Pagmamasid sa Daigdig
Walang “Bukal ng Kabataan” sa Medisina
Ayon sa geriatrician na si Andréa Prates, ang pag-inom ng medisinang uso sa kasalukuyan upang mapanatili ang kabataan, gaya ng ilang hormon, ay maaaring “magdulot ng ilang kapakinabangan subalit maaari ring makapinsala nang malaki sa inyong kalusugan.” Sa pakikipaglaban sa pagtanda, ang “mga bagong kaasalan ay higit na mabisa kaysa bagong medisina,” ang payo ni Dr. Prates. Kasali sa mabubuting kaasalan na makapagpapahaba ng buhay, ayon sa komento ng magasin sa Brazil na Superinteressante, ay ang pagkakaroon ng sapat na tulog, pagpapanatili ng mahinahong disposisyon, pag-iinat at pag-eehersisyo nang katamtaman, pagsisikap na gamitin ng isa ang kaniyang kaisipan, at pag-iwas sa mga taba. Mahalaga rin na kumain ng mga bitamina at mineral, na masusumpungan sa mga prutas at mga gulay. Apektado ng pagtanda ang lahat ng selula sa katawan, kaya’t hindi kayang paglaanan ng iisang sustansiya ang lahat ng sangkap ng katawan nang sabay-sabay.
Ang Unang Clone ng Isang Adultong Mamal
Ginulat ng mga mananaliksik sa Scotland ang daigdig noong katapusan ng Pebrero sa pagbabalitang sila’y nakalikha ng isang clone ng batang tupa mula sa DNA ng isang adultong tupa. Bagaman ang paglikha ng kakambal mula sa mga pinakabinhing selula ay matagal nang ginagawa, hanggang sa kasalukuyan ay inaakala pa rin ng maraming siyentipiko na ang paglikha ng isang henetikong kakambal ng isang adultong mamal ay imposible. Ang mga mananaliksik ay nagsabi na, salig sa teoriya, ang gayong paraan ay maaari ring gamitin sa mga tao—anupat ang DNA ng isang selula na kinuha sa isang adulto ay maaaring gamitin upang lumikha ng mas nakababatang henetikong kakambal. Gayunman, ayon sa International Herald Tribune, itinuring ni Ian Wilmut, ang siyentipikong namuno sa proyekto, na ang ideyang ito ay labag sa etika. Ito’y sinang-ayunan din ng World Health Organization, anupat tumututol sa paglikha ng kakambal ng tao bilang isang ‘labis na anyo ng eksperimentasyon,’ ayon sa ulat ng The Journal of the American Medical Association.
Bantayan ang Kaigtingang Iyan!
“Sa araw-araw ay milyun-milyong taga-Brazil ang nakipagpunyagi laban sa kaigtingan,” ayon sa ulat ng magasing Veja. Ang karamihan dito ay maaaring naniniwala na ang mahahabang yugto ng pagtatrabaho na ginagamit ang sukdulang kakayahan ay sukatan ng kanilang kahusayan, subalit ang ganitong saloobin ay hindi mabuti. “Ang isang manggagawa ay nakagagawang mabuti kapag siya’y nasa ilalim ng katamtamang kaigtingan, subalit natatamo niya ang pinakamalaking resulta kapag siya, nang hindi niya namamalayan, ay nakalampas na sa hangganan,” ang paliwanag ni Dr. Marilda Lipp ng Pontifical Catholic University. “Sa ilalim ng matinding tensiyon, kahanga-hanga ang nagiging paggawa ng tao sa loob ng ilang sandali. Pagkatapos nito, basta na lamang siya bibigay.” Yaong mga nahihirapang maglipat ng pananagutan sa iba ay nakararanas ng malaking kaigtingan, wika ng ulat. Ang pinakamalaking kaigtingan ay sumasapit doon sa mga, ayon sa mga salita ni Dr. Lipp, “nahihirapang magpahayag ng kanilang damdamin, anupat maaaring sumabog sa panahon ng tensiyon at pagkatapos ay saka naman gumawa ng pagsisikap na maging banayad at magalang.”
Mga Sisiw na Elektronik
Ang mga sisiw na elektronik ay usung-uso sa buong Hapon, ayon sa ulat ng Asahi Evening News sa pagsisimula ng taóng ito. Ang hugis-itlog na laruan ay may screen na nagpapakita sa anyo ng isang sisiw sa iba’t ibang yugto ng paglaki. Idiin ang isang buton, at pagkalipas ng limang minuto ay lalabas ang isang sisiw sa balat ng itlog. Pagkatapos ay sisiyap ang “sisiw” upang “pakanin” ito ng may-ari at ibigay ang iba pang pangangailangan nito sa pamamagitan ng pagdiriin ng iba’t ibang buton. Ito’y maaaring sumiyap sa anumang oras, kahit na sa gabi. Ang hindi pagtugon ay maaaring maging dahilan ng maagang “pagkamatay” ng sisiw. Sa paano’t paano man, paglipas ng isa o higit pang sanlinggo, ang sisiw ay namamatay. Ang laruan ay maaaring iprogramang muli upang “maisilang” ang panibagong sisiw, taglay ang kakaibang personalidad. Iniulat na minahal ng ilan ang kanilang elektronik na sisiw kagaya ng isang bata. Isang doktor ang nagsabi pa nga hinggil sa kaniyang sisiw: “Ako’y mas nalungkot nang namatay ito kaysa nang namatay ang isa kong pasyente.”
Pagsasamantala sa Bata
“Halos dalawang milyong bata sa daigdig ang pinaniniwalaang nagiging biktima ng negosyo sa sekso,” wika ng ENI Bulletin. Ang ganitong organisadong pang-aabuso sa bata, na laganap na sa mga bahagi ng Asia, ay lumalaganap na rin ngayon sa Amerika. Si Rodrigo Quintana, isang espesyalista sa Inter-American Institute of the Child, ay nagsabi na nakita ng nakaraang dekada ang pambihirang paglaki ng suliraning ito sa Latin Amerika. Ipinakikita ng binanggit na estadistika ni Quintana na ang sampu-sampung libo ng mga menor-de-edad sa mga bansa sa buong Latin Amerika ay namamasukan ngayon bilang mga batang nagbibili ng aliw.
Natuklasan ang Talinghabang Usok ng Antimatter
Kamakailan ay natuklasan ng mga astropisiko ang tila baga isang talinghabang usok (plume) na may layong 3,500-light-year na antimatter na nagmumula sa pinakapusod ng ating galaksi, ang Milky Way, ayon sa ulat ng The New York Times. Ang antimatter ay binubuo ng maliliit na butil ng atomiko na kaparehung-kapareho ng karaniwang materya maliban sa pagkakaroon ng mga ito ng magkasalungat na karga ng kuryente. Ang pagdidikit ng mga butil ng antimatter at ng mga butil ng karaniwang materya ay humahantong sa paglalaho ng dalawang ito at paglalabas ng malalakas na gamma ray na may espesipikong enerhiya. Nakilala ng mga siyentipiko ang talinghabang usok na ito bilang antimatter sa pamamagitan ng pag-aakma ng satelayt ng Compton Gamma Ray Observatory sa antas ng enerhiyang iyon. Hinggil sa epekto ng talinghabang usok na ito, “ang mga astropisiko ay nagsabi na hindi nito pinagbantaan ang Lupa, basta’t ito’y nagsisilbing anino lamang ng galaksi.”
Pantaboy sa Elepante
“Sa Asia, ang mga pananim na nagkakahalaga ng libu-libong dolyar ay sinisira ng mga elepante taun-taon,” wika ng soologo ng Cambridge University na si Loki Osborn. Gaya ng iniulat sa magasing New Scientist, ang mga elepante rin sa Aprika ay higit at higit na naaakit sa pinagkukunang ito ng pagkain. Karaniwan na, sinisikap ng mga magsasakang itaboy ang mga hayop sa pamamagitan ng pagtambol o pagbato. Marami sa mga lumulusob na elepante ang binaril din, wika ni Osborn, “subalit bahagya lamang ang nagawa nito upang mabawasan ang pinsala sa pananim.” Si Osborn at ang isang imbentor ay naniniwala na nakasumpong sila ng mas mabuting lunas: isang latang pambomba na naglalaman ng halos isang kilo ng maanghang na paminta at langis na maaaring patamain sa lugar na malapit sa elepante sa pamamagitan ng bomba ng hangin. Sinabi niya na ang mahabang ilong ng elepante ang isa sa pinakasensitibo sa kaharian ng hayop. Sa panahon ng mga pagsubok sa Zimbabwe, “ang mga elepante ay hindi muna gagalaw, at pagkatapos ay sisinga bago karaka-rakang aalis.” Ang maanghang na paminta ay hindi nagdudulot ng permanenteng pinsala, ang sabi ng ulat.
Nakamamatay ang Usok na Mula sa Iba
“Ang mahigit sa 50,000 kamatayan dahil sa sakit sa puso at arterya bawat taon ay bunga ng pagkalanghap ng usok mula sa iba,” ang usok na ibinubuga ng mga taong naninigarilyo, wika ng ulat ng magasin sa Estados Unidos na Good Housekeeping. Bukod dito, ang mga hindi naninigarilyo na laging nasa lugar na may naninigarilyo ay may malaking panganib na magkaroon ng brongkitis at pulmunya at lubhang nanganganib sa iba’t ibang anyo ng kanser. Ang masamang amoy na naiiwan sa silid sa loob ng ilang araw pagkatapos na may manigarilyo roon ay hindi itinuturing na mapanganib. Gayunman, “ang mga silid na puno ng usok ay maaaring anim na ulit na mas marumi ang hangin kaysa isang siksikang haywey,” wika ng artikulo. Sinasabi rin na “isa sa bawat walong kamatayan na dulot ng paninigarilyo ay dahilan sa paglanghap ng usok mula sa iba.”
Ang Halaman sa Hinaharap?
Ang kawayan ay sagana sa buong ekwador bago pinagpuputol ito ng mga mananakop upang bigyang-daan ang mga sakahan, wika ng The UNESCO Courier. Sa Aprika lamang, may 1,500 iba’t ibang uri ng kawayan. Marami at sari-sari ang gamit ng halamang ito. Dahilan sa pagiging mas matibay nito kaysa bakal, ito’y napakainam na materyales para sa konstruksiyon. Ang ilang tatlong palapag na gusaling yari sa kawayan sa Colombia ay mahigit nang isang daang taong gulang at ginagamit pa rin. Ang kawayan ay nagagamit din bilang tubo, panggatong, at sa maraming iba’t iba pang paraan. Ang mga sibol ng kawayan ay iniluluto ng mga Tsino at Hapones. Ang kamangha-manghang kagalingan ng kawayan ay maaaring hindi nakilala noong una. Subalit ang kapaki-pakinabang na mga katangian at mabilis na paglago nito—ito’y gumugulang sa loob lamang ng limang taon—ay nagpapakilos sa iba upang malasin ito sa panibagong liwanag, bilang “ang panibagong halaman sa hinaharap.”
Iniugnay ang mga Ipis sa Hika ng Bata
Sinisisi ng limang taong pag-aaral sa U.S. National Institutes of Health ang mga ipis sa tumataas na insidente ng hika sa mga batang naninirahan sa loob ng lunsod, ang ulat ng Daily News ng New York. Sa 1,528 batang may hika na pinag-aralan sa pitong lunsod, 37 porsiyento ang lubhang alerdyik sa mga ipis. Yaong mga may alerdyi at nahantad sa maraming ipis sa kanilang silid ay mga tatlong ulit marahil na kakailanganing maospital tulad ng iba pang mga batang may hika. Hinimok ni Dr. David Rosenstreich, pinuno ng pag-aaral, na sugpuin ang mga ipis sa pamamagitan ng panghuli ng ipis, pamatay-insekto, boric acid, at ng puspusang paglilinis. Wika niya, ang pagba-vacuum ng buong kabahayan ay nakatutulong upang maalis ang mga dumi ng ipis na nasa alikabok. “Kailangan mong alisin ang anumang pinagmumulan ng pagkain at tubig,” dagdag pa ni Dr. Rosenstreich, “lalo na ang mga tagas o patak ng tubig. Ang mga ipis ay kailangang uminom upang mabuhay.”