Pinasigla ang mga Kabataang Katoliko na Magpatotoo
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
NOONG nakaraang Hulyo, ang mga Romano Katoliko sa buong daigdig ay nagtipun-tipon sa Sydney, Australia, para ipagdiwang ang World Youth Day 2008, isang relihiyosong okasyon na iniisponsor ng Simbahang Katoliko.
Piyestang-piyesta sa lunsod—punô ang mga lansangan ng mga panauhin, o mga deboto, mula sa 170 bansa, na nagwawagayway ng bandila, nagsisigawan, at nagkakantahan. Libu-libong tagamasid ang naghihintay sa kahabaan ng Sydney Harbor para makita si Pope Benedict XVI, na dumating sakay ng barko na may kasama pang 12 makukulay na sasakyang pandagat. Mga 500 milyon katao sa buong daigdig ang nakapanood nito nang live sa TV.
Sa panghuling Misa, na ginanap sa karerahan sa lunsod, 400,000 ang dumalo, kasali na ang 4,000 opisyal ng simbahan at 2,000 taga-media. Ito ang pinakamalaking pagtitipon na ginanap sa Australia—mas marami pang dumalo rito kaysa sa Olympic Games sa Sydney noong taóng 2000.
Ano ba ang World Youth Day? Bakit ito ipinagdiriwang? Anu-ano ang aktibidad sa okasyong ito? At ano ang ipinakita nito tungkol sa pananampalataya ng mga kabataan sa Sydney?
“Humihina na ang Pananampalataya”
Ang World Youth Day ay ginaganap taun-taon para ipagdiwang ang pananampalataya ng mga kabataang Katoliko. Karaniwan nang ipinagdiriwang ito ng mga Katoliko sa kani-kanilang diyosesis. Pero tuwing ikalawa o ikatlong taon, isang malaking lunsod ang nag-iisponsor ng okasyong ito at ang mga kabataang Katoliko sa buong daigdig ay inaanyayahang dumalo. Sampung lunsod na sa limang kontinente ang nakapag-isponsor ng gayong mga pagtitipon, at milyun-milyon na ang nakadalo sa mga ito.
Pero gaya ng inamin ng mga opisyal ng simbahan, ang World Youth Day ay ipinagdiriwang din para mapigilan ang paghina ng Simbahang Katoliko. “Napakarami na ng hindi aktibo sa relihiyon at sa paanuman ay humihina na ang pananampalataya,” ang sabi ni George Cardinal Pell, isang Katolikong klerigo sa Australia. “World Youth Day ang naiisip na solusyon dito.”
Ayon sa rekord ng Vatican, paunti na nang paunti ang mga pari sa buong daigdig. Nitong nakalipas na mga dekada, libu-libo sa kanila ang nagbitiw para mag-asawa. Ang bilang ng mga nagsasanay para maging pari sa Australia ay bumulusok nang mahigit 70 porsiyento sa nakalipas na 30 taon. Karamihan sa mga pari sa pinakamalaking diyosesis sa Australia ay mga 60 pataas na ang edad, mas matanda nang mga 20 taon kung ihahambing sa karaniwang edad ng mga pari doon noong 1977.
Bumaba rin ang bilang ng mga nagsisimba sa maraming bansa. Mga 25 porsiyento ng mga Australiano ang nagsasabing Katoliko sila, pero 14 na porsiyento lamang sa mga ito ang regular na nagsisimba. Sinasabing wala pang 10 porsiyento ng mga kabataang Katoliko ang nagsisimba. Samantala, maraming Katoliko ang hindi sumusunod sa mga turo ng simbahan tungkol sa kalinisang-asal sa sekso, kontrasepsiyon, at diborsiyo. Ang iba naman ay nadidismaya sa mga iskandalo sa simbahan, gaya ng pag-abuso ng mga pari sa mga bata.
Ang World Youth Day “sa katunayan ay isang desperadong pagsisikap na pigilan ang paghina ng Simbahan,” ang sabi ng The Sydney Morning Herald. “Umaasa ang mga lider ng simbahan sa Australia at Roma na mga kabataan ang magiging instrumento sa pagsasauli at pagpapanibago.” Paano sinisikap ng mga lider ng simbahan na makuha ang loob ng mga kabataan?
Engrandeng mga Programa at Parti
Kasali sa mga aktibidad sa World Youth Day 2008 ang engrandeng mga programa ng simbahan, mga workshop, pagdalaw sa itinuturing na sagradong mga lugar, at malalaking pagtitipon para sa pagdiriwang ng Misa. Bagaman maraming deboto ang naantig ng mga aktibidad na ito, iba naman ang tingin ng ilan sa okasyong iyon. Sinabi ng kabataang Katoliko na si Alexandra na taga-Estados Unidos, “Isa lang itong malaking parti.”
Ang anim na araw na pagtitipong ito sa Sydney ay may 450 aktibidad, kasali na ang mga konsyerto, pelikula, dula, eksibit, at sayawan at kantahan sa kalye. Ang klase ng mga musika ay mula opera at awiting pansimbahan hanggang sa heavy metal at rap. Dinumog ng libu-libong maiingay na kabataan ang mga konsyertong rock.
Ikinabahala ng ilang Katoliko ang mga aktibidad na ito. Ang okasyon ay “naging masayang parti lang—isang linggong parti, konsyerto, at makasanlibutang gawain, at mangilan-ngilang aktibidad na tunay na banal at sagrado,” ang sabi ng paring si Peter Scott sa ABC News ng Australia. Sa katunayan, noong taóng 2000, isinulat ni Pope Benedict XVI, Cardinal Ratzinger noon: “Ang [musikang] ‘rock’ ay ekspresyon ng makalamang mga pagnanasa, at sa mga rock festival, nagiging anyo ito ng pagsamba na, sa katunayan, salungat sa pagsamba ng mga Kristiyano.”—The Spirit of the Liturgy.
Bumabangon ang tanong na, “Makapagpapabago kaya ng buhay ang World Youth Day?” “Marahil para sa ilan,” ang sabi ng dating paring si Paul Collins. “Pero karamihan ay babalik sa dati nilang pamumuhay,” ang sabi niya. “Hindi magkakaroon ng mahahalagang pagbabago sa pamamagitan ng engrandeng mga okasyon, kundi sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay, maingat na pagpaplano at pagiging handang harapin ang mabibigat na problema.”
“Kayo’y Magiging mga Saksi Ko”
Alam na alam ng mga lider ng simbahan ang mga bagay na ito. Kaya ang World Youth Day 2008 ay may ganitong tema: “Bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbabâ sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko.”a
Hinimok ng mga obispo ang mga deboto na “muling maging masigasig, gaya ng mga apostol, sa lubusang pagpapatotoo tungkol sa Ebanghelyo sa modernong panahon.” Hinikayat ni Pope Benedict XVI ang mga deboto na maging “isang bagong henerasyon ng mga apostol” at sa isa pang pagkakataon ay hinimok niya silang ihayag “ang Mabuting Balita sa kanilang mga kaibigan, kapamilya, at sa lahat ng tao.”
Ang ilan sa taimtim na mga deboto ay naantig sa paghimok na ito. Sinabi ng 20-anyos na si Ramido na taga-Estados Unidos sa isang reporter, “Mahalaga sa akin ang pagpapatotoo.” Pero ganito ang opinyon ng 18-anyos na si Beatrice na taga-Italya: “Hindi napag-uusapan ng mga kabataan sa ngayon ang tungkol sa Diyos. Napakahirap magpatotoo sa panahon ngayon.” Sang-ayon ang maraming deboto sa sinabi ng dalawang kabataan mula sa Texas, E.U.A., “Sa lugar namin, mga Saksi ni Jehova lang ang nagpapatotoo!”
Mga Kabataang Nagpapatotoo
Oo, ang mga Saksi ni Jehova, bata man o matanda, ay kilala sa kanilang kasipagan sa pagpapatotoo. Bakit nila ginagawa iyon? “Pag-ibig sa Diyos, pag-ibig sa tao, at pag-ibig sa Bibliya,” ang sabi ni Sotir, 22-anyos na Saksi mula sa Sydney.
Noong World Youth Day 2008, halos 400 kabataang Saksi mula sa Sydney ang pumunta sa komperensiya hindi para makisali sa mga aktibidad doon kundi para makibahagi sa isang espesyal na kampanya na sabihin sa mga debotong Katoliko ang mga katotohanan sa Bibliya. “Natutuwa akong makilala ang mga relihiyosong kabataang Katolikong ito,” ang sabi ng 25-anyos na si Travas. “Marami sa kanila ang may magagandang tanong sa Bibliya, at nagagalak akong ipaliwanag sa kanila ang kasiya-siyang sagot.”
“Para lang akong nakikipagkuwentuhan sa kanila,” ang sabi naman ng 23-anyos na si Tarsha. “Gusto kong madama nilang welcome sila sa Sydney at malaman ang kanilang paniniwala.” “Kapag nakita kong interesado, binibigyan ko sila ng regalo—ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?”b ang sabi ng 20-anyos na si Frazer. “Nagustuhan ito ng lahat ng nakausap ko.”
Maliwanag na marami ang nasiyahan sa pakikipag-usap sa mga kabataang Saksi. Si Suzanne na taga-Fiji ay nagtanong sa 19-anyos na Saksing si Belinda kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Iminungkahi ni Belinda na pag-usapan nila ang sagot na nasa aklat na Itinuturo ng Bibliya. Pagkatapos ng talakayan, sinabi ni Suzanne: “Lagi lang nilang sinasabing ang mga gawa ng Diyos ay misteryo na hindi kayang abutin ng ating isip. Pero maliwanag na sa akin ngayon ang sagot!” Nang ibigay ni Belinda sa kaniya ang aklat, sinabi ni Suzanne: “Tinatandaan ko ang lahat ng sinasabi mo. Hindi ko alam na ibibigay mo pala sa akin ang aklat!”
Isang panauhing Pilipino ang nakisuyo sa 27-anyos na Saksing si Marina na kunan siya ng litrato sa harap ng isang kilalang gusali sa Sydney. Pagkatapos, nagkuwentuhan sila at binigyan ni Marina ang babae ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. “Kagabi lang, nanalangin ako sa Diyos na tulungan ako para higit ko pang maintindihan ang Bibliya,” ang sabi ng babae. “Ang aklat na ito siguro ang sagot sa panalangin ko!”
Nakipagkuwentuhan si Levi, isang 27-anyos na Saksi, sa isang mag-ina mula sa Panama hanggang sa mapag-usapan nila ang mga turo ng Bibliya. Tinanggap ng mag-ina ang aklat na Itinuturo ng Bibliya. Pagkatapos ay tinanong sila ni Levi, “Ano po ang hindi ninyo malilimutan sa pagpunta n’yo rito?” Hawak ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, sumagot ang anak na babae, “Ang makilala kayo.”
Oo, maraming kabataang Katoliko ang sabik na matuto nang higit pa tungkol sa Bibliya. Ikaw, gusto mo rin bang mas maintindihan ang Bibliya? Bakit hindi mo subukan ang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya na inaalok ng mga Saksi ni Jehova? Gustung-gusto nilang tulungan ka!
[Mga talababa]
b Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 27]
“Napakarami na ng hindi aktibo sa relihiyon at sa paanuman ay humihina na ang pananampalataya.”—Romano Katolikong si George Cardinal Pell
[Kahon/Mga larawan sa pahina 25]
EXPO PARA SA MGA GUSTONG MAGLINGKOD SA SIMBAHAN
Itinampok sa World Youth Day 2008 ang pinakamalaking expo sa Australia para sa mga gustong maglingkod sa simbahan. Mahigit 100 orden at ahensiyang Katoliko ang humimok sa mahigit 50,000 deboto na pag-isipan kung maaari silang maging pari, madre, o lingkod ng Simbahang Katoliko.
[Larawan sa pahina 24, 25]
Makulay na parada ng mga deboto
[Mga larawan sa pahina 26]
Kinausap ng mga Saksi ni Jehova ang mga debotong nagpunta sa lunsod ng Sydney
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Getty Images