Ang Kahiya-hiyang Panahon ng mga Bilanggo sa Australia
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
JOHN HILL: Nahatulan dahil sa pagnanakaw ng isang panyong lino na nagkakahalaga ng anim na sentimos at ipinatapon sa Australia sa loob ng pitong taon.
ELIZABETH BASON: Nahatulan dahil sa pagnanakaw ng 6.4 na metrong katsa. Bagaman nahatulang bitayin, binago ang kaniyang sentensiya tungo sa pitong taon ng pagkakatapon.
JAMES BARTLETT: Nahatulang nagkasala dahil sa pagnanakaw ng 450 kilo ng estambre. Siya’y ipinatapon sa Australia sa loob ng pitong taon.
GEORGE BARSBY: Nahatulang nagkasala dahil sa pagsalakay kay William Williams at sa pagnanakaw mula rito ng isang pitakang seda, isang relong ginto, at anim na “guinea” (mga anim na “pound” ng Britanya). Siya ay nahatulang bitayin, subalit binago ang kaniyang sentensiya tungo sa habang buhay na pagkakatapon.
ANG mga ito ay apat na halimbawa lamang ng mga taong nahatulan sa Inglatera at pagkatapos ay ipinatapon sa Australia noong mga huling taon ng ika-18 siglo. Mga 160,000 tao rin ang dumanas ng gayunding kinahinatnan noong kahiya-hiyang panahon ng mga bilanggo. Ang mga babae, na sa maraming kaso ay kasama pa nga ang kanilang mga anak, ay karaniwang hinahatulan ng mula 7 hanggang 14 na taon.
“Marami sa umano’y ‘mga kriminal’ ng Australia ay mga batang lalaki at babae na hindi pa mga tin-edyer,” ang sabi ni Bill Beatty sa Early Australia—With Shame Remembered. Iniulat niya ang tungkol sa isang batang bilanggo na pitong taóng gulang lamang. Ang batang lalaki ay ipinatapon sa Australia nang “habang buhay.”
Gayunman, ang kalagayan ng ilang bilanggo ay hindi naman isa na walang pag-asa. Sa katunayan, ang pagkakatapon ng ilan ay nangahulugan sa dakong huli ng mas mabuting buhay. Totoo naman, ang buong panahon ng mga bilanggo ay lipos ng mga pagkakasalungatan; ito ay pinaghalong kalupitan at pagkahabag, ng kamatayan at pag-asa. At lahat ng ito ay nagsimula sa Britanya.
Nagsimula ang Panahon ng mga Bilanggo
Ang Britanya noong ika-18 siglo ay dumanas ng mga pagbabagong panlipunan na humantong sa pagdami ng krimen, na kadalasan ay bunga ng matinding karukhaan. Upang mapigil ang kalakarang ito, nagpanukala ang mga awtoridad ng malupit na mga batas at mga kaparusahan. Noong unang mga taon ng ika-19 na siglo, mga 200 paglabag sa batas ang may parusang kamatayan. “Ang pinakamaliit na pagnanakaw,” sabi ng isang manlalakbay, “ay pinarurusahan ng kamatayan.” Oo, isang batang lalaki na 11 taóng gulang ay binitay dahil sa pagnanakaw ng isang panyo!
Gayunman, noong unang mga taon ng ika-18 siglo, isang batas ang ipinasa na nagpapahintulot na pababain ang parusang kamatayan sa maraming kaso tungo sa pagpapatapon sa mga kolonya ng Britanya sa Hilagang Amerika. Kaya nang maglaon, mga 1,000 bilanggo bawat taon ang ibinibiyahe sa mga barko, noong una ay patungo sa Virginia at Maryland lamang. Subalit nang makamit ng mga kolonya ang kanilang kasarinlan mula sa Britanya noong 1776, nahinto ang kaugaliang ito. Mula noon, ang mga bilanggo ay itinatapon sa kakila-kilabot na mga barkong ginamit bilang mga bilangguan na nakakalat sa kahabaan ng ilog Thames sa London. Maliwanag na limitado lamang ang mailululan ng mga lumulutang na mga bilangguang ito. Kaya, ano ang dapat gawin?
Ang manggagalugad na si Kapitan James Cook ang nagbigay ng kasagutan nang angkinin niya ang New Holland—ang Australia ngayon—para sa Britanya. Di-nagtagal pagkatapos niyan, noong 1786, ang silangang baybayin ng Australia ay itinalaga para magsilbing mga kolonya ng mga bilanggo. Nang sumunod na taon ang “Unang Plota” ay umalis ng Inglatera upang itatag ang kolonya ng New South Wales.a Sumunod ang iba pang mga plota, at di-nagtagal ay naitatag ang maraming kolonya ng mga bilanggo sa Australia, kabilang ang isa sa Norfolk Island, 1,500 kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng Sydney.
Mga Paghihirap sa Dagat
Ang mga naunang paglalakbay patungo sa mga pamayanan (kolonya) ng mga bilanggo ay isang napakasamang karanasan para sa mga bilanggo, na pinagsiksikan sa basa at mabahong mga lagayan ng kargamento ng mga barko. Daan-daan ang namatay sa panahon ng paglalakbay; ang iba naman ay namatay pagdating na pagdating sa destinasyon. Marami ang namatay dahil sa sakit na scurvy. Subalit nang maglaon, nag-atas ng mga doktor sa mga barkong sinasakyan ng mga bilanggo, lalo na yaong mga nagdadala ng mga bilanggong babae. Naging dahilan ito ng lubhang pagtaas ng bilang ng mga bilanggong nakaliligtas sa paglalakbay. Sa kalaunan, nabawasan ang panahon ng paglalayag mula sa mga pitong buwan tungo sa apat na buwan dahil sa mas mabibilis na barko, at sa gayon ay mas marami pang pasahero ang nakaliligtas sa paglalakbay.
Isa ring banta ang pagkawasak ng barko. Limang araw pa lamang nakaalis sa Inglatera at nakikita pa rin mula sa baybayin ng Pransiya, nákasagupa ng barko ng Britanya na Amphitrite na nagdadala ng mga bilanggo ang napakalakas na hangin. Palibhasa’y walang-awang hinampas sa loob ng dalawang araw, ang barko ay lumubog noong alas-singko ng gabi ng Agosto 31, 1883, isang kilometro ang layo mula sa baybayin.
Ang tulong ay tinanggihan, at ang mga bangkang pansagip ay hindi inilunsad. Bakit hindi? Sapagkat iniisip nilang ang mga bilanggo—120 babae at mga bata—ay maaaring makatakas! Kaya pagkaraan ng tatlong nakasisindak na oras, iniluwa ng lumulubog na barko ang karga nitong mga tao sa dagat. Namatay ang karamihan sa mga tripulante at ang lahat ng 120 babae at mga bata. Nang sumunod na ilang araw, 82 bangkay ang napadpad sa dalampasigan—ang isa ay yaong sa isang babaing mahigpit na nakayapos sa kaniyang anak na hindi napaghiwalay ng kamatayan.
Kung Kailan mas Pinipili pa ang Kamatayan
Ipinahayag ng gobernador ng New South Wales, si Sir Thomas Brisbane, na ang pinakamasasamang bilanggo sa New South Wales at Tasmania ay dapat ipadala sa Norfolk Island. “Ang kriminal na ipinadadala roon,” ang sabi niya, “ay hindi na kailanman makaaasang makabalik.” Si Sir Ralph Darling, isang gobernador noong dakong huli, ay nangakong gagawin ang isla na “isang dako ng [pinakamatinding] pagpaparusa maliban sa kamatayan.” Naging gayon nga ang Norfolk Island, lalo na noong maging gobernador si John Price na isinilang na isang maharlika.
Sinasabing, “waring nalalaman [ni Price], taglay ang nakatatakot na katumpakan, ang takbo ng kaisipan ng isang kriminal, at ito, kalakip na ang kaniyang walang-awang pangangasiwa sa Batas, ay nagbigay sa kaniya ng halos di-matatanggihang kapangyarihan sa [mga bilanggo].” Ang pinakamababang parusa ni Price na 50 hagupit ng latigo o sampung araw kasama ng hanggang 13 iba pang bilanggo sa loob ng isang selda, nang nakatayo lamang, ay para sa mga kasalanang gaya ng pag-awit, hindi paglakad nang mabilis, o hindi pagtulak nang husto sa mga karitong may kargang bato.
Hinangad ng maraming bilanggo ang katahimikan sa kamatayan. Sa pag-uulat tungkol sa paghihimagsik ng 31 bilanggo, na 13 sa kanila ang binitay at 18 ang ipinagpaliban ang pagbitay, isang klerigo ang sumulat: “Isang literal na bagay na ang bawat taong nakarinig na ipinagpaliban ang kaniyang pagbitay ay tumatangis nang husto, at na ang bawat taong nakarinig sa kaniyang hatol na kamatayan ay lumuluhod, nang hindi lumuluha, at nagpapasalamat sa Diyos.” Sinabi pa ng klerigong ito: “Kapag inalis na ang mga tanikala at binasa na ang opisyal na utos sa pagbitay, lumuluhod sila upang tanggapin ito bilang kalooban ng Diyos. Pagkatapos, sa pamamagitan ng isang kusang pagkilos, [ang nahatulan] ay mapagpakumbabang humahalik sa mga paa ng tagabitay.”
Tanging ang mga klero, na ligtas sa pag-aresto dahil sa simbahan, ang nangahas na magsalita laban sa gayong kalupitan. “Hindi ko kailanman mailalarawan nang husto ang ideya ng walang-awang kalupitan ni [Price] . . . sa mga bilanggo,” ang isinulat ng isang klero. “Nakapanghihilakbot na isipin ito, at maaaring isagawa ito nang hindi naparurusahan.”
Nagkaroon ng Kaunting Pag-asa
Sa pagdating ni Kapitan Alexander Maconochie, nagkaroon ng ilang kaginhawahan sa Norfolk Island noong 1840. Gumawa siya ng isang sistema ng pagmamarka na kung saan ang pagbabago ng bilanggo ay may gantimpala at nagpangyari sa mga bilanggo na matamo ang kanilang paglaya pagkatapos makaipon ng ilang marka, o mga kredito. “Naniniwala ako,” ang isinulat ni Maconochie, “na laging posible ang pagbabago, kung gagamitan ng wastong pamamaraan. Walang katapusan ang kakayahan ng isip ng tao kung ang mga kakayahan nito ay itutuon sa nakapagpapalusog na mga bagay, at hindi sinisira ng pagmamalupit, o hindi nalilimitahan ng abang mga kalagayan.”
Lubhang matagumpay ang mga reporma ni Maconochie anupat nang maglaon ang mga ito ay ikinapit sa Inglatera, Ireland, at Estados Unidos. Gayunman, noong panahong iyon, habang ipinakikilala ni Maconochie ang bagong mga pamamaraan ng pakikitungo sa mga bilanggo; niligalig din niya ang pagkamakaako ng ilang maimpluwensiyang tao na ang mga pamamaraan ay kaniyang itinakwil. Bunga nito, nang bandang huli ay inalis siya sa tungkulin. Sa kaniyang paglisan, nagbalik ang kalupitan sa Norfolk Island. Subalit hindi ito nagtagal. Noong 1854, pagkatapos ng matitinding reklamo ng mga klero, ang isla ay inabandona bilang isang pamayanan ng mga bilanggo, at ang mga bilanggo nito ay ipinadala sakay ng barko patungo sa Port Arthur sa Tasmania.
Kinatatakutan din ang Port Arthur, lalo na noong unang mga taon. Gayunman, ang kalupitang isinasagawa roon ay hindi kasintindi niyaong ginagawa sa Norfolk Island. Halimbawa, ang gawaing pamamalo ay halos hindi na isinagawa sa Port Arthur noong 1840.
Nais ng mahigpit na gobernador ng Tasmania, si George Arthur, na bigyan ang kolonya ng “isang reputasyon sa pagkakaroon ng awtomatikong disiplina,” ang sulat ni Ian Brand sa Port Arthur—1830-1877. Kasabay nito, nais ni Arthur na malaman ng bawat bilanggo “ang mga gantimpala para sa mabuting paggawi at ang mga parusa para sa masamang paggawi.” Sa layuning iyan, inuri niya ang mga bilanggo sa pitong klase, mula sa mga pagkakalooban ng sertipikong nagpapalaya sa kanila mula sa karamihan ng mga pagbabawal dahil sa mabuting paggawi hanggang sa mga hahatulan ng sapilitang pagtatrabaho habang nakatanikala.
Pagkakatapon—Isang Pagpapala sa Marami
“Maliban sa mga nakakulong sa mga kolonya ng mga bilanggo sa Port Arthur, Norfolk Island, . . . at katulad na mga dako noong pinakamalulupit na panahon ng kolonya ng mga bilanggo,” ang isinulat ni Beatty, “ang mga bilanggo ay karaniwang mayroong mas mabubuting pag-asa kaysa sa maaaring taglayin nila sa kanilang bansang sinilangan. . . . May mga pagkakataon silang maging matagumpay.”
Oo, ang mga bilanggo na nagkamit ng maagang pagpapatawad (mga napalaya) gayundin yaong mga pinagbayaran na ang kanilang sentensiya ng pagkakakulong (mga nagtapos na) ay nakasumpong na maraming pagkakataon ang nabuksan sa kanila at sa kani-kanilang pamilya. Kaya, kaunti lamang ang nagbalik sa Inglatera nang sila’y palayain.
Si Gobernador Lachlan Macquarie, isang tagapagtanggol ng pinalayang mga bilanggo, ay nagsabi: “Minsang mapalaya ang isang tao, ang kaniyang dating kalagayan ay hindi na dapat alalahanin o gamitin laban sa kaniya; hayaang madama niya na siya ay karapat-dapat sa anumang kalagayan na mayroon siya dahil sa matagal na matuwid na paggawi kung saan napatunayan niyang siya’y karapat-dapat dito.”
Sinuportahan ni Macquarie ang kaniyang mga salita sa pamamagitan ng pagbibigay ng lupa sa mga napalayang bilanggo. Pagkatapos ay inatasan niya ang mga bilanggo na tulungan yaong mga napalaya na mula sa bilangguan na magtrabaho sa kanilang lupa at gumawa ng iba’t ibang atas sa kanilang mga tahanan.
Nang maglaon, maraming masisipag at masisikap na dating bilanggo ang nagtamo ng kayamanan, paggalang at, sa ilang kaso, katanyagan pa nga. Halimbawa, si Samuel Lightfoot ay gumanap ng mahalagang bahagi sa pagtatatag ng unang mga ospital sa Sydney at Hobart. Si William Redfern ay naging isang iginagalang na manggagamot, at ang mga gawa ni Francis Greenway ay makikita sa palibot ng Sydney sa anyo ng natatanging arkitektura.
Sa wakas, pagkaraan ng 80 taon, ang pagpapatapon tungo sa Australia ay huminto noong 1868. Sa ngayon ang makabago at maraming kulturang lipunan ng Australia ay walang gaanong katibayang maibibigay tungkol sa sinaunang mga taóng iyon. Ang mga kagibaan ng mga pamayanan ng mga bilanggo ay magagandang dakong pinupuntahan na lamang ng mga turista. Gayunman, isinisiwalat ng masusing pagsusuri ang maraming di-gaanong masamang alaala nang panahon ng mga bilanggo: mga tulay, mga lumang gusali, at mga simbahan pa nga—pawang itinayo ng mga bilanggo. Ang ilan ay nasa mahusay na kondisyon at ginagamit pa rin hanggang sa ngayon.
[Talababa]
a Para sa pagtalakay sa kolonya ng mga bilanggo sa Botany Bay, pakisuyong tingnan ang Gumising! ng Pebrero 8, 2001, pahina 20.
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
REPORT NG ISANG INAPO NG BILANGGO
Isinalaysay ng isang inapo sa ikalimang salinlahi ng dalawang bilanggo kung paanong ang isa sa kaniyang mga ninuno ay napunta sa Australia. Ganito ang paliwanag niya:
“Sa edad na 19, ang isa sa aking mga ninuno ay nahatulan . . . dahil sa pagnanakaw ng isang aklat na pambulsa. Umalis siya ng Inglatera sakay ng barkong George III noong Disyembre 12, 1834, kasama ng 308 pasahero—220 sa kanila ay mga bilanggo. Nang malapit na ang barko sa baybayin ng Tasmania noong Abril 12, 1835, 50 bilanggo na ang may sakit na scurvy. Namatay ang asawa ng isang sundalo, 3 bata, at 12 iba pa. Dalawang bata ang isinilang sa panahon ng mahabang paglalakbay.
“Pagkaraang maglayag ng anim na linggo, nagkasunog sa barko. Subalit naiwasan ang kasakunaan, dahil sa lakas ng loob ng dalawang bilanggo na humadlang sa pagsiklab ng dalawang bariles ng mga pulbura. Gayunpaman, nasira ang maraming panustos, anupat kinapos ang mga suplay para sa natitira pang paglalakbay. Sa kaniyang pagsisikap na mabilis na makadaong, pinili ng kapitan ang mas maikling lagusan sa D’Entrecasteaux Channel sa timugang dulo ng Tasmania. Sa ganap na ika-9:30 n.g., ang barko ay tumama sa isang di-naitalang bato, na kilalá ngayon bilang King George Rock, limang kilometro ang layo mula sa dalampasigan at lumubog. Sa 133 nalunod, halos lahat ay mga bilanggo na nakulong sa ilalim ng kubyerta. Tanging 81 sa naunang 220 bilanggo ang nakaligtas. Isa sa nakaligtas ang aking ninuno. Noong 1843 ay napangasawa niya ang isang napalayang bilanggo, at pagkalipas ng dalawang taon siya ay pinatawad. Namatay siya noong 1895.”
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
SIR THOMAS BRISBANE
GOBERNADOR LACHLAN MACQUARIE
Ang barko ng Britanya na “Amphitrite” na nagdadala ng mga bilanggo
[Credit Lines]
Convicts: By Courtesy of National Library of Australia; F. Schenck’s Portrait of Sir Thomas Brisbane: Rex Nan Kivell Collection, NK 1154. By permission of the National Library of Australia; Macquarie: Mitchell Library, State Library of New South Wales; ship: La Trobe Picture Collection, State Library of Victoria
[Mga larawan sa pahina 14, 15]
Bloke ng mga selda ng bilangguan sa Port Arthur
[Credit Line]
Chains and cell block: La Trobe Picture Collection, State Library of Victoria
[Larawan sa pahina 15]
Ang parolang ito sa Sydney Harbor ay isang replika ng parolang dinisenyo ng dating bilanggo na si Francis Greenway
[Larawan sa pahina 15]
Ang baybayin ng Norfolk Island na mahirap puntahan
[Larawan sa pahina 15]
Ang lumang kuwartel ng militar sa Norfolk Island