Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagsasaya Sumasang-ayon ako na maraming ligtas na paraan upang magsaya ang mga kabataan, gaya ng binanggit ng artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Magsasayá?” (Setyembre 22, 1996) Maaari tayong magpunta sa isang museo o sa isang zoo o magpiknik o kaya’y magsasalu-salo. Kahit kakaunti lamang ang ating salapi ay maaari tayong magsaya sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa ibang mga kabataan na pumunta sa ating tahanan upang maglaro o kumain.
V. A., Brazil
Magiting na Pusa Ibig kong ipaalam sa inyo kung gaano ko pinahalagahan ang artikulong “Ang Pagmamahal ng Isang Ina sa Kaniyang mga Anak,” na lumitaw sa labas ng Setyembre 22, 1996. Ako’y nakatira sa isang bansa kung saan walang pumipigil sa seksuwal na gawain at kung saan maraming kabataang babae ang hindi nag-aatubiling magpalaglag. Sa aking palagay ang inang pusa na pinanganlang Scarlett ay isang mabuting halimbawa ng isang responsableng ina.
E. B., Mali
Natuwa akong basahin ang kuwento ni Scarlett, na nagpamalas ng tunay na katapangan sa pagliligtas sa kaniyang mga kuting mula sa nasusunog na garahe. Pinahanga niya ako bilang isang pusa kung saan maraming tao ang maaaring matuto nang husto. Sa palagay ko’y napakahusay na inyong inilathala ang gayong mga artikulo.
D. W., Alemanya
Ang inyong nakapagpapasigla ng puso na kuwento tungkol kay Scarlett at sa kaniyang mga kuting ang pinakanakapupukaw na artikulong aking nabasa tungkol sa aborsiyon.
J. G., Estados Unidos
Hindi ko mapigilang mapaluha nang mabasa ko ang artikulo. Talagang gustung-gusto ko ang lahat ng uri ng mga hayop at pinahahalagahan ko ang mga aral na itinuturo ni Jehova sa atin sa pamamagitan nila. Nalulungkot ako nang husto na malaman na ang “matatalinong” tao ay hindi makapagpakita ng gayunding pangangalaga at pagbibigay atensiyon sa kanilang mga supling.
C. C., Estados Unidos
“Tinnitus” Maraming salamat sa artikulong “Tinnitus—Isang Ingay na Dapat Pagtiisan sa Buhay?” (Setyembre 22, 1996) Ako’y pinahihirapan nito sa loob ng anim na taon na. Ikinatatakot ko na ako’y may isang sakit na hindi na malulunasan sapagkat walang doktor ang makapagsabi sa akin nang tumpak kung ano ang tawag sa aking kalagayan. Nakahinga ako nang maluwag nang aking mabasa ang inyong artikulo. Ngayo’y napagtitiisan ko ito habang aking hinihintay ang bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan wala nang sinuman ang magkakasakit.—Isaias 33:24.
C. F., Italya
Nagsimula kong maramdaman ang problemang ito halos sampung taon na ang nakalilipas. Napakahirap isipin na palagi kong maririnig ang ingay na ito! Subalit sa ngayon, natututuhan ko nang mapagtiisan ang aking maingay na tainga. Inaasam-asam ko ang pagdating ng panahon kapag maririnig ko nang muli ang KATAHIMIKAN, dahil kay Jehova!
J. S., Czech Republic
Ako’y pinahihirapan ng tinnitus sa nakalipas na dalawa at kalahating taon na at nagdaan na ako sa lahat ng uri ng medikal na pagpapasuri, kasali na ang CT scan sa utak. Ang pagkabalisa at tensiyon ay nakasisirang-loob na mga problema sa aking buhay. Dahil sa nabasa ko ang inyong artikulo, natututuhan ko nang pagtiisan ang sakit na ito.
M. G. T. F., Sri Lanka
Ang aking asawang lalaki ay may tinnitus. Siya rin ay nagdurusa dahil sa malubhang panlulumo. Ang impormasyong ito ay nakatulong sa akin na magkaroon ng empatiya sa kaniya. Kung minsan, ang ingay ay talagang nakaliligalig sa kaniya, at aaminin ko na hindi ako naging mahabagin sa kaniya na sana’y dapat kong ginawa. Taimtim kong pinahahalagahan ang makatuwirang paraan ng pagkakasulat ng artikulong ito. Natitiyak ko na ito’y makatutulong sa maraming kabiyak ng mga taong may tinnitus na maging higit na maunawain.
L. F., Estados Unidos