Kaba—Eleganteng Istilo ng Damit sa Aprika
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GHANA
KABA—talagang makikita mo ito saanman sa Ghana at sa kalapit na mga bansa sa Kanlurang Aprika. Isinusuot ito sa iba’t ibang okasyon—mula sa mga libing hanggang sa masasayang pagtitipong Kristiyano. At ang kaba ay may iba’t ibang istilo at kulay.
Ano nga ba ang kaba? Isa itong popular na istilo ng kasuutang pambabae. Ang pangalan ay tumutukoy sa isang panlabas na kasuutan na mula sa pinakapuno ng leeg pababa sa baywang. Subalit, hindi lamang ito ang isinusuot. Isang telang dalawang-metro ang haba na kilala rito bilang wax print, o java print, depende sa kalidad, ang kasama nito. Ipinupulupot sa baywang at ang haba ay hanggang bukung-bukong, ang kasuutang ito ay tinatawag na asetam. Ang kasuutan ay nakukumpleto lamang kung ito ay binabalot ng isa pang dalawang-metrong tela na tinatawag na nguso. Maraming gamit ang nguso at maaari ring gamitin bilang katernong saklob sa ulo o panali kapag kinakarga mo sa likod ang sanggol.
Ang kaba ay natatangi sa Aprika, subalit kilala ito sa iba’t ibang pangalan sa buong kontinente. Tinatawag ito ng mga taga-Liberia na kasuutang lappa. Sa Benin ito ay genwu. Tinatawag itong docket at lappa ng mga taga-Sierra Leone. Subalit, hindi pa natatagalan, ang kaba ay di-kilala sa mga bansa sa Aprika. Halimbawa, dito sa Ghana, ang istilong dansenkran ay popular sa mga babaing nagsasalita ng Akan. Binubuo ito ng dalawang magkahiwalay na piraso ng tela, kung minsan ay magkapareho ang disenyo. Ang isang piraso ay ipinupulupot sa baywang at isinusuksok sa isang paha. Ang ikalawang piraso, karaniwang mas malaki, ay ipinapatong sa kaliwang balikat, na tumatakip sa dibdib at likod. Isang pambihirang istilo ng buhok, na tinatawag ding dansenkran, ang karaniwang ayos para sa kasuutang ito.
Subalit, nang dumating ang makinang pantahi, sinimulang tahiin ng ilang Aprikana ang mga kasuutan na kahawig ng blusa sa Kanluraning mga bansa. Ang ideya ay upang takpan ang mga balikat na gaya ng ginagawa ng mga babae sa Kanluran. Ayon sa isang kuwento ang iba ay nahirapan sa pagbigkas ng katagang “cover the shoulders.” Sa gayon ang salitang “cover” ay naging kaba.
Nauso ang Kaba
Mula sa mga nagtatrabaho sa opisina hanggang sa mga magsasaka, ang mga babae ay patuloy na nagsusuot ng kaba. Oo, isang kalakal pa nga itong iniluluwas! Subalit, ang popularidad nito ay kamakailan lamang.
Una sa lahat, hindi nagustuhan ng lahat ng babae ang mga istilo ng kaba na popular mga 40 taon na ang nakalipas. Isang retiradong social worker na nagngangalang Agnes, 62 anyos, ang nagsabi sa Gumising! na ang ilang istilo noon ay “katawa-tawa.” Para naman sa ibang babae, ang tamang pagsusuot ng kaba, pati ang asetam at nguso nito, ay nangangailangan ng malaking pagtitiyaga at pagkamasining. Ganito ang gunita ni Elizabeth, na namamahala ng isang patahian ng damit: “Napakahirap para sa aming mga dalaga na maging bihasa sa mga kasanayan ng pagsusuot ng asetam at nguso. Kailanma’y hindi ko natutuhan nang lubos ang sining ng pagsusuot nito,” sabi niya.
Ang pagkakaiba ng katayuan sa lipunan ay gumanap din ng bahagi upang mabawasan ang popularidad ng istilong ito ng damit. Si Serwah, 65 anyos, ay nagsabi sa Gumising! na noon, inakala ng marami na ang damit na istilong-Kanluran ay para sa mga may pinag-aralan, samantalang ang kaba ay para sa mga walang pinag-aralan.
Gayunman, isang bagong kabatirang pangkultura ang nagpangyari sa maraming kababaihan sa Aprika na muling isaalang-alang ang kaba. Pinasulong din ng mga fashion designer ang kasuutan. Una sa lahat, gumawa sila ng isang bagong kasuutang tinatawag na slit. Palibhasa’y dinisenyo na parang palda subalit hanggang bukung-bukong, nalutas nito ang problema ng ilang kababaihan sa pagpulupot ng asetam at nguso nang wasto. Ang mga eksibisyon at mga palabas ay gumanap din ng malaking bahagi sa pagtataguyod sa kaba bilang uso.
Mangyari pa, katulad ng uso sa maraming bansa, idiniriin ng ilang bagong istilo ang pagbibigay hilig sa laman. Iginigiit ni Clara, 69 anyos, na ang gayong pananamit na naglalantad ng katawan ay wari bang nagpapasamâ sa “orihinal na layunin ng kaba,” na “takpan maging ang mga balikat.” Kaya nga, dapat isaisip ng mga babaing Kristiyano ang payo ni apostol Pablo: “Gayundin naman nais kong gayakan ng mga babae ang kanilang mga sarili ng damit na mabuti ang pagkakaayos, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.”—1 Timoteo 2:9; 1 Corinto 10:29.
Para sa mga pihikang babae, ang kaba ay maaaring maging isang elegante at praktikal na istilo ng damit. At bagaman maraming tradisyonal na istilo ng damit sa Aprika ang lipas na sa uso, ang kaba ay nananatiling isang istilo na nagpapabanaag ng kultura at kapaligirang Aprikano sa kaakit-akit at eleganteng paraan.
[Larawan sa pahina 24]
Ang nguso, na ginagamit dito bilang saklob sa ulo
[Larawan sa pahina 25]
Ang nguso, na ginagamit sa pagkarga ng bata