Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 5/8 p. 24-27
  • Tasmania—Munting Pulo, Pambihirang Kuwento

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tasmania—Munting Pulo, Pambihirang Kuwento
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Naging Isang “Kulungan ng Imperyo” ang Tasmania
  • Naglalaho ang mga Tao
  • Ang Nakikitang mga Pagkakaiba sa Tasmania
  • Ang Mas Tahimik na Katangian ng Isla
  • Mula sa Lupain ng Pag-uusig Tungo sa Espirituwal na Paraiso
  • Nakakita Ka Na ba ng “Thylacine”?
    Gumising!—1995
  • Ang Kahiya-hiyang Panahon ng mga Bilanggo sa Australia
    Gumising!—2002
  • Kakaibang mga Nilalang sa Kagubatan ng Tasmania
    Gumising!—2012
  • Determinasyon ang Tumulong sa Akin na Magtagumpay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 5/8 p. 24-27

Tasmania​—Munting Pulo, Pambihirang Kuwento

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA

“ANG bansang ito na kauna-unahang lupain na aming nakita sa South Sea, at hindi kilala ng anumang bansa sa Europa, ay aming pinanganganlang Anthoony van Diemenslandt, bilang pagpaparangal sa [aming] Kagalang-galang na Gobernador-Heneral.” Ito ang mga salita ng Olandes na si Abel Tasman noong Nobyembre 25, 1642, ang araw pagkatapos niyang makita ang isla ng Tasmania, ang pangalawa sa pinakamatandang estado ng Australia.a Walang nakitang mga tao si Tasman, subalit nakita niya sa malayo ang usok ng apoy at mga katabing puno na may kutab na isa’t kalahating metro ang pagitan. Sinuman ang gumawa ng mga kutab na iyon, ang sulat niya, ay alin sa may kakaibang pamamaraan ng pag-akyat o mga higante! Sa katunayan, ang mga kutab ay ginawa para sa pag-akyat.

Pagkatapos nito, naglaho ang Lupain ng Van Diemen mula sa itineraryo ng mga manggagalugad sa karagatan sa loob ng 130 taon, hanggang sa mapuntahan ito ng Pranses na si Marion du Fresne at ng Ingles na si Tobias Furneaux. Si Kapitan James Cook ay dumating noong 1777 at, tulad ni Du Fresne, natagpuan niya ang pambihirang mga tao sa isla, ang mga Aborigine. Gayunman, ang kaniyang pagdalaw ang pasimula ng trahedya: “Para sa ibang bansa ay binuksan ni [Cook] ang daan ng sibilisasyon at relihiyon,” ang sabi ni John West sa The History of Tasmania, “[subalit] para sa lahing ito [ang mga Aborigine] siya’y tagapagbalita ng kamatayan.” Ano ang umakay sa gayong kalunus-lunos na kinalabasan?

Naging Isang “Kulungan ng Imperyo” ang Tasmania

Ang pagpapalayas, o pagtatapon, ang paraan ng pagdisiplina ng Britanya, at ang Tasmania ang naging isa sa kolonya ng bilanggo ng Britanya. Mula 1803 hanggang 1852, halos 67,500 lalaki, babae, at maging mga bata​—ang ilan ay kasimbata ng pitong taóng gulang​—ang ipinatapon mula sa Inglatera tungo sa Tasmania dahil sa mga krimen na mula pagnanakaw ng mga aklat dasalan hanggang sa panghahalay. Gayunman, ang karamihan sa nahatulan ay nagtrabaho sa mga nakatira roon o sa mga proyekto ng pamahalaan. “Wala pang 10 porsiyento . . . ang nakapasok sa loob ng bilangguan,” sabi ng The Australian Encyclopaedia, “at ang marami sa nakapasok ay sandali lamang namalagi roon.” Ang Port Arthur, sa Tasman Peninsula, ang pangunahing bilangguan, subalit ang pinakamaton sa mga preso ay ipinadala sa Macquarie Harbour, na itinuring na “banal na lugar para sa pagpapahirap.” Ang makipot na pasukan sa daungan ay binansagan ng nakatatakot na tawag na mga Pintuan ng Impiyerno.

Sa aklat na This Is Australia, ipinaliliwanag ni Dr. Rudolph Brasch ang isa pang mahalagang salik ng bago pa lamang na kolonyang ito​—ang espirituwalidad nito, o ang kawalan nito. Ganito ang sulat niya: “Mula sa pasimula, ang relihiyon sa Australia [kasali na ang Tasmania, mangyari pa] ay pinabayaan at binale-wala at, sa pinakasukdulan, ginamit at inabuso ng Establisyamento para sa sariling kapakanan nito. Ang kolonya ay itinatag nang walang panalangin at ang kauna-unahang relihiyosong serbisyo sa lupa ng Australia ay waring huli nang pinag-isipan.” Bagaman ang mga Peregrino ng Hilagang Amerika ay nagtayo ng mga simbahan, “sinunog ng sinaunang mga naninirahan sa gawing katimugan,” ang sabi ng The History of Tasmania, “ang kanilang kauna-unahang simbahan upang takasan ang pagkabagot sa pagsisimba.”

Ang bulok na moralidad na ito ay higit pang pinasama ng pagbaha ng rum. Para sa kapuwa sibilyan at sundalo, ang rum “ang tiyak na daan para yumaman,” ang sabi ng mananalaysay na si John West.

Gayunman, ang pagkain noon ay kakaunti kung minsan. Noong panahong ito ang napalayang mga preso at naninirahan doon ay gumamit ng baril upang mangaso ng hayop na tinutugis rin ng mga Aborigine sa pamamagitan naman ng sibat. Mauunawaan naman kung paano tumitindi ang tensiyon. Idagdag pa ito ngayon sa malamang na pagsiklab ng karahasan dahil sa pagmamataas ng lahing puti, ang pagbaha ng rum, at di-mapagkasundong mga pagkakaiba ng kultura. Ang mga Europeo ay naglagay ng mga hangganan at nagbakod; ang mga Aborigine ay nangangaso at namumulot kung saan-saan. Maliliit na bagay lamang ay pagmumulan na ng pagsiklab ng karahasan.

Naglalaho ang mga Tao

Ang pagsiklab ng karahasan ay nagsimula noong Mayo 1804. Isang pangkat sa pangunguna ni Tenyente Moore ang nagpaputok, nang hindi hinahamon, sa isang malaking grupo ng nangangasong mga lalaki, babae, at batang Aborigine​—napatay at nasugatan ang marami. Nagsimula na ang “The Black War”​—mga sibat at bato laban sa mga bala.

Nagitla ang maraming Europeo sa pagpaslang sa mga Aborigine. Gayon na lamang ang pagkabagabag ng gobernador, si Sir George Arthur, anupat kaniyang sinabing handa niyang gawin ang lahat upang ‘mabayaran ang mga pinsala na di-sinasadyang nagawa ng pamahalaan sa mga Aborigine.’ Kaya, sinimulan niya ang isang programa upang “tipunin” at “turuan” sila. Sa isang kampanya na tinatawag na “Black Line,” halos 2,000 sundalo, mga naninirahan, at preso ang nagtungo sa ilang na lugar sa pagsisikap na sukulin ang mga Aborigine at ilipat sila sa ligtas na lugar. Subalit nabigo ang misyong ito sa kahiya-hiyang paraan; ang nahuli lamang nila ay isang babae at isang batang lalaki. Pagkatapos, pinangunahan ni George A. Robinson, isang kilalang Wesleyan, ang mas mapayapang pamamaraan, at ito’y naging mabisa. Nagtiwala ang mga Aborigine sa kaniya at tinanggap ang alok niya na paninirahan sa Flinders Island, sa hilaga ng Tasmania.

Sa kaniyang aklat na A History of Australia, ganito ang sabi ni Marjorie Barnard tungkol sa tagumpay ni Robinson: “Ang totoo, bagaman marahil hindi niya mismo alam ito, ang kaniyang pakikipagpayapaan ay ala-Judas. Ang kaawa-awang mga katutubo ay pinaghiwalay sa Flinders Island sa Bass Strait kasama ni Robinson bilang kanilang tagapag-alaga. Sila’y nanghina at namatay.” Ang sapilitang pagbabago ng istilo ng buhay at pagkain ang pumatay sa kanila sa halip na ang baril. Sinasabi ng isang pinagmulan ng impormasyon na “ang kahuli-hulihang purong Aborigine ng Tasmania ay si Fanny Cochrane Smith, na namatay sa Hobart noong 1905.” May iba’t ibang palagay ang mga awtoridad hinggil dito. Sinasabi ng ilan na ito’y si Truganini, isang babae na namatay sa Hobart noong 1876, sinasabi naman ng iba ang tungkol sa isang babae na namatay sa Kangaroo Island noong 1888. Ang haluang lahi ng mga inapo ng mga Aborigine sa Tasmania ay buhay pa at mabuti ang kalagayan sa ngayon. Bukod pa sa patuloy na talaan ng mga pag-abuso ng sangkatauhan, ang insidenteng ito ay angkop na tawaging “ang pinakamasaklap na trahedya ng Estado.” Isa pa, idiniriin nito ang katotohanan ng Bibliya na “dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.”​—Eclesiastes 8:9.

Ang Nakikitang mga Pagkakaiba sa Tasmania

Sa ngayon, malibang dumalaw ka sa mga museo, aklatan, o mga guho ng bilangguan, hindi mo na gaanong mapapansin ang kakila-kilabot na paghihirap sa magandang islang ito. Ang Tasmania ay kasinlayo sa dakong timog ng ekwador ng Roma, Sapporo at Boston sa hilaga. At tulad ng kasaysayan nito, ang heograpiya nito ay may napakalaking mga pagkakaiba, kahit na walang lugar sa isla ang mahigit na 115 kilometro ang layo sa dagat.

Sa kabuuang lawak ng lupa ng Tasmania, 44 na porsiyento nito ay kagubatan at 21 porsiyento ay pambansang parke. Ito’y di-karaniwang proporsiyon! Ayon sa The Little Tassie Fact Book, “ang pamanang lugar sa Kanlurang Tasmania ay isa sa huling pinakamalaking ilang na may katamtamang temperatura na hindi napinsala sa daigdig.” Ang napapalitan ng ulan at niyebe na tubig ng lawa, ilog, at talon​—na sagana sa isdang trout​—ang nagpapalaki sa mayayabong na punong pencil pine, eukalipto, myrtle, blackwood, sassafras, leatherwood, punong pino na hugis celery ang tuktok, at Huon pine, na ilan lamang sa mababanggit. Hindi kataka-taka na ang likas na magagandang tanawin sa matataas na kapatagan sa mga sentral at kanlurang mga talampas at malimit na natatakpan ng niyebe na mga taluktok nito ay binabalik-balikan ng mahihilig sa kalikasan.

Subalit tinututulan din ang pag-iingat sa “Pamanang Lugar.” Ang mga taong interesado sa kapaligiran ay patuloy na nakikipaglaban sa pagmimina, paggawa ng papel, at pagtatayo ng mga planta ng hydroelectric-power. Ang tulad buwang tanawin ng Queenstown, isang minahang bayan, ay isang masaklap na tagapagpaalaala ng mga ibinunga ng walang pakundangang pagsasamantala sa likas-yaman.

Ang mga katutubong hayop ay naapektuhan din​—lalo na ang thylacine, o Tasmanian tiger, isang tulad asong marsupial na kulay-kayumanggi. Ang maitim na mga guhit sa likuran at puwitan ang nagpangyaring tawagin itong tigre. Nakalulungkot naman, ang payat, mahiyaing hayop na ito na kumakain ng karne ay natutong kumain ng mga ibon at tupa. Dahil sa may gantimpala sa sinumang makapapatay nito, ito’y nalipol noong 1936.

Ang isa pang pambihirang marsupial sa Tasmania, ang Tasmanian devil, ay nabubuhay pa. Sa paggamit ng malalakas na panga at ngipin nito, maaaring kainin ng malamang hayop na ito na kumakain ng mga patay na hayop at tumitimbang ng 6 hanggang 8 kilo ang buong katawan ng patay na kangaroo, pati bungo at lahat-lahat.

Ang Tasmania ay kilala rin dahil sa ibong shearwater na may maikling buntot, o muttonbird. Pagkatapos magsimula ng pandarayuhan mula sa Tasmanian Sea at ikutin ang Pasipiko, ito’y nagbabalik taun-taon sa iyon ding mabuhanging lungga​—isang kahanga-hangang gawa na nagbibigay kapurihan sa Disenyador at Maylalang nito.

May isa pang ibon na nakatira malapit sa mismong pinamumugaran nito sa gabi​—isa na “lumilipad” sa ilalim ng tubig​—ang kaakit-akit, isang kilo ang bigat, na may maliit na tuka na mabalahibong nilikha na tinatawag na fairy penguin. Ang pinakamaliit sa lahat ng penguin na ito ang siya ring pinakamaingay! Ang mga ipinakikita nito ay nagkakaiba sa lakas, na kung minsan ang tinig at galaw ng katawan ay umaabot sa sukdulan. Kapag ito’y nagiging romantiko, ang magkapares ay maaaring magduweto upang pagtibayin ang kanilang ugnayan sa isa’t isa. Subalit nakalulungkot naman, marami ang napatay ng mga lambat ng mangingisda, ng natapong langis, ng mga plastik na bagay na napagkamalang pagkain, o ng mga aso at pusa.

Ang Mas Tahimik na Katangian ng Isla

Pagmasdan mo ang hilaga o silangang bahagi mula sa gilid ng sentral na talampas at makikita mo ang mas magandang bahagi ng Tasmania, na may inararo, kulay tsokolateng mga bukid, paikut-ikot na mga ilog at sapa, mga daanan na nahahanayan ng mga puno, at kulay esmeraldang damuhan na may kalat-kalat na mga tupa at baka. Malapit sa gawing hilaga ng bayan ng Lilydale, kung Enero, ang pamumulaklak ng mga lavender ay nakadaragdag ng nakabibighaning halimuyak sa lalawigang ito na may tulad mosaikong kulay ng mapusyaw na mauve.

Sa aming pagdaan sa Derwent River, hindi kalayuan sa taniman ng mansanas kung saan nakuha ng Tasmania ang pangalang The Apple Isle, ay aming nasumpungan ang kabiserang lunsod ng Hobart, na may populasyon na halos 182,000. Ito’y nasasakupan ng napakalaking makulimlim na Bundok Wellington, na may 1,270 metro ang taas. Sa isang maaliwalas na araw, matatanaw sa bundok na ito na ang tuktok ay natatakpan ng niyebe ang kabuuan ng lunsod sa ibaba. Malaki na ang ipinagbago ng Hobart sapol noong 1803, nang unang dumaong si Tenyente John Bowen at ang kaniyang 49 na kasama, kasali na ang 35 preso, sa Risdon Cove. Oo, wala na ang mga barkong naglalayag na yari sa kanbas at umiingit na kahoy, subalit minsan isang taon ay ipinaaalaala ng nakahahapong karera ng mga yate sa Sydney hanggang Hobart ang nakalipas na mga panahong iyon samantalang ang makukulay na hugis tatsulok na layag at makabagong mga katawan ng barko ang nag-uunahan sa harap ng nagpapalakpakang manonood, doon mismo sa sentro ng Hobart.

Mula sa Lupain ng Pag-uusig Tungo sa Espirituwal na Paraiso

Ganito ang nagugunita ni Geoffrey Butterworth, isa sa 2,447 delegado sa 1994 “Makadiyos na Pagkatakot” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Launceston: “Natatandaan ko pa nang halos wala pang 40 ang mga Saksi sa buong Tasmania.” Ngayon ay may halos 26 na kongregasyon na at 23 Kingdom Hall.

“Subalit hindi laging mabuti ang kalagayan,” ang sabi pa ni Geoff. “Halimbawa, noong 1938, kami nina Tom Kitto at Rod McVilly ay nakasuot ng mga sandwich board, upang ipatalastas ang pangmadlang lektyur sa Bibliya na ‘Harapin ang Katotohanan.’ Ito’y isang masakit na paglalantad sa huwad na relihiyon na isasahimpapawid mula sa London sa pamamagitan ng network ng radyo. Nang sumali ako sa aking mga kasamahan, sila’y pinagbubugbog ng isang pangkat ng mga kabataan. At pinanonood lamang ito ng mga pulis! Tumakbo ako para tumulong at agad akong tinamaan. Subalit hinablot ako ng isang lalaki sa likod ng aking kamiseta at inilayo ako. Sa halip na bugbugin ako, binulyawan ako ng lalaki: ‘Pabayaan mo na sila!’ Pagkatapos, mahinahong sinabi niya sa akin: ‘Alam ko kung paano pag-usigin, kaibigan, ako’y taga-Ireland.’ ”

Pinagpala ni Jehovah ang sinaunang mga payunir na iyon, sapagkat ngayon ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay nakaabot sa lahat ng bahagi ng isla na may 452,000 katao. Marami sa inapo ng sinaunang mga bilanggo at mga Aborigine ang umaasam-asam sa pagbabalik sa nilinis nang lupa ng lahat​—itim at puti​—na di-makatuwirang namatay sa malupit na panahong iyon noon, sapagkat ang Bibliya ay nangangako ng “pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Babaguhin nang gayon na lamang ang lahat ng bagay anupat ang “dating bagay ay hindi [man lamang] maaalaala.”​—Isaias 65:17.

[Talababa]

a Ang pangalang Tasmania ay opisyal na tinanggap noong Nobyembre 26, 1855. Ang pinakamatandang estado ay ang New South Wales.

[Mga larawan/Mapa sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Itaas: Cradle Mountain at Lake Dove

Kanan sa itaas: Tasmanian devil

Kanan sa ibaba: Maulang gubat sa Timog-kanlurang Tasmania

Australia

TASMANIA

[Credit Line]

Ang Tasmanian devil at ang mapa ng Tasmania: Department of Tourism, Sport and Recreation - Tasmania; Mapa ng Australia: Mountain High Maps® Copyright © 1995 Digital Wisdom, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share