Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 7/15 p. 14-15
  • Ang mga Dapat Mong Malaman Tungkol sa Malarya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Dapat Mong Malaman Tungkol sa Malarya
  • Gumising!—2015
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • 1 ANO ANG MALARYA?
  • 2 PAANO KUMAKALAT ANG MALARYA?
  • 3 PAANO MO MAPOPROTEKTAHAN ANG IYONG SARILI?
  • Kamatayan na Dala ng Maliliit na Pakpak
    Gumising!—1993
  • Balik Na Naman sa Dating Paraan ng Paglaban sa Malarya
    Gumising!—1997
  • Bagong Panlaban sa Malaria
    Gumising!—1993
  • Bakit Nagbabalik ang “May Lunas” na mga Sakit?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—2015
g 7/15 p. 14-15

Ang mga Dapat Mong Malaman Tungkol sa Malarya

Tinataya ng World Health Organization na noong 2013, mahigit 198 milyon katao ang nagkasakit ng malarya at mga 584,000 ang namatay dahil dito. Halos 4 sa bawat 5 namatay ay mga batang wala pang limang taóng gulang. Ang sakit na ito ay isang banta sa mga sandaang bansa at teritoryo sa buong daigdig, at mga 3.2 bilyon katao ang nanganganib magkasakit nito.

1 ANO ANG MALARYA?

Ang malarya ay sakit na nakukuha sa mga parasito. Ang ilang sintomas nito ay lagnat, pangangatog, pagpapawis, sakit ng ulo at katawan, pagduduwal, at pagsusuka. Ang mga sintomas ay maaaring umulit tuwing 48 hanggang 72 oras, depende sa uri ng parasito at kung gaano katagal nang may sakit ang pasyente.

2 PAANO KUMAKALAT ANG MALARYA?

  1. Diagram na nagpapakita kung paano kumakalat sa katawan ng tao ang mga parasito ng malarya

    Ang parasito ng malarya—mga protozoan na tinatawag na Plasmodia—ay nakakapasok sa dugo ng tao sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na Anopheles.

  2. Pinapasok ng mga parasito ang mga selula ng atay ng maysakit, kung saan nagpaparami ang mga ito.

  3. Kapag pumutok ang isang selula ng atay, maglalabasan ang mga parasito, na sasalakay naman sa pulang selula ng dugo ng maysakit. Doon, patuloy ang pagdami ng mga parasito.

  4. Sinasalakay ng mga parasito ng malarya ang mga pulang selula ng dugo at pinapuputok ang mga ito

    Kapag pumutok ang isang pulang selula ng dugo, maglalabasan ang mga parasito, na sasalakay naman sa mas marami pang pulang selula ng dugo.

  5. Tuloy-tuloy ang pagsalakay sa mga pulang selula ng dugo at pagputok ng mga ito. Karaniwan na, ang maysakit ay kakikitaan ng mga sintomas ng malarya sa tuwing pumuputok ang mga pulang selula ng dugo.

3 PAANO MO MAPOPROTEKTAHAN ANG IYONG SARILI?

Kung nakatira ka sa lugar na laganap ang malarya . . .

  • Gumamit ng kulambo. Dapat na ito ay

    • ginamitan ng insecticide.

    • walang butas o punit.

    • nakasuksok nang mabuti sa ilalim ng kutson.

  • Gamitan ng indoor residual spraying ang inyong bahay.

  • Kung posible, maglagay ng mga screen sa mga pinto at bintana, at gumamit ng air-conditioner at electric fan, para maitaboy ang mga lamok at huwag silang mamugad.

  • Magsuot ng mga damit na mapusyaw ang kulay at tiyaking natatakpan nang husto ang iyong balat.

  • Hangga’t maaari, iwasan ang mga lugar na may maraming halaman kung saan naglalagi ang mga lamok, at may nakaimbak na tubig kung saan sila nangingitlog.

  • Kung magkasakit ka, magpagamot agad.

Siklo ng malarya sa pagitan ng lamok at tao

Maaaring makuha ng tao ang parasito ng malarya mula sa kagat ng lamok na mayroon nito. Samantala, ang lamok na walang malarya ay maaaring magkaroon ng parasito ng malarya kung nakagat nito ang taong may malarya. Pagkatapos, maipapasa ng lamok na ito ang parasito sa ibang tao

Kung plano mong pumunta sa lugar na laganap ang malarya . . .

  • Alamin ang pinakabagong impormasyon bago ka maglakbay. Maaaring iba-iba ang uri ng parasito ng malarya sa bawat lugar, at depende rito kung aling uri ng gamot ang pinakaepektibo. Makabubuti ring kausapin ang iyong doktor tungkol sa mga bagay na dapat mong malaman hinggil sa rekord ng kalusugan mo.

  • Habang naroroon ka, sundin ang mga tagubilin sa artikulong ito para sa mga nakatira sa lugar na laganap ang malarya.

  • Kung magkasakit ka, magpagamot agad. Tandaan na ang mga sintomas ay maaaring lumitaw isa hanggang apat na linggo pagkatapos makagat ng lamok.

IBA PANG PUWEDENG GAWIN

  1. Samantalahin ang mga programang pangkalusugan ng gobyerno o ng komunidad.

  2. Kumuha ng gamot mula lang sa awtorisadong mapagkukunan. (Ang mababang uri o pekeng gamot ay maaaring magpatagal ng sakit o makamatay.)

  3. Alisin ang mga puwedeng pamugaran ng lamok sa inyong bahay.

Kung nakatira ka sa lugar na may malarya o kararating mula roon, huwag ipagwalang-bahala ang mga sintomas ng malarya . . .

  • Mataas na temperatura (lagnat)

  • Pagpapawis

  • Pangangatog at ginaw

  • Sakit ng ulo

  • Sakit ng kalamnan

  • Pagkahapo

  • Pagduduwal

  • Pagsusuka

  • Diarrhea

Kapag napabayaan, ang malarya ay maaaring mauwi sa malubhang anemya at mabilis din itong makamatay. Magpagamot agad bago lumala ang mga sintomas, lalo na sa mga bata at mga buntis.a

a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Gumising!, Nobyembre 2011, pahina 24-25, at Nobyembre 2009, pahina 26-29.

ALAM MO BA?

Stopwatch sa ibabaw ng mapa ng Aprika

Sa Aprika pa lang, isang bata ang namamatay bawat minuto dahil sa malarya

  • Pinakadelikado ang mga bata at mga buntis kapag nagkasakit sila ng malarya.

  • Sa Aprika pa lang, isang bata ang namamatay bawat minuto dahil sa malarya.

  • Sa ilang pambihirang kaso, may mga taong nahawa ng malarya dahil sa pagsasalin ng dugo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share