Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 1/8 p. 24-25
  • Ipinakikilala ang Ibon sa Likod ng mga Pilikmata

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ipinakikilala ang Ibon sa Likod ng mga Pilikmata
  • Gumising!—1998
  • Kaparehong Materyal
  • Kapag Sumalpok sa Gusali ang mga Ibon
    Gumising!—2009
  • Mapangwasak na Tagtuyot sa Katimugang Aprika
    Gumising!—1994
  • Pagpapalaki ng Anak sa Kagubatan
    Gumising!—2001
  • Pagmamasid-ibon—Isa Bang Kawili-wiling Libangan Para sa Lahat?
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 1/8 p. 24-25

Ipinakikilala ang Ibon sa Likod ng mga Pilikmata

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA

“MALAMANG na hindi mo pa kami nakikilala kailanman. Kami’y mga ibon, at ang pagkakakilala sa amin ng marami ay mga kalaw na panlupa sa Aprika.

“Bukod sa aming kapansin-pansing hitsura, may iba pang nakawiwiling bagay tungkol sa amin na ibig naming ibahagi sa iyo. Una sa lahat, gaya ng ipinahihiwatig ng aming pangalan, malimit kaming nasa lupa. Halos kasinlaki kami ng pabo, at tulad ng pabo, hindi talaga kami gaanong lumilipad.

“Sa aming kakaiba at dahan-dahang paglakad na parang pato, nagpapalibut-libot kami sa sentral at timog-silangang rehiyon ng Aprika. Kung halimbawang tayo’y magkikita, hindi maaaring hindi mo kami makilala dahil sa aming kulay-iskarlatang lukbutan sa lalamunan at mga tapal sa mata at, siyempre pa, dahil sa aming mahahaba’t malalantik na pilikmata!

“Kaming mga kalaw na panlupa ay madalang mangitlog​—karaniwan nang nagpapalaki kami ng isang inakay hanggang sa ito’y makalipad tuwing anim na taon. Sa panahon ng pangingitlog, ang mga kalalakihan sa amin ay naglalaan ng maraming suplay ng tuyong dahon upang isapin sa aming mga pugad, na karaniwan nang nasa mga butas ng punungkahoy o mga guwang ng bato. Pagkatapos ay maingat na inaalagaan ng mga kababaihan ang mga itlog sa loob ng 40 araw. Kasama ng ibang miyembro ng grupo ng aming pamilya, kami’y nagpaparoo’t parito, anupat naglalaan ng sapat na suplay ng mga bulati, uod, at iba pang makakain para sa ‘malapit nang umitlog na inahin.’ Tuwang-tuwa kami kapag umaalis na sa pugad ang mga bagong ibon matapos mapisa pagkalipas ng tatlong buwan para makisama sa grupo ng aming pamilya.

“Mabagal lamang ang aming paglaki​—kailangan ang di-kukulangin sa anim na taon bago namin marating ang hustong gulang. At kailangan pa nga ng mas mahaba pang panahon para ang isa sa amin ay magtagumpay sa pagtatatag ng kaniyang sariling pamilya. Mangyari pa, dahil sa matagal ang buhay namin (karamihan sa amin ay 30 taon ang buhay) kaya may sapat na panahon kami upang makapagparami ng lahi.

“Gaya ng makikita mo, napakalapit namin sa isa’t isa sa aming pamilya, anupat grupu-grupo na di-hihigit sa walong ibon ang magkakasamang namumuhay at gumagawa. Bawat pamilya ay nananahanan sa sukat na mga 100 kilometro kudrado sa mga kapatagan, kakahuyan, at damuhan sa Aprika. Sa ilang lugar sa gawing timog ng Aprika, halos 70 porsiyento ng aming pinamamahayan ay tinirahan na ng mga tao at ginamit na sa agrikultura.

“Ingat na ingat kami sa aming nasasakupan at regular naming pinapatrolyahan ang aming mga hangganan. Ang mga pagkain namin​—mga ahas, uod, pagong, at mga insekto​—ay hindi ipinamimigay, kahit sa ibang mga kalaw mula sa ibang pamilya. Dahil sa aming pagiging lubhang agresibo sa pagtaboy sa mga pumapasok na ibang ibon, kung minsan ay nagmumukha kaming kakatwa. Paano? Kapag nakikita namin ang aming sarili sa salamin ng bintana, madalas na sumusugod kami sa bintana, sa pag-aakalang ang nasa salamin ay ibang ibon. Siyempre pa, nababasag ang bintana sa lakas ng salpok ng mahaba’t matigas na tuka. Dahil sa dami ng nababasag na bintana, ang ilang tao ay naglagay ng alambre sa kanilang mga bintana, at tuwang-tuwa naman kami roon!

“Nakalulunos isipin, may ilang nakamamatay na panganib na dapat ikabahala. Itinataboy kaming palabas ng ilang tao sa aming pinamamahayan. Binabaril kami ng iba. Madalas na nagpapain ng lason ang mga magsasaka para sa mga jackal at iba pang hayop na ayaw nila. Pero paano naman namin malalaman na lason iyon? Maliwanag na para sa aming kaligtasan, ibinabaon ng mga magsasaka ang lason. Ngunit yamang karaniwan nang humuhukay kami ng pagkain sa pamamagitan ng aming mahahabang tuka, humuhukay kami ng aming libingan, wika nga, kapag nakahukay kami ng pagkaing may lason.

“Sinisikap ng ilang tao na kami’y mailigtas mula sa ganitong panganib. Sana’y hindi kami mapatulad sa kinahantungan ng aming kapuwa ibong dodo​—ang pagkalipol. Kaya kailanma’t ika’y mapadako sa aming lugar at marinig mo ang aming humuhugong na huni, du-du-dududu du-du-dududu, hanapin mo kami. Ikukurap-kurap namin ang aming mahahabang pilikmata at papapasukin ka namin sa daigdig ng mga kalaw na panlupa.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share