Ano ang Dahilan ng Pagkabahala sa mga Impormasyon?
“ANG pagkabahala sa mga impormasyon ay bunga ng lumalawak na puwang sa pagitan ng kung ano ang ating nauunawaan at kung ano ang inaakala nating dapat nating maunawaan. Isa itong black hole sa pagitan ng pabatid at kaalaman, at nangyayari ito kapag hindi sinasabi sa atin ng impormasyon kung ano ang nais o dapat nating malaman.” Gayon ang isinulat ni Richard S. Wurman sa kaniyang aklat na Information Anxiety. “Sa loob ng mahabang panahon, hindi batid ng mga tao kung gaano ang hindi nila nalalaman—hindi nila alam kung ano ang hindi nila nalalaman. Subalit ngayon ay batid na ng mga tao kung ano ang hindi nila alam, at iyan ang ikinababahala nila.” Ang resulta ay na karamihan sa atin ay nakadarama na dapat ay higit pa ang ating nalalaman kaysa sa ating alam. Dahil sa sobrang dami ng impormasyong inihaharap sa atin, nakukuha natin ang pira-pirasong mga pabatid. Subalit kadalasa’y hindi natin tiyak kung ano ang gagawin dito. Kasabay nito, maaaring akalain nating mas maraming nalalaman at nauunawaan ang lahat kaysa sa atin. Diyan na tayo nagsisimulang mabahala!
Si David Shenk ay nangangatuwiran na ang sobrang impormasyon ay nagiging isang polusyon na lumilikha ng “data smog.” Sabi pa niya: “Ang data smog ay humahadlang; ginugulo nito ang tahimik na mga sandali, at nagiging sagabal sa pagdidilidili na kailangang-kailangan. . . . Nagdudulot ito sa atin ng tensiyon.”
Totoo na ang labis na impormasyon o ang sobrang dami ng materyales ay maaaring pagmulan ng pagkabahala, subalit totoo rin ito kung wala tayong sapat na impormasyon o, masahol pa nga, kung mali ang impormasyon. Para bang ikaw ay nag-iisa sa isang siksikang silid. Gaya ng pagkakasabi rito ni John Naisbitt sa kaniyang aklat na Megatrends, “tayo’y nalulunod sa impormasyon subalit salat sa kaalaman.”
Kung Paano Ka Maaaring Maapektuhan ng Krimen sa Computer
Ang isa pang dahilan ng pagkabahala ay ang mabilis na pagdami ng krimen sa computer. Si Dr. Frederick B. Cohen, sa kaniyang aklat na Protection and Security on the Information Superhighway, ay nagpahayag ng kaniyang pagkabahala: “Tinataya ng FBI [Federal Bureau of Investigation] na sa bawat taon umaabot sa $5 bilyon ang nawawala dahil sa krimen sa computer. At, hindi kapani-paniwala, iyan ay ganggakalingkingan lamang. Ang mga kahinaan sa mga sistema ng impormasyon ay pinagsamantalahan din upang makalamang sa mga negosasyon, masira ang mga reputasyon, manalo sa militar na mga labanan, at pumaslang pa nga.” Idagdag pa rito ang tumitinding pagkabahala sa problema tungkol sa nakikita ng mga bata na pornograpya sa computer—huwag nang banggitin pa ang panghihimasok sa personal na bagay.
Sadyang ipinapasok ng walang-konsiyensiyang mga sugapa sa computer ang mga virus sa sistema ng computer na sumisira rito. Ilegal na ginagamit ng mga ekspertong kriminal ang elektronikang mga sistema upang makuha ang kompidensiyal na impormasyon, anupat kung minsan ay nagnanakaw pa nga ng pera. Ang mga gawaing ito ay maaaring magkaroon ng mapangwasak na mga epekto sa libu-libong gumagamit ng mga personal na computer. Ang krimen sa computer ay isang banta sa negosyo at sa pamahalaan.
Ang Pangangailangan na Magkaroon ng Kabatiran
Mangyari pa, lahat tayo ay nangangailangang magkaroon ng kabatiran, subalit ang pagkakaroon ng napakaraming impormasyon ay hindi talaga nagtuturo sa atin sa tunay na diwa, sapagkat ang karamihan ng inaakalang impormasyon ay mga pangyayari lamang o kulang-kulang na pabatid, na walang kaugnayan sa ating karanasan. Iminumungkahi pa nga ng ilan na sa halip na “information explosion,” ang bagay na ito ay maaaring tawaging “data explosion” o mas mapang-uyam pa nga na “noninformation explosion.” Ganito ang turing ng tagasuring pangkabuhayan na si Hazel Henderson: “Ang impormasyon mismo ay hindi nagbibigay-liwanag. Hindi natin maliwanagan kung ano ang maling-impormasyon, hindi-impormasyon, o propaganda sa kapaligirang ito na pinangingibabawan ng media. Ang pagtutuon ng pansin sa impormasyon lamang ay umakay sa sobrang dami ng walang-kabuluhang bilyun-bilyong piraso ng walang kaugnayan at kulang-kulang na pabatid, sa halip na ang paghahanap para sa makabuluhang bagong mga kaalaman.”
Ganito ang prangkang pagtantiya ni Joseph J. Esposito, presidente ng Encyclopædia Britannica Publishing Group: “Karamihan ng impormasyon sa Panahon ng Impormasyon ay nasasayang lamang; ito’y ingay lamang. Angkop ang terminong Information Explosion; ang pagsabog ay humahadlang sa ating kakayahang aktuwal na marinig ang marami sa anumang bagay. Kung hindi natin marinig, hindi natin malalaman.” Ganito ang pagsusuri ni Orrin E. Klapp: “May hinala akong walang nakaaalam kung gaano karami sa ibinibigay ng komunikasyong pambayan ang huwad na impormasyon, na nag-aangking may sinasabi subalit sa katunayan ay wala naman.”
Tiyak na maaalaala mo na ang karamihan ng iyong edukasyon sa paaralan ay nakatuon sa pag-alam ng mga impormasyon upang ikaw ay makapasa sa mga pagsusulit. Madalas na sinisiksik mo ang mga impormasyon sa iyong utak bago ang panahon ng pagsusulit. Natatandaan mo ba ang pagkatuto sa pamamagitan ng pagsaulo sa isang mahabang listahan ng mga petsa sa mga leksiyon ng kasaysayan? Ilan sa mga pangyayari at mga petsang ito ang natatandaan mo ngayon? Tinuruan ka ba ng mga impormasyong iyon na mangatuwiran at marating ang lohikal na mga konklusyon?
Mas Mabuti ba ang Mas Maraming Impormasyon?
Kung hindi maingat na susupilin, ang sigasig upang magkamit ng karagdagang impormasyon ay maaaring pagbayaran ng higit na panahon, tulog, kalusugan, at salapi pa nga. Sapagkat bagaman ang higit na impormasyon ay nag-aalok ng higit na mga mapagpipilian, maaaring mabahala ang mananaliksik, anupat nagtatanong kung nasuri o nagamit na ba niya ang lahat ng makukuhang impormasyon. Si Dr. Hugh MacKay ay nagbibigay ng ganitong babala: “Sa katunayan, ang impormasyon ay hindi siyang landas tungo sa kaliwanagan. Ang impormasyon, sa ganang sarili, ay hindi nagbibigay ng liwanag sa kahulugan ng ating mga buhay. Ang impormasyon ay walang gaanong kaugnayan sa pagkuha ng karunungan. Oo, tulad ng iba pang pag-aari, maaari pa nga itong makasagabal sa karunungan. Maaari nating malaman ang maraming bagay, kung paanong maaari nating taglayin ang maraming bagay.”
Kadalasan, ang mga tao ay lubhang nabibigatan hindi lamang sa napakaraming impormasyon na makukuha ngayon kundi rin naman sa kabiguang gawing isang bagay na nauunawaan, makabuluhan, at talagang nakapagtuturo ang impormasyon. Naging kasabihan nang tayo’y maaaring maging “gaya ng isang taong nauuhaw na hinatulang gumamit ng isang didal sa pag-inom mula sa isang fire hydrant. Ang dami ng makukuhang impormasyon at ang paraan kung paano kadalasang inihahatid ito ay walang saysay sa atin.” Kaya, kung ano ang sapat ay dapat na tantiyahin, hindi sa dami, kundi sa kalidad at kapakinabangan sa atin ng impormasyon.
Kumusta Naman ang Tungkol sa “Data Transfer”?
Ang isa pang karaniwang kasabihang naririnig ngayon ay “data transfer.” Ito’y tumutukoy sa paghahatid ng impormasyon sa elektronikang paraan. Bagaman ito ay may mahalagang dako, hindi ito mabuting komunikasyon sa sukdulang diwa nito. Bakit hindi? Sapagkat mas nasisiyahan tayong makipag-usap sa tao, kaysa sa makina. Sa data transfer, hindi nakikita ang ekspresyon ng mukha at hindi nakikita ang mga mata o ang kilos ng katawan, na kadalasang nagbibigay-kulay sa pag-uusap at naghahatid ng mga damdamin. Sa harapang mga pag-uusap, ang mga salik na ito ay nakadaragdag at kadalasa’y nagpapaliwanag sa mga salitang ginamit. Wala sa mahahalagang tulong na ito sa pag-unawa ang makukuha sa electronic transfer, kahit na nga sa nagiging popular na cellular telephone. Kung minsan ay hindi makikita maging sa harapang pag-uusap kung ano ang nasa isipan ng nagsasalita. Maaaring tanggapin at iproseso ng nakikinig ang mga salita sa kaniyang sariling paraan at magbigay ng maling kahulugan sa mga ito. Gaano pa kaya ang laki ng panganib kung hindi nakikita ang nagsasalita!
Isang nakalulungkot na katotohanan ng buhay na ang sobrang dami ng panahon na ginugugol sa harap ng computer at telebisyon kung minsan ay nagpapangyari sa mga miyembro ng pamilya na maging mga estranghero sa isa’t isa sa kanila mismong tahanan.
Narinig Mo Na ba ang Tungkol sa “Technophobia”?
Ang “technophobia” ay nangangahulugan lamang ng “pagkatakot sa teknolohiya,” pati na sa paggamit ng mga computer at katulad na mga aparatong elektronika. Naniniwala ang ilan na ito ay isa sa pinakakaraniwang pagkabahala na nagawa ng panahon ng impormasyon. Isang artikulo sa The Canberra Times, batay sa isang balitang inilabas ng Associated Press, ang kababasahan ng ganito: “Takot sa mga Computer ang mga Ehekutibong Hapones.” Ganito ang sabi tungkol sa isang ehekutibong direktor ng isang malaking kompanyang Hapones: “[Siya] ay kakikitaan ng kapangyarihan at prestihiyo. Subalit kapag pinaupo mo siya sa harap ng isang computer, siya’y ninenerbiyos nang husto.” Ayon sa isang surbey sa 880 kompanyang Hapones, 20 porsiyento lamang ng kanilang mga manedyer ang nakagagamit ng mga computer.
Ang technophobia ay pinaaalab ng malalaking sakuna na gaya ng paghinto sa operasyon ng mga telepono noong 1991 sa New York City anupat naging paralisado ang lokal na mga paliparan sa loob ng ilang oras. At kumusta naman ang tungkol sa aksidente sa Three Mile Island Nuclear Power Plant sa Estados Unidos noong 1979? Ang mga nagpapatakbo ng planta ay nangailangan ng ilang kritikal na oras bago nila naunawaan ang kahulugan ng mga hudyat ng alarma na kontrolado ng computer.
Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng kung paano lubhang naaapektuhan ng teknolohiya ng panahon ng impormasyon ang sangkatauhan. Sa kaniyang aklat, ganito ang pumupukaw-kaisipang mga tanong ni Dr. Frederick B. Cohen: “Nagpunta ka na ba sa bangko kamakailan? Kung hindi gumagana ang mga computer, makakakuha ka ba ng anumang pera mula sa kanila? Kumusta naman ang supermarket? Kaya ba nitong tuusin ang iyong pinamili at tanggapin ang bayad mo kung wala ang kanilang mga checkout computer?”
Marahil ay mauunawaan mo ang isa o higit pa sa likhang-isip na mga situwasyong ito:
• Ang iyong bagong videotape recorder (VCR) ay tila napakaraming buton kapag nais mong piliin ang isang programang gusto mong irekord. Alinman sa mahiya kang tawagin ang iyong siyam-na-taóng-gulang na pamangkin upang paandarin ang VCR para sa iyo o magpasiya kang huwag na lang panoorin ang programa.
• Kailangang-kailangan mo ng pera. Nagtungo ka sa pinakamalapit na automatic teller machine ngunit bigla mong naalaala na noong huli kang gumamit nito, nalito ka at napindot mo ang maling mga buton.
• Tumunog ang telepono sa opisina. Ang tawag ay may pagkakamaling ikinonekta sa iyo. Ang tawag ay para sa iyong amo na nasa sumunod na palapag. May simpleng paraan upang ilipat ang tawag, subalit, palibhasa’y hindi mo tiyak, ipinasiya mong ang switchboard operator na lamang ang maglipat ng tawag.
• Ang dashboard sa iyong kabibili lamang na kotse ay parang lugar ng piloto ng isang modernong jetliner. Walang anu-ano, sumindi ang pulang ilaw, at nabahala ka dahil sa hindi mo alam kung ano ang ipinahihiwatig ng ilaw. Kung gayon ay kailangan mong tingnan ang isang detalyadong aklat ng instruksiyon.
Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng technophobia. Natitiyak natin na ang teknolohiya ay patuloy na gagawa ng mas masalimuot na mga kagamitan, na walang alinlangang tatawaging “makahimala” ng mga tao ng naunang mga salinlahi. Ang bawat bagong produktong makikita sa pamilihan ay nangangailangan ng higit na kaalaman para ito magamit nang husto. Ang mga manwal para sa instruksiyon, na isinulat ng mga dalubhasa sa kanilang teknikal na mga termino,a ay nakatatakot sa ganang sarili kapag ipinalalagay na nauunawaan ng gumagamit ang bokabularyo at taglay ng mga ito ang kaalaman at mga kasanayan.
Ganito sinuma ng teorista sa mga impormasyon na si Paul Kaufman ang situwasyon: “Ang ating lipunan ay may ideya ng impormasyon na, bagaman kaakit-akit, ay talagang hindi produktibo. . . . Ang isang dahilan ay na sobrang atensiyon ang itinutuon sa mga computer at sa mga aparato at napakakaunting pansin sa mga tao na aktuwal na gumagamit ng impormasyon upang maunawaan ang daigdig at makagawa ng kapaki-pakinabang na mga bagay para sa isa’t isa. . . . Ang suliranin ay hindi dahil sa labis-labis nating pinahahalagahan ang mga computer kundi dahil sa hindi natin gaanong pinag-iisipan ang mga tao.” Wari ngang ang pagiging abala sa kapuri-puring paggawa ng kahanga-hangang bagong teknolohiya ay kadalasang nagbunsod sa mga tao na mag-alala tungkol sa susunod na imbensiyon. Ganito ang sabi ni Edward Mendelson: “Hindi kailanman nakikilala ng mga bisyonaryo sa teknolohiya ang pagkakaiba sa pagitan ng kayang gawin at ng kapaki-pakinabang na gawin. Kung maipagagawa sa isang makina ang ilang kamangha-manghang masalimuot na gawain, kung gayon ay ipinalalagay ng bisyonaryo na ang gawain ay sulit gawin.”
Ang pagwawalang-bahala sa bahagi ng tao sa teknolohiya ang lubhang nakaragdag sa pagkabahala sa mga impormasyon.
Talaga Bang Sumulong ang Produksiyon?
Ang kolumnistang si Paul Attewell, sa pagsulat sa The Australian, ay nagkokomento tungkol sa kaniyang pananaliksik kung gaano kalaking panahon at salapi ang natitipid sa pamamagitan ng mga computer sa nakalipas na mga taon. Narito ang ilan sa kaniyang mahusay ang pagkakagawang mga punto: “Sa kabila ng mga taon ng pamumuhunan sa mga sistema ng computer na dinisenyo upang pangasiwaan ang mga gawaing administratibo at kontrolin ang halaga, nasumpungan ng maraming unibersidad at mga kolehiyo na patuloy na dumarami ang kanilang mga kawani sa administrasyon. . . . Sa loob ng ilang dekada, iginiit ng mga gumagawa ng computer na ang teknolohiyang kanilang ipinagbibili ay gagawa ng malalaking pagsulong sa produksiyon, anupat may isang tiyak na bulto lamang ng administratibong gawain ang gagawin ng mas kaunting mga manggagawa sa mas mababang halaga. Sa halip, natatanto natin, na ang teknolohiya ng impormasyon ay naging dahilan upang mawala sa lugar ang mga pagsisikap: maraming bagong bagay ang ginagawa ng mga manggagawang may gayunding dami o mas marami pa rito kaysa dating gawain na ginagawa ng mas kakaunting empleado. Kadalasan, wala namang perang natitipid. Ang isang halimbawa ng pagkawalang ito sa lugar ay na ginagamit ng mga tao ang teknolohiya upang pagandahin ang hitsura ng mga dokumento sa halip na basta mabilis na gawin ang mga rekord.”
Ngayon ay waring mananatili ang information superhighway na maaaring maging panganib sa mga Kristiyano. Subalit paano natin maiiwasan ang pagkabahala sa mga impormasyon—sa paano man? Nagbibigay kami ng ilang praktikal na mga mungkahi sa susunod na maikling artikulo.
[Talababa]
a Ang mga halimbawa ng teknikal na mga termino sa computer: log on, na ang ibig sabihin ay “ikonekta sa sistema”; boot up, “magsimula o paandarin”; portrait position, “patayo”; landscape position, “pahalang.”
[Kahon sa pahina 6]
Sobrang Dami ng Basurang Impormasyon
“Ang lipunan, gaya ng nalalaman nating lahat mula sa karanasan, ay nagiging higit at higit na mangmang. Nasasaksihan natin ang bagong pangingibabaw ng basurang mga programa sa TV, nagpapagalit na mga brodkas sa radyo, mga nakahihindik na usapan, demandahang sibil, mga pantawag-pansin para sa publisidad, pagkararahas at mapang-uyam na retorika. Ang mga pelikula ay lalong higit na patungkol sa sekso at karahasan. Ang pag-aanunsiyo ay mas maingay, mas mapanalakay, at madalas na nasa hangganan na ng pagiging masagwa . . . Ang kalapastanganan ay dumarami, at umuunti naman ang kinaugaliang kagandahang-asal. . . . Ang tinatawag ng iba na ang ating ‘krisis sa mga pamantayang moral ng pamilya’ ay may malaking kaugnayan sa bigla at mabilis na pagbabago ng impormasyon kaysa sa kawalan ng paggalang ng Hollywood sa tradisyonal na kaayusan ng pamilya.”—Data Smog—Surviving the Information Glut, ni David Shenk.
[Kahon sa pahina 7]
Karunungan Ang Sinaunang Paraan
“Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan mo ang aking mga utos sa iyo, upang magbigay-pansin sa karunungan ang iyong pandinig, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan; bukod diyan, kung tatawag ka ukol sa pagkaunawa at ilalakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, kung patuloy mong hahanapin iyon na gaya ng pilak, at patuloy mong sasaliksikin iyon na gaya ng natatagong kayamanan, kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos. Sapagkat si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; nanggagaling sa kaniyang bibig ang kaalaman at kaunawaan. Kapag ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman ay maging kaiga-igaya sa iyo mismong kaluluwa, ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo.”—Kawikaan 2:1-6, 10, 11.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Ang sobrang dami ng impormasyon ay inihambing sa pagsisikap na lagyan ng tubig ang isang didal mula sa isang hydrant