Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 1/8 p. 10-12
  • Kung Paano Mo Maaaring Harapin ang Panahon ng Impormasyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Mo Maaaring Harapin ang Panahon ng Impormasyon
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Tagatanggap at Tagabigay ng Impormasyon
  • Kailangan ba Natin ang Napakaraming Walang-Halagang Bagay?
  • Sobrang Dami ng Impormasyon
    Gumising!—1998
  • Ano ang Dahilan ng Pagkabahala sa mga Impormasyon?
    Gumising!—1998
  • Paggamit ng Internet—Maging Alisto sa mga Panganib Nito!
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2000
  • Matalinong Paggamit ng Internet
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 1/8 p. 10-12

Kung Paano Mo Maaaring Harapin ang Panahon ng Impormasyon

DAPAT nating harapin ang katotohanang maraming aspekto tungkol sa panahon ng impormasyon sa mga taon ng 1990 ang patuloy na makababahala sa atin. Bahagya o wala tayong kontrol sa ilan sa mga ito. Sa kabilang dako naman, may mga hakbang na maaari nating kunin upang alisin ang marami, kung hindi man ang lahat, ng pagkabahalang ito. Kung gayon, masasabi nating ang pagkaligtas sa panahon ng impormasyon ay isang hamon gayunma’y kapaki-pakinabang na gawain.

Ang mga Tagatanggap at Tagabigay ng Impormasyon

Itinuturing man natin o hindi ang ating mga sarili sa ganitong paraan, sa buong buhay natin tayong lahat ay tagatanggap at tagabigay ng impormasyon sa paano man. Gayunman, ang ating utak ay tumatanggap at nagpoproseso ng impormasyon sa iba’t ibang paraan. Ang isang paraan ay nagsasangkot sa kamangha-manghang kakayahan ng utak na magproseso ng impormasyon nang di-namamalayan.

Ang isa pang paraan ay ang may kamalayang pagpoproseso ng impormasyon gaya ng pag-uusap. Kontroladung-kontrolado natin ang ganitong uri ng pagpoproseso ng impormasyon​—kapuwa bilang mga tagabigay at tagatanggap. Pagdating sa walang-halagang usapan, ang Bibliya ay nagbababala tungkol doon sa mga “hindi lamang walang pinagkakaabalahan, kundi mga tsismosa rin at mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao, nagsasalita ng mga bagay na hindi dapat.” (1 Timoteo 5:13) Sa ibang salita, mag-ingat na huwag gumugol ng maraming panahon sa pagsasalita tungkol sa walang kabuluhang mga bagay o nakapipinsalang impormasyon pa nga. Huwag maging uri ng tao na ang pangunahing interes sa buhay ay ang malaman ang pinakahuling tsismis. Maaaring masayang ang mahalagang panahon at lakas, at maaari itong makabalisa sa atin at sa iba. Maaaring maiwala mo ang mga pagkakataon na tumanggap at magbigay ng impormasyon na talagang nakapagpapatibay at mahalaga upang makaligtas sa maligalig na daigdig na ito.

Ang impormasyong naipon mula sa pagbabasa ay ipinoproseso nang may kamalayan at sa gayo’y ito ang pinakamatagal. Ang puno ng pagkabahalang hinagpis na, “Hindi ako makaagapay sa aking pagbabasa!” ay totoong pamilyar. Nadarama mo bang napakarami mong babasahin at napakakaunti ng panahon mo upang gawin ito? Dahil sa kumokonsumo ng panahon ang pagbabasa, ang sining at ang kaluguran nito ay kadalasang nawawala sa panahong ito ng kagyat na impormasyon. Pinahihintulutan ng marami na ubusin ng TV ang kanilang panahon. Subalit, ang nasusulat na salita ang siya pa ring pinakamakapangyarihang paraan upang pasiglahin ang imahinasyon at ihatid ang impormasyon, mga ideya, at mga konsepto.

Paano natin ito haharapin gayong napakaraming babasahin ang tumatawag ng ating pansin at nakikipagpaligsahan sa TV, mga laro sa computer, at iba pang paglilibang? Ang lunas ay ang pagsusuri. Ang pagsusuri, pag-uuri-uri o pag-alam kung ano ang dapat unahin, sa kung ano ang kailangan nating marinig, makita, masabi, o mabasa ay maaaring mag-alis ng labis na pagkabahala sa mga impormasyon. Ang mabisang pagpili ay magagawa sa dalawang antas.

Kailangan ba Natin ang Napakaraming Walang-Halagang Bagay?

Ang kabatiran tungkol sa ating mga pangangailangan ay kadalasang napipilipit ng kung ano ang iniisip ng iba na kailangan natin o kung ano sa akala nati’y kailangan natin dahil sa udyok ng kasanayan ng media sa pag-aanunsiyo. Upang mapagtagumpayan ang nakalilito’t masalimuot na impormasyong ito, ikapit ang pangunahing tuntuning ito: Panatilihin itong simple! Ganito ang pagkakasabi ni Richard S. Wurman: “Ang lihim ng pagpoproseso ng impormasyon ay ang pagtatakda sa iyong larangan ng impormasyon sa kung ano lamang ang may kaugnayan sa iyong buhay . . . Naniniwala akong ito’y alamat lamang na mientras mas marami kang mapagpipilian, mas angkop na pagkilos ang gagawin mo at higit na kalayaan ang tatamasahin mo. Sa halip, ang mas maraming mapagpipilian ay nagdudulot ng higit na pagkabahala.”

Kaya pagdating sa pagbabasa o panonood ng TV, makabubuting suriin ang iyong mga kaugalian. Tanungin ang iyong sarili: ‘Mahalaga ba ito para sa aking trabaho o sa aking buhay? Talaga bang kailangan kong malaman ang lahat ng walang-halagang bagay at tsismis tungkol sa mga tanyag at tinatawag na magagandang tao sa daigdig? Paano magbabago ang buhay ko kung sakaling hindi ko panoorin ang programang ito sa TV, basahin ang aklat o magasing ito, o gugulin ang maraming panahon sa pagbabasa ng pahayagan?’ Nagawa ng ilan na suriin ang kanilang binabasa at pinanonood sa TV at inalis ang mga materyales na nakagugulo sa kanilang isip at gayundin sa kanilang tahanan. Halimbawa, nagpasiya silang sumuskribe ng isa lamang pahayagan. Tutal ay pare-pareho lamang naman ang pangunahing mga balita sa karamihan ng pahayagan. Espesipikong hiniling ng ilang tao na huwag silang padalhan ng mga sari-saring anunsiyo na ipinadadala sa koreo sa kanilang mga buson.

Ang pagpapanatili sa buhay na simple at hindi magulo ay itinaguyod ng pinakadakilang tao na nabuhay kailanman, si Jesu-Kristo. (Mateo 6:25-34) Ang pagiging simple ay inirerekomenda at isinasagawa sa maraming kultura sa Asia at kinikilala pa nga sa maraming kultura sa Kanluran bilang pinakamagaling na paraan ng pamumuhay. Ang manunulat na si Duane Elgin ay nagsabi: “Ang mamuhay nang mas simple ay ang pamumuhay nang may higit na layunin at walang gaanong di-kinakailangang pang-abala.”

Ngayon, yamang gumawa ka na ng priyoridad hinggil sa impormasyong kukunin mo kung tungkol sa iyong mga pangangailangan, gayundin ang gawin mo tungkol sa mga interes, sapagkat ang interes ang puwersang gumaganyak sa pagkatuto. Gayunman, ang problema rito ay kung paano makikilala kung ano talaga ang kawili-wili sa iyo at kung ano sa palagay mo ang dapat na maging kawili-wili sa iyo upang paluguran ang iba​—marahil ang mga tao sa iyong pinagtatrabahuhan. Subalit kung maisasaplano mo ang iyong pagbabasa at panonood ng TV o paggamit ng computer gaya ng pagpaplano mo sa iba pang gawain, masusumpungan mo na ang pagkakaroon ng tunay na interes dito ay gagawa sa iyong buhay na mas kalugud-lugod, nang walang di-kinakailangang pagkabahala.

Kaya, paano mo haharapin ang pagkabahala sa mga impormasyon? Maaaring hindi mo ito kailanman maaalis na lahat, subalit ang pagsunod sa simpleng mga tuntunin na ibinalangkas namin ay makatutulong nang malaki. Panatilihin itong simple, at uriin ang impormasyon ayon sa iyong personal na mga pangangailangan at mga interes. Darating ang panahon na lahat ng kasalimuutan ng buhay, pati na ang pagkabahala sa mga impormasyon, ay magiging isang bagay na lumipas na, gayunman, panatilihin sa kaniyang dako ang kahanga-hangang nagagawa ng modernong teknolohiya. Ituring ang mga ito bilang isang paraan ng pag-abot ng tunguhin. Huwag kang paalipin dito o humanga nang labis sa mga ito. Kung magkagayon, ang kapaki-pakinabang na mga impormasyon ay magpapatibay, magpapalakas-loob, at magiging makabuluhan, anupat hindi na magdudulot sa iyo ng pagkabahala.

[Kahon sa pahina 11]

Subukang Makipagpalit

“Kanselahin ang serbisyo ng iyong cable TV, . . . at gamitin ang [perang] iyon sa bawat buwan para sa isa o higit pang mabubuting aklat. Ang mga aklat ay kabaligtaran ng telebisyon: Ang mga ito’y mabagal, nakalulugod, nagbibigay-inspirasyon, pumupukaw ng talino, at nagpapasigla sa pagkamalikhain.”

“Maaari mo ring isaalang-alang na takdaan ang iyong sarili ng hindi hihigit sa isang tiyak na haba ng oras sa Internet sa bawat linggo, o hangga’t maaari’y timbangin ang haba ng oras na ginugugol sa computer sa kaparehong oras sa pagbabasa ng mga aklat.”​—Data Smog​—Surviving the Information Glut.

[Kahon sa pahina 12]

Maging Panginoon, Hindi Alipin

“Patayin ang telebisyon. Wala nang pinakamabilis na paraan upang muling makontrol ang takbo ng iyong buhay, ang kapayapaan sa iyong tahanan, at ang kasiyahan ng iyong pag-iisip kundi ang patayin ang kagamitan na nakaaapekto sa buhay ng marami sa atin. Natutuklasan ng milyun-milyong Amerikano ang katahimikan at kalakasang nagmumula sa paggamit ng suwits na OFF, huwag nang banggitin pa ang mga oras ng katatamong malayang panahon na doo’y maaari nilang gawin ang ilang bagay na noon ay wala silang panahon na gawin.”​—Data Smog​—Surviving the Information Glut.

[Kahon sa pahina 12]

Mag-ingat sa Internet

Ginagamit ng imoral na mga indibiduwal ang Internet upang itaguyod ang kanilang lisyang mga paggawi sa sekso at upang makakita ng sasang-ayong mga kapareha o inosenteng mga biktima. Ginagamit naman ng iba ang Internet upang itaguyod ang kanilang personal na mga adyenda. Gumagawa rin ang mga apostata ng mga Web site upang mabiktima ang mga walang muwang.

Sukdulang pag-iingat ang kinakailangan kapag gumagamit ng Internet, at tiyak na dapat na masusing pangasiwaan ng mga magulang ang sinuman sa kanilang mga anak na maaaring gumagamit nito. Totoo na maraming kapaki-pakinabang na mga impormasyon ang masusumpungan, gaya ng mga aklatan sa pananaliksik, mga tindahan ng aklat, at mga channel ng balita. Halimbawa, ipinatalastas kamakailan ng Samahang Watchtower ang sarili nitong Web site (http://www.watchtower.org), na naglilingkod upang magbigay ng mga totoong impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, kailangan ding makilala ng isa na may ilang lubhang nakapipinsalang impluwensiya roon, kasali na ang pornograpya at apostasya.

Ang isang Kristiyano ay dapat na palaisip sa payo ni Pablo: “Kaya nga, ito ang sinasabi ko at pinatototohanan sa Panginoon, na hindi na kayo patuloy na lumalakad kung paanong ang mga bansa ay lumalakad din sa kawalang-kapakinabangan ng kanilang mga pag-iisip . . . Palibhasa’y nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal, ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng kawalang-kalinisan na may kasakiman. Subalit hindi ninyo natutuhan ang Kristo na gayon.” (Efeso 4:17-20) Gayundin, “Ang pakikiapid at bawat uri ng kawalang-kalinisan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng naaangkop sa mga taong banal; ni kahiya-hiyang paggawi ni mangmang na usapan ni malaswang pagbibiro, mga bagay na hindi angkop, kundi sa halip ay ang pagbibigay ng pasasalamat.” (Efeso 5:3, 4) Dapat nating matanto na ang maraming Web site ay nilikha ng mga taong may imoral at mapandayang layunin. At ang maraming site na bagaman hindi imoral o mapandaya, gaya ng chat group, ay pag-aaksaya lamang ng panahon. Mula sa mga ito, lumayo ka!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share