Kapag ang Buong Lupa ay Isa Nang Kanlungan
GUSTO mo bang makita ang pinakamapanganib na kinapal sa daigdig? Kung gayon ay tumingin ka sa salamin! Oo, tayo, ang sangkatauhan, ang pinakamalupit na maninila! Lansakan pa nga tayong nagpapatayan sa isa’t isa.
Upang gawing ligtas ang lupa para sa buhay-ilang, kahit sa loob ng mga zoo—lalo na kung ito’y naging huling kanlungan—dapat alisin ang digmaan, ang salot ng sangkatauhan. Tanging 91 ng 12,000 hayop sa Berlin Zoo ang nakaligtas noong Digmaang Pandaigdig II. Gayundin ang dinanas ng maraming iba pang zoo. Nitong digmaan kamakailan sa mga bansa sa Balkan, inilikas ng malakas ang loob na tauhan sa zoo ang maraming hayop sa ligtas na dako; subalit ang daan-daang iba pa, pati na ang mga usa, malalaking pusa, oso, at mga lobo, ay namatay. Kamakailan, sa mga kagubatan ng Cambodia, ayon sa mga opisyal na sinipi sa pahayagang The Australian, sadyang pinatay ng Khmer Rouge ang maraming pambihirang mga hayop. Bakit? Upang ipagpalit ang mga balat nito at iba pang produkto sa mga sandata!
Ang pagsira sa ekolohiya, gaya niyaong isinagawa sa nabubukod na Peron Islands, timog-kanluran ng Darwin, Australia, ay isa pang kasamaan na dapat daigin upang maging ligtas ang mga hayop—sa loob o sa labas ng mga zoo. Dalawang beses sa tatlong taon, ang pugad ng mga pelikano sa mga islang ito ay sinunog, na walang ibang kadahilanan kundi patayin, sa pinakamalupit na paraan, ang libu-libong inakay na hindi pa makalipad.
Subalit, nitong nakalipas na mga taon, ang pinakamalaking pagkawala ng mga species ay hindi dahil sa masamang hangarin; ito’y dahil sa masamang epekto ng dumaraming populasyon ng tao na lubhang nangangailangan ng lugar upang pamuhayan at lupa upang sakahin. Dahil sa walang-lubag na panghihimasok na ito sa mga tirahan ng hayop at ang kasamang polusyon, ang The World Zoo Conservation Strategy ay nagbabala: “Ang hinaharap ng ika-21 siglo para sa buong natural na sistema ng lupa ay mapanglaw. Wala namang pahiwatig na malapit nang huminto ang pagkawasak na nangyayari sa lahat halos ng bahagi ng daigdig.”
Dahil sa lumalagong pagkabahala sa hinaharap ng lupa, mukhang hindi kapani-paniwala ang panahon kapag ang buong planeta ay isa nang kanlungan. Gayunman, ang pag-asang iyan ay matatag na naitatag, hindi ng mga taong may maikling pananaw—na mga 50 taon na ang nakalipas, ayon sa isang manunulat sa siyensiya ay walang kaalam-alam tungkol sa kasalukuyang pagkawasak ng ekolohiya—kundi ng isa na humula tungkol dito, ang Diyos na Jehova. Mahigit na labinsiyam na dantaon na ang nakalipas, inihula niya na ang sangkatauhan, sa ating panahon, ay mahuhuli sa akto na “sumisira sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Sinalita nang ang lupa ay wala pang gaanong tao, ang hulang iyan ay wari bang hindi kapani-paniwala sa maraming nabubuhay noon, subalit ito’y napatunayang totoong-totoo!
Balintuna nga, ang pagsirang ito ay nangyayari sa isang panahon kung kailan tila ba halos magagawa ng siyensiya at teknolohiya ang mga himala: sinusubaybayan ng pagkaliliit na mga transmiter na nakakabit sa mga hayop at mga satelayt ang nanganganib na mga species, ang pagkawasak ng maulang-gubat ay sinusukat ng metro kuwadrado mula sa malayong kalawakan, at ang polusyon ng hangin ay sinusukat sa pagkaliit-liit na dami. Subalit, maliban sa ilang eksepsiyon, waring wala pa ring magawa ang tao sa kabila ng gabundok na mga impormasyong ito. Marahil ang tao ay gaya ng tsuper ng isang di-mapigil na tren. Mayroon siyang aparato na siksik ng makabagong kagamitang elektroniko at mga monitor na nagsasabi sa kaniya ng lahat ng bagay na nangyayari, subalit hindi niya maihinto ang tren!
Bakit ba Bigo ang mga Pagsisikap?
Isip-isipin na sa isang malaking pabrika, naulinigan ng mayabang, walang-prinsipyong manedyer ang may-ari na nagsasabing hindi siya itataas sa tungkulin kundi, bagkus, siya’y mapaaalis sa loob ng ilang buwan. Palibhasa’y sumama ang loob at nagalit, gumamit siya ng mga kasinungalingan, suhol, at lahat ng uri ng panlilinlang upang mahikayat ang ilang manggagawa para lumikha ng gulo. Pinangyari nilang masira ang mga makina, humina ang produksiyon, at magkaroon ng depekto ang mga produkto—gayunma’y sa tusong paraan upang hindi masisi. Samantala, ang tapat na mga empleado, na hindi alintana kung ano talaga ang nangyayari, ay nagsisikap na kumpunihin ito; subalit mientras nagsisikap sila nang husto, lalo lamang lumalala ang mga bagay-bagay.
Gayundin ang pakana ng manlilinlang na “manedyer” ng daigdig na ito laban sa sangkatauhan at sa lupa. Subalit sa pagkakataong ito ay hindi natin kailangang manatiling “walang-alam sa kaniyang mga pakana,” sapagkat inaalis ng Bibliya ang kaniyang lambong at isinisiwalat ang isang masama ang loob na espiritung nilalang—si Satanas na Diyablo—isang anghel na naging palalo at naghangad na sambahin. (2 Corinto 2:11; 4:4) Pinalayas siya ng Diyos mula sa Kaniyang makalangit na sambahayan at hinatulan siya ng pagkapuksa.—Genesis 3:15; Roma 16:20.
Tulad ng manlilinlang na manedyer ng pabrika, itong “ama ng kasinungalingan” ay gumagamit din ng isang arsenal ng pailalim na mga pamamaraan upang ibulalas ang kaniyang galit. Napopoot siya sa Diyos na Jehova at nais niyang sirain ang Kaniyang nilalang. (Juan 8:44) Ang pinakamalakas na kasangkapan ni Satanas ay ang kasinungalingang propaganda, kasakiman, materyalismo, at nakasasamang mga turo ng relihiyon. Sa pamamagitan nito kaniyang ‘nailigaw ang buong tinatahanang lupa’ at ang tao—ang inaasahang katiwala ng lupa—ay ginawang ang pinakamalupit na maninila nito, sa diwa, mga alagad ng sinaunang si Nimrod, “isang makapangyarihang mangangaso na nasa pagsalansang kay Jehova.”—Apocalipsis 12:9, 12; Genesis 1:28; 10:9.
Ang Tanging Makatotohanang Pag-asa Para sa Isang Makalupang Kanlungan
Gayunman, posibleng magtagumpay sa mga puwersa ng tao at nakatataas sa tao na nagdudulot ng pagkalipol. Maiaahon tayo ng makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang ng lahat ng nabubuhay na bagay mula sa kahila-hilakbot na alimpuyong ito, at ipinangako niyang gagawin ito sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na pamahalaan. Siya’y nangangakong dadalhin sa pagkasira ang maninilang ito na sumisira sa lupa. Ipinananalangin natin ito kapag sinasabi nating: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.”—Mateo 6:9, 10, King James Version; Apocalipsis 11:18.
Napansin mo ba na ang pagdating ng Kaharian ay nauugnay sa paggawa ng kalooban ng Diyos sa lupa? Ito’y dahilan sa ang Kaharian ng Diyos ang pamahalaan ng Diyos sa buong lupa. At dahil sa ito’y isang kaharian, mayroon itong hari—si Jesu-Kristo, ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” (Apocalipsis 19:16) Mayroon din itong mga sakop. Sa katunayan, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang kanilang mamanahin ang lupa.” (Mateo 5:5) Oo, ang mahihinahong-loob na ito ang makalupang mga sakop nito, at sa tulong ng Kaharian ng Diyos, maibiging pangangalagaan nila ang kanilang mana, gagawin itong isang lumalagong paraiso na namumutiktik sa buhay. Kapansin-pansin, ganito ang sabi ng Strategy: “Ang hinaharap ng mga tao at ng kalikasan ay matitiyak lamang kung ang lahat ng tao ay makakapamuhay sa isang bagong pakikipagkaisa sa kalikasan.”
Ipinahihiwatig ng kasaysayan at ng di-sakdal na kalikasan ng tao ang pagiging imposible na ang “lahat ng tao” ngayon ay kailanman mamumuhay sa gayong “bagong pakikipagkaisa” sa kalikasan, sapagkat niwawalang-bahala nila si Jehova. Sa katunayan, upang patunayan na hindi kaya ng tao na pamahalaan ang sarili ang isang dahilan kung bakit pinahintulutan ng Diyos ang daigdig na ito na magpatuloy sa loob ng mahabang panahon. Subalit hindi na magtatagal, yaong mga nananabik sa pamamahala ni Kristo ay magtatamasa ng katangi-tanging kapayapaan. Pinatutunayan ito ng Isaias 11:9, at binabanggit din nito ang dahilan kung bakit ang mga ito lamang ang makakapamuhay sa isang “bagong pakikipagkaisa” sa kalikasan: “Hindi sila gagawa ng anumang pinsala o magpapangyari ng anumang pagkasira sa aking buong bundok na banal; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova kung paanong ang mga katubigan ay tumatakip sa mismong dagat.” Oo, ang edukasyon mula sa Diyos ang susi. At hindi ba makatuwiran iyan, sapagkat sino pa kundi ang Awtor ng kalikasan ang nagtataglay ng gayong karunungan?
Kumusta naman yaong patuloy na niwawalang-bahala si Jehova? “Kung tungkol sa mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa,” sabi ng Kawikaan 2:22. Oo, ang kanilang pakikipaglaban o ang kanilang kawalang-interes ay mangangahulugan ng kanilang pagkapuksa sa mabilis na dumarating na “malaking kapighatian”—ang paraan ng Diyos ng paggawad ng katarungan sa lahat ng nagpapatuloy sa masakim na pagsasamantala at pagsira sa kaniyang mga nilalang.—Apocalipsis 7:14; 11:18.
Nais mo bang makibahagi sa programang rehabilitasyon ng lupa? Kung gayon pakisuyong alamin kung ano ang hinihiling sa iyo ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. Ito lamang ang may kapangyarihang gawing kasuwato ang iyong pag-iisip sa pag-iisip ng Maylalang. (2 Timoteo 3:16; Hebreo 4:12) Bukod pa riyan, sa pagkakapit ng iyong natutuhan, hindi ka lamang magiging mas mabuting mamamayan ngayon kundi patutunayan mo rin na ikaw nga ang uri ng tao na pagkakatiwalaan ni Jehova ng kaniyang mabilis na dumarating na “bagong lupa.”—2 Pedro 3:13.
Ang mga tagapaglathala ng magasing ito o ang pinakamalapit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay malulugod na tulungan ka sa pamamagitan ng isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya o ng karagdagang literatura na nagpapaliwanag sa mga bagay na ito kung nais mo.