Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagpaparaya Ako’y 22 taóng gulang, at nais kong pasalamatan kayo sa seryeng “Pagpaparaya—Sumosobra Na ba ang Daigdig?” (Enero 22, 1997) Maraming hamon ang dapat harapin ng mga kabataang Kristiyano. Ang mga artikulong ito ay humimok sa akin na huwag magpakalabis at nagpatatag ito sa aking pasiyang paglingkuran si Jehova sa kabila ng mga panggigipit ng sanlibutan.
M. B., Italya
Ang “Raven” Talagang naibigan ko ang nakapagtuturong artikulong “Ang ‘Raven’—Bakit Ito Naiiba?” (Enero 8, 1997) Ako’y 18 taóng gulang at katatanggap lang sa akin bilang part-time na naturalista sa lokal na nature center. Kabilang sa mga hayop na nasa amin ay dalawang magagandang raven. Napatunayan kong ang mga ito’y kagayang-kagaya ng pagkakalarawan sa inyong artikulo—napakatatalino. Binabalak kong ibahagi ang artikulo sa aking mga kasamahan sa trabaho.
J. C., Estados Unidos
Ang impormasyong ibinigay ninyo ay totoong-totoo at nakawiwili. Alam na alam dito sa kampus ng unibersidad na pinapasukan ko sa Ghana na talagang ang mga ibong galing sa pamilya ng uwak ay kilalang magnanakaw. Dokumentado na ang mga uwak dito ay nagnanakaw ng kahit ano—mula sa isda hanggang sa sabon. Nagkaroon pa man din ng report na binuksan ng mga uwak ang mga kaserola ng ilang estudyante at kinain ang pagkain ng mga ito!
F. A. A., Ghana
Kasiya-siya ang Kusina Salamat sa artikulong “Maaaring Maging Kasiya-siya ang Kusina.” (Enero 8, 1997) Ako man ay nakinabang sa mga usapan sa kusina. Habang nagbabalat ng mga sibuyas at patatas, tinuturuan ako ng nanay ko na ibigin si Jehova at hinihimok akong paglingkuran siya nang lubusan. Ang mga usapang ito sa kusina ay napatunayang lalong mahalaga sa mahihirap na panahon nang ang tatay ko’y sumasalansang sa aming relihiyon. Ngayon ay maligaya kaming mag-ina na makitang ang tatay ko ay naging isang lingkod ni Jehova. Gayundin, natuto akong magluto ng ilang masasarap na pagkain!
A. M. M., Italya
Ang trabaho ko’y magluto sa bahay ng isang amo na nasa entertainment industry. Sa gayon ay marami akong pagkakataong maibahagi ang espirituwal na pagkain sa mga bisita—kabilang na ang ilang kilalang tao—habang nagtatrabaho sa kusina. May nakatago akong ilang literatura sa Bibliya sa loob ng drower sa kusina. Minsan ay nagkausap kami ng isang bisita tungkol sa Bibliya. Maya-maya’y binalikan niya ako sa kusina upang makipag-usap pa. Habang abala akong nagpiprito ng manok, binasa niya nang malakas ang aking kopya ng aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! Oo, tama kayo. Maaaring maging kasiya-siya ang kusina!
A. R., Estados Unidos
Pagtatapat ng mga Kasalanan Naglilingkod ako bilang isang matanda sa kongregasyon, at nais kong pasalamatan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat Ko Bang Ipagtapat ang Aking Kasalanan?” (Enero 22, 1997) Napakilos ng artikulong ito ang ilang kabataan na ipagtapat ang malulubhang pagkakasala na nagawa noon pa. Nakagagalak makita na pagkatanggap ng maibiging tulong, muling nakapagtatag ang mga kabataang ito ng kanilang relasyon kay Jehova. Nagpasiya silang mapanatiling malinis ang kanilang sarili.
O. B., Italya
Tumulong sa akin ang artikulo na maunawaang maaari palang lubhang makapinsala ang pananahimik. Maaaring magdulot ng kahihiyan ang pagtatapat, subalit kapag ipinagtapat mo kay Jehova at sa iyong mga magulang ang iyong kasalanan, makadarama ka ng mas matibay at mas malapit na pakikipag-ugnayan sa kanila.
B. K., Guyana
Dumating ang artikulo na tamang-tama sa panahong kailangan ko. Natulungan ako nitong maunawaan na kailangang sabihin ko sa aking mga magulang at sa matatanda sa kongregasyon ang aking nagawa. Pakiramdam ko’y isinulat para sa akin ang artikulong ito. Nang sabihin ko sa wakas ang aking problema, gumaan ang aking pakiramdam!
A. A., Estados Unidos