Pagdalaw sa mga Gorilyang Bundok
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Tanzania
MGA 320 na lamang sa mga ito ang naninirahan sa lugar ng bulkan sa hangganan ng Rwanda at ng Democratic Republic of Congo. May 300 pa ang nakatira sa di-napapasok na kagubatan ng Uganda. Sila’y mga gorilyang bundok—kabilang sa pinakamalapit nang malipol na mamal sa daigdig!
Malaki ang nagawa ng Amerikanang soologo na si Dian Fossey sa pagpukaw sa publiko na magmalasakit sa kahihinatnan ng mga kinapal na ito. Si Fossey ay nagtungo sa Aprika noong magtatapos ang dekada ng 1960 upang pag-aralan ang mga gorilyang bundok. Noong panahong iyon ay mabilis na nagkakaubos ang mga ito dahil sa ilegal na panghuhuli ng hayop. Ang matapang na siyentipiko ay namuhay na parang ermitanyo sa Virunga Mountains, anupat madaling nakaibigan ang mga gorilyang nakatira roon. Inilathala ni Fossey sa mga artikulo ng magasin at sa aklat na Gorillas in the Mist ang kaniyang natuklasan. Sa paglipas ng panahon, lalong nagiging determinado siya na maipagsanggalang ang kaniyang mabalahibong mga kaibigan, anupat nagtaguyod ng isang totohanang pakikidigma laban sa mga ilegal na nanghuhuli ng mga hayop. Subalit, siya’y naging biktima ng kaniyang sariling krusada at pinaslang ng isang di-kilalang kalaban noong 1985.
Udyok ng pag-asang makita mismo ang mapapayapang kinapal na ito, noong 1993 ay ipinasiya naming mag-asawa na magbaka-sakali sa pinamamahayan ng mga gorilya. Hayaan mong ulitin namin ang aming naging pambihirang karanasan, pakisuyo.
Ito’y nagsimula nang isama kami ng aming mga giya sa isang-oras na pag-akyat mula sa paanan ng 3,700-metrong-taas na bulkang Visoke hanggang sa gilid ng Volcanoes National Park, sa Rwanda. Samantalang kami’y nagpapahinga, ipinaliwanag ng aming mga giya kung paano kami dapat kumilos sa harap ng mga gorilya. Sinabihan kami na walong panauhin lamang bawat araw ang pinahihintulutang dumalaw sa partikular na grupong ito ng mga hayop. Nalilimitahan nito ang panganib na sila’y mapalantad sa mga sakit at naiiwasan din ang pagkabulabog.
“Pagpasok natin sa kagubatan,” paalaala sa amin ng isang giya, “kailangang hinaan natin ang ating mga boses. Ito’y tutulong sa atin para mamataan din ang iba pang hayop at mga ibon sa kagubatan, dahil bukod pa sa mga gorilyang bundok, mayroon ding mga ginintuang unggoy, duiker, bushback, mga elepante, at maging mga bupalo.”
Pinaalalahanan din kami na may makakating kulitis at mga langgam sa parke at na may lalakaran kaming mahalumigmig at maputik na kasukalan. Nagkatinginan kaming mag-asawa. Hindi kami handa para doon! Ngunit pinahiram kami ng mababait na giya ng mga gamit na pang-ulan at mga bota.
Pagkatapos ay ipinaliwanag sa amin ng aming giya na ang mga gorilya ay napakadaling mahawa sa mga sakit ng tao at na upang sila’y maingatan, ang sinumang may dinaramdam o alam na siya’y may nakahahawang sakit ay dapat magpaiwan. “Kung kayo’y napapaubo o napapabahin samantalang nasa harap ng mga gorilya, pakisuyong tumalikod sa mga hayop at sikaping takpan ang iyong ilong at bibig,” sabi ng isa sa mga giya. “Tandaan! Tayo’y mga panauhin sa kanilang mahalumigmig na tahanan.”
Napakalapit Anupat Mahahawakan na Sila!
Patarik nang patarik ang pag-akyat. Narating namin ang taas na 3,000 metro. Walang gaanong oksiheno sa hangin, kung kaya mahirap huminga, at ang daan ay makitid. Ngunit tuwang-tuwa kami sa ganda ng punong hagenia, na may pahalang na mga sanga, na nababalot ng makakapal na lumot, pakô, at mga orkidya. Nagmistulang paraiso ang kagubatan dahil dito.
Nagsimula na ngayong hanapin ng mga giya ang lugar na kinakitaan sa mga gorilya kahapon, bagaman ang mga gorilya ay palipat-lipat ng lugar dahil sa paghanap ng panibagong pagkain. “Tingnan ninyo iyon!” bulalas ng isa. Nakabunton sa malambot na pananim ang higaan, o pugad, ng gorilyang silverback (kulay pilak ang likod).
“Ang tawag sa kaniya’y Umugome,” paliwanag ng giya. “Kapag 14 na taóng gulang na ang lalaking gorilya, ang likod nito ay nagiging puti na parang pilak. Siya kung gayon ang itinuturing na lider ng grupo. Ang mga silverback lamang ang nakikipagtalik sa lahat ng mga babaing gorilya. Ang mga bata pa na sumusubok nito ay agad na tinatanggihan! Gayunman, kapag napatay ng kaaway ang silverback, pinapatay rin niya ang lahat ng mga anak nito. Kung magkagayon, hahalili ang bagong lider at magkakaroon ng mga anak sa mga babaing nasa grupo.”
“Gaano katagal ang buhay ng isang gorilya?” tanong ng isa sa aming grupo habang sinusundan namin ang mga giya papasok sa isang magandang gubat ng mga kawayan.
“Hanggang mga 40 taon” ang mahinang sagot.
“Sh! Sh!” bulong ng isa, nang marinig ang isang ungol. “Ano iyon? Gorilya?” Hindi, isa pala sa mga giya ay umuungol na parang gorilya, anupat sinusubok kung may sasagot. Malapit na malapit na tayo!
Oo nga, 5 metro lamang mula sa amin, naroroon ang mga 30 sa kanila! Sinabihan kami na tumingkayad at manahimik. “Huwag ninyo silang ituturo,” pakiusap ng isang giya, “baka akalain nilang babatuhin ninyo sila. Huwag kayong sisigaw. Kung kukunan ninyo ng larawan, magdahan-dahan at mag-ingat, at huwag kayong gagamit ng flash.”
Maaari na namin silang hipuin! Ngunit bago pa man magtangka ang sinuman, bumulong ang isang giya: “Huwag ninyo silang hipuin!” Pagkasabing-pagkasabi nito ay may lumapit na dalawang gorilyang maliit at tinitigan kami. Bahagyang tinampal ng giya ang mga ito ng isang maliit na sanga, at ang mauusisang batang gorilyang ito ay nagpagulung-gulong pababa sa libis, na nagbubuno na parang maliliit na bata. Sinasaway ng “nanay” ang mga ito kapag nagkakasakitan na.
Minamanmanan kami ng silverback mula sa malayo. Karaka-raka, lumapit siya sa amin at naupo, mga ilang metro lamang mula sa kinauupuan namin. Napakalaki niya at marahil ay tumitimbang ng mga 200 kilo! Abalang-abala siya sa pagkain anupat hindi niya kami gaanong pinapansin, bagaman patingin-tingin siya. Ang totoo, ang pinakapangunahing gawa ng gorilya ay ang kumain! Ang isang silverback ay nakakakonsumo ng hanggang 30 kilong pagkain isang araw. At bawat isang hayop sa grupo ay abala sa paghahanap ng pagkain mula umaga hanggang gabi. Kung minsan ay nakikita ang mga ito na nag-aagawan ng “pagkain” na nakuha nila.
Ang paborito nilang pagkain ay ang pinakaubod ng higanteng halaman na senecio. Gustung-gusto rin nila ang ligaw na mga kintsay, mga ugat ng ilang halaman, at labong ng kawayan. Kung minsan ay gumagawa pa nga sila ng ensalada, anupat sinasamahan nila ang labong ng mabeberdeng dahon ng dawag, kulitis, galium, at iba’t ibang ugat at baging. “Bakit hindi natitinik ang mga gorilya ng kanilang dinadaklot at nililinis na mga kulitis?” tanong ng isa. Nagpaliwanag ang giya: “Makakapal ang balat ng kanilang palad.”
Libang na libang kami sa payapang tanawing ito nang, walang-anu-ano, biglang tumayo ang napakalaking gorilyang lalaki, binayo ng kaniyang kamao ang kaniyang dibdib, at nagpalabas ng isang nakahihindik at nakapangingilabot na ungol! Sinugod niya ang isa sa mga giya, ngunit biglang huminto nang malapit na ito. Tinitigan niya nang masamang titig ang giya! Datapuwat hindi nasindak ang aming giya. Sa halip, tumingkayad ito, umungol, at dahan-dahang umurong. Sa wari’y ibig lamang ng silverback na kami’y pahangain sa kaniyang lakas at kapangyarihan. Maniwala ka, nagtagumpay siya!
Ngayon ay sinenyasan kami ng mga giya na maghanda na sa pag-alis. Gumugol kami ng mahigit-higit na isang oras kapiling ng kahanga-hanga at mapapayapang kinapal na ito, bilang mga panauhin “sa gitna ng halumigmig.” Bagaman saglit lamang, ang aming pagdalaw ay naging isa sa aming pinakadi-malilimot na mga karanasan. Di namin mapigilang alalahanin ang pangako ng Bibliya hinggil sa nalalapit na bagong sanlibutan, na doon ang tao at hayop ay makikipagpayapaan sa isa’t isa magpakailanman!—Isaias 11:6-9.
[Mga mapa sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Lugar ng mga Gorilyang Bundok
DEMOCRATIC REPUBLIC OF CONGO
Lake Kivu
UGANDA
RWANDA
APRIKA
Pinalaking Lugar
[Credit Line sa pahina 18]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.