Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 5/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Muling Pinagtibay ng Papa ang Ebolusyon
  • Umuunti ang Pag-aasawa
  • Kulang sa Tulog na mga Tin-edyer
  • Nababawasan ng Pagdidiyeta ang Panganib ng Kanser
  • Di-Nagbabagong Dami ng Populasyon?
  • Walang-Batiryang Radyo
  • Pumapatay na Ulan
  • Ang Pagsasanay sa mga Elepante sa Aprika
  • Mga Suplemento na Gawa sa Dugo
  • Mga Hukbo ng mga Bata
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1989
  • Panahon Na ba Upang Magpaalam?
    Gumising!—1989
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2000
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 5/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Muling Pinagtibay ng Papa ang Ebolusyon

Kamakailan ay naglabas ng pahayag si Papa John Paul II tungkol sa ebolusyon ng tao, na binabanggit ang “pagkakatipon” ng magkakahiwalay na pananaliksik bilang “isang mahalagang argumento na pabor sa teoriyang ito.” Bagaman hindi lubusang sumasang-ayon sa turo, inulit ni John Paul II ang sinabi ni Papa Pius XII sa isang ensiklistang sulat noong 1950, na “itinuring ang doktrina ng ‘ebolusyonismo’ na isang mahalagang haka-haka, na karapat-dapat suriin,” ayon sa L’Osservatore Romano. Sa pagsisikap na ilakip ang Diyos dito, bumaling ang papa sa turong Platoniko na nagtuturong ang mga tao ay may kaluluwang hindi namamatay. Minsan pang humalaw sa ensiklistang sulat ni Pius XII, sinabi niya: “Kung ang katawan ng tao ay nagmula sa dati nang umiiral na nabubuhay na bagay, ang espirituwal na kaluluwa ay agad na nilikha ng Diyos.”

Umuunti ang Pag-aasawa

“Nasasaksihan natin ang paglalaho ng pag-aasawa bilang isang institusyon,” sabi ni Jean Dumas, pinuno ng kasalukuyang demograpikong pag-aanalisa sa Statistics Canada. Ang bilang ng pag-aasawa sa Canada ay umuunti, lalo na sa Quebec, ayon sa The Toronto Star. Ang atubiling pagtupad sa pangako ay, sa ilang kalagayan, dahil sa hindi kaayaayang katangian sa pag-aasawa mismo ng kani-kanilang magulang, ang sabi ng ulat. Isinisiwalat ng natipong mga data sa loob ng mahigit na 25 taon na 30 porsiyento ng mga nagsipag-asawa noong 1969 ay hindi na nagsasama noong 1993. Ipinakikita rin ng estadistika na mas maraming nagsipag-asawa kamakailan ang nagdidiborsiyo. Sangkatlo ng lahat ng nagdiborsiyo sa Canada noong 1993 ay mga mag-asawa na wala pang limang taóng nagsasama, na tumaas mula sangkapat noong 1980. Si Marshall Fine, direktor sa pag-aasawa at family-therapy center sa University of Guelph, Ontario, ay nagsabi: “Waring hindi ito isang ligtas na daigdig para sa mga kabataan.”

Kulang sa Tulog na mga Tin-edyer

Ipinalalagay ng ilang espesiyalista sa pagtulog sa Australia at Estados Unidos na may ibang dahilan kung bakit ibig ng mga tin-edyer na matulog sa umaga maliban pa sa TV, pagrerebelde, o katamaran, ang ulat ng magasing Asiaweek. Sinasabi ng isang eksperto sa tulog sa Australia na si Dr. Chris Seton na ang mga pagbabago sa hormone at biglang paglaki ay maaaring kaugnay sa hilig ng maraming tin-edyer na matulog. Sa pasimula ng edad na siyam, ang pangangailangang matulog ng isang kabataan ay nadaragdagan. Gayunman, sa isang surbey sa Estados Unidos sa 3,000 estudyante na 17 hanggang 19 ang edad, 85 porsiyento ay hindi gaanong sapat ang tulog. Iniuulat ng The New York Times na ang resulta ay patuloy na nilalabanan ng mga estudyante ang pag-aantok, lalo na sa klase sa pag-uumpisa sa umaga. “May mga kabataan tayo na lubhang napagkakaitan ng tulog,” ang sabi ni Propesor James B. Maas ng Cornell University, “halos para silang tulirung-tuliro.” Ipinalalagay ng mga eksperto na kailangan ng mga tin-edyer ang di-kukulangin sa walo at kalahating oras na tulog sa gabi.

Nababawasan ng Pagdidiyeta ang Panganib ng Kanser

Ang limang ulit na pagkain ng mga prutas at gulay sa isang araw ay nagbabawas sa panganib ng pagkakaroon ng isang tao ng kanser sa baga, colon, sikmura, at iba pang uri nito, ang ulat ng The Wall Street Journal. “Ang malakas na katibayan” para rito ay nagmula sa mahigit na 200 pagsisiyasat na tumitiyak sa mga pakinabang sa di-kukulanging 17 bansa. Hindi naman kailangan ang napakarami. Ayon sa isang programa ng National Cancer Institute sa Estados Unidos, kalakip sa tamang dami ay: “Isang katamtamang piraso ng prutas, tatlong-kapat na tasa ng juice, kalahating tasa ng nilutong gulay, isang tasa ng sariwang gulay sa ensalada, o sangkapat na tasa ng pinatuyong prutas.” Ipinalabas ng Institute ang gayong diyeta sa limang taóng nagdaan, subalit sa kasalukuyan sa Estados Unidos, 1 lamang sa 3 adulto at 1 bata sa 5 ang nakaaabot sa pamantayan. Ang hilig sa fast-food ang waring humahadlang sa tagumpay nito. Ganito ang sabi ng The Wall Street Journal: “Ang kulut-kulot na fries na may ketsup ay hindi katumbas ng dalawang hain ng gulay.”

Di-Nagbabagong Dami ng Populasyon?

Ayon sa International Institute for Applied Systems Analysis (IIASA), sa Vienna, ang kasalukuyang populasyon sa daigdig ay malamang na hindi madoble. Kanilang tinataya na ang populasyon ay “darami mula sa kasalukuyang bilang na 5.75 bilyon hanggang 10 bilyon sa 2050, aabot sa pinakamataas na bilang na halos 11 bilyon sa 2075, at mananatiling hindi magbabago o bababa man nang kaunti sa 2100,” ang sabi ng New Scientist. Ayon sa IIASA, may 64-na-porsiyentong tsansa na hindi na kailanman madodoble ang kasalukuyang populasyon sa daigdig. Ipinakikita ng kanilang bilang na ang dami ng batang isinisilang ay waring umunti sa bawat bansa sa daigdig noong 1995.

Walang-Batiryang Radyo

Upang maharap ang kawalan ng kuryente at ang hindi sapat na mga batirya sa karamihan ng lalawigan sa Aprika, isang maliit na pabrika malapit sa Cape Town, Timog Aprika, ang gumagawa ng nabibitbit na radyo na may nakakabit nang generator na pinaiikot ng kamay. “Ikutin lamang ng kamay nang ilang ulit ang hawakan,” ang ulat ng The New York Times, at “tatagal na ito ng kalahating oras.” Sa kabila ng bagay na ito’y kasinlaki ng baunan at tumitimbang ng tatlong kilo, ang bagong modelo ay waring magtatagumpay. Ayon kay Siyanga Maluma, na siyang namumuno sa pagbebenta sa pabrika, kung ang radyo ay patutugtugin ng lima hanggang sampung oras sa isang araw, makatitipid ito ng $500 hanggang $1,000 halaga ng baterya sa loob ng tatlong taon. Kasama ng bisikleta at motorsiklo, “ang radyo ang isa sa tatlong tanda ng mataas na kalagayan sa buhay sa Aprika,” ang sabi ni Maluma. “Makatitiyak ka,” ang paggiit niya. Sa pagkakaroon mo lamang ng radyo, “makakukuha ka na ng mapapangasawa.”

Pumapatay na Ulan

Ang acid rain ay di-tuwirang sanhi ng kamatayan ng maraming elk sa Scandinavia, ayon sa Swekong siyentipiko na si Dr. Adrian Frank. Upang masugpo ang mga epekto ng nakasasamang ulan, nilalagyan ng apog ang kabukiran at mga lawa. Gayunman, ang mga halamang tumutubo sa lupang may apog ay nakikitaan ng pagdami ng ilang elemento, lalo na ang molybdenum. Kapag nakakain nang maraming molybdenum ang elk, ito’y nagiging sanhi ng pagkamatay dahil sa kakulangan ng copper na lubhang nakaaapekto sa sistemang imyunidad ng mga hayop. Ang higit pang ibinubunga ng acid rain, sa mahigit na 4,000 lawa sa Sweden, ay hindi nabubuhay ang mga isda at ang dami ng trout sa Norway ay nabawasan nang kalahati. Sinabi ng The Sunday Telegraph ng London na bagaman binabawasan ng pamahalaan ng Britanya ang paglalabas ng asupre mula sa mga istasyon ng kuryente upang sugpuin ang pinagmumulan ng maruruming bagay, ang mga epekto ng latak ng acid rain ay maaaring magpatuloy sa loob ng maraming taon.

Ang Pagsasanay sa mga Elepante sa Aprika

Ang mga elepante sa Asia ay ginagamit na sa loob ng mga dantaon bilang mga hayop na pantrabaho. Gayunman, ang mas malaki-laking Aprikanong pinsan ng mga ito ay inaakalang napakabalasik para paamuin. Subalit sa paano man waring naging matagumpay ang isang eksperimento. Ang mga elepante sa Aprika ay ginagamit sa Imire game reserve sa Zimbabwe upang mag-araro ng bukid at magsakay ng mga tauhan sa kagubatan sa mga lugar na mahirap marating. Ang paraan ng pagsasanay na ginamit ay tinatawag na “pagmamahal at gantimpala.” Pinanood ng isang tagapag-ulat sa isang pahayagan sa Aprika ang pag-aararo ng isang elepanteng nagngangalang Nyasha, kasama ng isang manggagawa, si Muchemwa, na nakasakay sa likod nito. “Paminsan-minsan,” ang paliwanag ng tagapag-ulat, “binabaluktot nito ang kaniyang nguso nang patalikod at nilalagyan ito ni Muchemwa ng kudra-kudradong pagkain ng hayop na sagana sa protina.” Ganito pa ang pagpapatuloy ng ulat: “Si Nyasha at ang anim na iba pang sinanay na mga elepante sa Imire ay gagamitin upang ihanda ang mga bukid sa susunod na tag-ulan para sa tanim na gaya ng mais, na gagamitin upang ipakain sa kanila at sa iba pang hayop sa bukid.”

Mga Suplemento na Gawa sa Dugo

Ang prothemol, isang eksperimentong protinang suplemento, ay ginagamit sa hilaga-silangang Brazil upang lutasin ang problema ng bansa sa malnutrisyon. Ayon sa ulat ng Associated Press, ang produkto ay pangunahing nasasangkapan ng dugo ng baka na kinuha sa mga katayan, na sinasabing “mas masustansiya kaysa karne.” Ginawa rin ang gayong eksperimento sa Guatemala, noong 1990, na tinawag ang produkto na “Harina de Sangre” (harinang dugo). Isinaayos ng pamahalaan sa Brazil na ipamahagi ang Prothemol sa bahay-bahay, “ipinamimigay ang suplemento at itinatala ang mga bata na kumukuha nito.” Noon, itinatapon lamang ng mga katayan sa hilaga-silangang Brazil ang dugo, gaya ng iniutos ng Bibliya.​—Levitico 17:13, 14.

Mga Hukbo ng mga Bata

Sangkapat ng isang milyong bata, na ang ilan ay kasimbata ng pitong taon, ay naglilingkod sa mga hukbong militar sa buong daigdig, ayon sa pananaliksik na isinagawa sa 26 na bansa at iniulat sa Guardian Weekly sa Manchester, Inglatera. Isiniwalat ng ulat, bahagi ng dalawang-taóng pagsusuri ng United Nations, na ang mga batang kinakalap ay pinagmalupitan mismo, malimit sa pamamagitan ng sapilitang pagsaksi sa paghihirap at pagkamatay ng mga kamag-anak. Kaya naman, sila’y ginagamit bilang mga tagausig, pumapatay nang pataksil, at mga espiya. Sa isang bansa, “ang karamihan ng mga batang sundalo ay pinag-utusang pahirapan, baldahin o patayin ang mga bata o adulto na nagtatangkang tumakas.” Ang mga bata, na malimit na pinaiinom ng droga o alkohol, ay nakitang sumusugod sa labanan “na para bang sila’y hindi mamamatay o masasaktan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share