Pinupuntirya ang mga May Edad Na
HUWAG kang magpapadaya. Alam na alam ng mga mandaraya ang kanilang ginagawa. Alam nila ang mga bagay na gumagawa sa may edad nang mamamayan na lalong magandang puntirya ng panggagantso. Sa Estados Unidos, halimbawa, mga 12 porsiyento lamang ng populasyon ang mga taong mahigit na 65 anyos. Subalit, ang kanilang taunang pinagsamang kita ay mahigit na $800 bilyon, na bumubuo ng halos 70 porsiyento ng netong yaman ng mga pamilya sa Estados Unidos. Hindi kataka-taka, halos 30 porsiyento ng lahat ng mga biktima ng pandaraya ay yaong mga may edad na.
Ano ang gumagawa sa mga may edad na madaling madaya? “Sila’y likas na mapagtiwala at maaaring hindi nila alam ang tungkol sa pamumuhunan sa ngayon,” ang paliwanag ng magasing Consumers’ Research. Isang opisyal ng pulisya ang may pagkaawang nagsabi na ang pandaraya sa telemarketing ay “nambibiktima lalo na sa nag-iisa at mahihina—ang mga may edad na—na siyang bumubuo sa karamihan ng mga biktima. Ito ang mga tao na lumaki sa isang panahon nang ang pagkamay ng isang tao ay katumbas na ng kaniyang pinagtibay na salita.” Isang kinatawan ng American Association of Retired Persons ang sinipi na nagsasabi: “Madalas sabihin na ang kasakiman ang nagdadala sa iyo sa gulo. Sa mga may edad na, hindi ito kasakiman. Natatakot silang maubusan ng salapi. Ayaw nilang maging pabigat sa kanilang mga anak. At natatakot silang ireport [ang pandaraya] sapagkat natatakot silang baka isipin ng kanilang mga anak na hindi nila mapangalagaan ang kanilang sarili.”
Ang matatanda nang biktima ng pandaraya ay hindi naman laging naloloko o nalilinlang. Sa ilang kaso sila ay nag-iisa, marahil nangangailangang “bumili” ng pakikipagkaibigan. Sa isang komunidad ang ilang nalulungkot na mga biyuda ay hinikayat na magbayad nang patiunang $20,000 para sa “halaga ng pagtuturo sa pagsayaw na panghabang-buhay,” ang sulat ng isang reporter sa pahayagan. “Ang ilan ay napakahina para makalakad. Hindi sila walang-muwang, desperado lamang.” Isang samahan sa pagsasayaw ang nagbibigay sa mga bagong nagpatala ng lugar na mapupuntahan na kasama ng kanilang bagong mga kaibigan, kadalasa’y mga kaedad nila. Ang isang bolero, matamis-mangusap, magiliw na ahente, na maaari ring gumanap na tagapagturo nila sa sayaw, ay mahirap tanggihan.
Isaalang-alang ang mga Manggagantso sa Hapon
Ang ilang manggagantso ay nagsasamantala sa nalulungkot na mga may edad na tao sa iba pang paraan. Sa Hapon ang walang prinsipyong mga manlilinlang ay nagkukunwang nagmamalasakit na mga tao, naglalaan ng panahon na makipag-usap sa kanilang may edad na mga biktima, nakikinig sa kanila. Unti-unti nilang dinadalasan ang kanilang mga pagdalaw, at pagkatapos makamit ang lubos na pagtitiwala ng kanilang pinupuntirya, sinisimulan na nila ang pandarayang bentahan. Isang karaniwang halimbawa ng madayang pakana ay ang pandaraya tungkol sa huwad na ginto kung saan halos 30,000 katao, kasali na ang maraming pensiyonado, ang iniulat na nagantso ng 200 bilyong yen ($1.5 bilyon). “Hindi Na Mababawi ang mga Nawala ng mga Biktima,” ang ulong-balita ng Asahi Evening News ng Hapon.
Iniulat ng Asahi Shimbun ng Tokyo ang tungkol sa kasong ito: Isang ahenteng babae na nasa kalagitnaang gulang ang dumalaw sa isang may edad nang lalaki, na nagsasabi: “Higit pa sa aking trabaho ang pagkabahala ko sa inyo, Mr. K., dahil sa nag-iisa kayo.” Nakinig siya sa maraming kuwento ng matandang lalaki, at ang lalaki ay nadala sa kaniyang panghalina. Nang papaalis na siya, humingi siya ng pahintulot na bumalik kinabukasan. “Sige,” ang tugon ng lalaki.
Sinundan ito ng regular na mga pagdalaw; magkasama silang maghahapunan, at bumibili pa nga siya ng pagkain para kay Mr. K. “Aalagaan ko kayo hanggang mamatay kayo,” ang pangako niya. Saka papasok ang sales talk: “Pangangasiwaan ko po ang inyong ari-arian para sa inyo. Ang kompanyang pinagtatrabahuan ko ay bumuo kamakailan ng isang totoong mapagkakakitaang paraan upang pakinabangan ang ari-arian ng isa.” Ang pakana ay humiling sa kaniya na isangla niya ang kaniyang bahay at pag-aari, bumili ng barang ginto, at ideposito ito sa kompanya ng babae. Nailatag na ang bitag. Si Mr. K. ay naging isa pang biktima ng mahabang listahan ng mga nagagantso. Pagkatapos magawa ang transaksiyon, hindi na kailanman bumalik ang babae.
“Bilang isang sundalo,” sabi ni Mr. K., “namuhay ako sa bingit ng kamatayan. Subalit mas mahirap ang madaya ako sa aking pag-aari ng isa na nagsasamantala sa kahinaan naming matatanda na namumuhay nang mag-isa na walang maaasahang mga kamag-anak. Waring ang daigdig ay sumapit na sa panahon kung kailan ang mga tao ay gustong magkapera, kahit sa pamamagitan ng pandaraya.”
Panggagantso sa mga May Edad Na sa Italya
Ang aklat na L’Italia che truffa (Ang Italya na Nanggagantso) ay nag-ulat na isang masalimuot na pakana ang pinanukala ng mga manggagantso sa Italya upang pagnakawan ang mga may edad na ng kanilang malalaking halaga ng ipon sa bangko. Noong 1993 isang pamahalaan ang naitatag sa pangunguna ng dating gobernador ng Bangko ng Italya. Ang kaniyang lagda, mangyari pa, ay lumitaw sa mga papel de bangko (maliwanag na may bisa pa rin) na inilabas noong panahon ng kaniyang pagkagobernador. Pagkatapos ipakilala ang kanilang mga sarili sa mga pinto ng mga taong may edad na, maraming manggagantso, na nagpapakilala ng kanilang mga sarili bilang mga opisyal ng Bangko ng Italya at may dalang huwad na mga ID kard upang patunayan ito, ang nagsabi sa bawat isa sa kanilang mga biktima: “Nalalaman ninyo na ang gobernador ng Bangko ng Italya ang naging presidente ng Gabinete ng mga Minister; kaya nga, ang kaniyang pirma na nasa mga papel de bangko ay wala nang bisa. Pananagutan namin na kolektahin ang lumang mga papel de bangko mula sa iba’t ibang pamilya at palitan ito ng mga bago na pinirmahan ng humalili sa kaniya . . . Narito ang resibo. Magpunta po kayo sa inyong bangko na dala ang dokumentong ito sa makalawa, at tatanggapin ninyo ang halaga ng pera na ibinigay ninyo sa amin ngayon.” Sa pamamagitan ng pakanang ito, ang mga manggagantso ay nakakolekta ng 15 milyon lire (mga $9,000) sa isang araw!
Ang ilang manggagantso sa Italya ay nakikipagkita sa mga hindi maingat, kasama na ang mga may edad na, sa mga lansangan. Hinihiling nila sa mga hindi maingat na makibahagi sa isang surbey at binibigyan sila ng mga papeles na pipirmahan, na sinasabing ang kanilang pirma ay nagpapatunay lamang na sila’y nakibahagi sa surbey. Sa katunayan, sila’y pumipirma sa isang kontrata na nag-oobliga sa kanila na gawin o bilhin ang isang bagay.
Pagkatapos, pagkalipas ng ilang panahon, ang biktima ay tumatanggap sa koreo ng isang pakete na naglalaman ng ilang paninda, marahil ay may kitang-kitang babala sa balot na kung tatanggihan ang mga paninda, siya’y parurusahan sa paano man. Ang ilan, lalo na ang mga may edad na, ay natatakot, nag-aakalang mas makabubuting magbayad ng maliit na halaga at kunin ang paninda na hindi naman gaanong mahalaga kaysa mademanda pa.
Gaano kalaganap ang panggagantso sa Italya? Ayon sa L’Italia che truffa, ang bilang ng panggagantsong naiulat ay umaabot ng mga 500,000 isang taon. Hindi kukulangin sa tatlong ulit ng mga panggagantso ang hindi iniuulat. Isang peryodista sa TV ang nagkomento: “Ang kabuuang bilang ay halos dalawang milyong lahat ng uri ng bitag sa bawat taon, o mga lima hanggang anim na libo sa isang araw.”
At ito’y nagpapatuloy. Walang pangkat ayon sa edad (o lahi, bansa, o tribo, kung tungkol sa bagay na iyan) ang nakakaligtaan niyaong mga nanggagantso ng salapi mismo ng mga tao—at kadalasan ng perang inipon sa buong buhay nila. Mag-ingat! Maaaring mangyari ito sa iyo.
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Kung Paano Iiwasang Magantso
HINDI lahat ng mga organisasyon ng telemarketing ay magdaraya. Halimbawa, may 140,000 kompanya ng telemarketing sa Estados Unidos noong 1994, ayon sa American Association of Retired Persons (AARP). Tinatayang 10 porsiyento, o 14,000, sa mga ito ang magdaraya. Samakatuwid, kailangang maging alisto kapag ang isang alok ay parang hindi kapani-paniwala. Narito ang ilang tip upang maiwasang magantso ng mga telemarketer.
◆ Kung may tatawag at magsasabi sa iyo na ikaw ay nanalo ng isang libreng gantimpala, marahil ang pinakamabuting magagawa mo ay ibaba ang telepono.
◆ Kung igigiit ng telemarketer na ikaw ay bumili ngayon o kung hindi ay magiging huli na ang lahat, karaniwan nang ito’y isang pahiwatig na ang alok ay hindi totoo.
◆ Ingatan ang numero ng iyong credit-card. Huwag mong ibigay ito sa mga estranghero na tumatawag upang mangilak ng salapi.
◆ Huwag bumili ng anumang bagay sa telepono malibang ikaw ang unang tumawag at bumili ka sa isang kompanya na may mail-order na kilala mong mapagkakatiwalaan.
Ang mga may-ari ng bahay ay dapat mag-ingat sa mga pandaraya tungkol sa pagkumpuni sa bahay. Narito ang ilang pag-iingat, gaya ng ipinahayag ng AARP Consumer Affairs:
◆ Huwag uupa ng isang estranghero malibang nasuri mo nang husto ang mga reperensiya tungkol sa kaniya; tanungin ang mga pangalan at numero ng telepono ng ibang mga parokyano na nagpakumpuni sa nagseserbisyong ito.
◆ Huwag pumirma sa anuman nang hindi ito sinusuring mabuti, at tiyaking nauunawaan mo at sumasang-ayon ka sa lahat ng mga probisyon sa anumang kontrata o kasunduan.
◆ Huwag umasa sa isa na magpapaliwanag sa iyo ng kasunduan malibang isa ito na kilala at pinagkakatiwalaan mo. Ikaw mismo ang bumasa ng maliliit na sulat.
◆ Huwag na huwag magbabayad nang patiuna para sa mga pagkumpuni. Tiyaking nasiyahan ka sa natapos na trabaho bago mo ibigay ang huling bayad.
Maging alisto. Gamitin ang sentido kumon. Huwag mag-atubiling umayaw kung wala kang interes na bumili. At tandaan: Kung ang alok ay hindi kapani-paniwala, malamang na gayon nga ito.
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga manlilinlang ay maaaring magkunwang mga taong nagmamalasakit, upang magantso ang mga may edad na