Pagsahod ng Tubig Mula sa Ulap
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TIMOG AMERIKA
MATAGUMPAY na naibagay ng mga mananaliksik na nagtatrabaho sa Chile ang sinaunang pamamaraang Arabe na pagkuha ng tubig mula sa ulap. “Ang puno ng olibo sa mga disyerto ng Oman,” ang sabi ng newsletter na Health InterAmerica, “ay pinalaki sa loob ng mga dantaon mula sa tubig-ulap na natitipon sa mga dahon at umaagos sa maliliit na tangke na ginawa sa ilalim ng mga punungkahoy.” Sa halip na mga puno ng olibo, ang mga mananaliksik ay naglagay ng malalaking lambat sa bulubunduking mga dako sa disyerto na palaging natatakpan ng ulap na dinadala roon ng hangin mula sa karagatan. Ang mga lambat, na parang pagkalaki-laking net ng volleyball, ay sumasahod sa mga patak ng tubig mula sa ulap. Ang mga ito’y pumapatak sa alulod na bumubuhos naman sa isang tubo, na naghahatid sa tubig tungo sa isang imbakang tangke.
Ang Chungungo, isang maliit na nayon na nasa hilagang baybaying disyerto ng Chile, ay nagpatunay na matagumpay ang sistema. Labing-apat na taon ang nakalipas, sabi ng IDRC Reports, isang magasing inilalathala ng International Development Research Centre, ang mga naninirahan sa Chungungo ay walang lokal na pinagkukunan ng tubig-tabang. Ang mga trak ay nagdadala ng 5,000 litro isang araw, at bawat pamilya’y kailangang makaraos sa 3-14 na litro sa isang araw. Subalit, sa ngayon, dahil sa 75 lambat na nagtitipon ng ulap na ininstala sa kabundukan sa itaas ng nayon, isang kagila-gilalas na 11,000 litro ng tubig ang umaagos sa Chungungo, anupat naglalaan sa bawat taganayon ng 30 litro ng tubig isang araw. Ang mananaliksik na si Dr. Robert Schemenauer, isang pisisista sa ulap, ay nagsasabing ang sistema ng pagsahod sa ulap ay nakabuti sa kalusugan ng mga taganayon. “Ang lahat ay kumakain ng mga gulay at prutas mula sa kani-kanilang sariling hardin at mga lagwerta.”
Ang tubig-ulap ay hindi lamang nakapagpapalusog kundi mura rin naman. Ang isang karaniwang pagpapakabit nito, sabi ni Dr. Schemenauer, ay nagkakahalaga ng mga $75,000 (U.S.) kung ihahambing sa milyun-milyong dolyar na kinakailangan upang magtayo ng isang dam. Sinasabi ng mga mananaliksik na bagaman maraming iba pang tigang na dako sa palibot ng daigdig ang makikinabang sana mula sa sistemang ito, ang internasyonal na mga ahensiya ay mabagal sa pagkilala sa alternatibong paraang ito ng pagtustos ng tubig.
[Mga larawan sa pahina 23]
Kaliwa: Mga lambat sa tuktok ng bundok na nagtitipon ng mga patak ng tubig mula sa ulap
Ibaba: Malapitang kuha ng lambat
[Credit Line]
Mga larawan: IDRC