Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maiiwasang Masakal ng Aking Kaibigan?
“Gumagawi ang aking kaibigan na para bang ako’y pag-aari niya. Para niya akong sinasakal.”—Hollie.
“MAY kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid,” sabi ng isang pantas na kawikaan. (Kawikaan 18:24) At kung may kaibigan ka na kapareho mo ang paninindigan, hilig na magpatawa, o mga interes, likas lamang na ibig ninyong maging magkasama. Ganito ang sabi ng isang kabataan na nagngangalang Caroline: “Ang aking matalik na pakikipagkaibigan sa ilan sa Kristiyanong kongregasyon ay bunga ng pakikibahagi namin sa mga gawain nang sama-sama.” Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, naglalaan si Caroline ng isang buwan na doo’y nagplano siyang gumugol ng 60 oras sa gawaing pag-eebanghelyo. Isinaayos ng kaniyang mga kaibigan ang kanilang mga iskedyul upang matulungan siya sa gawaing ito!
Ngunit bagaman may mga pakinabang sa pagsasama-sama, kung minsa’y parang lumalabis ito. Si Hollie, na nabanggit sa pasimula, ay nakadaramang nasasakal na siya ng isa sa kaniyang mga kaibigan. At hindi lamang siya ang nakadarama ng ganito. Sinabi ni Hollie: “Waring nangyayari rin ito sa ibang kabataan. Halos lahat ng panahon ay magkasama sila hanggang sa nag-aaway na sila. Pagkatapos ay matagal silang hindi nag-uusap.”
Ang problema, hindi madaling sabihin sa isang kaibigan na ikaw ay nasasakal na at na ibig mong mapag-isa. Baka mangamba kang masaktan mo ang damdamin ng iyong kaibigan. Baka nangangamba ka ring masira ang inyong kaugnayan. Subalit ang makatuwirang distansiya sa isang pagkakaibigan ay malamang na mas makatulong kaysa makasakit.
Upang ilarawan: Sa isang pampublikong hardin sa Sydney, Australia, isang malaking punungkahoy ang kinailangang palibutan ng isang kadenang bakod. Bakit? Dahil ang lupa ay unti-unting sinisiksik ng napakaraming bisita at nasasakal ang mga ugat. Kung hindi naingatan, baka namatay na ang punungkahoy. Totoo rin ito sa mga magkakaibigan. Ang palaging pagsasama ay maaaring sumakal sa isang relasyon. Sumulat si Haring Solomon: “Maging madalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa, baka mapuno na siya sa iyo at tiyak na kapootan ka.”—Kawikaan 25:17.
Kailangan ng Panahon Para sa Sarili at ng Pribadong Buhay
Bakit sinabi ito ni Solomon? Una, tayong lahat ay nangangailangan ng panahon para sa sarili at ng pribadong buhay. Maging si Jesu-Kristo ay nangailangan nito. Bagaman malapit siya sa kaniyang mga alagad, sa pana-panahon ay umaalis siya “nang bukod upang manalangin.” (Mateo 14:23; Marcos 1:35) Gumugol din naman ang may-takot-sa-Diyos na si Isaac ng panahon upang mapag-isa. (Genesis 24:63) Kailangan mo rin ng ilang panahon para sa sarili upang asikasuhin ang mga bagay tulad ng mga araling-bahay, gawain sa bahay, at ng iyong personal na pag-aaral ng Bibliya. At kung hindi magpapakita ng konsiderasyon ang iyong mga kaibigan sa bagay na ito, baka madali kayong mag-away.
Kung gayon, huwag kang matakot na ipaalam sa isang kaibigan kung kailangan mo ng panahon para sa iyong sarili. Yamang ang Kristiyanong pag-ibig ay “hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito,” ang isang tunay na kaibigan ay kadalasang magsisikap na maging maunawain. (1 Corinto 13:4, 5; Kawikaan 17:17) “Kapag malapit na ang aking mga panghuling pagsusulit,” isinulat ng isang kabataan, “ang aking mga kaibigan ay totoong matulungin at maunawain. Maluwag sa loob kong paalisin sila kapag kailangan ko ng panahon para mag-aral. Madaling maging tapat sa aking mga kaibigan; alam nila na tayong lahat ay may mga responsibilidad.”
Sabihin pa, hinihiling ng Ginintuang Alituntunin na magpakita ka ng katulad na konsiderasyon sa iyong mga kaibigan. (Mateo 7:12) Ganito ang isinulat ng isang kabataang nagngangalang Tamara: “Ang pagkakaroon ko ng maraming responsibilidad ay tiyak na nagpadama sa akin na kailangan ng aking kaibigan ang panahon para sa kaniyang sarili.” At kapag may mga gawain si Tamara sa tahanan, hindi siya pinagmamadali ng kaniyang mga kaibigan na tapusin ang mga ito o iwan muna at saka na lamang gawin ito. Sa halip, sabi ni Tamara, “kadalasa’y tinutulungan nila ako sa aking gawain para makagawa na kami ng mga bagay nang sama-sama pagkatapos nito.” Tunay na isang kayamanan ang gayong di-mapag-imbot na mga kaibigan—at talaga namang iyon ay isang kapaki-pakinabang na paggamit ng panahon nang magkakasama!
“Magpalawak”
May isa pang dahilan kung bakit isang katalinuhan na maglagay ng distansiya sa isang pagkakaibigan. Kapag ibinubuhos natin ang lahat ng ating panahon at emosyon sa isang kaibigan, baka makaligtaan natin ang ibang mahahalagang ugnayan—gaya ng kaugnayan natin sa ating mga magulang at mga kapatid at sa iba pang Kristiyano. Nalilimitahan din natin nang malaki ang ating emosyonal at espirituwal na pagsulong. Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal mismo ay pinatatalas. Gayon pinatatalas ng tao ang mukha ng iba.” (Kawikaan 27:17) Maliwanag, limitado lamang na ‘pagpapatalas’ ang natatanggap mo sa pakikisalamuha sa isa lamang tao—lalo na kung ang isang iyon ay kaedad mo.
Kaya hindi inirerekomenda ng Bibliya ang pagiging pihikan, limitado, o may pagtatangi sa pagpili ng ating mga kaibigan. Hinihimok tayo nito na “magpalawak.” (2 Corinto 6:13) “Kahit na mayroon kang pantanging kaugnayan sa isang tao,” payo ng aklat na Moods and Feelings, “mahalaga na maglaan din ng panahon para sa ibang kaibigan.”
Hindi laging madaling ikapit ang gayong payo. Ganito ang sabi ng isang Kristiyanong kabataan na nagngangalang Michael: “Palagi kaming magkasama ni Troy, kapuwa sa kongregasyon at sa mga lakaran. Hindi kami mapaghiwalay. Pagkatapos ay lumipat sa kongregasyon ang isa pang kabataang Saksi. Ibig naming dalawa na maglingkod na magkasama bilang buong-panahong ebanghelisador, kaya nagsimula kaming gumugol ng panahon nang magkasama.” Ang resulta? “Hindi na ako kinausap ni Troy,” sabi ni Michael, “at pagkatapos ng pagsisikap na makipagkasundo sa kaniya na nawalan ng saysay, hindi ko na siya kinausap. Tumagal ito sa loob ng isang taon.” Inilarawan niya ang kanilang pagkakaibigan na “masyadong mapanibughuin.”
Subalit sa isang mahusay na pagsasamahan, hindi itinuturing ng magkakaibigan na pag-aari nila ang isa’t isa. Kaya kung sinasalungat ng isang kaibigan ang pagsisikap mong magpalawak, kailangan ninyong mag-usap nang masinsinan. Baka kailangan lamang na tiyakin mo sa iyong kaibigan na mahalaga pa rin sa iyo ang inyong pagiging magkaibigan. Linawin mo na patuloy pa rin kayong gagawa ng mga bagay nang magkasama.
Totoo, baka hindi agad maunawaan ng inyong kaibigan ang ideyang ito. Halimbawa, ang 16-na-taong-gulang na si Zaneta ay nagselos nang magsimulang gumugol ng panahon kasama ng iba ang kaniyang matalik na kaibigan. Ngunit sinabi ni Zaneta na napagtagumpayan niya ang damdaming ito, “dahil sa panalangin at personal na pag-aaral ng Bibliya.” Kaya napanatili niya ang matalik na kaugnayan sa kaniyang kaibigan. Napagtagumpayan din ng kaibigan ni Michael na si Troy ang kaniyang pagseselos noong una, at sila’y muling naging mabuting magkaibigan. Marahil ay gayundin ang gagawin ng iyong kaibigan. Ang totoo, sa dakong huli, sa pagpapalawak ay makikinabang ang lahat ng nasasangkot. Natuklasan ng 17-taong-gulang na si Debbie na kapag nagkakaroon ng mga bagong kaibigan ang kaniyang mga kaibigan, “kadalasang nagiging kaibigan ko rin sila.”
Subalit paano kung talagang ayaw tanggapin ng iyong kaibigan ang mga pagbabagong ito sa inyong kaugnayan? Baka wala ka nang pagpipilian kundi ang paghihiwalay. Gayunman, bago ipasiyang tapos na ang lahat, bakit hindi tanungin ang iyong mga magulang kung ano ang masasabi nila tungkol dito? Tutal, ang may-takot-sa-Diyos na mga magulang ang siyang talagang pinakamatatalik mong kaibigan. At baka mayroon silang praktikal na mga mungkahi na makatutulong upang masagip ang inyong pagkakaibigan nang hindi ka nasasakal.
Gumugol ng Panahon Kasama ng Tamang mga Kaibigan
Isang babala: Ang pagpapalawak ay hindi nangangahulugan na hindi ka na mag-iingat sa pagpili ng iyong mga kaibigan. Ganito ang sabi ng isang aklat tungkol sa pagkakaibigan: “Likas lamang na maging kagaya ka ng mga taong palagi mong kasama. Maaari itong mangyari kung minsan nang hindi mo namamalayan. Baka magsimula kang mag-isip at kumilos kagaya ng iyong mga kasama anuman ang iyong nadarama. Sa ganitong paraan, baka makontrol ka na ng iyong mga kasama.” Ganito ring punto ang idiniin ng Bibliya libu-libong taon na ang nakalipas nang sabihin nito: “Ang lumalakad na kasama ng marurunong na tao ay magiging marunong, ngunit siyang may pakikipag-ugnayan sa mga hangal ay malalagay sa masama.”—Kawikaan 13:20.
Kapag ikaw ay nasa paaralan o nasa trabaho, baka kailanganin mong gumugol ng panahon kasama ng mga taong hindi interesadong maglingkod kay Jehova. Ngunit kapag pumipili ng matalik na mga kasama, tandaan ang payo ng Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng mabuting pagkatao.”—1 Corinto 15:33, Today’s English Version.
Tandaan din na ang mas mahalaga kaysa sa pakikipagkaibigan sa sinumang tao ay ang pakikipagkaibigan sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Si Debbie, na nabanggit na, ay may maraming kaibigan. Ngunit ang payo niya ay “tiyaking si Jehova ang laging nauuna.” Gayon ang ginawa ng tapat na si Abraham noon, at siya’y pantanging tinawag ni Jehova na “aking kaibigan.” (Isaias 41:8) At isipin ito: Hindi naiinggit si Jehova sa pagbibigay mo ng panahon sa iyong mga kaibigan na nagmamahal din sa kaniya; sa katunayan, pinasisigla niya ito. Talagang isa siyang tunay na Kaibigan!
[Larawan sa pahina 18]
Kinikilala ng tunay na magkakaibigan ang pangangailangan ng isa’t isa ng panahon para sa sarili