Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 9/22 p. 9-10
  • Panggagantso sa Ngalan ng Relihiyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Panggagantso sa Ngalan ng Relihiyon
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Maraming Mukha ng Panggagantso ng Relihiyon
  • Pinupuntirya ang mga May Edad Na
    Gumising!—1997
  • Kung Paano Ipagsasanggalang ang Iyong Sarili Mula sa Pandaraya
    Gumising!—2004
  • Mag-ingat! Manggagantsong Nambibiktima
    Gumising!—1997
  • Mga Kulto—Ano ba ang mga Iyan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 9/22 p. 9-10

Panggagantso sa Ngalan ng Relihiyon

KUNG ikaw ay nabigla at nalungkot sa mga nabanggit na panggagantso, hindi ka nag-iisa. Subalit mayroong mas masama pang uri ng panggagantso​—sa ngalan ng relihiyon. Ang isa sa pinakakaraniwan ay kaugnay ng paniniwalang ang kaluluwa ay patuloy na nabubuhay pagkamatay at na makatutulong ang mga nabubuhay sa mga patay. Milyun-milyong taimtim na mga tao sa buong daigdig ang napaniwala na sa pamamagitan ng pagbabayad ng malaki-laking halaga ng salapi, matutulungan o mapatatahimik nila ang kanilang yumaong mga mahal sa buhay.

Sa ngayon, sa ilang bansa, may pagbabago sa dati nang pandarayang ito. Halimbawa, inaresto kamakailan sa Hapon ang mga paring Budista na lalaki at babae na nagsasabing sila’y nagtataglay ng espirituwal na mga kapangyarihan dahil sa hinihinalang panggagantso ng daan-daang milyong yen sa mga tagaparokya nito. Yaong mga nadakip ay nag-anunsiyo ng mga serbisyo sa pagpapagaling at pagpapakonsulta. Kabilang sa mga tumugon sa anunsiyo ang apat na maybahay na sinabihang sila’y binabagabag ng mga espiritu ng kanilang namatay na mga anak. “Pagkatapos ay hinilingan ang mga babae na magbayad ng kabuuang halaga na 10 milyong yen [$80,000, U.S.] para sa seremonya bilang pag-alaala sa patay,” ulat ng Mainichi Daily News. Isang 64-anyos na babae ang nagbigay ng mahigit na 6.65 milyong yen (mga $53,000). Isinangguni ng babae sa mga pari ang tungkol sa kalusugan ng kaniyang anak. “Di-umano’y sinabi nila sa babae na siya’y mamalasin malibang magsagawa siya ng isang pantanging seremonya upang alalahanin ang mga kaluluwa ng kaniyang mga ninuno at upang itaboy ang mga espiritu,” ang sabi ng The Daily Yomiuri.

Hindi sana nagantso ang walang kamalay-malay na mga taong ito kung taglay nila ang tumpak na kaalaman sa Bibliya. Nililiwanag nito na ang kaluluwa ay namamatay. (Ezekiel 18:4) “Hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay,” ang sabi ng Eclesiastes 9:5. Kaya hindi maaaring saktan ng mga patay ang mga nabubuhay. Ni matutulungan man ng mga nabubuhay ang mga patay.

Ang Maraming Mukha ng Panggagantso ng Relihiyon

Dahil na rin sa kanila mismong kasakiman, ang ilan ay nabibiktima ng relihiyosong mga panlilinlang. Sa Australia isang mag-asawang nag-aangking nagtataglay ng sobrenatural na kapangyarihan at may kakayahang basbasan ang salapi at palaguin ito ang binigyan ng $100,000 ng isang lalaking gustong dumami ang kaniyang pera. Siya’y sinabihang ilagay ang pera sa isang kahon at ibigay ito sa kanila upang “pakabanalin.” Dinala ng mag-asawa ang kahon sa katabing silid upang basbasan ito samantalang siya’y naghihintay. Nang magbalik sila, isinauli nila sa kaniya ang kahon, at binabalaan siya na hindi niya dapat buksan ang kahon sa anumang kalagayan hanggang sa taóng 2000. At kung bubuksan niya? Siya’y sinabihang “mawawalang bisa ang madyik, at siya’y mabubulag, malalagas ang kaniyang buhok, magkakakanser siya, at mamamatay dahil sa atake serebral.” Subalit, pagkaraan ng dalawang linggo, naghinala ang lalaki at binuksan niya ang kahon. Laking gulat niya! Ito’y puno ng pinilas na papel. Sinisisi niya ang kaniyang sarili, ang sabi ng pahayagang nag-ulat ng insidente, at nagkataon naman, “siya’y nakakalbo na.”

May naiibang pamamaraan naman ang relihiyosong panggagantso sa Italya: Nagantso ng mga manlilinlang na nagpapanggap na debotong mga Katoliko ang ilang pari. Sinasamantala ng mga manggagantso ang tradisyong Katoliko na pagbabayad ng Misa para sa namatay. Paano nila ginagawa ito? Ipinaliliwanag ng magasing Katoliko na Famiglia Cristiana na ang mga manloloko ay nag-aalok ng patiunang bayad para sa labindalawang Misa sa patay sa pamamagitan ng isang huwad na tseke na mas malaki ang halaga kaysa hinihiling na bayad. Nililinlang nila ang isang mapaniwalaing pari na suklian sila ng cash. Kinukuha ng mga manggagantso ang cash, at nakukuha naman ng pari ang talbog na tseke!

Sa Estados Unidos, ang mga may edad na ay kadalasang sinasalakay sa lahat ng panig ng relihiyosong mga kulto na naghahanap ng bagong mga kalap upang punuin ang kanilang kabang-yaman ng mga donasyon. “Sa buong bansa, sinusunod ng mga kulto ang pangunahing alituntunin ng lahat ng larong panggagantso: Habulin mo ang mga may pera,” ang sulat ng magasing Modern Maturity. “Bilang kapalit, sila’y nangangako ng lahat ng bagay mula sa kalusugan hanggang sa pulitikal na pagbabago hanggang sa kaharian ng langit.” Isang cult deprogrammer ang sinipi na nagsasabi: “Ang mga may edad na ang kabuhayan ng kulto.”

Ang halaga ng perang nasasangkot ay maaaring napakalaki. “Marami akong nalalamang mga kaso kung saan ang mga tao ay namulubi,” ang sabi ng isang abogado sa New York na humawak ng maraming kaso tungkol sa mga kulto. “Ang gayong iba’t ibang kaso ay mula sa mga taong hiningan ng daan-daang libong donasyon hanggang sa mga taong walang maibigay kundi ang kanilang mga tseke ng Social Security.” Ganito pa ang sabi niya: “Ito’y mapangwasak​—kapuwa sa mga indibiduwal at sa kani-kanilang pamilya.”

Kaya mag-ingat! Nambibiktima ang mga manggagantso. Ang mga panlilinlang sa pagkumpuni ng bahay, pandaraya sa telemarketing, at relihiyosong panggagantso ay ilan lamang halimbawa kung paano sila kumikilos. Imposibleng isa-isahin ang lahat ng kanilang mga pamamaraan, sapagkat sila’y laging may bagong panlilinlang. Subalit ang iniharap dito ay tiyak na mag-uudyok sa iyo na maging gising sa pangangailangang maging maingat, at iyan marahil ang iyong pinakamabuting depensa. (Tingnan ang kahon sa pahina 8, na “Kung Paano Iiwasang Magantso.”) Ang babala ng isang sinaunang kawikaan sa Bibliya ay totoong angkop: “Sinumang walang-karanasan ay naglalagak ng pananampalataya sa bawat salita, subalit isinasaalang-alang ng isang matalino ang kaniyang mga hakbang.”​—Kawikaan 14:15.

[Mga larawan sa pahina 10]

Naniniwala ang milyun-milyong tao na sa pagbabayad ng pera ay matutulungan o mapatatahimik nila ang kanilang yumaong mga mahal sa buhay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share