“Tinnitus”—Isang Ingay na Dapat Pagtiisan sa Buhay?
SI Beethoven, ang Aleman na manunulat na si Goethe, at ang Italyanong eskultor na si Michelangelo—silang lahat ay malamang na mayroon nito. Ang sinaunang mga Ehipsiyo ay malamang na may kabatiran dito, anupat waring tinagurian ang sakit na ito bilang “nagayumang tainga.” Sa ngayon ito’y tinaguriang tinnitus (hugong sa tainga), at tinatayang 15 porsiyento ng populasyon ng mga bansa sa Kanluran ay malimit o patuloy na nagtataglay nito. Halos 5 sa 1,000 katao ang malubhang pinahihirapan nito.
Ano nga ba ang nakayayamot na sakit na ito? Ang salitang “tinnitus” ay nagmula sa salitang Latin na tinnire, “kumalansing,” at inilarawan ito bilang “tunog sa tainga na hindi sanhi ng anumang panlabas na pangganyak.” Ayon sa The Merck Manual of Diagnosis and Therapy, ito’y maaaring “ugong, higing, haginit, o singasing na uri ng tunog o baka mas masalimuot na mga tunog na nag-iiba-iba sa buong panahon. Maaaring ito’y patigil-tigil, walang hinto, o parang tumitibok.” Ang lakas ng ingay na ito ay maaaring mula sa halos hindi marinig hanggang sa nakabibinging lakas. At ito’y tunog na hindi maaaring patayin ng pinahihirapan nito. Sa gayon ang walang-tigil na ingay ay nakapupukaw ng maraming masamang epekto: kaligaligan sa emosyon, problema sa pagtulog, kirot, hirap sa pagtutuon ng isip, pagkahapo, mga problema sa komunikasyon, at panlulumo.
Ano ang Sanhi ng Karamdaman?
Pagkatapos na magsimula ang tinnitus, ang nakararanas nito ay maaaring kabahan anupat siya’y makapag-iisip kung ano ang nangyayari sa kaniya. Baka matakot siya na mayroon siyang pagdurugo sa utak, nasisiraan ng bait, o may tumor. Mabuti naman, ang tinnitus ay bihirang maging sanhi ng malubhang sakit. Ang ilan ay nagkakaroon ng tinnitus pagkatapos ng pinsala sa ulo. At sinabi ni Propesor Alf Axelsson, ng Göteborg, Sweden, isang mananaliksik at dalubhasa sa paksang tinnitus, sa Gumising!: “Ang ilang gamot, gaya ng aspirin na mataas ang dosis, ay maaaring magdulot ng tinnitus bilang pansamantalang masamang epekto.”
Subalit, sa paano man, ang tinnitus ay bunga ng sakit sa tainga. Ganito ang paliwanag ni Propesor Axelsson: “Ang suliranin ay karaniwang sa bahagi ng kaloob-loobang tainga (inner ear) na tinatawag na cochlea, na may 15,000 o mahigit pa na pagkaliliit na mga selulang buhok na pandamdam. Kung ang ilan sa mga ito ay napinsala, ang mga ito’y makapagpapadala at makatatanggap ng hindi timbang na daloy ng mga hudyat ng nerbiyo. Ito’y ingay para sa nakararanas nito.”
Ang sanhi ng gayong pinsala sa tainga? Ayon kay Propesor Axelsson, isa sa sanhi ng tinnitus ay pagkahantad sa malalakas na ingay. Halimbawa, yaong mga gumagamit ng stereo headphone, ay kalimitang napipinsala mismo ng pagpapatugtog ng kanilang musika sa mataas na antas ng decibel. Ang tinnitus ay isa sa maaaring resulta.
Mangyari pa, mabuting isaisip ang ikinomento ni Richard Hallam sa kaniyang aklat na Living With Tinnitus: “Ang katawan ay hindi lubusang tahimik na lugar kaya naman ang pantanging antas ng ‘tinnitus’ ay normal. Ang mga tunog ay bunga ng mekanikal na kilos ng mga kalamnan, buto, dugo at hangin. . . . Ipinalalagay na sa araw-araw na kalagayan, ang mga ingay na ito na hindi napapansin ay naikukubli ng mas malalakas na ingay sa kapaligiran—ang mga ito’y hindi basta naririnig.” Ang pagbabasa ng artikulong ito ay maaaring magpangyari sa iyo na magkaroon ng kamalayan sa di-napapansing mga ingay na iyon. Gayunman, hindi ito problema para sa karamihan ng mga tao.
Paano Ito Ginagamot?
Kumusta naman kung ikaw ay malubhang pinahihirapan ng karamdamang ito? Ang una mong dapat gawin ay magpatingin sa iyong doktor. Tutulungan ka niyang sumuri kung may sakit na malulunasan na sanhi ng iyong mga sintomas. Nakalulungkot sabihin, sa karamihan ng mga kalagayan ay walang lunas para sa ingay. Subalit maraming bagay na maaaring gawin upang matulungan kang mapagtiisan ito.
◼ Operasyon: Ang brosyur na Tinnitus, na inilathala ng The British Tinnitus Association, ay nagsasabi: “Kung minsan ang tinnitus ay sanhi ng sakit sa gitnang tainga, at paminsan-minsa’y dahil sa pagiging abnormal ng mga ugat o mga kalamnan mismo sa tainga o malapit dito. Sa pambihirang mga kalagayang ito ay may posibilidad na lubusang maalis ang tinnitus sa pamamagitan ng operasyon.”
◼ Gamot: Kung ang nakararanas nito ay nahihirapan sa pagtulog o nakararanas ng pagkabalisa, tensiyon, o panlulumo, maaaring magreseta ang doktor ng mga sedative o antidepressant upang mapabawa ang mga sintomas na ito.
◼ Mga “Hearing Aid” at “Masker”: Kung may bahagyang pagkabingi, malaki ang maitutulong ng hearing aid. Mayroon ding kagamitan na tinatawag na masker, na kahawig ng hearing aid. Ito’y nagdudulot ng di-napapansing tunog na sinisikap na ikubli ang tunog ng tinnitus. Kaya, kung minsan ito’y halos katulad ng pagpapatugtog ng radyo o pagpapaandar ng bentilador.
◼ Iba pang Kagamutan: Ganito ang sabi ni Propesor Axelsson sa Gumising!: “Ang terapi ng hyperbaric oxygen ay maaaring makatulong sa ilang pasyente. Kalakip dito ang pagpapasok sa maysakit sa isang pressure chamber, kung saan siya’y sasailalim ng purong oksiheno. Maaaring mapabuti nito ang paggaling ng kaloob-loobang tainga.” At yamang waring mas lumalala ang mga sintomas ng ilang pasyente kapag sila’y ninenerbiyos o nababalisa, iminumungkahi ng ilang doktor ang iba’t ibang mga terapi na may pagsasanay sa pagrerelaks.a Gayunman, ang basta pagkatuto na magrelaks at pag-iwas sa nakaiigting sa katawan at isip hangga’t maaari ay makatutulong.
Pamumuhay na May Karamdaman
Gayunman, walang inaasahang tunay na lunas sa tinnitus. Kaya ang tinnitus ay isang ingay na maaari mong pag-aralan na tiisin. Ganito ang sabi ng aklat na Living With Tinnitus: “Kami ng aking mga kasama ay masidhing naniniwala sa ngayon na ang normal na pagtugon sa tinnitus ay ang unti-unting pagtitiis dito.”
Oo, matuturuan mo ang iyong utak na huwag pansinin ang tunog, na malasin ito bilang isang bagay na hindi dapat pansinin. Ikaw ba’y nakatira sa isang maingay na pook? O ikaw ba’y nagpapaandar ng bentilador o air conditioner? Sa una, ang mga ingay na iyon ay maaaring makainis sa iyo, subalit hindi magtatagal ito’y hindi mo na lamang pinapansin. Sa katunayan, maaari mo pa ngang makatulugan ang gayong mga ingay! Gayundin naman, maaari mo ring matutunan na huwag gaanong pansinin ang iyong tinnitus.
Ang tinnitus ay isa sa maraming sakit na dapat pagtiisan hanggang sa pagdating ng bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan “walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’” (Isaias 33:24) Samantala, ang tinnitus ay maaaring isang problemang nakapagpapasiphayo sa iyo, subalit hindi nito kailangang sirain o pangibabawan ang iyong buhay. Makatitiyak ka na ang ingay na ito ay maaari mong matutuhang pagtiisan!
[Talababa]
a Nanaising tiyakin ng isang Kristiyano na ang gayong terapi ay hindi lumalabag sa mga simulain ng Bibliya. Halimbawa, tingnan ang mga artikulo tungkol sa autogenic training sa Hulyo 22, 1984, labas ng Gumising!
[Larawan sa pahina 26]
Ang pagpapatingin sa isang dalubhasang manggagamot ang maaaring unang hakbang sa pagkatuto na pagtiisan ang tinnitus