Mag-ingat! Manggagantsong Nambibiktima
ILARAWAN sa isipan ang tanawin. Dumaan na ang bagyo. Huminto na ang kakila-kilabot na pagsalakay ng mapangwasak na hangin, at hindi na banta ang rumaragasang tubig. Ang takot na takot na mga nakaligtas ay naglabasan mula sa kanilang mga kanlungan, samantalang sa kalayuan, ang tensiyonado at takot na mga nagsilikas ay nagbalik upang tingnan ang kasunod na resulta ng bagyo. Nawala ang mga bubong ng bahay; nabunot ang mga punungkahoy at napadagan sa ibabaw ng nakalantad na bahay na basang-basa ng ulan. Nasira ang mga linya ng kuryente, anupat naging imposible ang mga tawag at mensaheng pangkagipitan. Ang ilang tahanan, na dating kanlungan ng maliligayang pamilya, ay sira na—hindi na maaayos pa. Ang dating tahimik at payapang komunidad ay isang tanawin ngayon ng pagkasira at kawalan ng pag-asa.
Ang komunidad ay nagsisikap na harapin ang hamon—puno ng kapasiyahang muling magtayo. Nagtutulungan ang magkakapitbahay; ang ilan ay hindi magkakakilala noon sa pangalan. Ang mga lalaki’y naghihiraman ng mga kasangkapan at nagbabahaginan ng kanilang kasanayan. Ang kababaihan naman ang nagluluto para sa mga nagtatrabaho samantalang ang nakatatandang mga bata ang nag-aalaga sa mga nakababata. Mula sa labas ng komunidad, ang mga pangkat ng mga manggagawa na handang tumulong ay dumating—mga gumagawa ng bubong, tagatanggal ng mga natumbang punungkahoy, karpintero, pintor. Subalit, dumating ding kasama nito ang mga manggagantso, na handang magsamantala sa mga nakaligtas.
Pagkalalaking paunang-bayad ang hinihingi para sa gawaing pagkukumpuni. Ang desperadong mga may-ari ng bahay ay nagbigay ng kanilang salapi, upang matuklasan lamang na tinangay na ito ng mga manggagawa, at hindi na kailanman nakita pang muli. Ang mga gumagawa ng bubong na “gumagarantiya” sa kanilang trabaho ay hindi naging maingat sa pagkumpuni ng mga pinagdugtungan, at malakas ang tulo nito sa unang pag-ulan pa lamang. Sa pagkukunwaring aarkila ng malalaking kagamitan para sa trabaho sa kinabukasan, ang mga tagapag-alis ng punungkahoy ay humihingi sa mga biktima ng libu-libong dolyar na paunang bayad. Kailanma’y hindi na sila nagbalik upang gawin ang trabaho kinabukasan.
Idagdag mo pa sa pagkasira at pagkalugi ang sama ng loob ng mga may-ari ng bahay na naghuhulog nang malaki sa mga bangkarote o huwad na mga kompanya ng seguro na ngayo’y ayaw magbayad sa nangyaring mga pinsala o na ang mga opisina ay abandonado na, yamang tumakas na ang mga may-ari. Nasusumpungan niyaong mga pinalad na makatanggap ng tseke mula sa kompanya ng seguro upang bayaran ang mga pinsala na kadalasan nama’y naroroon ang walang-konsiyensiya’t hindi bihasang mga kontratista upang gawin ang trabaho kapag hindi kayang pangasiwaan ng ilang may-kasanayang kontratista ang lahat ng trabaho. Bunga nito, hindi maayos ang trabaho, anupat laking dalamhati sa dati nang naliligalig na mga may-ari ng bahay.
Ang mga biktima ng kasakunaan ay paulit-ulit na pinagsasamantalahan. Ang sa simula’y isang wasak na komunidad na nagkakaisa para sa kabutihan ng lahat, para sa ilan ay nauuwi sa nakasisirang-loob na ilusyon.
Kasunod ng bagyo, ang presyo ng kendi bar sa isang komunidad ay tumaas sa hindi kapani-paniwalang $4, at sa mga ina ang gatas ng bata ay nagkahalaga ng $6 isang lata. Sa isang tindahan ay hindi ka makakukuha ng batirya kung hindi ka bibili ng isang TV o radyo. Ang mga nagsusuplay ng mga gamit sa pagtatayo ay kumikita nang malaki sa labis na pagtataas ng halaga ng mga paninda. Sa isa pang kalagayan ang mga may-ari ng mobile home na nagpahila ng kanilang mga bahay sa mas mataas na lugar sa panahon ng baha ay nakaranas ng 600-porsiyentong pagtaas sa halaga. Pagkatapos ng isang lindol, isang 84-anyos na babae na nasiraan ng bahay ang tumanggap ng isang tawag mula sa isa na nagkukunwang isang manggagawa sa gobyerno. Inakala ng babae na ang mga dokumentong pinirmahan niya ay mga aplikasyon para sa tulong ng pamahalaan at mga kupon para sa pagkain. Iyon pala, ang mga ito ay para sa $18,000 na sangla ng kaniyang bahay upang gugulin sa halos $5,000 lamang na halaga ng gawaing pagkumpuni.
Pandaraya sa Telemarketing
‘Binabati namin kayo, Mrs. S——! Masuwerte kayo sa araw na ito.’ Maaaring ganito ang panimulang mga salita sa isang sorpresang tawag sa telepono. ‘Kayo ang nanalo ng aming . . .’ Marami nang tao ang tumanggap ng gayong mga tawag na nagsasabing sila’y “nanalo,” na “tiyak na” ang kanilang mga premyo. Ang napanalunang “premyo” ay maaaring isang bagong kotse, isang kabinet na mayroon nang radyo, compact disc player, telebisyon, o VCR, o marahil isang singsing na brilyante.
Nakatanggap ka na ba ng gayong tawag na nagsasabing ikaw ay tatanggap ng isang libreng regalo? Bumilis ba ang tibok ng iyong puso? Halos hindi ka ba makapaniwala sa iyong narinig? Kung ikaw ay tumugon sa gayong tawag, tinanggap mo ba naman ang iyong gantimpala? O ikaw ba’y biktima ng pandaraya sa telemarketing (pagtitinda sa telepono)? Kung nangyari iyan sa iyo, hindi ka nag-iisa. Ayon sa magasing Consumers’ Research, sa Estados Unidos lamang, dinadaya ng mga huwad na telemarketer ang halos sampung tao sa bawat minuto. Taun-taon ang walang-konsiyensiyang mga manggagantso ay nanlilinlang ng $10 bilyon hanggang $40 bilyon mula sa mga mamimili, halos $7,500 bawat minuto.
“Taun-taon sa buong Canada,” ulat ng Reader’s Digest, “mahigit na 150,000 katao ang sumasagot ng mga tawag mula sa huwad na mga telemarketer na nagsasabi sa kanilang sila’y ‘nanalo’ o ‘napili’ para sa malaking gantimpala. At sa bawat taon libu-libong taga-Canada ang nalilinlang ng mga tawag na ito, anupat ang bawat isa’y gumugugol ng katamtamang $2,000 upang makuha ang kanilang gantimpala.” Isang opisyal sa Ontario Provincial Police ang nagsabi: “Ang mga pandaraya sa telepono ay isa sa pinakamalaking pandaraya sa kasaysayan ng Canada.” Sabi pa niya: “Alam namin na ito’y ginugugulan ng mga taga-Canada ng milyun-milyong dolyar sa isang taon.” Ang mga numero ay kumakatawan lamang sa kung ano ang naiulat sa pulisya. Gayunman, yamang tinatayang 10 porsiyento lamang ng mga biktima ang nag-uulat ng kanilang pagkalugi, imposibleng matiyak nang wasto ang buong lawak ng problema.
“Sinasabi namin sa mga tao na sila’y nanalo upang sila’y mataranta,” inamin ng isang manggagantso. Susog pa niya: “Pagkatapos ay ginigipit namin sila na magpadala ng pera, at hindi kami tumatanggap ng sagot na hindi.” Minsang malinlang ng manggagantso ang biktima, ang kaniyang pangalan ay maaaring ibenta sa iba pang kompanya ng telemarketing at ilalagay ito sa listahan ng “madaling dayain.” Ang kanilang pangalan ay maaaring ipagbili sa iba pa, na paulit-ulit namang tatawag sa kanila. “Kapag kami’y nambibiktima mula sa listahan ng mga madaling dayain,” ang sabi ng isang dating nagpapatakbo ng telemarketing sa Toronto, “napabibili namin ang halos 75 porsiyento ng mga tao sa unang tawag. Bumababa iyan ng halos 50 porsiyento sa ikatlong pagkakataon na tawagan namin ang mga tao sa talaan. Subalit minsang sila’y masangkot, ang ilan ay basta bigay na lamang nang bigay; hinahabol nila ang kanilang salapi.”
Gaano karaming salapi ang gugugulin niyaong nadaya ng mga telemarketer sa paghahabol sa kanilang pangarap na manalo ng hindi kapani-paniwalang gantimpala? “Kinailangan naming makipag-ayos sa mga bangko na huwag magpalabas ng pera ng ilang may edad na upang hindi maubos ang kanilang pera,” ang sabi ng isang detektib na pulis. Isang babaing nabiyuda kamakailan lamang ang natuklasang nagpadala ng 36 na kabayaran sa 16 na iba’t ibang telemarketer, na may kabuuang halaga na mahigit na $85,000. Kapalit nito, siya’y tumanggap ng “santambak na mga abubot na walang halaga.”
Pinagbuting Pandaraya Para sa Marurunong
Subalit, hindi namimili ang mga gumagawa ng mga panlilinlang na ito. Ang kanilang mga biktima ay mula sa lahat ng antas ng buhay sa lipunan. Kahit na ang mga marurunong na propesyonal ay nadadaya. Ang isinaayos na panlilinlang ay gayon na lamang katuso anupat kahit na ang pinakaalistong mamimili ay maaaring mabiktima. Ang mas malakihang-halagang pandaraya na ang puntirya ay ang marurunong na mamimili ay maaaring ianunsiyo sa telebisyon o sa may kulay na mga brosyur na ipinadadala sa koreo. Maaaring kabilang dito ang mga pamumuhunan na nangangako ng malaking tubo—pamumuhunan sa mga istudyo ng pelikula, ginto at mga minahan ng ginto, mga bukal ng langis. Ang listahan ay para bang walang katapusan. Gayunman, ang mga resulta ay iisa—lubusang pagkalugi.
“Ang lawak ng kanilang panlilinlang ay hindi kapani-paniwala,” sabi ng isang may pinag-aralang babae na nabiktima. “Bilang isang guro sa paaralan, akala ko’y isang matalinong tao ako. . . . Ang mga pangako ay walang katapusan.” Nalugi siya ng $20,000 sa isang pandaraya sa isang kompanya ng pelikula.
Ang pandaraya sa telemarketing ay isang internasyonal na problema. Hinuhulaan ng mga imbestigador na ito’y “magiging grabe pa sa dekadang ito.” Subalit, mag-ingat! May iba pang uri ng panggagantso, at may paboritong puntirya ang ilang mandaraya—ang mga may edad na.
[Larawan sa pahina 4]
Mag-ingat sa mga manggagantso na dumarating pagkatapos ng bagyo!
[Larawan sa pahina 5]
“Nanalo ka ng isang libreng gantimpala!”—o nanalo ka nga ba?