Patungo sa Botany Bay
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
“NATAGPUAN ko ang aklat sa daanan,” ang pagtatanggol ng kabataang si Job. Ang 19-anyos na ito na maraming pekas sa mukha ay inaresto habang tumatawid sa isang kalye sa London at inakusahan ng pagnanakaw ng aklat na iyon. Ang halaga nito? Walumpung sentimo! Palibhasa’y hindi napaniwala sa depensa ng kabataang lalaki, hinatulan siya ng hukom ng pitong taon sa isang kolonya ng mga bilanggo.
Sa kabilang panig ng globo, sa isang lugar na kilala ngayon bilang Quebec, Canada, isang ginoo na nagngangalang François-Maurice Lepailleur ang hinuli. Dahil sa pakikibahagi sa isang nabigong armadong paghihimagsik laban sa pamahalaan ng Britanya, siya ay hinatulan ng kamatayan. Gayunman, naipasiya ng hukuman ang isang alternatibong uri ng parusa para sa kaniya.
Ang dalawang kabataang lalaking ito ay maraming pagkakatulad maliban pa sa paglabag nila sa batas ng Britanya. Kapuwa sila nakasakay sa mga biyahe ng barko na patungo sa isang lugar na tinatawag na Australia at sa isang bagong kolonya ng mga bilanggo na kilala bilang Botany Bay.
Ano ba ang kalagayan ng isang bilanggo sa Australia? Ilan ang ipinadala roon? At bakit napunta ang dalawang kabataang lalaking ito sa isang lugar na pagkalayu-layo sa kanilang tahanan?
Bakit sa Australia?
Noong 1718, nagpasiya ang pamahalaan ng Britanya na bawasan ang dumaraming bilang ng kanilang bilanggo sa pamamagitan ng pagluluwas sa kanilang mga kriminal. Pagsapit ng 1770 ay nagluluwas na sila ng mga bilanggo sa dami na isang libo bawat taon, karamihan ay sa kanilang mga kolonya sa Maryland at Virginia. Noong 1783 naiwala ng Britanya ang mga kolonyang ito bilang destinasyon para sa kanilang mga kriminal dahil sa Digmaang Rebolusyonaryo sa Hilagang Amerika. Gayunman, noong panahong iyon ay nakapagpadala na sila ng mahigit sa 50,000 bilanggo roon.
Ang alternatibong destinasyon ay isang tigang na lupain sa kabilang panig ng globo. Ang silangang baybayin nito ay iginawa ng mapa at inangkin para sa Britanya 13 taon bago nito ng isang opisyal sa hukbong-dagat na nagngangalang James Cook. Si Joseph Banks ay isang kapuwa manggagalugad sa paglalakbay na iyon, at iminungkahi niya na ang lupaing ito ay magiging angkop na destinasyon para sa mga di-kanais-nais na mga sakop ng Imperyo ng Britanya. Kaya, noong Mayo 1787, sinimulan ng unang plota ng 11 maliliit na barko ang kanilang 26,000 kilometrong paglalakbay patungo sa Botany Bay. Sa loob ng sumunod na 80 taon, hanggang noong 1868, isang kabuuang bilang na 158,829 na bilanggo ang naipadala sa Australia.
Isang Makasaysayang Paglalakbay sa Karagatan
Noong 1833, ang kabataang si Job at ang kaniyang 300 kasama sa barko ay nakarating sa Sydney Cove, sa Port Jackson. Bagaman ang kolonya ay kilala bilang Botany Bay, ang palatandaan na nagtataglay ng pangalang iyan sa katunayan ay ilang kilometro ang layo sa gawing timog ng lugar na pinagtayuan ng pamayanan nang dakong huli.
Para sa ilan ang paglalakbay mismo ay isa nang matinding parusa. Isang halaw mula sa talaarawan ni François Lepailleur ang nagpapabanaag sa buhay sa barko: “Noong 1840 ay dumaraan kami sa Cape of Good Hope [Timog Aprika] habang nasa kaloob-looban ng Buffalo, na siyang pinakakakila-kilabot, dahil palaging madilim dito, mahihigpit ang mga alituntunin na kailangang sundin, at may mga pesteng hayop na laging nagpapahirap sa amin at mainit, at bilang putong ng aming kahapisan, ang gutom.”
Balintuna naman, ang mga barko para sa mga bilanggo ang may isa sa pinakamalusog at pinakaligtas na mga rekord sa paglalakbay sa dagat noong panahong iyon. Dahil sa mga insentibo na inialok ng pamahalaan ng Britanya, ang kabuuang dami ng mga namatay sa kanila mula 1788 hanggang 1868 ay wala pang 1.8 porsiyento. Sa kabilang panig naman, mula 1712 hanggang 1777, mula 3 porsiyento hanggang 36 na porsiyento ng kaawa-awang mga pasahero ng mga barko para sa mga alipin ang namatay habang naglalakbay. Aba, maging ang mga barko na naghahatid ng malayang mga dayuhan mula sa Europa patungong Amerika ay mayroong mas malaking porsiyento ng namatay kaysa sa mga barko para sa mga bilanggo!
Isang Haluang Pangkat
Ang isa sa mga pangunahing dahilan sa mataas na bilang na ito ng nakaligtas ay ang pagiging kabataan ng mga bilanggo. Si François ay nasa mga edad 35, medyo matanda na para sa isang bilanggo. Ang karamihan ay nasa pagitan ng 16 at 25 anyos, na ang ilan ay kasimbata ng 11 anyos. Sa katumbasan na mahigit na 6 sa 1, nahigitan ng mga bilanggong lalaki ang dami ng mga bilanggong babae.
Ang karamihan sa mga taong ipinatapon ay mula sa United Kingdom. Mahigit sa kalahati ay mga Ingles, isang katlo ay mula sa Ireland, at nanggaling naman sa Scotland ang ilang libong kriminal. Ang ilan, tulad ni François, ay nagmula sa malalayong bahagi ng Imperyo ng Britanya na gaya ng mga lugar na kilala ngayon bilang Canada, India, Malaysia, Sri Lanka, at maging ang maliit na pulo ng Malta.
Taglay ng napilitang mga dayuhang ito ang maraming kahanga-hangang talino at kadalubhasaan. Kabilang sa kanila ay mga magkakarne, manggagawa ng boiler, manghuhulma ng tanso, karpintero, kusinero, magsusumbrero, mananahi, at manghahabi. Isang libong iba’t ibang hanapbuhay ang nakatala sa opisyal na mga rekord, na kumakatawan sa lahat ng uri ng trabaho ng mga manggagawa sa Britanya.
Waring ang mga bilanggo ay kadalasang mas edukado pa kaysa sa uring manggagawa na naiwan sa kanilang bayan. Tatlong-kapat ng mga dumating sa New South Wales ay nakababasa at nakasusulat. Bilang paghahambing, mahigit lamang nang kaunti sa kalahati ng populasyong nasa Britanya ang may kakayahang lumagda ng rehistro sa kasal.
Ang pagkidnap, pagpatay, at sedisyon ay maaaring maging dahilan ng pagpapatapon sa isa sa Botany Bay, ngunit ang pamantayan para sa pagpapatapon ay hindi lamang dahil sa mga paglabag na ito. Ang pagbubukas ng isang lugar ng aliwan kung Linggo, pagnanakaw ng isang panyo, o ang basta pagdedebate lamang tungkol sa Banal na Kasulatan ay maaaring maging dahilan upang mapatapon sa Timugang Hemispero.
Ang Buhay sa Bagong Lupain
Ang matinding pambubugbog, madalas na pagmamalupit, at isang abang pamumuhay ang pinakakaraniwang paglalarawan sa buhay ng mga bilanggo noon sa Australia. Para sa ilan, ganito nga ang kalagayan, ngunit ang kalagayan ng marami ay naging mas mabuti kaysa noong naroon sila sa lupaing kanilang iniwan.
Nagkaroon ng isang sistema kung saan ang mga bilanggo ay maaaring atasan na magtrabaho para sa mga malayang naninirahan at mga opisyal o maging para sa kanilang mga sarili. Kaya, sa halip na maging isa sa grupo ng nakakadenang mga bilanggo na pinagagawa ng mga kalsada sa kanilang buong sentensiya, maaari nilang gamitin ang kanilang hanapbuhay o matuto ng bago. Halimbawa, si Job ay inatasang magtrabaho para sa isang mayaman ngunit mabait na may-ari ng lupa at natutong mag-alaga ng mga hayop sa isa sa mga lupain ng may-ari sa labas ng Sydney.
Ang mga bilanggo ay inaatasang magtrabaho sa loob ng lima at kalahating araw, o 56 na oras, bawat linggo. Kapansin-pansin, ito ay mas mababa sa dapat tiisin ng karamihan sa mga manggagawa ng pabrika sa Britanya noong panahong iyon, na nagpapagal mula umaga hanggang gabi bawat araw. Ang mga bilanggo ay maaaring maningil para sa anumang trabaho na ginawa nila na lampas sa itinakdang haba ng panahon, at madalas silang nagpapatakbo ng maliliit na negosyo pagkatapos ng oras ng trabaho, gaya ng pagtitinda ng sakate.
Bagaman madalas gamitin ang latigo, ipinakikita ng isang pag-aaral na 66 na porsiyento ng mga bilanggo sa New South Wales ang hindi nahagupit o minsan lamang nahagupit sa kanilang buong sentensiya. Nangangahulugan ito na ang pamamalo sa kanila ay kasindalas lamang ng ipinapataw sa mga lalaki na naglilingkod sa Hukbong-Katihan o Hukbong-Dagat ng Britanya.
Ang mga katotohanang ito, lakip na ang pag-asa na ang mga bilanggo ay makatatanggap ng kanilang sariling lupain sa pagtatapos ng kanilang sentensiya, ay nagpangyaring waring kasiya-siya sa ilan ang pagpapatapon. Noong 1835, si W. Cope, gobernador ng kasumpa-sumpang Newgate Prison sa London, ay nag-ulat hinggil sa mga bilanggo na pinagbabantaang ipatatapon: “Labinsiyam sa bawat dalawampu ang handang magtungo roon.” At ang tagapangasiwa ng isa pang bilangguan ay nagsabi hinggil sa kaniyang mga bilanggo: “Siyamnapu’t siyam sa bawat isang daan ang gustung-gustong magpunta.”
Ang Madilim na Bahagi
Para sa mga patuloy na humahamak sa batas, ang buhay ay maaaring maging napakamiserable. Isang ulat ang nagsabi: “Ang pagpapatapon ay hindi lamang isang simpleng parusa, kundi sa halip ay isang serye ng mga parusa, na sumasaklaw sa lahat ng antas ng pagdurusa ng tao.” Ang treadmill ay isa sa gayong parusa. Ganito ang paglalarawan ni François sa isa sa mga ito: “Ito ay isang gilingan ng butil at pinaiikot ng mga bilanggo. Labingwalong lalaki ang patuloy na umaakyat sa isang gulong at ang kanilang bigat ang nagpapaikot sa gulong at sa gilingan. Madalas na ang mga lalaking ito ay mayroon lamang isang pares ng gapos sa kanilang mga paa, sa kabilang panig, madalas na mayroon silang hanggang tatlo o apat na pares ng gapos sa kanilang mga paa, at sila’y sapilitang pinagtatrabaho na gaya ng iba o, kung hindi naman, sila ay walang awang pinapalo.”
Ang mga babaing bilanggo na masuwayin ay pinagsusuot ng kulyar na bakal. Ang kasangkapang ito ay isang bakal na kulyar para sa leeg na may dalawang nakausling dulo na bawat isa ay mahigit sa isang piye ang haba mula rito. Ang kahila-hilakbot na mga bagay na ito ang itinuturing na tanging paraan upang mapatino ang mga babae.
Ang mga bilangguang tulad ng Port Arthur, sa silangan ng Hobart sa Tasmania, ay dinisenyo upang maging isang lugar ng matinding pagpaparusa para sa mga kriminal na nahatulang muli. Ang kalupitan ng mga lugar na ito ay maaaring masukat sa pamamagitan ng isang opisyal na ulat na nagsasabi: “Mas gusto pa ng ilang bilanggo . . . ang mamatay kaysa sa patuloy na mabilanggo, at gumagawa ng krimen para patayin na sila.”
Para sa ilang ipinatapong mga bilanggo, ang pinakamasakit ay ang pagkakahiwalay mula sa kanilang mga pamilya. Sumulat si François: “Mahal kong pamilya na iniibig ko nang buong giliw, ang pagkakatapon ba ang maglalayo sa akin mula sa inyo, mula sa lahat ng aking iniibig, sa loob ng mahabang panahon? O, ang paghihiwalay ay malungkot at nakapipighati! Ang mahiwalay mula sa isang magiliw na kabiyak at musmos na mga anak na hindi pa nakababatid sa paggiliw ng isang maibiging ama! Mahal kong pamilya, madalas kong isinasamo ang aking espiritu at puso sa Langit upang patirin ng Diyos ang mga tanikala na gumagapos sa akin sa dakong ito at wakasan ang aking pagkakatapon at sa gayo’y tulutan akong makabalik sa aking mahal na pamilya, sa lahat ng nilulunggati ng aking puso.”
Ang Naitulong ng mga Bilanggo
Noong 1837, sinabi ni Gobernador Bourke: “Sa New South Wales, sa tulong ng pagtatrabaho ng mga bilanggo, dahil sa kasipagan at kadalubhasaan ng mga naninirahan doon, ang iláng ay naging isang mainam at maunlad na kolonya sa loob lamang ng limampung taon.” Nang panahong iyon, mahigit sa dalawang-katlo ng mga lalaking manggagawa ay bilanggo o dating bilanggo, na tumutulong sa iba pang bumubuo sa populasyon na mga malayang dayuhan na maisakatuparan ang kahanga-hangang gawaing ito. Pinili man o dulot ng kalagayan, ginawa ng mahigit sa 90 porsiyento ng lahat ng bilanggo na kanilang tahanan ang Australia.
Ang kabataang si Job ay naging isa rin sa mga permanenteng residente na ito, sapagkat nang siya’y makalaya, nag-asawa siya, lumagay sa tahimik, at naging ninuno ng daan-daang mamamayan ng Australia at New Zealand. Si François naman ay isa sa mga iilan na nang makalaya ay nakabalik sa kanilang lupang tinubuan at sa kanilang minamahal na mga pamilya.
Ang takbo ng pagbabago ay patuloy na bumilis mula noong maagang mga panahong iyon, at sa loob lamang ng tatlong magkakasanib na henerasyon, ang “mainam at maunlad na kolonya” ay lumago at naging isang bansa na maraming kultura. Taun-taon sa ngayon, libu-libo mula sa Asia, Canada, at Europa, kabilang na ang Britanya, ang kusang-loob na bumibisita sa Australia o kaya’y nag-aaplay para makapanirahan doon. Pagdating nila, nakasusumpong sila ng nagtataasan at kongkretong mga gusali na nakatayo sa mga lupaing nilinis ng mga bilanggo at ng malalapad na mga kongkretong haywey na bumabagtas sa mga landas na hinukay ng mga bilanggo. Gayunman, maging sa gitna ng maingay at makabagong mga lansangan ng Australia, ang mga lumang gusaling bato ay nagpapatotoo pa rin sa mga pagpapagal niyaong una ngunit napilitang mga dayuhan na nasumpungan ang kanilang mga sarili na patungo sa Botany Bay.
[Mapa/Mga larawan sa pahina 20]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
BOTANY BAY
[Mga larawan]
JAMES COOK
JOSEPH BANKS
[Credit Lines]
Cook: Painting by John Weber/Dictionary of American Portraits/Dover; Banks: Dickinson, W. Portrait of Sir Joseph Banks when Mr. Banks. Rex Nan Kivell Collection; NK10667. By permission of the National Library of Australia; bay scene: Fittler, James. Sydney, New South Wales, with entrance into Port Jackson. By permisson of the National Library of Australia
[Larawan sa pahina 23]
(Itaas) Ang Central Business District ng Sydney ay umunlad sa lugar ng dating kilalá na kolonya ng mga bilanggo sa Botany Bay
[Larawan sa pahina 23]
Ang dating Sydney Hospital, na State Mint Museum na ngayon, ay itinayo sa pamamagitan ng mga bilanggo
[Credit Line]
Image Library, State Library of New South Wales
[Larawan sa pahina 23]
Ang Hyde Park Barracks, isang bilangguan na dinisenyo at itinayo ng mga bilanggo
[Credit Line]
Hyde Park Barracks Museum (1817). Historic Houses Trust of New South Wales, Sydney, Australia
[Larawan sa pahina 23]
Ang Great North Road. Hinukay ng mga bilanggo ang 264-kilometrong haywey na ito sa mga burol na batong buhangin sa pamamagitan ng kamay. Pinag-ugnay nito ang Sydney at ang Hunter Valley, malapit sa Newcastle. Ito ay isa sa pinakamahahalaga sa mga kahanga-hangang gawa ng inhinyeriya sa kolonya
[Credit Line]
Managed by the National Parks and Wildlife Service, N.S.W.