Paggamit ng Internet—Maging Alisto sa mga Panganib Nito!
1 Ang bayan ni Jehova ay nagtatamasa ng mabuting pagsasamahan sa isa’t isa. Ikinasisiya nilang ibahagi ang mga karanasan mula sa ministeryo sa larangan at nagpapahalagang makarinig ng mga pangyayaring nagaganap sa mga Saksi ni Jehova at sa gawaing pang-Kaharian sa palibot ng globo. Nais nilang malaman ang tungkol sa anumang di-karaniwang bagay na nagaganap sa ating mga kapatid, tulad ng krisis o likas na kapahamakan, at sila’y nagnanais na makaalam kung mayroon silang maitutulong. Ang gayong interes ay nagpapakita ng pagkakaisa ng pagkakapatiran at nagpapatunay na tayo’y talagang may pag-ibig sa isa’t isa.—Juan 13:34, 35.
2 Ngayon, mabilis nating nababalitaan ang mga pangyayari sa daigdig. Ang mga pagbabalita sa radyo at telebisyon ay naghahatid sa mga tagapakinig sa buong globo ng aktuwal na pagkubre sa mga pangyayari sa detalyadong paraan. Ginagawa ring posible ng telepono ang karaka-rakang pakikipag-ugnayan sa mga tao sa palibot ng daigdig. Kung tungkol sa komunikasyon, ang isang bagong kababalaghan na nagiging popular sa daigdig ay ang Internet.—Tingnan ang Gumising!, Hulyo 22, 1997.
3 Ang imbensiyon ng telepono ay nagbukas ng daan para sa mabilis na personal na komunikasyon sa buong daigdig. Bagaman ang telepono ay tunay na kapaki-pakinabang, kailangang mag-ingat sa paggamit nito, palibhasa’y maaaring magamit ito sa di-wastong asosasyon o gawain, at ang sobrang paggamit ng telepono ay maaaring maging magastos. Ang telebisyon at radyo ay mapapakinabangan sa larangan ng edukasyon. Gayunman, nakalulungkot, marami sa mga programa ang tiwali sa moral, at ang pagbibigay ng pansin dito ay pag-aaksaya lamang ng panahon. Ang karunungan ay nag-uudyok sa atin na maging lubusang mapamili sa paggamit ng telebisyon at radyo.
4 Ang Internet ay nagpapangyaring makipagtalastasan ang isa sa di-magastos na paraan sa milyun-milyong iba pa sa buong daigdig, at ito’y nagbubukas ng daan para sa napakalawak na impormasyon. (Gumising!, Enero 8, 1998) Gayunman, ang walang patumanggang paggamit ng Internet ay maaaring maglantad sa isang tao sa malaking panganib sa moral at espirituwal. Paano mangyayari ito?
5 Marami ang nababahala hinggil sa nakahandang mga impormasyon na nagpapakita kung paano gagawa ng mga sandata, kasama na ang mga bomba. Ang industriya ay nagrereklamo hinggil sa dami ng oras na naaaksaya ng mga manggagawa sa paggamit ng Internet. Marami nang binanggit sa ating mga publikasyon hinggil sa maliwanag na espirituwal na mga panganib sa Internet. Maraming Web site ang naghaharap ng karahasan at pornograpikong mga materyal na talagang hindi angkop sa mga Kristiyano. (Awit 119:37) Karagdagan pa sa mga panganib na ito, naririyan ang mas tusong panganib na kailangang bantayan lalo na ng mga Saksi ni Jehova. Ano ang panganib na ito?
6 Aanyayahan mo ba ang isang estranghero sa loob ng iyong tahanan nang hindi muna inaalam kung sino siya? Ano kung walang paraan upang malaman ito? Pahihintulutan mo ba ang gayong estranghero na makasamang mag-isa ng iyong mga anak? Ito ay isang di-mapag-aalinlanganang posibilidad sa Internet.
7 Ang electronic mail ay maaaring ipadala at matanggap mula sa mga taong hindi mo kilala. Ito ay totoo rin kapag ikaw ay nakikipag-usap sa paraang elektroniko o nasa isang chat room. Ang mga nakikibahagi rito kung minsan ay nag-aangking mga Saksi ni Jehova, subalit kadalasa’y hindi naman. May nag-aangkin na siya diumano’y kabataan subalit hindi naman. O ang isang tao ay maaaring magkunwang iba ang kasarian.
8 Ang impormasyong ipinapasa sa iyo ay maaaring yaong mga karanasan o mga komento hinggil sa ating mga paniniwala. Ang impormasyong ito ay ipinapasa sa iba, na sa kabilang panig naman, ito’y ipinapasa pa rin sa iba. Ang impormasyon ay pangkaraniwang hindi napatutunayan at maaaring hindi totoo. Ang mga komento ay maaaring maskara lamang para sa pagpapalaganap ng pangangatuwiran ng apostata.—2 Tes. 2:1-3.
9 Taglay sa isipan ang panganib na ito, kung ikaw ay gagamit ng Internet, tanungin ang iyong sarili: ‘Para sa ano ko ito gagamitin? May posibilidad ba na mapinsala ako sa espirituwal sa paraan ng paggamit ko nito? Ako ba’y umaabuloy sa ikapipinsala ng iba sa espirituwal?’
10 Mga Web Site ng “Jehovah’s Witnesses”: Bilang halimbawa, isaalang-alang ang ilang Internet site na inilagay ng mga indibiduwal na nag-aangking mga Saksi ni Jehova. Sila’y nag-aanyaya sa iyo na buksan ang kanilang mga site upang basahin ang mga karanasang inilagay ng iba na nag-aangking mga Saksi. Ikaw ay pinasisiglang ibahagi ang iyong mga kaisipan at mga pangmalas hinggil sa mga literatura ng Samahan. Ang ilan ay nagbibigay ng mga mungkahi hinggil sa mga presentasyon na maaaring gamitin sa ministeryo sa larangan. Ang mga site na ito ay nag-aalok ng mga chat room para kumawing dito ang mga indibiduwal, anupat nagiging posible ang tuwirang pakikipag-usap sa iba, katulad ng pakikipag-usap sa telepono. Karaniwan nang ituturo nila sa iyo ang iba pang mga site kung saan kayo magkakaroon ng on-line association sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Subalit matitiyak mo bang ang ilan sa mga kaugnayang ito ay hindi inilagay ng mga apostata?
11 Ang pagkakaroon ng asosasyon sa pamamagitan ng Internet ay maaaring hindi kasuwato ng mungkahing masusumpungan sa Efeso 5:15-17. Si apostol Pablo ay sumulat: “Kaya manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng mga taong marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong mga sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot. Dahil dito ay tumigil kayo sa pagiging di-makatuwiran, kundi patuloy ninyong unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.”
12 Ang Kristiyanong kongregasyon ang siyang teokratikong paraan upang mapakain tayo ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45-47) Sa loob ng organisasyon ng Diyos, ating nasusumpungan ang patnubay at proteksiyon upang maingatan tayong hiwalay sa sanlibutan at maudyukang manatiling abala sa gawain ng Panginoon. (1 Cor. 15:58) Ipinakita ng salmista na siya’y nakaranas ng kagalakan at nakadama ng katiwasayan sa gitna ng nagkakatipong bayan ng Diyos. (Awit 27:4, 5; 55:14; 122:1) Ang kongregasyon ay naglalaan din ng espirituwal na alalay at tulong sa mga kaugnay rito. Dito, masusumpungan mo ang isang grupo ng maibigin, nababahala, at nagmamalasakit na mga kaibigan—mga taong kilala mo nang personal na handa at nagnanais na tumulong at umaliw sa iba sa panahon ng kabagabagan. (2 Cor. 7:5-7) Ang mga miyembro ng kongregasyon ay ipinagsasanggalang sa pamamagitan ng maka-Kasulatang probisyon ng pagtitiwalag sa mga nagkasalang hindi nagsisisi o yaong nagtataguyod ng apostatang kaisipan. (1 Cor. 5:9-13; Tito 3:10, 11) Tayo ba ay makaaasang makasusumpong ng ganito ring maibiging mga kaayusan kapag nakikisama sa iba sa pamamagitan ng Internet?
13 Naging maliwanag na ang kabaligtaran ang totoo. Ang ilang Web site ay maliwanag na mga kasangkapan para sa apostatang propaganda. Maaaring hindi gayon ang ipahayag ng gayong mga Web site, at yaong mga nagtataguyod ng isang site ay maaaring magbigay ng detalyadong paliwanag upang tiyakin na sila’y talagang mga Saksi ni Jehova. Sila’y maaaring humingi pa nga sa iyo ng impormasyon upang tiyaking ikaw nga ay isa sa mga Saksi ni Jehova.
14 Nais ni Jehova na gumamit ka ng kaunawaan. Bakit? Sapagkat nalalaman niya na ito’y magsasanggalang sa iyo mula sa iba’t ibang panganib. Ang Kawikaan 2:10-19 ay nagsisimula sa pagsasabing: “Kapag ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman ay naging kaiga-igaya sa iyo mismong kaluluwa, ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo.” Mag-iingat sa iyo mula sa ano? Mula sa mga bagay gaya ng “masamang daan,” niyaong mga umaalis sa matuwid na landas, at mga taong imoral at mapandaya sa kanilang pangkalahatang landasin.
15 Kapag tayo’y nagtutungo sa Kingdom Hall, walang alinlangan na tayo’y kasama ng ating mga kapatid. Kilala natin sila. Walang sinuman ang nangangailangang patunayan ito sapagkat ang pag-ibig na pangkapatid ang nagpapakita nito. Hindi tayo personal na hinihilingan na maglaan ng pagkakakilanlan upang patunayan na talagang tayo’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Dito natin nasusumpungan ang tunay na pagpapalitan ng pampatibay-loob na sinabi ni Pablo sa Hebreo 10:24, 25. Ang mga Web site na nagpapasigla ng on-line association ay hindi maaasahang makapaglalaan nito. Ang pagtataglay sa isipan ng mga salita ng Awit 26:4, 5 ay gigising sa atin sa mga panganib na madaling mapaharap sa atin kapag gumagamit ng mga Web site sa Internet.
16 Walang hangganan o makapipigil sa uri ng impormasyon na inilalagay at madaling kunin ng mga gumagamit ng Internet. Kadalasan, ang mga bata at mga tin-edyer ang madaling puntirya ng krimen at pagsasamantala sa ganitong kalagayan. Ang mga bata ay madaling magtiwala, mausyoso, at nananabik na maggalugad sa bagong daigdig ng cyberspace. Kung gayo’y dapat subaybayan ng mga magulang ang kanilang mga anak at bigyan sila ng mabuting patnubay mula sa Kasulatan hinggil sa paggamit ng Internet, gaya ng kung paano nila pinapatnubayan sila sa kanilang pagpili ng musika o mga pelikula.—1 Cor. 15:33.
17 Nakalulungkot, ang ilan sa dating mga kapatid natin na mga lalaki at babae ay kailangang itiwalag dahilan sa asosasyon na nagpasimula sa pakikipagkilala sa mga indibiduwal sa mga chat room ng Internet at sa wakas ay umakay sa imoralidad. Gulat na gulat at hindi makapaniwala, ang matatanda ay sumulat na talagang iniwanan ng ilan ang kanilang mga asawang lalaki o asawang babae upang itaguyod ang isang relasyon na nagpasimula sa Internet. (2 Tim. 3:6) Itinakwil ng ibang mga indibiduwal ang katotohanan dahil sa paniniwala sa impormasyong inilaan ng mga apostata. (1 Tim. 4:1, 2) Sa pagsasaalang-alang sa napakaselan na mga panganib na ito, hindi ba’t makatuwiran na maging maingat hinggil sa pagkakasangkot sa mga chat session sa Internet? Tunay nga, ang paggamit ng karunungan, kaalaman, kakayahang mag-isip, at kaunawaan na binabanggit sa Kawikaan 2:10-19 ay dapat na magsanggalang sa atin sa bagay na ito.
18 Kapansin-pansin, may ilang mga indibiduwal na lumikha ng mga Web site na diumano’y upang maipangaral ang mabuting balita. Marami sa mga site na ito ang itinataguyod ng mga kapatid na walang ingat. Ang ibang mga site ay maaaring itinataguyod ng mga apostata na nagnanais dayain ang mga walang malay. (2 Juan 9-11) Sa pagkokomento kung may pangangailangan para sa ating mga kapatid na lumikha ng gayong mga Web site, ang Ating Ministeryo sa Kaharian, Nobyembre 1997, pahina 7 ay nagsasabi: “Hindi na kailangang maghanda pa ang sinumang indibiduwal ng mga impormasyon sa Internet hinggil sa mga Saksi ni Jehova, sa ating gawain, o sa ating paniniwala. Ang ating opisyal na site [www.watchtower.org] ay naghaharap ng tumpak na impormasyon para sa sinumang nagnanais nito.”
19 Mga Tulong sa Pag-aaral sa Pamamagitan ng Internet? Ang ilan ay nakadarama na sila’y nakapaglilingkod sa mga kapatid sa pamamagitan ng paglalagay ng sinaliksik na impormasyon may kaugnayan sa iba’t ibang gawaing teokratiko. Halimbawa, ang isang tao ay maaaring magsaliksik salig sa mga balangkas ng pahayag pangmadla at pagkatapos ay ilagay iyon, sa paniniwalang ang gayong impormasyon ay pakikinabangan ng mga nangangailangang maghanda ng gayon ding balangkas. Ang iba ay maglalagay ng lahat ng mga kasulatan para sa dumarating na Pag-aaral sa Bantayan o maglalaan ng pinagmulang materyal para sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro o sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Ang ilan ay maaaring mag-alok ng mga mungkahing presentasyon para sa ministeryo sa larangan. Talaga bang nakatutulong ang gayon?
20 Ang mga publikasyon ay inilaan ng organisasyon ni Jehova upang pasiglahin ang ating mga pag-iisip sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na kaisipan at sanayin tayo “na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Heb. 5:14) Masasabi ba natin na ito’y natatamo kung iba ang nagsasaliksik para sa atin?
21 Ang mga Kristiyano sa Berea ay sinasabing “higit na mararangal ang pag-iisip kaysa doon sa mga nasa Tesalonica.” Bakit? Sapagkat “tinanggap nila ang salita nang may buong pananabik ng isip, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung gayon nga ang mga bagay na ito.” (Gawa 17:11) Bagaman sina Pablo at Silas ay nangaral sa kanila, hindi nila magawang dibdibin ang katotohanan kung hindi sila mismo ang personal na masasangkot.
22 Ang paggamit sa sinaliksik ng iba para sa isang pahayag o para sa ibang paghahanda sa pulong ay nagpapawalang-bisa sa layunin ng personal na pag-aaral. Hindi ba’t nais mong patibayin ang iyo mismong pananampalataya sa Salita ng Diyos? Salig sa iyong personal na pananalig, maaari mong gawin ang pangmadlang pagpapahayag ng iyong pananampalataya—sa iyong mga pahayag, sa mga komento sa mga pulong, at sa ministeryo sa larangan. (Roma 10:10) Ang paggamit sa sinaliksik ng ibang tao ay hindi umaangkop sa paglalarawang ibinigay sa Kawikaan 2:4, 5 na personal na ‘hanapin at saliksikin ang mismong kaalaman ng Diyos gaya ng nakatagong kayamanan.’
23 Halimbawa, kapag naghahanap ng mga teksto sa iyong sariling kopya ng Bibliya, maaari mong repasuhin sa maikli ang konteksto ng bawat kasulatan. Maaari mong ‘taluntunin ang lahat ng bagay nang may katumpakan,’ gaya ng ginawa ni Lucas nang isulat niya ang kaniyang Ebanghelyo. (Luc. 1:3) Ang ekstrang pagsisikap ay makatutulong din sa iyo na maging bihasa sa paghahanap ng mga kasulatan sa ministeryo at kapag nagbibigay ng mga pahayag. Marami ang nagsabi na sila’y hanga sa mga Saksi ni Jehova sapagkat alam nilang gamitin ang kanilang Bibliya. Ang tanging paraan na ito’y kakapit sa atin ay kung ating ginagawang personal na kaugalian na tingnan ang mga kasulatan sa ating sariling Bibliya.
24 Gamitin ang Ating Panahon Nang may Katalinuhan: Ang isa pa na dapat isaalang-alang sa bagay na ito ay hinggil sa dami ng panahong ginugugol sa paglikha, pagbasa, at pagtugon sa impormasyong nakalagay sa Internet. Ang Awit 90:12 ay nagpapasigla sa atin na manalangin: “Ipakita mo sa amin kung paano bibilangin ang aming mga araw upang makapagtamo kami ng pusong may karunungan.” Sinabi ni Pablo: “Ang panahong natitira ay pinaikli.” (1 Cor. 7:29) At karagdagan pa: “Tunay nga, kung gayon, habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.”—Gal. 6:10.
25 Ang gayong payo ay nagtatampok sa pangangailangang tayo’y maging matalino sa paggamit ng ating panahon. Anong laki ngang kapakinabangan na gamitin ang panahon sa pagbabasa ng Salita ng Diyos! (Awit 1:1, 2) Ito ang pinakamabuting pakikipagsamahan na ating matatamo. (2 Tim. 3:16, 17) Mga magulang, itinuturo ba ninyo sa inyong mga anak ang kahalagahan ng paggamit ng kanilang panahon sa gawaing pang-Kaharian? (Ecles. 12:1) Malaki ang kahigitan ng panahong ginugugol sa personal at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa pulong, at ministeryo sa larangan kaysa sa panahong ginugugol sa pagbabasá-basá sa Internet, na umaasang magtatamo ng mga kapakinabangan.
26 Hinggil sa bagay na ito, landas ng katalinuhan na ituon ang ating pansin sa espirituwal na mga bagay at sa mga bagay na may kaugnayan at mahalaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano. Ito’y humihiling ng mabubuting pagpili sa impormasyon na karapat-dapat sa ating panahon at pag-iisip. Bilang mga Kristiyano, binuod ni Kristo kung ano ang mahalaga sa ating buhay, na nagsabi: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:33) Hindi ba’t napakaligaya mo kapag ang iyong buhay ay puno ng mga gawaing pang-Kaharian sa halip ng iba pang mga aktibidad?
27 Internet E-Mail: Bagaman angkop na ibahagi ang personal na mga karanasan o kaisipan sa mga kapamilya o mga kaibigan na nakatira sa malayo, talaga bang maibiging bagay na ipasa ang mga ito sa iba na maaaring hindi naman nakakakilala sa iyong pamilya o mga kaibigan? O dapat ba itong ilagay sa isang Web page para mabasa ng kahit sinuman? Ang personal bang mga mensaheng ito ay dapat kopyahin at walang patumanggang ipadala sa mga taong iyong kakilala o hindi kakilala? Gayundin, kung may natanggap kang mga mensahe mula sa iba na maliwanag na hindi para sa iyo, maibiging bagay ba na ipasa ang mga ito sa iba pa?
28 Paano kung ang karanasang ipinasa mo ay hindi tumpak? Hindi ba ito pakikibahagi upang mapanatili ang kasinungalingan? (Kaw. 12:19; 21:28; 30:8; Col. 3:9) Tunay nga, ang pananatiling “mahigpit na nagbabantay na ang [ating] paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng mga taong marurunong” ay magpapangyaring isaalang-alang natin ito. (Efe. 5:15) Ano ngang ligaya natin na ang Yearbook, Ang Bantayan, at ang Gumising! ay puno ng totoong mga karanasan na nagpapatibay at nagpapasigla sa atin na manatiling lumalakad sa “daan”!—Isa 30:20, 21.
29 May isa pang panganib. Si apostol Pablo ay bumanggit hinggil sa ilan: “Natututo rin sila na walang pinagkakaabalahan, nagpapalipat-lipat sa mga bahay; oo, hindi lamang walang pinagkakaabalahan, kundi mga tsismosa rin at mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao, nagsasalita ng mga bagay na hindi dapat.” (1 Tim. 5:13) Ito’y pangangatuwiran laban sa paggamit ng panahon at pagsisikap na magpasa ng walang kapararakang impormasyon sa ating mga kapatid.
30 Isipin din ang dami ng panahong kinakailangan upang maasikaso ang napakaraming E-mail. Kapansin-pansin, ang aklat na Data Smog ay nagsasabi: “Habang ang isa ay gumugugol ng higit at higit na panahon na naka-online, ang e-mail ay mabilis na nagbabago mula sa nakapagpapasiglang bagong karanasan tungo sa pasaning umuubos ng panahon, na dose-dosenang mensahe ang babasahin at sasagutin araw-araw mula sa mga kasamahan, mga kaibigan, kapamilya, . . . at di-hinihiling na mga anunsiyo sa produkto.” Karagdagan pa, ito’y nagsasabi: “Maraming tinatawag na electronic glutizens ang nagkaroon ng masamang ugali ng pagpapasa ng bawat impormasyong kanilang natatanggap—mga biro, urban myths, mga electronic chain letter, at iba pa—sa bawat isa na nasa kanilang electronic address book.”
31 Kitang-kita ito sa mga E-mail na ipinadadala sa maraming kapatid—mga bagay na gaya ng mga biro o nakatutuwang istorya hinggil sa ministeryo; mga tula na diumano’y salig sa ating mga paniniwala; mga ilustrasyon mula sa iba’t ibang pahayag na narinig sa mga asamblea, mga kombensiyon, o sa Kingdom Hall; mga karanasan mula sa ministeryo sa larangan; at iba pa—mga bagay na parang walang anuman. Ang karamihan ay nagpapasa ng gayong E-mail nang hindi inaalam ang pinagmulan nito, anupat nagiging mahirap malaman kung sino talaga ang pinanggalingan nito, na dapat mag-udyok sa isa na mag-isip kung ang impormasyon ay talagang totoo.—Kaw. 22:20, 21.
32 Ang gayong mga mensahe na kadalasa’y walang kapararakan ay hindi ang uri ng nakapagpapalusog na mga salitang nasa isip ni Pablo nang siya’y sumulat kay Timoteo, na nagsasabing: “Patuloy kang manghawakan sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita na narinig mo mula sa akin kasama ng pananampalataya at pag-ibig na may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (2 Tim. 1:13) Ang “dalisay na wika” ng mga katotohanan sa Kasulatan ay may “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita” na pangunahing salig sa tema ng Bibliya na pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian. (Zef. 3:9) Dapat tayong magsikap nang lubusan upang ilaan ang lahat ng ating magagamit na panahon at lakas upang suportahan ang pagbabangong-puring ito ng soberanya ni Jehova.
33 Yamang tayo ay napakalapit na sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, hindi ito panahon upang pabayaan ang ating pagbabantay. Ang Bibliya ay nagbababala sa atin: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.” (1 Ped. 5:8) Ito’y nagsasabi pa: “Isuot ninyo ang kompletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.”—Efe. 6:11.
34 Kapag ginamit sa maling paraan, ang Internet ay nagsisilbing isang paraan upang madaig ni Satanas yaong mga naaakit ng kapangyarihan nito. Bagaman ito’y may naidudulot na limitadong kapakinabangan, may panganib kung hindi ito mamalasin taglay ang pag-iingat. Ang mga magulang lalo na ay dapat na mabahala hinggil sa paggamit ng kanilang mga anak ng Internet.
35 Ang pagkakaroon ng timbang na pangmalas sa Internet ay isang proteksiyon. Pinahahalagahan natin ang napapanahong paalaala ni Pablo: “Mula ngayon . . . yaong mga gumagamit sa sanlibutan ay [maging] gaya niyaong mga hindi gumagamit nito nang lubusan; sapagkat ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Cor. 7:29-31) Ang pagsasaisip ng mga bagay na ito ay makatutulong sa atin at sa ating mga pamilya na hindi magambala ng lahat ng maaaring ialok ng sanlibutan, lakip na kung ano ang makukuha sa Internet.
36 Mahalaga na tayo’y manatiling malapit sa ating mga kapatid sa kongregasyon at gamitin ang nalalabing panahon nang may katalinuhan, anupat handang gamitin ang sarili para sa pagsulong ng mga kapakanan ng Kaharian. Habang ang sistemang ito ng mga bagay ay nalalapit na sa pagtatapos, ‘huwag na tayong patuloy na lumakad kung paanong ang mga bansa ay lumalakad din sa kawalang-kapakinabangan ng kanilang mga pag-iisip,’ kundi ating ‘patuloy na unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.’—Efe. 4:17; 5:17.