Gabon—Kanlungan ng mga Hayop-Gubat
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA GABON
GUNIGUNIHIN ang isang dalampasigan sa tropiko kung saan nanginginain ang mga elepante, nagtatampisaw ang mga hipopotamus, at sama-samang lumalangoy ang mga balyena at dolphin. Hindi na bago ang ganitong tanawin sa baybayin ng Aprika na may habang 100 kilometro.
Maliwanag na kailangang ingatan ang pambihirang baybayin na ito para makita pa ito ng susunod na mga henerasyon. Mabuti na lamang, noong Setyembre 4, 2002, may isinagawa nang mga plano para maisakatuparan ang tunguhing ito. Nang araw na iyon, idineklara ng presidente ng Gabon na gagawing pambansang mga parke ang 10 porsiyento ng bansa—pati na ang kahabaan ng malinis na baybayin.
Maraming magagandang likas na tanawin, hayop, at mga halaman sa iláng na ito na mga 30,000 kilometro kuwadrado ang lawak. “Ang Gabon ay posibleng maging popular na pasyalan ng mga tao mula sa apat na sulok ng daigdig na gustong magmasid sa nalalabing kamangha-manghang mga nilalang sa lupa,” ang sabi ni Presidente Omar Bongo Ondimba.
Bakit napakahalaga ng protektadong mga lugar na ito? Magubat pa rin ang mga 85 porsiyento ng Gabon, at ang 20 porsiyento ng mga halaman nito ay dito lamang makikita. Bukod diyan, ang mga kagubatan nito na malapit sa ekwador ay nagsisilbing kanlungan ng mga gorilya, chimpanzee, elepante, at iba pang mga uri ng hayop na nanganganib nang malipol. Dahil sa mga bagong parke na ito sa Gabon, mabibigyan na ng proteksiyon ang iba’t ibang uri ng hayop at halaman sa Aprika.
Loango—Kakaibang Dalampasigan
Ang Loango National Park marahil ang isa sa mga namumukod-tanging pasyalan sa Aprika kung saan mapagmamasdan ang mga hayop sa likas na tirahan ng mga ito. Saklaw nito ang malinis at napakahabang dalampasigan na malapit sa tubig-tabang na mga lawa at makapal na kagubatang malapit sa ekwador. Pero ang talagang kakaiba sa dalampasigan ng Loango ay ang pagala-galang mga hayop sa buhanginan—hipopotamus, elepante, bupalo, leopardo, at gorilya.
Bakit gustung-gusto ng mga hayop sa gubat ang dalampasigang ito? May malago kasing mga pastulan sa kahabaan ng maputi at mabuhanging dalampasigan ng Loango, kung saan maaaring manginain ang mga hipopotamus at bupalo. Saganang namumunga ang mga puno ng palmang Rônier sa dalampasigan at gustung-gusto ng mga elepante ang mga bunga nito. Pero ang pinakagusto ng mga hayop dito ay ang katahimikan. Bakas lamang ng paa ng mga hayop ang makikita sa buhanginan.
Dahil walang nakatira sa liblib na mga dalampasigang ito, dito gustong mangitlog ng mga leatherback turtle, isang uri ng pagong na nanganganib nang malipol. Dito rin gustong manirahan ng mga rosy bee-eater. Sama-sama silang namumugad sa buhanginan na halos inaabot ng tubig kapag high tide. Sa mga buwan ng tag-araw, mahigit sanlibong humpback whale ang nagsasama-sama sa tahimik na katubigan ng Loango para magparami.
Dalawang malalaking lawa ang nasa pagitan ng dalampasigan ng Loango at ng kagubatang malapit sa ekwador. Angkop na tirahan ito para sa mga buwaya at hipopotamus. Namumutiktik sa isda ang mga lawang ito na napalilibutan ng mga bakawan. Umaali-aligid sa lawa ang mga lawing-dagat at African fish eagle para maghanap ng makakain, samantalang ang ilang uri naman ng makukulay na kingfisher ay naghahanap ng mahuhuling isda sa mababaw na katubigan. Ang mga elepanteng mahilig sa tubig ay masayang lumalangoy patawid sa mga lawa para makarating sa dalampasigan at magpakabusog sa kanilang paboritong prutas.
Sa loob mismo ng kagubatan, nagpapalipat-lipat sa mga sanga ng matataas na punungkahoy ang mga unggoy, habang lilipad-lipad ang makukulay na paruparo sa maaliwalas na mga lugar. Humahapon ang mga bayakan sa kanilang paboritong mga puno kapag araw at abala naman sa gabi sa kanilang mahalagang gawain—ang pagkakalat ng mga binhi sa kagubatan. Sa gilid ng kagubatan, ang mga sunbird na may makisap na balahibo ay sumisipsip ng nektar ng mga namumulaklak na puno at palumpong. Hindi kataka-takang ilarawan ang Loango na “isang lugar kung saan mo makikita ang tunay na ganda ng Aprika na malapit sa ekwador.”
Lopé—Isa sa mga Huling Pag-asa ng mga Gorilya
Saklaw ng Lopé National Park ang isang malawak at hindi pa nagagalugad na maulang kagubatan. Sa gawing hilaga ng parke, mayroon ding mga sabana at mga sapa na natatamnan ng mga puno sa kahabaan ng pampang nito. Magandang lugar ito para sa mga mahilig magmasid sa kalikasan at gustong makakita ng mga gorilya, chimpanzee, o mandrill sa kagubatan. Mga 3,000 hanggang 5,000 gorilya ang pagala-gala sa protektadong lugar na ito na may lawak na 5,000 kilometro kuwadrado.
Tandang-tanda pa ni Augustin, isang dating opisyal sa parke, ang kaniyang pambihirang karanasan noong 2002. “Habang naglalakad sa gubat, nakakita ako ng isang pamilya ng apat na gorilya,” ang sabi niya. “Tumayo sa harap ko ang dambuhalang barakong gorilya na mga 35 taóng gulang at pinakamatanda sa grupo. Malamang na ang timbang niya ay mas mabigat nang tatlong ulit kaysa sa akin. Gaya ng tagubilin, agad akong umupo at yumuko para ipakitang hindi ako lalaban. Tinabihan at inakbayan ako ng gorilya. Saka niya hinawakan ang aking kamay at inusisa ang palad ko. Nang makumbinsi siyang hindi ako banta sa kaniyang pamilya, kampante siyang nagpatuloy sa paglalakad sa kakahuyan. Hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Ang sarap pala ng pakiramdam na makasama ang mga hayop sa likas na tirahan ng mga ito. Pinapatay ng mga tao ang gorilya para kainin o dahil sa maling palagay na mapanganib ang mga ito. Pero ang totoo, mababait ang mga hayop na ito at dapat silang pangalagaan.”
Sa Lopé, ang mga mandrill, o malalaking baboon, ay nagpapangkat-pangkat sa malalaking grupo na kung minsan ay binubuo ng mahigit sanlibo. Dito makikita ang pinakamalalaking pangkat ng mga tsonggo sa daigdig, at talaga namang napakaingay ng mga ito. May kuwento ang isang turista sa Cameroon hinggil sa nakita nilang isa sa malalaking grupo ng mga mandrill.
“Dahil sa radio collar na nakakabit sa ilang hayop, nalaman ng aming giya na may paparating na mga mandrill. Inunahan namin ang grupo, at agad kaming gumawa ng mapagtataguan kung saan puwede naming makita ang mga mandrill habang dumaraan ang mga ito. Habang nag-aabang, 20 minuto kaming nasiyahan sa magandang huni ng mga ibon at insekto. Pero biglang nabasag ang katahimikan nang papalapit na ang pangkat ng mga tsonggo. Parang may paparating na malakas na bagyo dahil sa naririnig naming langitngit ng nababaling mga sanga at sa ingay na nililikha ng mga tsonggo. Pero nang mamataan namin ang [mga tsonggo sa unahan ng grupo], para pala silang mga sundalong isinugo upang magmatiyag sa teritoryo ng kaaway. Ang malalaking barakong tsonggo ang nangunguna, anupat mabilis na naglalakad sa kagubatan, samantalang ang mga babae at batang tsonggo ay nagpapalipat-lipat sa mga sanga ng matataas na punungkahoy. Walang anu-ano, biglang huminto ang isa sa malalaking barakong tsonggo at luminga-linga na parang nagsususpetsa. Isang batang mandrill na palipat-lipat sa mga sanga ang nakakita sa amin kaya nag-ingay siya bilang babala sa kaniyang mga kasama. Binilisan ng grupo ang kanilang paglakad, at lalo pa silang nag-ingay para ipakitang nayayamot sila. Sa loob lamang ng ilang minuto, naglaho na sila. Ayon sa aming giya, mga 400 mandrill ang dumaan.”
Kasing-ingay rin ng mga mandrill ang mga chimpanzee, pero mas madalang makita ang mga chimpanzee dahil mabilis silang kumilos at madalas silang pagala-gala sa kagubatan para maghanap ng makakain. Hindi ito katulad ng mga putty-nosed monkey na malimit makita ng mga turista dahil kung minsan ay patalun-talon lamang ang mga ito sa sabana na nasa hangganan ng kagubatan. Marahil ang pinakamailap na hayop sa Lopé ay ang sun-tailed monkey, isang uri ng unggoy na natuklasan mga 20 taon pa lamang ang nakalilipas at doon lamang sa Gabon matatagpuan.
Nag-iingay ang malalaki at makukulay na mga ibon sa gubat—gaya ng mga turaco at kalaw—na parang nagpapapansin. Mga 400 uri ng ibon ang naitalang namumugad sa parke, kaya dinadayo ito ng mga turistang mahilig magmasid sa mga ibon.
Kanlungan ng Iba’t Ibang Uri ng Hayop at Halaman
Ang Loango at Lopé ay 2 lamang sa 13 pambansang parke sa Gabon. Ang iba pang parke ay nagsisilbing kanlungan para sa mga bakawan, bibihirang mga halaman, at nandarayuhang mga ibon. “Ibinukod ng Gabon ang pinakamainam na mga ekosistema na masusumpungan sa buong bansa,” ang paliwanag ni Lee White ng Wildlife Conservation Society. “Kapansin-pansin hindi lamang ang lawak kundi ang mga katangian din ng protektadong mga lugar na ito. Noong 2002, mabilis silang nakabuo ng napakahusay na sistema upang mapangalagaan ang pambansang mga parke na magsasanggalang sa lahat ng iba’t ibang uri ng hayop at halaman sa bansa.”
Siyempre, marami pa rin silang kinakaharap na problema, gaya ng prangkahang inamin ni Presidente Bongo Ondimba. Ganito ang sabi niya: “Kailangan ang pakikipagtulungan ng buong daigdig sa kampanyang ito, na magsasangkot ng pangmatagalan at pansamantalang mga sakripisyo upang maabot ang layuning maingatan ang kamangha-manghang kalikasang ito para sa susunod na mga henerasyon.”
[Mga mapa sa pahina 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
APRIKA
GABON
Ang 13 pambansang parke ng Gabon
Lopé National Park
Loango National Park
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
“Humpback whale” at kuha ng Loango mula sa himpapawid
[Credit Line]
Whale: Wildlife Conservation Society
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
“Mandrill” (kaliwa) at gorilya (kanan)
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Robert J. Ross