Balik Na Naman sa Dating Paraan ng Paglaban sa Malarya
Palibhasa’y nakatuon ang pansin ng daigdig sa mga gera sibil, krimen, kawalan ng trabaho, at iba pang mga krisis, ang mga namamatay sa malarya ay hindi man lamang naging laman ng mga balita sa oras na maraming nanonood. Gayunman, halos kalahati ng populasyon sa daigdig, ang sabi ng World Health Organization (WHO), ay nanganganib sa ngayon na magkaroon ng malarya, at halos 300 milyon hanggang 500 milyon katao ang nagkakasakit nito bawat taon, anupat ang malarya ay nagiging “ang pinakamalaganap sa lahat ng tropikal na mga sakit at isa sa pinakanakamamatay.” Gaano ba ito kapanganib?
Bawat 20 segundo ay may isang namamatay sa malarya. Ang bilang na iyan ay nadaragdagan pa sa kabuuang bilang ng namamatay na mahigit na 1.5 milyong biktima bawat taon—ang bilang na katumbas ng buong populasyon ng bansang Botswana sa Aprika. Ang pagkamatay ng siyam mula sa sampung tao dahil sa malarya ay nangyayari sa tropikal na lugar sa Aprika, kung saan ang karamihan ng mga biktima ay mga bata. Sa mga bansa sa Amerika, itinala ng WHO ang pinakamataas na kaganapan ng malarya sa lugar ng Amazon. Ang pagkalbo sa kagubatan at iba pang pagbabago sa ekolohiya ay nagpangyari na magkaroon ng mga biktima ng malarya sa bahaging iyan ng daigdig. Sa ilang komunidad ng Amazon sa Brazil, ang problema ay naging malala sa ngayon anupat mahigit na 500 mula sa bawat 1,000 mamamayan ang nahahawahan.
Sa Aprika, sa mga bansa sa Amerika, Asia, o saanman, ang malarya ay pangunahing sumasalot sa pinakamahihirap na mga tao. Ang mga taong ito, ang sabi ng WHO, ang “pinakahuling naaabot ng mga paglilingkuran sa kalusugan, pinakahuling nabibigyan ng personal na proteksiyon at ang pinakamalayo mula sa organisadong mga gawain sa pagsupil ng malarya.” Magkagayon man, ang masamang kalagayan ng mahihirap na ito ay may pag-asa pa. Sa nakalipas na mga taon, ang sabi ng TDR News, isang newsletter sa pananaliksik tungkol sa sakit sa tropiko, isa sa pinakamabuting paraan upang maiwasang mamatay dahil sa malarya ay mas madali nang makuha sa ngayon. Ang pangalan ng nagliligtas ng buhay na iyon? Ang mga kulambo na nilagyan ng pamatay ng insekto.
Mga Pakinabang sa Kulambo
Bagaman ang paggamit ng kulambo ay dati nang solusyon, sinabi ni Dr. Ebrahim Samba, direktor sa opisina ng WHO sa Aprika, sa Panos Features, ang newsletter ng Panos Institute, na ang mga pagsubok sa pagiging mabisa ng mga kulambo sa paglaban sa malarya ay nakitaan ng “napakahusay na mga resulta.” Halimbawa, sa Kenya, ang paggamit ng mga kulambo na nilagyan ng natutunaw na mga pamatay ng insekto ang nagpababa ng sangkatlo sa kabuuang bilang ng mga namamatay, hindi lamang ng mga namamatay sa malarya, sa gitna ng mga batang wala pang limang taong gulang. Maliban pa sa pagsagip ng mga buhay, “ang mga kulambo ay talagang nakababawas sa pasanin ng mga paglilingkod sa kalusugan” sapagkat mas kakaunting mga pasyente ang kakailanganing maospital upang gamutin dahil sa malarya.
Gayunman, may isang problema na hindi pa nalulutas: Sino ang magbabayad ng mga kulambo? Nang hilingan ang mga tao sa isang bansa sa Aprika na mag-abuloy, marami ang tumanggi. At hindi nga kataka-taka, sapagkat para sa mga taong nakatira sa mga bansa na gumugugol ng wala pang $5 (U.S.) bawat tao sa pangangalaga sa kalusugan, kahit na ang isang kulambo—mayroon man o walang pamatay ng insekto—ay isang luho na. Gayunman, yamang ang paraan ng pag-iingat na ito ay hindi gaanong magdudulot ng malaking gastusin sa pamahalaan para sa paggamot sa mga maysakit ng malarya, sinabi ng mga dalubhasa sa UN na “ito’y magiging totoong kapaki-pakinabang para sa kakaunting pondo ng gobyerno sa pamamahagi at paggugol sa mga kulambo na may pamatay ng insekto.” Ang totoo, ang pagbibigay ng kulambo ay maaaring isang paraan upang makatipid ang gobyerno sa mga pondo nito. Subalit, para sa milyun-milyong mahihirap na mamamayan nila, higit pa rito ang kapakinabangan nito—ito’y nangangahulugan ng pagsagip sa kanilang mga buhay.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
CDC, Atlanta, Ga.