona . . . Personal na hindi ako nakikisama sa kanilang paghamak.” Gayon ang sabi ni Paul Davies, propesor ng mathematical physics sa University of Adelaide, South Australia, sa kaniyang aklat na The Mind of God.

Sinabi rin ni Davies: “Ipinahihiwatig ng maingat na pagsusuri na ang mga batas ng sansinukob ay kamangha-manghang nagpapatunay sa pag-iral ng masasalimuot na bagay at pagkasarisari ng mga anyo ng buhay. Sa kaso ng nabubuhay na mga organismo, ang kanilang pag-iral ay wari bang depende sa maraming masuwerteng mga pagkakataon na lubhang kahanga-hanga na pinapurihan ng ilang siyentipiko at pilosopo.”

Sinabi pa niya: “Ang siyentipikong pagsisiyasat ay isang paglalakbay tungo sa kawalang-katiyakan. . . . Subalit umiinog sa buong pagsisiyasat na ito ang karaniwang mga elemento ng pagkamay-katuwiran at kaayusan. Mauunawaan natin na ang kaayusang ito sa mundo ay sinusuhayan ng tiyak na mga batas sa matematika na nag-uugnay sa isa’t isa upang mabuo ang isang mahusay at magkasuwatong pagkakaisa. Ang mga batas ay totoong napakalinaw.”

Si Davies ay naghinuha sa pagsasabing: “Kung paano nga dapat taglayin ng Homo sapiens ang kaunting katuwiran na nagbibigay ng kakayahang maunawaan ang kalikasan ng sansinukob, ay isang malalim na palaisipan. . . . Hindi ako makapaniwala na ang ating pag-iral sa sansinukob na ito ay basta nagkataon lamang, isang aksidente ng kasaysayan, isang di-sinasadyang pag-iral dahil sa aksidente. Tayo ay lubhang nasasangkot. . . . Tayo ay talagang nilayon dito.” Gayunman, si Davies ay hindi naghinuha na may isang Disenyador, isang Diyos. Subalit ano ang inyong nahihinuha? Ang sangkatauhan ba ay nilayon dito? Kung gayon, sino ang nagpangyari na tayo’y umiral dito?

Mga Paliwanag sa “Palaisipan”

Si apostol Pablo ay nagbibigay ng isang himaton sa Bibliya upang maunawaan ang tinatawag ni Davies na “isang malalim na palaisipan.” Ipinakita ni Pablo kung paano isiniwalat ng Diyos ang kaniyang sarili: “Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay hayag sa gitna nila [“mga taong hinahadlangan ang katotohanan”], sapagkat inihayag ito ng Diyos sa kanila. Sapagkat ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula sa paglalang sa sanlibutan patuloy, sapagkat napag-uunawa ang mga iyon sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat sila ay di-mapagpapaumanhinan.” (Roma 1:18-20)a Oo, ang walang katapusang pagkasarisari ng mga anyo ng buhay, ang kanilang hindi kapani-paniwalang kasalimuutan, ang kanilang magandang disenyo, ay dapat na umakay sa isang mapagpakumbaba at mapagpakundangang tao na kilalanin na may kataas-taasang kapangyarihan, katalinuhan, o isip na lubhang nakatataas sa anumang bagay na kailanma’y nakilala ng tao.​—Awit 8:3, 4.

Ang karagdagang mga salita ni Pablo tungkol doon sa mga tumatanggi sa Diyos ay nagbibigay sa isa ng dahilan na mag-isip nang husto: “Bagaman iginigiit na sila ay marurunong, sila ay naging mangmang . . . , maging yaong mga nagpalit ng katotohanan ng Diyos sa kasinungalingan at nagpakundangan at nag-ukol ng sagradong paglilingkod sa nilalang sa halip na sa Isa na lumalang, na pinagpapala magpakailanman. Amen.” (Roma 1:22, 25) Yaong mga nagpakundangan sa “kalikasan” at nagtakwil sa Diyos ay tiyak na hindi pantas sa pangmalas ni Jehova. Palibhasa’y nabaon sa lusak ng kalituhan ng nagkakasalungatang mga teoriya sa ebolusyon, hindi nila nakilala ang Maylalang at ang kasalimuutan at disenyo ng kaniyang paglalang.

“Dambuhalang Magkakasunod na mga Aksidente”

Sumulat din si Pablo: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya [ang Diyos] nang mainam, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Ang pananampalatayang salig sa tumpak na kaalaman, hindi salig sa paniniwala lamang, ay maaaring umakay sa atin sa pagkaunawa kung bakit tayo umiiral. (Colosas 1:9, 10) Tiyak, ang paniniwala ay kasangkot kung nais tayong papaniwalain ng ilang siyentipiko na ang buhay ay umiiral sapagkat “para bang tayo’y nanalo sa loterya ng isang milyong dolyar nang isang milyong beses na sunud-sunod.”

Ang teoriya ng Britanong siyentipikong si Fred Hoyle ay na ang nuklear na mga reaksiyon na humahantong sa pagbuo ng dalawang elementong mahalaga sa buhay, ang carbon at oksiheno, ay gumagawa ng magkatimbang na dami ng mga elementong ito dahil lamang sa masuwerteng aksidente.

Nagbigay siya ng isa pang halimbawa: “Kung ang pinagsamang kumpol ng proton at electron ay madaragdagan nang kaunti kaysa kumpol ng neutron, ang epekto ay magiging mapangwasak. . . . Sa buong Sansinukob ang lahat ng atomo ng hidroheno ay agad na maghihiwalay upang bumuo ng mga neutron at neutrino. Kung walang nuklear na gatong, ang Araw ay maglalaho at guguho.” Gayundin ang mangyayari sa bilyun-bilyong iba pang mga bituin sa sansinukob.

Si Hoyle ay naghinuha: “Ang talaan ng . . . maliwanag na mga aksidente na hindi biyolohikal ang kalikasan anupat kung wala ang mga ito ay imposibleng umiral ang buhay ng tao, ay marami at kagila-gilalas.” Ganito ang sabi niya: “Ang mga katangiang iyon [na mahalaga sa buhay] ay para bang hinabi sa likas na daigdig na gaya ng isang elemento ng masuwerteng mga pagkakataon. Subalit napakaraming kakatwang mga pagkakataon na mahalaga sa buhay anupat waring kailangan ang ilang paliwanag upang patunayan ang mga ito.”​—Amin ang italiko.

Sinabi rin niya: “Ang problema ay magpasiya kung ang tila di-sinasadyang pagbabago ay talagang di-sinasadya o sinadya, at samakatuwid kung ang buhay ba ay di-sinasadya o sinadya. Walang siyentipiko ang gustong magtanong niyan, gayunpaman kailangang itanong ito. Maaari kayang ang mga pagbabago ay may katalinuhang sinadya?”

Si Paul Davies ay sumulat: “Si Hoyle ay hangang-hanga sa ‘dambuhalang magkakasunod na mga aksidenteng’ ito, anupat siya’y naudyukang magkomento na para bang ‘ang mga batas ng nuclear physics ay sadyang dinisenyo may kaugnayan sa mga resultang nagawa nito sa loob ng mga bituin.’ ” Sino o ano ang may pananagutan sa “dambuhalang magkakasunod na mga [suwerteng] aksidenteng ito”? Sino o ano ang gumawa sa maliit na planetang ito, na mamutiktik sa halos walang katapusang pagkasarisari ng milyun-milyong katangi-tanging anyo ng mga halaman at mga kinapal?

Ang Sagot ng Bibliya

Ang salmista ay may pakundangang sumulat mga tatlong libong taon na ang nakalipas: “Pagkarami-rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat. Ang lupa ay puno ng iyong mga produksiyon. Kung tungkol sa dagat na ito na totoong malaki at maluwang, na ginagalawan ng di-mabilang na mga bagay, nabubuhay na mga kinapal, mga munti at malalaki din naman.”​—Awit 104:24, 25.

Si apostol Juan ay nagsabi: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na amin ngang Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.” (Apocalipsis 4:11) Ang buhay ay hindi bunga ng basta pagkakataon lamang, ng ilang suwerte sa sansinukob na nangyari upang magwagi ang milyun-milyong anyo ng buhay.

Ang payak na katotohanan ay na “nilalang [ng Diyos] ang lahat ng bagay, at dahil sa [kaniyang] kalooban sila ay umiral at nalalang.” Sinabi ni Jesu-Kristo mismo sa mga Pariseo: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae?” Kilala ni Jesus ang Maylalang! Bilang Dalubhasang Manggagawa ni Jehova, siya’y kasama Niya noong panahon ng paglalang.​—Mateo 19:4; Kawikaan 8:22-31.

Subalit, nangangailangan ng pananampalataya at kapakumbabaan upang maunawaan at matanggap ang saligang katotohanang ito tungkol sa Maylalang. Ang pananampalatayang ito ay hindi bulag na paniniwala. Ito’y nasasalig sa tunay, nakikitang katibayan. Oo, “ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula sa paglalang sa sanlibutan patuloy.”​—Roma 1:20.

Taglay ang ating kasalukuyang limitadong kaalaman sa siyensiya, hindi natin maipaliwanag kung paano lumalang ang Diyos. Kaya nga, dapat nating kilalanin na sa kasalukuyan ay hindi natin malalaman o mauunawaan ang lahat ng bagay tungkol sa pinagmulan ng buhay. Tayo’y napaaalalahanan nito kapag binasa natin ang mga salita ni Jehova: “Sapagkat ang mga pag-iisip ninyo na mga tao ay hindi aking mga pag-iisip, ni ang akin mang mga lakad ay inyong mga lakad . . . Sapagkat kung paanong ang langit ay lalong mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kaysa inyong mga lakad, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip.”​—Isaias 55:8, 9.

Nasa iyo ang pagpili: alin sa maniwala sa bulag at nagkataon lamang na ebolusyon, ang di-mabilang na mga pakikipagsapalaran na diumano’y nagtagumpay, o manampalataya sa Tagapaglayon-Maylalang-Disenyador, ang Diyos na Jehova. Ang kinasihang propeta ay may katumpakang nagsabi: “Si Jehova, na Maylalang ng mga kadulu-duluhan ng lupa, ay isang Diyos na walang-hanggan. Siya’y hindi nanghihina o napapagod man. Walang makatarok ng kaniyang unawa.”​—Isaias 40:28.

Kaya, ano ang paniniwalaan mo? Mahalaga ang magiging pasiya mo sa iyong pag-asa sa buhay sa hinaharap. Kung totoo ang ebolusyon, kung gayon ang kamatayan ay mangangahulugan ng ganap na pagkalimot, sa kabila ng paimbabaw na mga argumento ng labis-labis at masalimuot na teolohiyang Katoliko, na nagsisikap na ipakilala ang “kaluluwa” sa ebolusyon.b Ang tao ay walang imortal na kaluluwa upang mapalubag ang di-maiiwasang dagok ng kamatayan.​—Genesis 2:7; Ezekiel 18:4, 20.

Kung tinatanggap natin na totoo ang Bibliya at na ang buháy na Diyos ang Maylalang, nariyan ang pangako ng pagkabuhay-muli sa walang-hanggang buhay, sakdal na buhay, sa lupa na isinauli sa dati nitong kalagayan ng pagkakatimbang at pagkakasuwato. (Juan 5:28, 29) Saan mo ilalagak ang iyong pananampalataya? Sa hindi kapani-paniwalang pakikipagsapalaran ng teoriya ng ebolusyon ni Darwin? O sa Maylalang, na kumikilos na may layunin at patuloy na ginagawa iyon?c

[Mga talababa]

a “Simula nang lalangin ng Diyos ang sanlibutan ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagkadiyos​—hindi man nakikita​—ay naroroon upang maunawaan sa mga bagay na kaniyang ginawa.”​—Roma 1:20, Jerusalem Bible.

b Tingnan ang “Pagmamasid sa Daigdig,” pahina 28, “Muling Pinagtibay ng Papa ang Ebolusyon.”

c Para sa detalyadong pagtalakay hinggil sa bagay na ito, tingnan ang aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Blurb sa pahina 14]

Sa wari, sinasabi ng ilang ebolusyonista na ang ating pag-iral sa lupa ay “para bang tayo’y nanalo sa loterya ng isang milyong dolyar nang isang milyong beses na sunud-sunod.”

[Kahon/Larawan sa pahina 15]

Walang Katapusang Pagkasarisari at Disenyo

Mga Insekto “Natutuklasan ng mga siyentipiko ang mula 7,000 hanggang 10,000 bagong mga uri ng insekto taun-taon,” sabi ng The World Book Encyclopedia. Subalit, “maaaring mayroong mula 1 milyon hanggang 10 milyong uri ang hindi pa natutuklasan.” Ang pahayagang Pranses na Le Monde, gaya ng sinipi sa Guardian Weekly, sa isang artikulo ni Catherine Vincent, ay bumabanggit tungkol sa mga uri na dokumentado bilang isang “kulang-kulang na maliit na bilang kung ihahambing sa aktuwal na bilang . . . na tinatayang nasa pagitan ng 5 at, hindi kapani-paniwalang 50 milyon.”

Isipin ang daigdig ng kahanga-hangang mga insekto​—ang mga pukyutan, langgam, bubuyog, paruparo, ipis, salaginto, alitaptap, anay, tanga, langaw, tutubi, lamok, silverfish, tipaklong, kuto, kuliglig, pulgas​—upang banggitin lamang ang ilan! Ang talaan ay tila ba walang katapusan.

Mga Ibon Ano ang masasabi natin tungkol sa isang ibon na tumitimbang ng wala pang labing-apat na gramo? “Ilarawan sa isip na ito ay nandarayuhan ng mahigit na 16,000 kilometro sa isang taon mula sa mga punungkahoy sa Alaska tungo sa maulang kagubatan ng Timog Amerika at pabalik, mabilis na nagdaraan sa makahoy na mga taluktok ng bundok, lumiligid sa nagtataasang mga gusali sa lunsod, at tumatawid sa malawak na karagatan ng Karagatang Atlantiko at Gulpo ng Mexico.” Ano bang kahanga-hangang ibon ito? “Ang blackpoll warbler [Dendroica striata], isang matatag na ibon na ang kagalingan sa paglalakbay ay talagang walang-kapantay sa mga ibon sa lupa ng Hilagang Amerika.” (Book of North American Birds) Maitatanong nating muli: Ito ba’y bunga ng laksa-laksang pagkakataon sa kalikasan na di-sinasadyang lumitaw? O ito ba’y isang kamangha-manghang gawa ng matalinong disenyo?

Idagdag pa rito ang mga halimbawa ng mga ibon na tila ba may walang katapusang piyesa ng mga awit: ang nightingale, kilala sa buong Europa at sa mga bahagi ng Aprika at Asia dahil sa kalugud-lugod na mga huni nito; ang northern mockingbird ng Hilagang Amerika, isang ibon na “bihasang gumagaya at isinasama ang naisaulong mga taludtod bilang bahagi ng awit nito”; ang magaling na lyrebird ng Australia, taglay ang “lubhang napakahusay na awit [nito], na may mga elemento ng kahanga-hangang talino sa panggagaya.”​—Birds of the World.

Bukod pa riyan, ang kasakdalan ng mga kulay at ang disenyo ng pakpak at balahibo ng napakaraming ibon ay nakagugulat. Idagdag mo pa rito ang kanilang mga kasanayan sa paghabi at paggawa ng mga pugad, sa lupa man, sa ibabaw ng matarik na dalisdis, o sa mga punungkahoy. Ang gayong katutubong katalinuhan ay tiyak na hahangaan ng mapagpakumbabang mga tao. Paano umiral ito? Nagkataon ba lamang o dinisenyo?

Ang Utak ng Tao “Maaaring mayroong mula sampung trilyon hanggang sandaang trilyong synapse sa utak, at ang bawat isa’y kumikilos na gaya ng isang maliit na calculator na nagtatala ng dumarating na mga hudyat bilang elektrikal na mga impulso.” (The Brain) May hilig tayong ipagwalang-bahala ang utak, subalit ito’y isang masalimuot na sansinukob na naroon at iniingatan sa loob ng bungo. Paano tayo nagkaroon ng sangkap na ito na nagpapangyari sa mga tao na mag-isip, mangatuwiran, at magsalita ng libu-libong wika? Sa pamamagitan ba ng milyun-milyong masuwerteng pakikipagsapalaran? O sa pamamagitan ng matalinong disenyo?

[Dayagram sa pahina 16, 17]

Pinasimpleng Larawan ng Labas ng Utak

Sensory cortex

Sumusuri sa mga impulso ng pandamdam mula sa buong katawan

Occipital lobe

Nagpoproseso sa mga hudyat ng paningin

Cerebellum

Kumokontrol sa pagkakatimbang at pagkakatugma

Premotor cortex

Kumokontrol sa pagkakatugma ng kalamnan

Motor cortex

Tumutulong sa pagkontrol ng may malay na pagkilos

Frontal lobe

Tumutulong sa pagkontrol ng pangangatuwiran, mga emosyon, pananalita, kilos

Temporal lobe

Nagpoproseso sa tunog; kumokontrol sa mga aspekto ng pagkatuto, memorya, wika, mga emosyon

[Dayagram sa pahina 16]

Axon terminal

Neurotransmitters

Dendrite

Synapse

[Dayagram sa pahina 16, 17]

Neuron

Dendrites

Axon

Dendrites

Synapse

Neuron

Axon

“Mayroong mula sampung trilyon hanggang sandaang trilyong synapse sa utak, at ang bawat isa’y kumikilos na gaya ng isang maliit na calculator na nagtatala sa dumarating na mga hudyat bilang elektrikal na mga impulso.”​—THE BRAIN

[Picture Credit Line sa pahina 13]

Buwan at mga planeta: Kuha ng NASA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share