Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang Pagbukod ng mga Anak Naaliw ako sa seryeng “Kapag Bumukod Na ang mga Anak.” (Enero 22, 1998) Tatlo sa aming apat na anak ang tatlong taon nang nakabukod. Bagaman inaasahan ko namang darating ang panahon na sila’y bubukod, hindi ko akalain na tatlo sa kanila ang sabay-sabay na aalis! Lubos kong pinasasalamatan ang pagmamalasakit ng Samahang Watch Tower sa damdamin ng mga magulang.
M. S., Hapón
Sa kasalukuyan, kaming mag-asawa’y naglilingkod bilang mga special pioneer, o pambuong-panahong ebanghelisador, sa labas ng aming sinilangang estado. Talagang naging mabisa ang payo ninyo kung paano maipakikita sa aming mga magulang na sila’y mahal pa rin namin kahit kami’y malayo.
M. M. S., Brazil
Ako po’y 11 taóng gulang. Hindi ko po itinuturing noon na isang pagsasanay sa aking paglaki ang mga gawaing bahay. Pero ang mga artikulo pong ito ay nakatulong upang mabago ang aking pag-iisip. Salamat po sa pagmamalasakit ninyo sa amin na mga kabataan.
D. U., Yugoslavia
Mga Gorilya Ang artikulong “Pagdalaw sa mga Gorilyang Bundok” (Enero 22, 1998) ay nakawiwiling basahin. Hindi ko inakala kailanman na puwedeng makalapit nang gayon sa mga gorilya nang walang anumang marahas na sagupaan. Sa mga pelikula ay karaniwan nang inilalarawan ang mga ito bilang mababangis na hayop. Salamat sa gayong napakahusay na artikulo.
R. P., Venezuela
Pagkautal Tanggapin ninyo ang aking taos-pusong pasasalamat dahil sa artikulong “Kung Paano Ko Naharap ang Pagkautal.” (Enero 22, 1998) Ang karanasan ni Sven Sievers ay lalo nang nakapagpalakas-loob sa akin, yamang magkatulad ang aming problema. Sa nakalipas na mga taon, nakatulong sa akin ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro upang maging mas matatas na tagapagsalita.
E. Z. S., Brazil
Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay ginaganap linggu-linggo sa lokal na mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova.—ED.
Humanga ako sa positibong saloobin ni Sven Sievers sa kabila ng mga hadlang. May isang kapatid na lalaki sa aming kongregasyon na nakikipagpunyagi sa pagkautal. Makikipag-usap na ako ngayon sa kaniya nang may higit na paggalang at pagmamalasakit.
K. K., Hapón
Ako man ay isa ring utal mula pa sa pagkabata. Natukoy ninyo nang husto ang punto nang sabihin ninyong dapat unawain ang isang utal sa halip na kaawaan siya. Salamat sa artikulong ito.
E. C., Italya
Pagtutol ng Magulang Katatanggap ko pa lamang ng isyu ng Enero 22, 1998, at kababasa lamang ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kung Tutol ang mga Magulang Ko sa Aking Pag-aasawa?” Akala ko’y mali ako sa pagtutol sa pag-aasawa ng aking anak na babae. Ngunit nasa artikulo ang lahat ng bagay na ikinababahala ko—ang kaniyang murang edad, ang personalidad ng magiging asawa niya, ang inaasahang pakikipamatok niya sa hindi kapananampalataya, ang posibilidad ng AIDS, at pagkakaiba ng kultura. Idinadalangin kong sana’y maabot ng artikulong ito ang puso ng aking anak.
N. B., Estados Unidos
Tunay na napakaganda ng pagkakasulat ng artikulong ito! Tinalakay ninyo ang isang maselan na paksa at angkop na angkop ang pagkakatalakay rito. Maraming iba’t ibang isyu ang ibinangon, anupat tinutulungan ang mambabasa na magkaroon ng bukas na isipan hinggil sa mga bagay na ito.
S. C., Estados Unidos
Walong taon na ako sa pagiging pambuong-panahong ebanghelisador. Mga Kristiyano rin ang aking mga magulang, at nakipagtalo ako sa kanila hinggil sa aking pasiyang mag-asawa. Maraming salamat sa paglalaan ninyo ng nakatutulong na mga impormasyong ito.
T. C. F., Tanzania