Mga Serbisyo at Pinagkukunan ng Impormasyon ng Internet
ISANG karaniwang pinagkukunan ng impormasyon na inilalaan ng Internet ay ang pambuong-daigdig na sistema ng pagpapadala at pagtanggap ng koreo sa elektronikong paraan, kilala bilang E-mail. Sa katunayan, ang E-mail ay kumakatawan sa malaking bahagi ng lahat ng pagpapalitan ng ideya sa Internet at para sa marami ito ang tanging pinagkukunan ng impormasyon ng Internet na magagamit nila. Paano ito kumikilos? Upang masagot ang tanong na iyan, repasuhin muna natin ang karaniwang sistema ng koreo.
Gunigunihin na ikaw ay nakatira sa Canada at gusto mong magpadala ng sulat sa iyong anak na babaing nakatira sa Moscow. Pagkatapos maisulat ang tamang direksiyon sa sobre, inihuhulog mo ito sa koreo, na siyang simula ng paglalakbay ng sulat. Sa gusaling pangkoreo, ang sulat ay dinadala sa susunod na lugar, marahil sa isang panrehiyon o pambansang sentro ng pamamahagi, at pagkatapos ay sa lokal na tanggapang pangkoreo na malapit sa iyong anak.
Isang kahawig na proseso ang nangyayari sa E-mail. Pagkatapos magawa ang iyong sulat sa iyong computer, dapat mong tiyakin ang E-mail address na nagpapakilala sa iyong anak na babae. Minsang ipadala mo ang elektronikong sulat na ito, ito’y naglalakbay mula sa iyong computer, kadalasa’y sa pamamagitan ng isang aparatong tinatawag na modem, na nag-uugnay ng iyong computer sa Internet sa pamamagitan ng network ng telepono. Naglalakbay na ito, patungo sa iba’t ibang computer na kumikilos na gaya ng lokal at pambansang gusaling pangkoreo. Ang mga ito’y nagtataglay ng sapat na impormasyon upang dalhin ang sulat sa patutunguhang computer, kung saan matatanggap at mababasa ito ng iyong anak na babae.
Di-gaya ng karaniwang koreo, kadalasang nararating ng E-mail ang patutunguhan nito, kahit na sa ibang kontinente, sa loob lamang ng ilang minuto o mas mabilis pa malibang ang ilang bahagi ng network ay puno o pansamantalang hindi gumagana. Kapag tiningnan ng iyong anak na babae ang kaniyang computer na kinaroroonan ng kaniyang elektronikong buson, makikita niya ang iyong E-mail. Ang bilis ng E-mail at ang walang kaproble-problemang pagpapadala nito kahit sa maraming tatanggap nito sa buong daigdig ang gumagawa ritong kilalang anyo ng komunikasyon.
Mga “Newsgroup”
Ang isa pang popular na serbisyo ng Internet ay tinatawag na Usenet. Sa pamamagitan ng Usenet ay napapasok mo ang mga newsgroup para sa pangkatang pagtalakay tungkol sa espesipikong mga paksa. Ang ilang newsgroup ay nakatuon sa pagbibili o pagbebenta ng iba’t ibang paninda. May libu-libong newsgroup, at minsang ang isang gumagamit ng Internet ay makapasok sa Usenet, libre ang sumuskribe dito.
Ating ilarawan sa isip ang isa na sumali sa isang newsgroup na may kinalaman sa pangongolekta ng selyo. Habang ang bagong mga mensahe tungkol sa libangang ito ay ipinadadala sa iba pa na sumuskribe sa pangkat na ito, ang mga mensahe ay magagamit ng baguhang ito. Narerepaso ng taong ito hindi lamang kung ano ang ipinadala ng isa sa newsgroup kundi rin naman ang mga naisulat ng iba bilang tugon. Halimbawa, kung may humingi ng impormasyon tungkol sa isang partikular na serye ng selyo, di-magtatagal maaaring maraming tugon mula sa buong daigdig, na nagbibigay ng impormasyon na agad na makukuha ng lahat ng sumuskribe sa newsgroup na ito.
Ang ibang anyo ng ideyang ito ay ang Bulletin Board System (BBS). Ang mga BBS ay nahahawig sa Usenet, maliban na ang lahat ng salansan ng impormasyon ay makikita sa iisang computer, na karaniwang iniingatan ng isang tao o grupo. Ipinababanaag ng mga bagay na tinatalakay sa mga newsgroup ang iba’t ibang interes, palagay, at mga kahalagahang moral niyaong mga gumagamit nito, kaya kailangang mag-ingat.
Pagbabahagi ng Salansan ng Impormasyon at Pagsasaliksik sa Paksa
Isa sa orihinal na mga tunguhin ng Internet ang pangglobong pagbabahagi ng impormasyon. Nakita ng gurong nabanggit sa naunang artikulo ang isa pang guro sa Internet na handang ibahagi ang nagawa nang mga materyales tungkol sa kursong kaniyang itinuturo. Sa loob ng ilang minuto ang mga salansan ay nailipat, sa kabila ng layong 2,000 milya.
Anong tulong ang makukuha kung hindi alam ng isa kung saan makikita ang paksa sa loob ng Internet? Kung paanong hinahanap natin ang numero ng telepono sa pamamagitan ng paggamit ng isang direktoryo sa telepono, masusumpungan ng isang gumagamit ng Internet ang kawili-wiling mga paksa sa Internet sa pagpasok muna sa tinatawag na mga search site. Ipinapasok ng gumagamit ang isang salita o isang parirala na hahanapin; pagkatapos ang site ay tumutugon sa pamamagitan ng isang listahan ng mga lugar sa Internet kung saan masusumpungan ang impormasyon. Karaniwan na, ang paghahanap ay walang bayad at nangangailangan lamang ng ilang segundo!
Nabalitaan ng magsasakang nabanggit kanina ang tungkol sa isang bagong pamamaraan na tinatawag na precision farming, na gumagamit ng mga computer at mga satellite map. Sa pamamagitan ng pagpapasok ng pariralang iyon sa search site, nasumpungan niya ang mga pangalan ng mga magsasakang gumagamit nito gayundin ang detalyadong impormasyon tungkol sa pamamaraang iyon.
Ang “World Wide Web”
Ang bahagi ng Internet na tinatawag na World Wide Web (o, Web) ay nagpapangyari naman sa mga awtor na gamitin ang makalumang ideya—ang mga talababa—sa isang bagong paraan. Kapag ang isang awtor ng isang artikulo sa magasin o isang aklat ay nagsisingit ng isang sagisag sa talababa, tinitingnan natin ang ibaba ng pahina at malamang na ituro tayo sa isa pang pahina o aklat. Gayundin ang magagawa ng mga awtor ng mga dokumento ng computer sa Internet sa paggamit ng isang pamamaraan na magsasalungguhit o magpapatingkad sa isang salita, isang parirala, o isang larawan sa kanilang dokumento.
Ang itinatampok na salita o larawan ay isang palatandaan para sa mambabasa na umiiral ang isang nauugnay na pinagkukunan ng impormasyon ng Internet, na kadalasa’y ibang dokumento. Ang dokumentong ito ng Internet ay makukuha at agad na maipakikita sa mambabasa. Ang dokumento ay maaari pa ngang nasa ibang computer at nasa ibang bansa. Si David Peal, awtor ng Access the Internet!, ay bumabanggit na ang pamamaraang ito ay “nag-uugnay sa iyo sa aktuwal na mga dokumento, hindi lamang sa mga reperensiya nito.”
Ginagawa ring posible ng Web ang pag-iimbak at pagkuha, o pagpapakita ng mga litrato, larawan, pagpapalabas ng animation, video, at pagpaparinig ng mga tunog. Si Loma, ang maybahay na nabanggit sa simula ng naunang artikulo, ay nakakuha at nakapanood ng maikling pelikulang de-kulay tungkol sa kasalukuyang mga teoriya may kinalaman sa sansinukob. Narinig niya ang pagsasalaysay sa pamamagitan ng audio system ng kaniyang computer.
“Surfing the Net”
Sa paggamit ng isang Web browser, madali at mabilis na makikita ng isang tao ang impormasyon at makulay na mga larawan na maaaring naimbak sa mga computer sa maraming iba’t ibang bansa. Ang paggamit ng isang Web browser ay nakakatulad sa ilang paraan ng aktuwal na paglalakbay, mas madali nga lang. Madadalaw ng isa ang mga eksibit ng Web tungkol sa Dead Sea Scrolls o ang Holocaust Memorial Museum. Ang kakayahang ito na mabilis na makakilos nang paroo’t parito mula sa isang Internet Web site tungo sa isa pa ay karaniwang tinatawag na surfing the Net.
Ang mga negosyo at mga korporasyon ay naging interesado sa Web bilang isang paraan upang maianunsiyo ang kanilang mga produkto o mga serbisyo gayundin magbigay ng iba pang uri ng impormasyon. Gumawa sila ng isang Web page, isang uri ng elektronikong iskaparate. Pagkatapos malaman ang direksiyon ng isang organisasyon sa Web page, magagamit ng potensiyal na mga parokyano ang isang browser upang “mamili,” o magbasa ng impormasyon. Subalit, gaya ng anumang palengke, hindi lahat ng mga produkto, serbisyo, o impormasyong inilalaan sa Internet ay mabuti.
Sinisikap ng mga mananaliksik na gawing ligtas ang Internet para sa kompidensiyal at pinag-iingatang mga transaksiyon. (Pag-uusapan pa nating higit ang tungkol sa seguridad sa dakong huli.) Isa pang pambuong-daigdig na Internet—binansagan ng ilan na Internet II—ay ginagawa dahil sa dumaraming gumagamit ng Internet na likha ng komersiyal na gawaing ito.
Ano ba ang “Chat”?
Ang isa pang karaniwang serbisyo ng Internet ay ang Internet Relay Chat, o Chat. Ang Chat ay nagpapangyari sa isang grupo ng mga tao, na gumagamit ng mga alyas, na magpadala ng mga mensahe sa isa’t isa karaka-raka. Bagaman ginagamit ng iba’t ibang pangkat ng edad, popular ito lalo na sa mga kabataan. Minsang maugnay, nakikilala ng gumagamit ang maraming iba pang gumagamit mula sa buong daigdig.
Nagkakaroon ng tinatawag na mga chat room, o chat channel, na nagtatampok ng isang partikular na tema, gaya ng science fiction, mga pelikula, isports, o romansa. Lahat ng mga mensaheng minamakinilya sa loob ng isang chat room ay lumilitaw nang halos sabay-sabay sa mga iskrin ng computer ng lahat ng gumagamit sa chat room na iyon.
Ang chat room ay katulad ng isang parti ng mga tao na nagsasama-sama at nag-uusap nang sabay-sabay, kaya nga lang ang lahat ay nagmamakinilya ng maiikling mensahe. Ang mga chat room ay bukas sa loob ng 24 na oras sa isang araw. Mangyari pa, batid ng mga Kristiyano na ang mga simulain ng Bibliya tungkol sa pakikisama, gaya niyaong masusumpungan sa 1 Corinto 15:33, ay kumakapit sa pagsali sa mga chat group kung paanong kumakapit ito sa lahat ng aspekto ng buhay.a
Sino ang Nagbabayad Para sa Internet?
Maaaring nag-iisip ka, ‘Sino ang nagbabayad sa halaga ng malalayong distansiyang malalakbay ng isa sa Internet?’ Ang lahat ng gumagamit ay nakikibahagi sa gastos, mga korporasyon at indibiduwal. Subalit, ang taong gumagamit ng Internet ay hindi binibigyan ng kuwenta para sa long-distance na tawag sa telepono, kahit na napasok niya ang maraming internasyonal na site. Karamihan ng mga gumagamit ay nagkakaroon ng kuwenta sa isang komersiyal na Internet service provider (kompanyang naglalaan ng serbisyo sa Internet), na sa maraming kaso ay sumisingil sa gumagamit ng isang tiyak na buwanang bayad. Ang mga naglalaan ng serbisyo sa Internet ay karaniwang nagbibigay ng isang lokal na numero upang maiwasan ang karagdagang gastos sa telepono. Ang karaniwang buwanang bayad sa paggamit nito ay humigit-kumulang $20 (U.S.)
Gaya ng makikita mo, napakalaki ng potensiyal ng Internet. Ngunit dapat ka bang pumasok sa information superhighway na ito?
[Talababa]
a Ang pangangailangang mag-ingat may kinalaman sa mga chat room ay tatalakayin sa dakong huli.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Mga Address sa Internet—Ano ba Ito?
Ang pagkilala sa mga tao na nauugnay sa Internet ay nagagawa sa pamamagitan ng mga E-mail address. Gunigunihing nais mong magpadala ng isang E-mail sa isang kaibigan na ang E-mail address ay drg@tekwriting.com.b Sa halimbawang ito, ang pagkakakilanlan sa tao, o log-in, ay “drg.” Kalimitang ginagamit ng mga tao ang mga unang titik ng kanilang pangalan o buong pangalan bilang kanilang log-in. Ang katagang kasunod ng sagisag na “@” ay maaaring ang kanilang pinapasukang kompanya, kanilang dako ng negosyo, o ang kanilang E-mail service provider. Sa kasong ito, ipinakikilala ng “tekwriting” ang negosyong iyon. Ang huling bahagi ng direksiyon ay nagpapakilala sa uri ng organisasyon na doo’y may log-in ang iyong kaibigan. Sa kasong ito, ang “com” ay tumutukoy sa isang komersiyal na organisasyon. Ang mga organisasyong pang-edukasyon ay may katulad na paraan ng pagbibigay ng pangalan subalit nagtatapos sa pamamagitan ng “edu,” at ang mga organisasyong hindi tumutubo ay nagtatapos sa pamamagitan ng “org.” Ang isa pang pamantayan sa E-mail ay nagtatapos sa pamamagitan ng kodigo ng bansa ng tao. Halimbawa, ang address na lvg@spicyfoods.ar ay nagpapahiwatig na ang tao na ang log-in ay “lvg” ay kaugnay sa isang kompanya na binansagang “spicyfoods” sa Argentina.
Ang isa pang uri ng address ay naghahanap sa mga dokumento ng Web sa Internet. Ipagpalagay na ang impormasyon tungkol sa pananaliksik sa mga maulang kagubatan ay matatagpuan sa dokumento ng Web na nasa http://www.ecosystems.com/research/forests/rf. Ang mga letrang “http” (Hypertext Transfer Protocol) ay kumikilala sa protocol na humahawak sa isang uri ng dokumento ng Web, at ang “www.ecosystems.com” ay nagpapahiwatig sa pangalan ng Web server, isang computer—sa kasong ito ay isang komersiyal na kompanya na pinanganlang “ecosystems.” Ang aktuwal na dokumento ng Web ay ang huling bahagi ng address—“/research/forests/rf.” Ang mga Web address ay kadalasang tinatawag na Uniform Resource Locators, o mga URL, sa maikli.
[Talababa]
b Ang binanggit na mga address ng Internet ay gawa-gawa lamang.