Sydney—Isang Masayang Daungang Lunsod
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
ANO ang sumasagi sa isip mo kapag narinig mo ang mga salitang “Sydney, Australia”? Agad mo bang naiisip ang pambihirang opera house sa gilid ng pantalan, na ang mga bubong nito ay parang mga layag ng yate na ipinapadpad ng hangin o parang pagkalaki-laking mga kabibe? Depende sa iyong interes, maaaring ganiyan ang larawan na sumasagi sa iyong isip.
Ang Sydney—lunsod na pintuang-daanan sa Australia—ay itinuturing ng marami na isa sa pinakakaakit-akit na lunsod sa daigdig. Ito ang kabisera ng New South Wales, ang pinakamataong estado ng kontinente. Gayunman, ang pambansang kabisera nito ay ang Canberra, halos nasa kalagitnaan ng Sydney at Melbourne.
Ang mga Sydneysider—gaya ng gustong itawag ng mga tagalunsod sa kanila, ay karaniwang palakaibigan at hindi istrikto. Kadalasang tinutukoy sa popular na mga awitin bilang “Sydney Town,” kilala ang Sydney sa di-kukulanging tatlong bantog na mga palatandaan nito: (1) isang malalim na likas na daungan, (2) isang pagkalaki-laking tulay sa daungan na may isang arko, at (3) isang walang-katulad na opera house.
Kainaman ang klima, na may katamtamang temperatura sa Pebrero, ang pinakamainit na buwan, na 22°C., samantalang ang pinakamalamig na buwan naman, ang Hulyo, ay may katamtamang temperatura na 12°C. Ang patak ng ulan sa Australia ay waring pabagu-bago at hindi mahulaan, subalit ang katamtamang patak ng ulan sa Sydney ay 1,140 milimetro sa isang taon, karamihan dito ay pumapatak sa mga buwan ng tag-init (Disyembre hanggang Marso).
Marami ka pang maririnig tungkol sa Sydney sa darating na mga buwan sapagkat ito ang napili bilang ang lunsod na punong-abala para sa Olimpiyada sa taóng 2000.
Kolonya ng mga Bilanggo na Naging Maunlad na Lunsod
Kung ihahambing sa maraming ibang lunsod na kilala sa buong daigdig, ang Sydney ay bata pa, sapagkat ang kasaysayan nito ay matutunton pabalik ng mahigit lamang 200 taon noong 1770, nang makasaysayang lumunsad ang Britanong manggagalugad na si Kapitan James Cook sa Botany Bay. (Ang hilagang baybayin ng Botany Bay ay kinaroroonan ngayon ng internasyonal na paliparan ng Sydney.) Sa paglalayag ng ilang milya pahilaga, lumigid siya sa isang malalim na likas na daungan na pinanganlan niyang Port Jackson. Kaya, hindi siya nagtungo sa pagitan ng dalawang tangway patungo sa daungan.
Pagkatapos, noong 1788, dumating mula sa Inglatera si Gobernador Arthur Phillip na kasama ang Unang Plota at ang sakay nito na mga bilanggong Britano. Nagtungo siya sa dalampasigan upang magtayo ng isang maliit na nayon sa Botany Bay subalit nagpasiyang ito’y hindi angkop. Kaya, kumuha siya ng tatlong walang bubong na bangka at naglayag pahilaga upang tingnan kung may makikita siyang mas mabuting lugar.
Tamang-tama naman, mga ilang kilometro lamang ang layo, natuklasan niya ang nakagugulat na malalim at maluwang na look na pinalampas ni Cook. Sa isang bantog na mensaheng ipinadala kay Lord Sydney, panloob na kalihim ng Inglatera, ipinahayag ni Phillip ang kaniyang mga impresyon tungkol sa Port Jackson: “Nasisiyahan kaming . . . masumpungan ang pinakamainam na daungan sa daigdig, kung saan makapaglalayag ang isang libong barko sa ganap na katiwasayan.” Pinanganlan ni Phillip ang maliit na look na Sydney Cove sa karangalan ni Lord Sydney at itinayo niya ang unang maliit na nayon doon. Nanatili ang pangalang Sydney hanggang sa ngayon.
Pinababa ang lahat ng mga bilanggong lalaki at sinimulan agad ang paghahawan sa lupa at pagtatayo ng mga barung-barong. Sakay ng plota ang maraming bilanggo gayundin ang maraming asawang babae at mga anak, na pawang kinailangang makibagay nang husto sa sapilitang bagong “tahanan” na ito mga libu-libong kilometro ang layo mula sa kanilang lupang tinubuan. Sa sumunod na 20 taon, ang maliit na nayon ay binubuo ng pansamantalang mga tolda at mga tirahan—marami sa mga ito ay mga kubo at dampa lamang—sapagkat isang tirahan lamang ng mga bilanggo ang dating layon dito. Gayunman, noong 1810, dumating sa Sydney si Gobernador Lachlan Macquarie, at ang kaniyang 11-taóng panunungkulan ay nakagawa ng mabilis na pagbabago sa kolonya.
Nabuo ang Isang Lunsod
Sa ilalim ng patnubay ni Macquarie, dinisenyo ng isang arkitekto, na sumama sa kaniya mula sa Inglatera, at tinulungan ng isang pinalayang bilanggo na isa ring arkitekto, ang maraming gusali sa loob at palibot ng Sydney. Ito ang nagbigay kaagad ng isang kapaligiran ng pagiging permanente sa kampo ng mga bilanggo. Sabihin pa, hindi problema ang mga manggagawa, sapagkat ang mga bilanggo ay napakarami. Bukod pa riyan, may saganang panustos ng batong-buhangin (sandstone) na tamang-tama para sa pagtatayo.
Inilarawan ng awtor na si Portia Robinson, sa kaniyang aklat na The Women of Botany Bay, ang mabilis na pagbabago ng kolonya: “Ang mga bisita, malayang mga maninirahan, mga opisyal, sundalo, at mga bilanggo mismo na dumating sa New South Wales noong mga huling taon ng dekada ni Macquarie [1810-21], na umaasang daratnan nila ang kabuktutan, kalanguan at kamunduhan na pinaniniwalaan sa Britanya na siyang katangian ng kolonya, ay namangha sa ‘sibilisasyon’ nito. Sa halip na mga kubo at dampa lamang, nakakita sila ng mga mansiyon na ‘napalalamutian na gaya ng sa Hanover Square . . . mga lansangang kasinghaba ng Oxford Street’, magagarang simbahan at mga gusaling bayan, mga daan at tulay, mga tindahan at lahat ng uri ng negosyo, malilinis na munting bahay ng mga manggagawa, magagandang karuwahe para sa mayayaman . . . ‘pawang nagpapasinungaling na ito’y isang kolonya ng mga bilanggo’.”
Kaya nang umalis si Gobernador Macquarie noong 1821, ang Sydney ay mayroon nang 59 na gusaling yari sa batong-buhangin, 221 na yari sa ladrilyo, at 773 bahay na yari sa kahoy, bukod pa sa mga bahay na pag-aari ng gobyerno at mga gusaling bayan. Ngayon ang lunsod ng Sydney, na may populasyon na halos apat na milyon, ay nagpapatunay sa kahusayan ng mga bilanggo at ng mga malayang nanirahan at ng kani-kanilang mga pamilya at sa mapanlikhang pananaw sa hinaharap ng mga unang gobernador ng kolonya.
‘Malaki at Malawak na Lunas’ ng Sydney
Bagaman karaniwang tinatawag ng mga Sydneysider ang Port Jackson na Sydney Harbour, ang daungan mismo ay talagang binubuo ng tatlong bahagi—ang Middle Harbour, North Harbour, at Sydney Harbour. Umaabot ito sa mga ilog ng Parramatta at Lane Cove mula sa dulo ng daungan hanggang sa labas ng lunsod.
Ang Sydney Harbour ay isa sa pinakamagandang likas na mga daungan sa daigdig, na ang baku-bakong batong-buhangin ng lupa nito sa tabi ng dagat ay umaabot ng 240 kilometro. Ang aktuwal na distansiya sa tuwid na linya mula sa pasukan ng daungan hanggang sa makaabot ito sa Ilog ng Parramatta ay 19 na kilometro, at ang kabuuang sukat ng ibabaw ng tubig ay 54 na kilometro kudrado. Ang lalim ng baybayin sa daungan ay isa sa bantog na katangian nito, at ang pinakamalalim na dako ay nasukat na halos 47 metro. Ang kapuna-punang pasukan mula sa Karagatan ng Pasipiko ay sa pamamagitan ng dalawang matatarik na tangway—ang North Head at ang South Head. Dalawang kilometro lamang ang pagitan ng mga tangway, at ang buong lawak ng daungan ay hindi mo natatanto hanggang sa ikaw ay nasa loob nito. Maaaring ito ang dahilan kung bakit hindi lubusang ginalugad ni Kapitan Cook ang inaakala niyang isa lamang look.
Noong 1788, si Gobernador Phillip ay sinipi na nagsabi tungkol sa Sydney Harbour: ‘Sa lawak at seguridad, na nakahihigit sa anumang nakita ko na, at ang pinakamakaranasang mga nabigante na kasama ko ay lubusang sumang-ayon na ito ay isang malaki at malawak na lunas, na may sapat na lalim para sa pinakamalalaking barko, at lugar upang makadaong, sa ganap na seguridad, ang kahit ilang barko rito.’
Ang Tulay ng Sydney Harbour—Isang Obra Maestra ng Inhinyeriya
Noon pa mang 1815, seryosong isinaalang-alang na ang pangangailangan ng isang tulay sa daungan mula sa hilaga patimog, subalit ang unang naiulat na guhit ng isang tulay ay lumitaw noon lamang 1857. Sa kinatatayuan nito ngayon, ang tulay ay mula sa Dawes Point sa gawing timog ng daungan hanggang sa Milsons Point sa hilagang baybayin—sa mismong lugar na unang iminungkahi! Isa sa pinakamahabang isang-arkong tulay sa daigdig, nangailangan ito ng siyam na taon upang maitayo at nagkahalaga ng halos 20 milyong dolyar ng Australia—napakalaking halaga noong mga taon ng depresyon sa mga unang taon ng dekada ng 1930. Ito’y opisyal na binuksan para daanan ng sasakyan noong Marso 19, 1932.
Ang malaking arko sa gitna ay 503 metro ang haba, na ang tuktok ay sumusukat ng 134 metro sa ibabaw ng tubig. Ang taas na maaaring madaanan sa ilalim ng tulay ay mga 50 metro, kaya ang pinakamalalaking barko ay maaaring dumaan nang ligtas sa ilalim nito. Ang daanan mismo ng tulay ay 49 metro ang lapad at dating may dalawang-daanang riles ng tren, dalawang-daanan ng tramway (trambiya), anim na linya ng lansangang-daan, at dalawang daanan ng mga tao. Noong 1959, pinalitan ng Sydney ang mga trambiya nito ng mga bus, kaya ang mga daanan ng trambiya ay ginawang daanan ng mga sasakyan. Ngayon ay mayroon nang walong linya para sa mga kotse, bus, at mga trak. Ang kabuuang haba ng tulay, pati na ang daang patungo sa arko, ay 1,149 metro.
Noong dekada ng 1980, napakasikip ng trapiko sa tulay anupat isinaalang-alang ang pagbubukas ng isa pang tawiran sa daungan. Mas praktikal na gumawa ng tawiran sa ilalim ng tubig sa pagkakataong ito. Kaya, noong Agosto 1992, binuksan ang apat-na-linyang tunel sa daungan.
Sa pamamasyal sa tulay ay makikita ang magagandang tanawin sa Sydney. Nasa gawing hilaga ng daungan, sa makahoy na mga dalisdis, ang Taronga Zoological Park. Sa kabilang panig naman ng daungan at halos sa ilalim ng tulay, sa Bennelong Point, ang kitang-kitang opera house ng Sydney.
Hiyas sa Daungan ng Sydney
Inilalarawan bilang ang “hiyas ng Bennelong Point,” ang Sydney Opera House ay napalilibutan sa tatlong panig nito ng asul na tubig ng Sydney Harbour. Sa matinding sikat ng araw, ito’y parang isang hiyas. Sa gabi naman ang disenyong Gothic na mga kabibe ay maningning na kumikislap sa liwanag ng mga ilaw ng opera house.
Inilarawan ng paunang-salita sa aklat na A Vision Takes Form ang epekto kapag nakita ang opera house: “Ang Sydney Opera House ay naging isa sa mga gusaling nagkakaroon ng bagong katangian sa bawat bahagyang paglipat ng tingin o pagbabago ng liwanag. . . . Ang manipis na ulap sa madaling-araw o ang mga silahis sa paglubog ng araw ay nagbibigay-kulay sa mga kabibe na parang mga helmet mula sa mahabang salaysay tungkol sa maalamat na mga kilalang tao.”
Ang opera house ay dinisenyo ng arkitektong taga-Denmark na si Jørn Utzon at sa wakas ay napili sa mahigit na 200 kalahok sa buong daigdig sa isang kompetisyon ng disenyo. Subalit ang mga bahagi ng kaniyang disenyo ay waring di-praktikal at nangangailangan ng maraming pagbabago.
Inilarawan ito ng Architects’ Journal ng London bilang “ang huwaran ng romantikong eskultura sa napakalaking sukat.” Gayunman, ang paggawa sa romantikong pangarap na maging totoo ay lumikha ng malalaking suliranin sa inhinyeriya. Dalawa sa mga inhinyero, sina Sir Ove Arup at Jack Zunz, ang nagsabi: “[Ang] Sydney Opera House ay . . . isang pakikipagsapalaran sa pagtatayo. . . . Dahil sa lubhang di-pangkaraniwan ang mga kalagayan sa pagtatayo nito, at dahil sa napakahihirap na problema nito, lumikha ito ng pambihirang mga pagkakataon . . . sa paggawa ng bagong mga pamamaraan. Marami rito ang mula noo’y ginagamit na sa mas pangkaraniwang pagtatayo ng mga tulay at gusali.”
Ang orihinal na tinatayang halaga ng opera house ay 7 milyong dolyar ng Australia, subalit nang matapos ito noong 1973, umabot ito sa pagkalaki-laking halaga na 102 milyong dolyar!
Pagdalaw sa Loob ng Opera House
Pagpasok namin sa bulwagang hintayan (foyer), napansin namin ang liwanag ng araw na lumalagos sa dalawang suson ng salamin sa hugis-kono na mga bibig ng kabibe. Nakapaligid sa gusali ang nakagugulat na kabuuang 6,225 metro kudrado ng pantanging salamin na gawa sa Pransiya. Pagkatapos ay pumasok kami sa bulwagang pangkonsiyerto. Habang nakatayo kami sa likod na pinagmamasdan ang 2,690 upuan sa harap ng entablado, humanga kami na makita ang pinakamalaking tracker organ sa daigdig, na may 10,500 tubo.a Ang kisame ay umaabot ng 25 metro ang taas, na may kabuuang kubikong sukat na 26,400 metro kubiko. Ito’y “nagbibigay ng humigit-kumulang dalawang segundong pag-alingawngaw upang marinig ang simponikong musika na buung-buo, suwabe at malamig ang himig,” sabi ng isang opisyal na giya.
Kahanga-hanga rin ang tatlo pang awditoryum, na dinisenyo para sa opera, mga konsiyertong pansimponiya, ballet, pelikula, solo na recital, drama, chamber music, mga eksibisyon, at mga kombensiyon. May kabuuang 1,000 silid sa gusali ng opera house, pati na ang mga restawran, silid-bihisan, at iba pang kaalwanan.
Huwag Kaligtaan ang Zoo!
Kung nagbabalak kang bumisita sa Sydney, siguraduhin mong isama ang paglalakbay-dagat sakay ng isang bapor o ferry sa palibot ng daungan. Hindi mo ito pagsisisihan. Sumakay ka ng ferry patungo sa Taronga Zoo. Hindi lahat ng bisitang nagtutungo sa Australia ay may panahon upang makita ang iláng at ang buhay-iláng sa Australia. Kaya, ang isang araw sa zoo ay maaaring maging isang maginhawang abentura sa “lalawigan” ng Australia. Itinatampok ng zoo ang pambihirang mga buhay-iláng ng Australia, mula sa mga kangaroo hanggang sa mga koala at mga platypus hanggang sa mga dingo. Mga ilang minuto lamang sakay ng ferry mula sa terminal ng ferry na malapit sa opera house, ang zoo ay halos nasa sentro ng Sydney. Isa ito sa pinakamaganda sa daigdig. Samantalang nasa daungan, masiyahan sa libreng libangan na inilalaan ng iba’t ibang mga tagapagtanghal—mga akrobat, mga katutubo na tumutugtog ng didgeridoo (isang karaniwang katutubong instrumentong hinihipan), o isang grupo na tumutugtog ng jazz.
Nakatitiyak kami na lubusan kang masisiyahan sa iyong paglagi sa Sydney—tunay na isang masayang lunsod na nasa isang pambihirang daungan sa bughaw at malawak na Timog Pasipiko. At anong malay mo, baka anyayahan ka namin sa isang barbekyu parti!
[Talababa]
a Ang tracker action ay isang mekanikal na sistema na naghahatid ng hangin sa mga tubo at nagpapangyari sa organista na makatugtog sa pamamagitan ng higit na sensitibong tipa.
[Mga mapa sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Sydney
Manly Beach
Port Jackson
Tulay ng Sydney Harbour
SYDNEY
Botany Bay
[Larawan sa pahina 15]
Sentrong kalakalang distrito ng Sydney
[Larawan sa pahina 15]
Replika ng “Bounty,” sa Botany Bay
[Larawan sa pahina 15]
Tren sa ibabaw ng downtown ng Sydney
[Larawan sa pahina 16, 17]
Sydney Opera House at ang tulay sa daungan
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Sydney Opera House Trust (larawang kuha ni Tracy Schramm)
[Larawan sa pahina 17]
Loob ng Opera House, na may 10,500-tubo na organ nito
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Australian Archives, Canberra, A.C.T.
[Larawan sa pahina 18]
Manly Beach, Sydney